frchito

Archive for Abril, 2012|Monthly archive page

BUTIHING PASTOL; PINUNONG MAPAGKALINGA

In Uncategorized on Abril 28, 2012 at 20:02

Ika-apat na Linggo ng Pagkabuhay (B)

Abril 29, 2012

Image

Ang mga pagbasa ngayon ay tila lahat tumutuon sa diwa ng kapangyarihan. Sa unang pagbasa, binanggit ni Pedro kung paano napagaling ang lumpo. Hindi siya nag-atubiling sabihin na ito ay galing sa kapangyarihan ng ngalan ni Jesus … na tinagurian niyang batong itinakwil na naging batong panulukan, saligan ng haliging matatag ng pananampalataya.

Ang ikalawang pagbasa ay hindi rin nagpalamang. Nakasalig naman, sabi ni Juan Evangelista, ang kapangyarihang ito sa pag-ibig, na nagpabagong-anyo sa mga sumasampalataya at sila’y naging higit pa sa rito – dahil sa pag-ibig, sila ay naging mga anak ng Diyos. Pero ang ebanghelyo ay parang naligaw ng landas, kumbaga. Ang kapangyarihan ay napasa larawan ng isang pastol – maamo, maalaga, masinop, mapagmatyag, at mapagpaanyo sa kapakanan ng kawan! Parang malayo ito sa diwa ng kapangyarihan!

Una sa lahat, hayaan ninyong aminin ko sa inyo na sa panahong ito ay tila ako ay walang lakas at walang kapangyarihan. Sobra init … sa init na ito ay ayaw mo nang kumilos, ayaw mong gumalaw. Gusto mo na lamang ay nakatapat sa bentilador maghapon o nakababad sa kung saan may aircon. Pero bukod rito, may iba pa ring sumisipsip ika nga ng aking kapangyarihan, kung meron man … ang tila kawalang kakayahan ng pananampalatayang katoliko na puknatin at wasakin ang kampon ng kadiliman, ang lalim at lawak ng korupsyon sa lipunan, at ang tila walang puknat na pagyurak sa karapatan ng mga mangmang at hindi aral, na patuloy na pinaiikot ng mass media.

Sa panahong ito, aminin man natin o hindi, ay nagsimula na ang kampanya para sa eleksyon sa 2016, nang nagpalabas na ng hanay ng mga kandidato sa pagka senador. Di maglalaon ay makikita na naman natin ang paglipat ng partido ng mga taong walang paninindigan, walang pinanghahawakan, at walang isinusulong liban sa kanilang sariling bulsa at kapakanan.

Pawang tila walang kaya tayong lahat sa harap ng kadilimang ito. Dahilan ito upang ako ay malungkot, manghinawa, at mawalan kung minsan ng pag-asa. Bagama’t nagpaliwanag na ang pitong Obispo tungkol sa mga sasakyang ipinagkaloob ng Pagcor, para sa kapakanan ng mga mahihirap, marami pa rin ang nadala sa mapanlinlang na balita tungkol sa diumano ay mga ganid na obispong naging korap din sa paghahangad ng magagarang sasakyan. Palso man ang balita, ay parang lintang dumikit na sa kamalayan ng marami.

Anong uri baga ng kapangyarihan ang tinutumbok ng mga pagbasa ngayon? Una sa lahat, ito ay hindi galing sa atin. Hindi ito galing sa ibaba, sa lupang ibabaw. Ang kapangyarihang makamundo ay mababaw, pahapyaw, at walang patutunguhan. Ang kapangyarihang ito ay nakasalalay sa banal na ngalan ni Jesus. Sa ngalang ito nagkamit ng kagalingan ang lumpo, sa pamamagitan ni Pedro.

Ikalawa, ang kapangyarihang ito, ayon kay San Juan, ay nakasalig sa pag-ibig. Ang pag-ibig na ito ay siyang naging dahilan kung paano nagbagong-anyo ang mga sumampalataya at nagkamit ng bagong kakanyahan. Bukod sa pagiging mananampalataya, sila ang naging mga anak ng Diyos. Nabago ang kanilang pagkatao, nadagdagan ng isang karangalang hindi taal sa kanilang pagkatao, bagkus kaloob mula sa Diyos.

Pero hindi ito ang pinakamahalaga sa lahat. Ang lubhang mahalaga ay walang iba kundi ang larawang ikinikintal sa atin ng pahayag ng Panginoon – na siya ay isang Pastol, isang lingkod, isang mababa ang loob, at tila walang kayang tao. Ito ang nagbibigay sa akin ngayon ng kaunting tapang, kaunting lakas, at kaunti pang pagpupunyagi.

