frchito

Archive for Oktubre, 2008|Monthly archive page

PAG-ALALAY, PAG-AALAY, PAGNINILAY

In Araw ng mga Patay,Homily in Tagalog,Pagninilay sa Ebanghelyo,Sunday Homily,Tagalog Sunday Reflections on Oktubre 29, 2008 at 20:26

Araw ng mga Kaluluwa
Nobyembre 2, 2008

Tayong mga Pinoy ay bihasa sa pag-alalay sa mga nangangailangan. Dahil sa tayo ay nasa konteksto ng isang mahirap na bansa, ang pagtabang, pagtulong, o pag-alalay sa kaninumang may matinding pangangailangan ay isa sa pinakamagandang kaugaliang Pilipinong taglay pa ng marami.

Maging sa larangan ng mga buhay at sa larangan ng mga namatay o yumao, itong pag-alalay na ito ay hindi maikapagkakaila. Iyan ang dahilan kung bakit tuwing undas (undras sa amin sa Cavite), abalang-abala ang lahat, at balisang-balisa sa paghahanda, paglilinis, at pananatili sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay na nauna na sa kanila. Taon-taon, ang puntod ay nakakatanggap ng “extreme makeover” – ng paglilinis at pagpipinta sa maraming pagkakataon.

Nguni’t sa diwa ng pananampalatayang Kristiyano, ang pag-alalay na ito ay may higit pang malalim na kahulugan. Ito ang diwa ng pag-aalay, ng pagkakaloob ng mga panalanging patungkol sa mga kaluluwa ng mga yumao. Bukod sa mga bulaklak na alay sa puntod, marami sa atin ang nag-aalay ng mga pamisa,  at ng iba pang mga panalangin para sa kanilang ikaluluwalhati.

Ang lahat ng ito ay naghahatid sa atin sa isang higit na malawak na pagninilay tungkol sa kamatayan. Lahat tayo ay may angking takot sa pagkamatay. Marami sa atin ang sinasagian ng pangamba o takot kapag napag-uusapan ang pagkamatay. Maraming mga kultura sa ibang bansa, tulad ng America, na dahil sa sobrang pagpapahalaga sa pagkabata ay nakukublihan ang katotohanang ang buhay ay may wakas o hangganan. Ginagawa ng mga kulturang ito ang lahat upang itago ang kapaitan ng kamatayan.

Sa araw na ito, ang katotohanang ito ay hindi itinatago, bagkus, ipinagdiriwang. Ito ang kahulugan ng liturhiya – pagdiriwang, paggunita, at paghawak sa pangako ng hinaharap ng buhay ng tao. Ito ang  maliwanag na sinasaad sa prepasyo ng patay. Sa pananampalatayang Kristiano, ang buhay ay hindi nagwawakas, kundi nagbabagong anyo lamang. Ang pagkamatay ay hindi siyang wakas ng buhay ng tao kundi daan patungo sa tunay na buhay.

Samakatuwid, ang kamatayan, ayon sa kristianong pagninilay, ay puno ng pangako, puno ng pag-asa. Kung gayon, ang mata ng pananampalatayang kristiyano ay iba ang nakikita sa karanasang makatao ng kamatayan.

Iyan marahil ang nasa likod ng kakaiba nating kasayahan sa araw ng mga patay. Puno ang mga sementeryo kahapon. Puno rin ng tila malinaw na pagdiriwang ang maraming tao. Halos piyesta ang dating sa maraming lugar sa buong bansa.

Nguni’t hindi ito lubos na kristiano hangga’t hindi natin naaabot ang diwa at kabuuan ng lahat ng  pagsasayang ito. Sa pagdiriwang, sa paggunita sa mga yumao, ang ating pag-alalay, at pag-aalay ay dapat mauwi sa rurok ng ating pagninilay – tungkol sa katotohanang ang hantungan ng buhay ng tao ay walang iba kundi ang Diyos. Siya ang nagkaloob ng buhay. Siya rin ang bumawi sa pahiram na buhay na ito. At Siya rin ang nagkakaloob sa atin ng pangako at katuparan ng buhay na walang hanggan.

