frchito

Archive for Hunyo, 2012|Monthly archive page

PAKANA NG DIYABLO O PANUKALA NG DIYOS?

In Uncategorized on Hunyo 30, 2012 at 21:35

Ika-13 Linggo ng Taon B

Julio 1, 2012Image

 

Di miminsang sumasagi sa isipan natin ang mapait na katotohanan, na hindi lamang mahirap lunukin, bagkus mahirap man lang isipin … may kapaitan sa mundong ibabaw, at may pagtangis na kaakibat ng buhay sa daigdig.

Tingnan na lamang natin ang paghihirap na pinagdaanan ni Jairo. Sinong ama o ina sa inyo ang hindi gagawa ng lahat mailigtas lamang ang sariling anak? Sino sa atin ang hindi kakapit maging sa matalas na patalim kung ang kapalit ay ang pananatili sa buhay ng isang pinakamamahal?

Tingnan rin natin ang pinagdaanan ng babaeng 12 taong nagdusa at nagdugo nang walang ampat … Sinong babae man o lalake sa mundong ito ang hindi hahabol sa inaakala nating may tangan ng kasagutan sa ating pagdurusa? Sino ang hindi mapadadala sa matinding pagnanasang mahipo man lamang ang laylayan ng baro upang magkaroon ng pag-asang gumaling?

Tingnan natin ngayon ang sarili natin … Sino sa atin ang tahasang makapagsasabing hindi siya nagdaan sa anumang matinding pagsubok sa buhay? Sino sa atin ang tiyakang makapagpapatunay na di miminsan siyang nawisikan man lamang ng kaunting kapaitan sa buhay?

Ito ang buhay natin na ayon sa mga kataga ng aklat ng Karunungan (Unang pagbasa), ay sinapit natin dahil sa “pakana ng diyablo.” Ayon sa kasulatan, ang paghihirap at kamatayan ay bunga ng kasalanan.

Ito ang tila masamang balitang laman ng mga pagbasa sa araw na ito. Nguni’t sa likod ng lahat ng ito ay ang mataginting na magandang balitang nagkukubling parang liwanag sa likod ng madidilim na alapaap ng kawalang pagtitiwala at pag-asa.

Sa araw na ito, nais ko sanang manatili tayong lahat sa magandang balitang siyang pinagyayaman ng parehong mga pagbasa. Nais ko sanang bigyang diin ang kabaligtaran ng “pakana ng diyablo” – ang panukala ng Diyos, na hindi kailanman nawalan ng habag at awa sa mga nagdurusa at namimighati.

Hayaan sana nating hagurin ng mga Salita ng Diyos ang puso nating nabibigatan at nahihirapan sa mapapait na karanasan … “Ang kamatayan ay hindi likha ng Diyos. Ang pagkamatay ng alinmang may buhay ay hindi niya ikinalulugod.”

Huwag na huwag sana tayo paanod sa “pakana ng diyablo,” bagkus padala sa malinaw na pangaral na ipinamalas ni Jairo, at ng babaeng nagdusa ng maraming taon. Nagpakumbaba si Jairo … nagtiklop-tuhod sa paanan ng Panginoon … nagsumamo sa mataimtim na panalangin. Nagpumilit makasunod at makapasok sa gitna ng maraming tao ang babae … kahit man lamang mahawakan ang laylayan ng kanyang baro. Nagsikap … Nagsumamo rin …

Pareho silang naniwala at umasa. Pareho silang sumampalataya at ang kanilang paniniwala ay nagbunsod sa malalim at matatag na pag-asa.

Pakana ng diyablo ang panghihinawa, ang pagkawala ng tiwala, ang paglalaho ng pag-asa.

Panukala ng Diyos ang buhay, ang kaligtasan, ang kagalingan ng lahat ng kanyang nilalang. Kasama tayong lahat dito, mga nilikha ayon sa wangis at anyo ng Diyos.

Huwag nating ipagpalit sa pakana ng diyablo ang panukala ng Diyos para sa ating lahat …”Huwag tayong mabagabag. Manalig tayo.” “Pagkat ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi para maging larawan niyang buhay.”

SAKSI SA LIWANAG; BUSILAK NA KADAKILAAN!

In Uncategorized on Hunyo 22, 2012 at 17:28

Image

KAPANGANAKAN NI JUAN BAUTISTA (B)

Junio 24, 2012

 

Walang ibang santo, liban kay San Pablo, ang may dalawang araw ng kapistahan sa taon ng Simbahan. Ipinagdiriwang ng Simbahan ang pagsilang at paglisan sa mundong ibabaw ni Juan Bautista. Ito ay kadakilaang tumataginting … kadakilaang walang kadududa-duda, walang kaparis, walang katulad.

