frchito

Archive for Enero, 2012|Monthly archive page

BAGONG ARAL NA MAY KAPANGYARIHAN!

In Catholic Homily,Homily in Tagalog,Karaniwang Panahon,Taon B,Uncategorized on Enero 28, 2012 at 11:45

Ika-apat na Linggo ng Taon (B)

Enero 29, 2012

Mga Pagbasa: Dt 18:15-20 / 1 Cor 7:32-35 / Mk 1:21-28

BAGONG ARAL NA MAY KAPANGYARIHAN!

Sagana tayo ngayon sa dilubyo ng napakaraming salita. Sagana rin tayo sa tinatawag ng mga sosyolohikong “information overload.” Tulad ng sa dami ng pagkain, kung minsan, dapat tayong matutong mamili at magpigil, kung ayaw nating tumaba nang lubusan at magkasakit, dumating na ang puntong maging sa pagdaloy ng kaalaman at impormasyon, ay dapat ring tayong mag-dieta kumbaga.

Panay ang daloy ng kaalaman. Panay rin ang daloy ng kabulaanan sa lipunan. Maraming mapanlinlang na patalastas sa radio at TV at mga pahayagan, halimbawa. Wala tayo kamalay-malay, at naaakit tayo bumili ng kahit ano, na kamukat-mukatan pala ay hindi natin kailangan. Sa maraming lugar sa America at sa mayayamang bansa, bulto bulto ang patas ng kung ano-anong abubot, na bukas naman at makalawa ay ibinebenta na sa sunod-sunod na “garage sales” – na binubuo ng mga hindi pa nagagamit na kung ano-ano, sapagkat binili noong “sale” at wala nang mapaglagyan sa garahe.

Hindi ako masaya sa pagsasalin ng “authority” sa kapangyarihan. Ayon sa ebanghelyo, marami ang namangha sapagkat si Jesus ay nangaral nang may angking kapangyarihan. Nguni’t dapat natin himayin ito nang kaunti.

Sa Ingles, ang salitang “authority” ay galing sa Latin na “auctoritas,” na galing sa “auctor” (author o may-akda o may gawa), na galing rin naman sa pandiwang “augeo, augere, auxi, auctum” na ang ibig sabihin ay ang lumago o lumaki.

Nais ko sanang gawing simulain ito ng aking pagninilay sa araw na ito.

Maraming napakatabil sa TV, sa radio, at maging sa internet. Halos magkandarapa tayo sa pakikinig sa mga showbiz news, at sa maraming haka-haka tungkol sa buhay ng mga artista. Maraming salita, ngunit salitang hindi nakapagpapalago, at nakatutulong sa marami upang lumago at lumaki sa mata ng Diyos at ng tao.

Maraming pangaral tayong naririnig maging sa Simbahan. Nguni’t sa dami ng salita, na katumbas sa dami ng pagkaing walang sustansiya o nakasasama sa kalusugan, ay dapat rin nating salain … dapat rin nating piliin … at dapat siyasatin. Hindi lahat ng nagwiwika ng “panginoon, panginoon” ay kasangga ng Panginoong Jesucristo.

Kung gayon, ano ba kayang panuntunan ang dapat nating gamitin, upang magkaroon tayo ng kakayahang mamili, sumala, at kumilatis sa dami ng mga pananalitang ating naririnig?

Tingnan natin ang sinabi ni Moises sa unang pagbasa. Ang propeta, aniya, ay hindi ang sinumang nagbubuhat ng sariling bangko. Ang propeta, aniya, ay pinipili ng Diyos at sinusugo, tulad ng siya ay hinirang at ipinadala upang pamunuan ang kanyang bayan. Ito ang pangakong binitiwan ng Diyos sa pamamagitan ni Moises:  “Mula sa inyo, pipili ang Diyos ng propetang tulad ko, siya ang inyong pakikinggan.”

Ang pangakong ito ay natupad sa katauhan ni Jesucristo. Siya ang nagpakilala sa sinagoga. At nagpakilala siya hindi lamang sa pananalita, kundi lalu na sa gawa. Pinagaling niya ang mga maysakit. Pinalayas niya ang masasamang espiritu. Kung kaya’t nanggilalas ang mga tao at namangha!