Sumalangit nawa ang mga kaluluwa ng mga nangamatay nating mga kamag-anak at kapanalig!

PAG-IBIG, HINDI PAGKABIG!

In Homily in Tagalog,Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo,Pagninilay sa Ebanghelyo,Sunday Reflections,Taon A on Oktubre 20, 2008 at 17:21

Ika-30 Linggo ng Taon(A)

Oktubre 26, 2008

Mga Pagbasa: Exodo 22:20-26 / I Tesalonika 1:5c-10 / Mt 22:34-40

Ang unang pagbasa ay isang liksiyon na parang akmang-akma sa ating panahon. Ito ay may kinalaman sa hindi pagsasamantala sa mga taong dala ng kanilang katatayuan ay napakadaling pagsamantalahan: ang mga maglalakbay at banyaga, ang mga balo, at mga ulila. Sa batas ng Diyos na inihabilin kay Moises, mayroong espesyal na pagtatangi ang Diyos sa mga mahihina, marurupok, mga talusaling, at mga walang kaya sa lipunan.

Ang Linggong ito ay nakalaan sa isang napakahalagang usapin – pag-ibig.

May isang manunulat na isang psychotherapist na nagsabing may dalawang posibleng saloobin ang lahat ng tao. Ang tao, aniya, ay puedeng mapabilang sa tinatawag niyang “takers” o “givers.” Bagama’t hindi ito ang kabuuan ng kanyang sinasabi, puede natin maunawaan ang mga pagbasa sa araw na ito sa pamamagitan ng lenteng ito.

Tayong lahat, kung gayon, ay puedeng mapabilang sa mga hanay ng mga pakabig o sa lupon ng mga taong mapagkaloob – mga taong pasunggab o mga taong puno ng pag-ibig sa kapwa.

Noong isang Linggo, pinaalalahanan tayo ng Panginoon na may tungkulin tayo kay Cezar at may tungkulin at pananagutan din tayo sa Diyos. Hindi kailangang may alitan o oposisyon sa dalawang ito. Bilang mamamayan sa lupa, mayroon tayong pananagutan sa lipunan, subali’t bilang mamamayan ng langit, ay mayroon rin tayong pananagutan sa Diyos na siya lamang Diyos, as wala nang iba.

Nakita natin noong isang Linggo, na sa kadahilanang ang ating lipunan ay nababalot ng susun-susong mga katiwalian, kadayaan, at katakawan at pagkakanya-kanya, malayo tayong mapabilang ni sa mga maka-Cezar, ni sa mga maka-Diyos. Sa galing natin bilang Pilipino sa pagtakas sa batas, sa galing nating magpalusot sa lahat ng gusot, at sa malaki nating kakayahan na iwasan ang lahat ng pananagutan sa kapwa, sa lipunan, sa kalikasan, at maging sa Diyos, malinaw pa kaysa sa sikat ng araw, na tayo ay hindi para kay Cesar, at lalong hindi para sa Diyos!

Kung gayon, para kanino tayo?

Ito ang malaking palaisipang hatid sa atin ng mga pagbasa sa araw na ito. Tayo ba ay pakabig o mga taong tigib ng pag-ibig?

Sa aklat ng Esodo, malinaw na hindi inaaprubahan ng Diyos ang pagsasamantala. Madaling pagsamantalahan ang banyaga. Ang banyaga ay tila isa ng isdang wala sa tubig. Tuliro ang banyaga sa dayuhang bayan. Madaling maloko; madaling masilo at ma-engganyo. Ang puso ng Diyos ay kapanig sa mga banyagang walang kamuang-muang. Gayundin, hindi pinapanigan ng Diyos ang mga nanlilinlang sa mga balo – sa mga babaeng dala ng pagtangis at pagluluksa, ay hindi malinaw ang pag-iisip. At higit sa lahat, hindi masaya ang Diyos sa pagsasamantala sa mga ulila. Sila ang pinakawalang-kaya sa lahat.