Pero alam nating ang landas tungo sa kadakilaan ay hindi nalalatagan ng katamisan at karangyaan. Kung may rosas mang nakalatag sa landasing ito, puno at tigib ng tinik ng kagipitan at kahirapan ang daanang ito. Hindi madali ang magpakabuti. Hindi madali ang magpakatotoo, ang magpakabanal, at magpakatapat sa tawag ng nararapat!

 Alam nating lahat ito … sa sandaling gumawa ka ng nararapat, may taong magtataka, magtatanong … “Bakit ka nagsabi ng totoo?” “Bakit ka umamin?” Tingnan nyo nangyari kay Corona … Umamin … nagtapat … na mayroon siyang perang hindi isinama sa SALN … ayun! Buking, ika nga! Para bagang ang liksyon moral ay itago na lamang, ikubli … hwag magtapat, at patuloy na magmaang-maangan!

Isang malaking palaisipan sa akin ang pinagdadaanan ng mga krisityanong pinag-uusig at patuloy na pinahihirapan sa maraming lugar sa buong mundo … dahilan lamang sa sila ay hindi kapanalig ng mga higit na nakararami. Mahirap ang manatiling nakatayo kung ang karamihan ay nanlalagas na parang tuyot na dahon sa parang. Mahirap ang manindigan kung ang kalakaran ng mundo ay tungo sa daang baluktot, at daan ng katiwalian. Mahirap manindigan sa katotohanan, kung ang mass media ay pawang nabili na, at nahutok na sa iisang linya ng kaisipan … kung ang kasinungalingan ay naging totoo na sa paulit-ulit na patutsada ng higit na nakararaming mga komentarista.

Saludo ako sa mga kristiyano sa lugar na sila ay hindi malayang sumamba. Alam kong marami akong tagabasa mula sa mga bansang ito kung saan ni Biblia, ni rosary, ni stampita o larawang banal ay bawal. Saludo ako sa aking mga tagabasang sa kabila ng lahat, ay patuloy na nagsisikap upang patatagin, pagyamanin, at palakasin ang kanilang pananampalataya – walang iniwan noong unang panahong ang mga kristiyano ay kailangang magtago sa katakombas upang makasamba sa iisa at tunay na Diyos!

Ito ang sinapit na kapalaran ni Juan Bautista … nagsabi siya ng totoo … nagpatunay … nagpakilala sa Mesiyas … Sa kanyang pagsasabi pa ng ibang totoo, sinapit niya ang malagim na kamatayan … Isa siyang martir ng katotohanan, bagama’t ang takbo ng lipunan ng panahon niya ay taliwas sa landas ng katotohanan at kabanalan. May nagalit … may nagtampo … at may nagbalak ng masama, na naging makatotohanan dahil sa isang pinunong walang paninindigan sa wasto at tama.

Matindi ang pinagdadaanan natin sa panahon natin. Madali ang magpadala sa takbo at kalakaran ng bulaang mass media. Madali ang magpadala sa agos. Madali ang mabuyo sa pagkamuhi lalu na’t ginawang demonyo ang taong hindi kasangga ng sinumang naghahawak ng kapangyarihan.

Matindi ang pinagdadaanan ng mga nagsisikap magpakatapat. Matindi ang landasing tinatahak ng mga lumalaban sa RH bill, sa pagpupunyagi para sa karapatan ng mga hindi pa isinisilang, ang mga api, at ang mga biktima ng mapanlinlang na pamamahayag.

Kapag sinusuri natin ang sarili sa araw na ito, ano ba ang nakikita natin? Sa ganang akin, ang nakikita ko ay isang mahinang tao, marupok, madaling manghinawa … At panalangin ko tulad ng panalangin ng salmista: “Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay, ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak mong nalalaman.”

Sa araw na ito, mabuti marahil na tingnan natin ang antas ng ating paninindigan, ang kakayahang nating tumayo sa sarilin nating paa, at sarili nating pasya – para sa wasto at tama. Utang na loob natin it okay Juan Bautista, na nagturo sa atin kung ano ang kahulugan ng manindigan sa totoo, sa tama, sa wasto, at nararapat.

Pero, ano ang uuwiin natin dito? Malinaw pa sa tanghaling tapat! … pagiging martir, paghihirap, pagbabayad nang malaki tulad ng ginawa ni Juan Bautista.

Tama ang sinabi ng Antipona sa pasimula … Si Juan ay isang “saksi sa kaliwanagan” … upang maging tunay at handa ang tanan! Saksi sa liwanag; busilak na kadakilaan!

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 317 other followers