Mahaba-haba na rin ang mga taong nangaral ako, nagturo, nag-Misa at naging tagahubog ng mga kabataan.Marami na rin akong napagdaanan. Marami na akong nakita at naranasan. At alam kong sa takbo ng mga pangyayari, ang mga bagay-bagay ay mas lalala pa, bago ito maging mas mabuti, malungkot man aminin. Sa pagdaan ng mga taon, nalulukuban ako ng maraming pangamba, takot, at pag-aalinlangan. May bunga pa kaya ang pagsisikap ng Inang Simbahan na mangaral, yamang ang lahat ay nababaligtad ng mga pahayagan at mga estasyon ng TV at radio? May katuturan pa ba ang mangaral, kung ang mga sasabihin ko ay mapagbibintangang pamumulitika, na tila baga ang pulitika ay hindi napapasa ilalim ng batas moral ng ebanghelyo? May dahilan pa ba upang magsikap at magpunyagi para sa katarungan at katotohanan?

Ang liksyong malinaw ng mga pagbasa ngayon, ay isang matunog na “oo” … may pag-asa pa … may katuturan ang lahat, at ang dahilan nito ay walang iba kundi siyang nagturo na ang kapangyarihan ay makikita sa pagmamahal, sa paglilingkod, sa kababaang-loob, sa pang-aalipusta ng balana, sa pagkamuhi ng mga napopoot sa kanya, at sa kasukdulan, ay sa kanyang paghihirap at pagkamatay sa krus. Ito ang Panginoong butihing Pastol … maamo, mababa ang loob, nguni’t mapagkalinga at mapagpaanyo sa kapwa, sa mga tila mga tupang walang patutunguhan. May pastol tayong naggagabay, subali’t ang tanong ay ito: may kawan ba tayong nakikinig at tumatalima?

PAKIKIPAG-ISANG DULANG SA MGA NAGUGULUMIHANAN

In Uncategorized on Abril 20, 2012 at 11:48

Image

Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay (B)

Abril 22, 2012

Mga Pagbasa: Gawa 3:13-15.17-19 / 1 Jn 2:1-5 / Lu 24:35-48

Parang isang replay, ika nga, ang ebanghelyo sa araw na ito. Parehong-pareho ang mga detalye ng pagpapakita ng Panginoon, tulad nang kanyang pagpapakita noong wala si Tomas, na hindi agad naniwala sa sabi-sabi ng ibang mga disipulo. Si Tomas, na may sariling paninindigan, may sariling patakaran, ay hindi agad nakuha sa kwento. Ninais niyang makita nang sa ganang sarili niya, ang bulung-bulungang si Jesus diumano ay muling nabuhay.

May kondisyon pa siyang inilapat … hindi raw siya maniniwala hangga’t hindi niya nasasalat ang mga sugat sa kamay at tagiliran ng Panginoon. Alam natin ang naganap … bagama’t may ipinataw siyang kondisyon, hindi niya ginawa yaon, at nang makita ang Panginoon, ay bigla na lamang bumulalas ng isang malalim na pagpapahayag hindi lamang ng pananampalataya, kundi pati na rin, ng masidhing pagmamahal sa kanyang guro at pinuno: “Panginoon ko, at Diyos ko!”

Sa kwento ngayon ni San Lucas, pareho ang kinapapalooban … pareho ang mga kondisyones … ang tanging naiiba lamang ay wala si Tomas. Nguni’t pareho ang antas ng pangamba at takot at pag-aalinlangan ng mga disipulong bahag ang buntot ika nga, dahil wala na ang kanilang Rabbi at Guro.

Pareho rin ito sa kinatatayuan nating lahat. Pareho rin nila tayong nag-aalinlangan, nangangamba, natatakot. Pareho rin nila tayong kumbaga ay nagtatago sa mga tao at mga sitwasyon na nagdudulot ng malaking kaba sa dibdib ng marami.

Di miminsang sinagian tayo ng takot … noong nakaraang linggo, ginambala tayo ng isang rocket na ipinalipad ng mga taga Hilagang Korea, na sa awa ng Diyos, ay nagmintis at naging kalpot, ika nga. Nguni’t magpahangga ngayon, tayo ay ginagambala pa rin ng mga Intsik mula China na patuloy na nambabraso sa Panatag Shoals, nagpapakita ng gilas, at ang tulad nating maliit at mahirap na bansa, ay halos pitik-pitikin, tulak-tulakin, upang bahag rin ang buntot na tumalilis mula sa mga islang nabanggit, na mahigit sa isang libong milya ang layo sa China, kumpara sa wala pang dalawang daang milya ang layo sa ating bansa.