Kung ating titingnan ang mga nagaganap sa ating lipunan, hindi maikapagkakaila na napakapalasak ang pagsasamantala. Ilang mga balo ang nawalan ng kanilang ipon dahil sa mga pyramidal schemes o mga raket hinggil sa pananalapi? Ilang mga balikbayan ang umuuwi sa America o saanman, na nawalan ng credit card, o napabili ng bagay na walang silbi, sapagkat mayroong mabilis pa sa alas kwatro ang isip sa pagsasamantala sa kapwa? Ilang milyong mga Pilipino ang naloloko ng mga politicong sanga-sanga ang dila, na bago mag halalan ay puno ng pulot pukyutan ang bibig, nguni’t sa oras na mahalal ay napapalitan at napupuno ng kapaitan ang puso ng mga taong nalinlang? Ilang mga kabataan ang disin sana ay napaganda ang kinabukasan sa pamamagitan ng magandang edukasyon, nguni’t nabigo at naunsyami sa kadahilanang ang perang para sa mga aklat ay nawaldas at pinaghati-hatian ng mga tiwaling kawani ng kawanihan ng edukasyon? Ilang mga sundalong nakikipagbakbakan sa kaaway at isinusuong ang buhay sa larangan ng giyera ang wala ni sapatos, wala ni pagkain sapagka’t ang budget na wala pang 80 piso sa pagkain ay nababawasan pa at pinaghahati-hatian ng mga nakatataas na opisyal?

Ang aking listahan ay higit pa rito. Maraming dahilang upang magdugo hindi ang ilong, kundi ang puso ng maraming nakakaunawa. Ang tugon natin sa unang pagbasa ngayon ay tugon ng isang dukha – ng anawim ni Yahweh, na pinagpala sapagka’t bagama’t wala nang ibang tutulong, ay nasa panig nila ang Diyos: “Mahal kita, O Diyos, aking lakas at kalasag!”

Mahirap unawain ang turo ng Diyos na umibig. Kay daling manatiling pakabig, pasunggab, at patanggap. Ito ang ginagawa ng sangkatauhan sa mula’t mula pa. Matindi ang pagsasamantala ng tao sa kalikasan, tulad ng mga trosong patuloy na ibinababa sa bundok ng Sierra Madre, tulad ng mabilis na pagkamatay ng lawa ng Bay sa Laguna, at lawang Taal, sa Batangas. Pakabig ang batas na nasusunod. Di maglalaon ay tuluyan nang mamamatay ang mga isdang tawilis at maliputo sapagka’t ang mga pribadong baklad ng mga palaisdaan ay walang puknat na kumakabig at kumikita nang walang pakundangan sa kinabukasan at kapakanang pangkalahatan, at walang pansin sa kinabukasan.

Tuloy tuloy ang ating pagkabig … sa paggamit na walang patumangga ng mga plastic, ng mga shampoo satchet, ng mga Styrofoam na kahon na hindi nabubulok. Pakabig, hindi pag-ibig ang modelong nasusunod sa larangan ng buhay. Tingnan lamang natin ang Sagada at ang Baguio. Di maglalaon ay ang modelong pakabig rin ang siyang maghahatid sa mga lugar na yaon upang maging tulad ng EDSA sa Maynila, na matatabunan ng mga billboards at patalastas ng mga gamut na nakapagpapaputi ng balat. Sa kabila ng ilan nang aksidente, ay patuloy pa ring nagbabagsakan ang mga kabitan ng mga dambuhalang larawan ng artista at politikong nag-aastang artista na nag-eendorso ng mga kung ano-anong mga pangkulapul sa katawan at sa mukha!

Mahirap ang umibig at kay dali ang kumabig. Subali’t ngayon, ang buhay ng Kristiyano ayon sa pagunita sa atin, ay hindi isang pamamasyal sa ilalim ng buwan. Ito ay isang pamumuhay na tulad ni Kristo. At ayon sa huling kabanata ng metanarrative ng kaligtasan ng tao – ng isang nagtutuloy at mahabang salaysay ng ating buhay kay Kristo, ang kaligtasang ito ay naganap sapagka’t si Kristo ay naging tao, at nagpakita sa atin ng matingkad na halimbawa na ang buhay natin ay dapat pamugaran at pamulaklakan, hindi ng saloobing pagkabig, kundi pag-ibig… sa Diyos at sa kapwa.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 337 other followers