frchito

Archive for Marso, 2012|Monthly archive page

TAGASUNOD, HINDI TAGAHANGA

In Uncategorized on Marso 29, 2012 at 17:51

Image

Linggo ng Palaspas

Abril 1, 2012

Mga Pagbasa: Isa 50:4-7 / Fil 2:6-11 / Mc 15:1-39

Marami sa mga tagabasa ko ang nasa facebook o nasa twitter. Malamang na kakaunti lamang ang hindi konektado sa internet.

Sa panahon natin, iba ang sikat, di ba? Aminin man natin o hindi, marami sa atin ang nag-aasam makilala, maging tanyag, at maging celebrity sa cyberspace. Kay rami nang naging tanyag sa pamamagitan ng Youtube, at iba pang platform sa internet. Pangarap natin na makagawa ng isang video na magiging “viral” ika nga, o “meme” man lamang, o anumang kakaiba o bago. Ang hanap natin ay ang dami ng “hits,” ng “visits,” ng “likes” o “google plus” o “1’s.”

Lahat tayo ay naghahanap ng taga-hanga!

Subali’t sa simula ng mahal na araw, kailangan natin tiyakin na nasa wastong pahina tayo, o tamang takbo ng isipan. Liwanagin muna natin kung ano ang hinanap ni Kristo.

Unahin natin sa pagbasa bago tayo nag-prusisyon. Ano ang sinasaad? Ang daming taong mga taga Jerusalem ang natuwa at nagbunyi sa kanyang pagpasok sa lungsod. Hanap nila ang isang haring tagapagligtas. Hanap nila ay isang pinunong maghahatid sa kanila sa kalayaan. Kung kaya’t mali man o tama, ay nagbunyi sila kay Jesus. Naglatag ng mga balabal; nagwasiwas ng mga palaspas; at nangasipaghiyawan ng pagbubunying laan lamang sa isang sugo mula sa langit: “Osana sa kaitaasan! Pinagpala ang naparirito sa ngalan ng Panginoon!”

Masaya, di ba? Sino sa atin ang ayaw sa atensyon ng madla? Sino sa atin ang aayaw pa sa isang marangyang party sa karangalan natin?

Pero matapos ang prusisyong maluwalhati ay biglang natakluban ng kakaibang damdamin at himig ang liturhiya. Biglang napalitan ng lambong ng lungkot o katotohanang brutal, ika nga, ang takbo ng mga pangyayari. Matapos ang marangyang pagpasok sa Jerusalem, nabunyag sa ating kaalaman ang tunay na diwa ng pagpasok ni Jesus sa banal na lungsod.

Sa unang pagbasa pa lamang, narinig natin ang mga katagang galing sa Lingkod ng Diyos, na nagpahayag ng walang pasubaling pagsunod niya sa kalooban ng Diyos: “Pinabayaan ko silang bunutin ang buhok ko’t balbas, gayon din ang lurhan nila ako sa mukha.”

Sa ikalawang pagbasa naman, narinig natin sa awit ni San Pablo ang mga katagang nagpapahayag ng lubos na pagtalima sa kalooban ng Diyos: “Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus.”

Malayo yata ito sa mga “likes” natin sa facebook. Aminin natin …sino ba ang huli nating pinagkalooban ng “like?” Kanino bang mensahe ang ating ipinorward o ipinasa sa prends? A ver … ano bang ang una nating tinitingnan pag nag-log-in tayo? Di ba’t kung ilan ang mensahe o comments? Di ba’t ito rin ang  dahilan kung bakit tila nagpapaligsahan ang marami sa pagpopost ng profile pic na makalaglag matsing, o makatawag-pansin?

Di ba totoong nag-asam rin tayong maging tulad nila Moymoy Palaboy o ni Mikee Bustos na sinusundan ng marami, at laging binubuksan ang pahina sa youtube?

Taga-hanga! …  iyan ang hanap ng marami. Iyan ang hanap ng mga senador tuwing ipapangalandakan ang kanilang mukha sa TV. Iyan ang hanap ng maraming pulitikong walang kabubusugan kapag publicidad ang hanap … name recall … upang sa araw ng botohan, ang matatandaan ng botante ay hindi ang kanilang plataporma, o balak gawin, kundi ang kanilang matamis na pangalan.