Hindi kapanyarihang makamundo ang naging dahilan ng pagkamangha sa kanyang ginawa. Nangaral siya ng parang may kapangyarihan, totoo. Nguni’t hindi lamang kapangyarihang inaasahan ng mundo ang kanyang ipinakita, kundi ang kakayahang magpalago, magpalaki, magpaganap sa mga nanlulupaypay dahil sa karamdaman, dahil sa kapansanan, at higit sa lahat, sa pinakamatinding kapansanang dulot ng kasalanan!

Mayaman at malalim ang turo sa atin ng mga pagbasa sa araw na ito. Sa dami, dapat rin tayong mamili at isaisantabi muna ang iba, at ipokus natin sa iisang diwa ang pagninilay natin.

Ang diwang ito ay ang pagiging “auctor” ni Jesus, na nagdulot sa kanya ng kakayahang mangaral nang may “auctoritas,” na sa Tagalog ay nasalin bilang “kapangyarihan.”

Mayroon siyang kakayahan. Mayroon siyang angkin at taglay na kakayahan upang tayo ay mapagbago, upang tayo ay mapanuto. Marami sa atin ang gulong-gulo sa maraming bagay … Marami sa atin ay laging balisa sa maraming suliranin sa buhay. Hindi natin alam kung minsan kung saan susuling, saan babaling, at kanino hihiling ng kaliwanagan at kaalaman.

Marami sa atin ang bumabaling sa feng shui … sa horoscopio … sa mga manghuhula … at iba pa. Marami sa atin ay kagya’t nadadala ng iba’t ibang uri ng panlilinlang sa paligid natin.

Sa araw na ito, ipinaaalala sa atin na tanging si Jesus at ang kanyang sugo ay may pangaral na makapagpapalago sa atin. Tanging ang pananalita ni Jesus, na nagtuturo sa pamamagitan ng Simbahan ang siyang makapagbibigay sa atin ng timon, at guia, upang marating ang tadhanang inilaan niya sa atin. Tanging salita lamang ng Diyos ang may “auctoritas.” Tanging ang kanyang pangaral lamang ang maghahatid sa atin sa kaganapan ng panloob at tunay at wagas na kalayaan, na siyang maghahatid sa atin sa kaligtasan.

Huwag sana tayo madala sa sabi-sabi. Huwag sana tayo padala sa kinang ng ginto at ningning ng pilak, at busilak ng kamukat-mukatan natin, ay pwet lamang pala ng baso at hindi diamante. Maging mapanuri. Maging mapili. At matutong kumilatis. Manatili tayong naka-on-line o nakahimpil sa tamang estasyon … hindi ng radio, TV, o web site, o anuman.

Pakinggang natin si Jesus … tanging siya ang may bagong aral na may kapangyarihan!

LAHAT NG ITO AY MAPAPARAM!

In Uncategorized on Enero 20, 2012 at 16:22

Image

Ikatlong Linggo ng Taon(B)

Enero 22, 2012

Mga Pagbasa: Jonas 3:1-5.10 / 1 Cor 7:29-31 / Mc 1:14-20

 

Magandang larawan ng ating lipunan ngayon ang kwento ni Jonas. Ang lahat ay parang hindi inaasahan, hindi halos kapani-paniwala, at lihis sa parang normal na takbo ng salaysay. Una sa lahat, kakaiba ang utos ng Diyos kay Jonas – ang mangaral sa mga taga Nineve – isang bayang kinamumuhian ng Israel sapagkat isa ito sa mga nagpapahirap sa kanila, bilang capital ng imperyo ng Asiria, ang imperyong lalung nagpahirap sa kanila.

Ikalawa, si Jonas ay hindi lamang atubili. Hindi lamang mabigat ang kanyang puwet at ayaw gawin ang utos sa kanya ng Diyos. Sa halip na pumunta sa Nineve, pumunta siya papalayo sa kabaligtaran ng papuntang Nineve. At noong siya ay tumalima, hindi siya lubusang pumasok sa bayan, bagkus nagwika at nangaral sa bukana lamang ng siyudad.