Takot rin tayo kahit wala ang pambabalasubas ng ibang bansa. Takot tayo sa patuloy at walang ampat na pagtaas ng bilihin, ng halaga ng langis, ng halaga ng kuryente (kung meron!), at ng iba pang pang-araw-araw na gastusin. Ang trapiko, tulad ng katiwalian, ay palala nang palala, sa lahat ng antas at aspeto ng lipunan … Ang daang matuwid ay matuwid lamang sa mga walang kakilala, walang kakayanan, at walang kabig sa mga nakatataas. Sa limit kong magbiyahe at magdaan sa NAIA, hindi ko maiwasang makita at mahinuha, na pati roon, kahit ngayon, at saanmang dako ng bansa, ay may mga milagrong nangyayari sa araw-araw na ginawa ng Diyos.

Panginoon ko, at Diyos ko! Ito rin ang matimyas nating dasal sa Panginoong muling nabuhay. “Poon, sa amin ay pasikatin, liwanag sa iyong piling!” … Ito rin, tulad ng salmista, ang panaghoy natin.

Tayo’y gulong-gulo, balisang-balisa, at minsan ay takot na takot. Masahol pa tayo sa mga disipulong nagtago sa silid sa itaas, bahag rin ang buntot na nagkukubli sa mga Judio at mga namumuno. Kung nakuha nilang ipapatay si Jesus, paano pa kaya sila na sa mga sandaling yaon, ay parang mga naulila?

Subali’t balisa man o takot man, may magandang balitang dulot ang muling pagkabuhay ni Kristo. Ito ang buod nito, nang siya ay magpakita sa mga disipulo, kahit na wala si Tomas, na minsan ay nagduda, nguni’t nagbayad-puri sa kanyang pagdududa, nang hindi na niya sinalat ang sugat, at bagkus lumuhod at nagpahayag na lamang at sukat ng kanyang paniniwala: Panginoon ko, at Diyos ko!

Kapayapaan ang dulot ni Kristo, at para mapawi ang kagulumihanan, nagtanong siya: “Ano’t kayo’y nagugulumihanan? Bakit nag-aalinlangan pa kayo? Tingnan ninyo ang aking kamay at paa, ako nga ito.”

Sapul na sapul tayong lahat na ginagapi ngayon ng kaguluhan. Purong puro tayong mga walang sapat na pagtitiwala sa kakayahan ng Diyos na buhayin pati mga patay, na bigyang panibagong lakas ang mga nasalanta ng bagyo ng kawalang pag-asa.

Nguni’t hindi lamang salitang matunog ang kanyang pandagok sa atin. Hindi lamang magaling na aral ang kanyang dulot … Mayroon rin siyang angkop at akmang gawain. Sa mga taong gutom sa tapang at pagtitiwala, humingi siya ng makakain. Sa mga taong pinanawan na ng tibay ng loob at kalakasan, nakipag-isang dulang siya ay nakisalo sa mga taong nawalan na, ika nga, ng gana upang magtuloy sa gawang mabuti.

Ito ang salaysay ng bawa’t isa sa atin. Gutom tayong lahat. Nalugmok tayong lahat sa kawalang pag-asa at tiwala sa kakayahan ng ebanghelyo upang matuwid ang baluktot na daan. Tayo ang mga taong nanlulupaypay sa gutom para sa katarungan at pagkauhaw sa kapayapaan.

Kailangan natin ng spinach tulad ni Pop-eye. Kailangan natin ng isang bakuna o bitamina upang muli nating magawa ang nararapat.

Ito ngayon ang ginaganap sa Misang ito. Kaisang dulang natin muli ang Panginoon. At siyang humingi ng isda at tinapay sa mga disipulo ang siya ngayong nagkakaloob ng sarili niya upang muli tayong lumakas, at muli tayong magpunyagi sa paggawa ng tama at mabuti. Kasalo natin siya. Kasama. Kaisang dulang. Kasangga, kakosa, kapuso, kapamilya, at kapatid …

Huwag nawa natin sayangin ang kanyang kaloob … kapayapaan … kalakasan … bagong kaanyuan  at bagong kapangyarihan … “Panginoon ko at Diyos ko!” “Sa ami’y pasikatin, liwanag sa iyong piling!”

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 327 other followers