Ang Linggo ng Palaspas ay isang mumunting larawan ng kung sino ang tao. Ito rin ay isang buod ng kung ano dapat tayo. Nagsimula ang drama sa isang maluwalhating prusisyon. Napalitan ng isang katotohanang hindi madaling tanggapin – na ang itinanghal na Hari, ay hari nga, nguni’t isang kakaibang hari ayon sa balak ng Ama … isang haring masasadlak sa dusa, sa kadustaan, at sa kamatayan … isang haring ang trono ay hindi isang magarbong upuan, bagkus ang trono ng krus, kung saan niya tutubusin ang mga taong naglalakad pa sa dilim ng kasalanan.

Ayaw natin sumunod sa ganitong hari. Ayaw natin maging isang taong mababaon sa puntod ng pagkalimot o kawalang pansin. Kung kaya’t marami sa atin ay nananatili  na lamang bilang mga tagahanga … malayo ika nga sa bituka. Ang isang tagahanga ay isang pasulyap-sulyap lamang, patingin-tingin, parang mga lurkers sa facebook na araw-araw ay naroon, nguni’t hindi on-line … Lahat ng wall ng mga prends ay binubuksan, tinitingnan, nguni’t hindi nagpapakita, hindi nagpaparamdam … panaka-naka lamang nagla-like, o nag-kokomento. Alam nilang lahat ang nangyayari sa iba, nguni’t walang nakaaalam sa nangyayari sa kanila. Secret admirers, ika nga.

Ito ang hindi hinahanap ng Panginoon. Hindi siya nangaral upang humanga tayo sa kanya. Nangaral siya upang tayo ay sumunod sa kanya! At ang pagsunod ay hindi nakukuha sa “likes,” “comments” o “1’s” sa Google plus.

Ang pagsunod ay nangangahulugang pagsalubong sa kanya sa pagpasok sa Jerusalem, at ang pagsama rin sa kanya palabas ng Jerusalem … paakyat sa bundok ng Kalbaryo, patungo sa krus, sa kadustaan, at kamatayan.

Sabi nga ng mga Intsik … Ang salita o daldal ay hindi nakapagluluto ng bigas. Kailangan gumalaw. Kailangan kumilos. Kailangan tumayo mula sa iyong kompyuter, at iwanan ang iPad, o android tablet, wakasan na ang pagla-like, at humayo, magpasan ng krus, at sumunod sa Panginoon!

Hindi ito nakukuha sa papeysbuk-peybuk lamang. Hindi rin ito madadala sa pa-sta-status na lamang, o pa-twitter twitter na walang katapusan na parang isang kuliglig. Tara na, at sumunod sa kanya – hanggang sa kamatayan at kaluwalhatian!

 

PIGHATING LUBOS; LUWALHATI AT TUBOS!

In Uncategorized on Marso 24, 2012 at 10:30

Image

Ika-5 Linggo ng Kwaresma(B)

Marso 25, 2012

Mga Pagbasa: Jeremias 31:31-34 / Hebreo  5:7-9 / Juan 12:20-33

                                                                                   

Isa sa mahirap gawin ang maghintay, lalu na sa panahon natin. Mahirap maghintay ng jeep sa ulan. Mahirap maghintay ng taxi na ayaw ka naman pala isakay, kasi namimili ng isasakay. Mahirap magpasya sa maraming bagay na hindi mo tukoy ang kahihinatnan at patutunguhan.

Matagal ring naghintay ang bayan ng Israel. Pangakong matunog magmula pa sa panahon ni Abraham, ang bayang bubuuin ng higit pa sa dami ng tala sa langit, diumano. Paulit-ulit na kasunduan ang naganap. Paulit-ulit ring naparam ang kasunduan – napawalang silbi dahil sa kasalanan ng tao. Paulit-ulit tayo tinuruan ng Diyos. Nagkabaha … hindi natuto. Napatapon sa Babilonia at sa Persia … Hindi pa rin natuto. Binigyan ng hari tulad ng mga kapit-bayan … hindi pa rin natuto. Ang tao ay sadyang likas na matigas ang ulo at ang kukote.