At dito naganap ang himala ng pagbabalik-loob ng mga taong ayaw niyang makahalubilo. Nagbalik-loob ang mga taga Nineve, at nag-ayuno at nagsuot ng mga sako sa katawan. Naniwala sila sa matamlay na pangaral ng isang propetang nanghihinawa, at nag-aatubiling gumanap sa kanyang tungkulin.

Larawan ito ng aking nadarama sa karaniwang panahon. Matagal-tagal na ring panahon ang nagdaan magmula nakibaka ako at nakisama sa malawakang pag-aaklas noong 1986 – sa isang mapayapang pagtutol sa tiraniya ng isang ayaw bumaba sa pagka-upo nang matagal nang panahon. Noong panahong yaon, matayog ang ating mga pangarap, marangal ang ating mga inaasam, at naglagak tayong lahat ng matinding pag-asang makabangon tayo sa lahat ng uri ng kalalabisan at kawalang katarungan.

Nguni’t ngayon, tulad ni Jonas, ako ay nanghihinawa … nawawalan ng pag-asa sa pangitaing ang mundong iniikutan ko ay malayo pa sa katotohanan, katarungan, at kapayapaan. Sa halip nito ay nakalagak pa rin ang lumang estilo ng politikang gantihan, siraan, unahan, swapangan, at gipitan. At higit sa lahat ang mundo natin ngayon, at dito ay napapasailalim sa isang mapanlinlang na mass media, na nagsusuporta sa kung sino mang inaakala nilang makapananatili ng status quo kung saan sila ay nakikinabang. Ang mga komentarista ay nabibili ng mga may pera, at may platapormang pinangangalagaan.

Tulad ni Jonas, parang ayaw ko nang magwika. Parang gusto ko nang magpadala na lamang sa agos ng mga pangyayari at makisakay na lamang sa takbo ng mga pangyayaring, sa aking wari ay hindi mauuwi sa mabuti, para sa lahat, para sa kapakanang pangkalahatan, at hayaan na lamang na ang tao ay patuloy na linlangin ng mga may hawak ng mikropono at camera sa TV at internet.

Nguni’t ang araw na ito ay araw ng kabaligtaran at kababalaghan. Nagsisi ang mga hindi inaasahan. Nagbalik-loob ang mga taga Nineve. At kahit atubili at hindi lubusang nangaral si Jonas, nakinig ang mga tao at naligtas ang isang bayang malayo noon sa Diyos.

Tungkulin ko ngayon na bigyang pansin ang sinasaad ng mga pagbasa. Tungkulin ko ngayong bigyang tinig muli si San Pablo na nagsasabi sa atin: “Malapit na ang takdang panahon!” Tungkulin ko ngayon ang muling ulitin sa inyong harapan: “Ang lahat ng bagay na ito’y mapaparam.”

Maging ang mundo ng Panginoon noon ay hindi perpekto, hindi ganap. Masalimuot rin at magulo. Ang tangi nilang pag-asang maghahatid sa kapanatagan, si Juan Bautista, ay ipinakulong at di naglaon ay ipinapatay.

Sa kalalagayang ito, hindi nanghinawa ang Panginoon, bagkus kumilos at nangaral: “Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa mabuting balitang ito.”

Minsan ko pang ipinakikiusap sa inyo at sa aking sarili. Minsan ko pang inuulit at ipinagmamakaingay … tulad ng sabi ni Pablo … ang lahat ng bagay na ito ay mapaparam … sa takdang panahon, sa panahon ng Diyos.

Iisa lamang ang dapat nating gawin – ang mag-asal Jonas, ang sumunod bagamat mabigat ang katawan natin at masama ang loob. Ito ang pinakamaliit nating magagawa, ang hindi maging balakid sa balakin ng Diyos kundi ang maging daan sa katuparan nito.

Sapagkat ang lahat ng bagay na ito, sa mundong ibabaw ngayon at dito, ay mapaparam din at magwawakas!

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 330 other followers