Ngayon, isa na namang pangako … isa na namang pagsisikap mula sa Diyos upang mapanuto ang tao … Sa pamamagitan ni Jeremias, namutawing muli sa labi ng Diyos ang Kanyang  dakilang habag: “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong pakikipagtipan sa Israel at sa Juda.”

Masaya? Maganda? Di ba? Bago na namang pag-asa. Bago na namang simula. Bago na namang pagtutuunan ng lahat ng ating hangad at pangarap sa buhay! Subali’t sandali lamang … Tingnan natin muli ang saad sa mga pagbasa …

Hindi mumurahin ang pangako ng Diyos. Mahal … mabigat ang halaga … Pinagbayaran ng lubus-lubusan … Kapalit ng ating katubusan ay pighati at kahirapan. Sabi ng sulat sa mga Hebreo: “Noong is Jesus ay namumuhay rito sa lupa, siya’y dumalangin at lumuluhang sumamo sa Diyos na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan.” Natakot rin siya … nag-atubili … nagdalawang-isip rin bago harapin ang malaking kabayaran ng ating katubusan.

Maganda ang takbo ng buhay kung walang bayarin, walang pasanin, walang utang na dapat harapin at tubusin. Masarap kung puro sahod lamang at pakabig ang takbo ng buhay natin. Nguni’t hindi yata ito ang aral na napupulot natin ngayon sa mga pagbasa. Masarap man at magaling ang sumahod na lamang at tumanggap nang walang kapuhu-puhunan at kapurit mang pagtitiis, ay hindi ito sumasalamin sa buhay natin bilang tagasunod ni Kristong Panginoon. Malayo ito sa katotohanan. Ang bagong tipan na binanggit na pangako ni Jeremias, ay hindi isang titulo sa lupang hindi mo pinagpawisan, hindi mo binuwisan at binayaran ng tagaktak na sipag, tiyaga, at luha.

Tanyag na tanyag na si Jesus noong dumating siya sa Jerusalem. Sino ba naman ang hindi hahanapin at dudumugin lalo na’t may dala kang libreng Glutathione o libreng CCT (conditional cash transfer)? Sino ba naman ang hindi magiging usapan ng bayan kung kaya mong magpagaling sa mga pilay, at magpabalik ng paningin sa mga bulag? Talo pa ni Jesus si Serafin Cuevas o si Enrile, o sige na nga … isama mo na rin si Kris A! Hinanap siya ng tao … ipinagtanong. At ang napagtanungan nila ay tila may dalang GPS … si Felipe, na sana’y makakita ng mga dapat makita at dapat hanapin (Di ba, siya naka-diskubre kung sinong binatilyo ay may baong tinapay na hindi niya kayang ubusin?) Ang nagtanong ay mga banyaga … mga Griyego na wala naman dapat kinalaman sa mga Judio.

Subali’t ang hiling, “Ginoo, nais po naming makita si Jesus,” ay nagbunsod kay Jesus upang harapin ang isang napipintong mabigat na katotohanan, isang katotohanang nagtutuon sa kung gaano kalaki ang halaga na dapat pagbayaran niya para lamang matupad ang pangako ng bagong tipan.

 “Dumating na ang oras,” aniya, upang parangalan ang Anak ng Tao.”

 

Hindi ito libreng Glutathione o libreng gatas o anuman. Hindi ito parang Pasko na walang anumang suliranin. Hindi ito tulad ng pangako ng mga pulitikong pulpol na ang pangako ay naglalaho ilang buwan matapos maging “honorable.”

Walang dapat ikubli rito. Walang dapat ipagkaila. Hindi madali. Hindi parang pork barrel na nakukuha lamang sa pirma at botong naaayon sa kagustuhan ni Sir. May halaga ito … malaki … matindi … mahirap!

“Malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Nguni’t kung mamatay, ito’y mamumunga nang marami.”

Ano raw? Simple lang kapatid, kapuso, at kapamilya … pighating lubos ni Kristo; siyang nagdulot ng luwalhati at katubusan sa tanan. Lahat as in lahat, sabi nga ng mga bata ngayon. Wala nang kapuso… wala nang kapamilya … wala nang kapatid … lahat, tanan, all of us, sabi ni Kris A  … we all, sabi ng mga barok mag-ingles … pighating lubos; hatid ay luwalhati at tubos!

 

 

 

 

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 341 other followers