frchito

Archive for Mayo, 2013|Monthly archive page

TIPON. TIPAN. TUPAD.

In Tagalog Homily,Tagalog Sunday Reflections,Taon K on Mayo 18, 2013 at 11:15

imagesLINGGO NG PENTEKOSTES (K)

Mayo 19, 2013

TIPON, TIPAN, TUPAD!

Maraming nagaganap kapag nagkakatipon ang mga tao, kung ano man ang dahilan. Noong dumami nang dumami ang tao sa EDSA noong 1986, isang milagro ang naganap. Ang hindi natin maisip-isip na puedeng mangyari ay nangyari.

Ang mga disipulo ay nagkatipon-tipon din, pero dahil sa isang dahilan … takot sila sa mga maykapangyarihan noon, matapos ipapatay ang kanilang pinuno. Pero ang Diyos ng tipan ay may balak sa kanilang pagtitipon. Tulad nang naganap nang paulit-ulit sa Lumang Tipan, ang katipunan ng mga nanghihinawa at natatakot na mga disipulo ay tumanggap ng isang panibagong tipan.

Ito ang naganap na milagro. Tingnan natin kung ano ito … parang gancho na dalawa ang talim. Sinabi ayon sa Kasulatan na ang mga disipulo, matapos tumanggap ng kaloob ng Espiritu Santo ay nakapagsalita ng iba-ibang lenguahe. Pero sinabi rin na ang lahat ng nakikinig sa kanilang pangaral ay naka-intindi sa kanila sa kani-kaniyang salita. Alin ba sa dalawa? Aking sagot? Pareho!  Para lamang isang kampit na magkabila ang talim … matalas … nanunuot sa kalamnan … matalab!

Itong milagrong ito ang dapat siguro maganap muli sa atin. Nagkakatipon tayo ngayon sa maraming paraan, tulad ng pagtitipong ito. Tuwing may darating na artistang tanyag, nagtitipon tayo, tulad ng naganap sa MOA at sa SM Aura … tinipon ni Vin Diesel ang maraming taga-hanga, at ganun din ang ginawa ni Sarah Jessica Parker. Nagtipon tayo noong isang Linggo para sa halalan, bagama’t marami ay sapagka’t umasa sila ng pabuya o “bayad” sa kanilang boto … napakasakit Kuya Eddie!

Ngayon ay nagtitipon tayo sa simbahan. Sumasamba. Sumasamo. Sumasambit ng banal na ngalan ng Diyos. Tipon ang tawag dito.

Pero, sandali lang … ano ba ang tipan? Ano ba ang kasunduan? Ano ba ang dapat gawin dito? Masakit man aminin, dito tayo kulang. Bihasa tayo sa tipon, nguni’t kulang na kulang sa tipan. Magaling tayo sa samahan, pero ang inuuwi ang kasamaan, kalimitan. Magaling tayo tumanaw ng utang na loob, kahit na ang tinatanaw nating utang na loob ay galing rin sa kaban ng bayan, o tungkulin nila antemano.

May dapat tayong alalahanin sa pagtitipong naganap sa araw ng Pentekostes. Lumabas sila at nangaral. Humayo sila at pinairal ang tipanan ng Diyos at tao. Bagama’t lahat, tulad natin ay nahahati sa iba-ibang grupo, namayani ang pagiging bahagi ng iisang katawan ni Kristo. Bagama’t lahat, tulad rin natin ay binabagabag ng pita ng laman, namaulo ang panawagang mamuhay ayon sa Espiritu at mamuhay nang hindi nagugumon sa pita lamang ng laman.

May oras para sa tipunan. May oras para sa tipanan. Nguni’t may oras rin para sa tuparan. Kailangan ng katuparan ng katipunan at tipanan. Hindi araw-araw ay inuman lamang at samahan. Kailangan ng katuparan.

Tapos na ang halalan. Tapos na rin dapat ang sisihan. Balik sana tayo sa tipunang banal at tipanang banal … dito sa simbahan at sambahan, dito sa banal na samahan – sa ngalan ng Diyos ng tipan, at Diyos ng pangako at Diyos ng katuparan!

Tinanggap natin ang Espiritu. Tinanggap natin ang Kanyang kaloob. Ito ay isang kapangyarihan mula sa itaas. Maghari nawa ito at matupad … maganap … maisakatuparan.

Espiritung ng kalakasan, Espiritu ng pagbabago, Espiritu ng kapangyarihan mula sa itaas, papagningasin mo nawa kami, tungo sa tipuna, tungo sa tipanan, at higit sa lahat tungo sa katuparan!

INIAKYAT, UMAKYAT, MAGPASALAMAT!

In Homily in Tagalog,Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo,Panahon ng Pagkabuhay,Taon K on Mayo 11, 2013 at 10:55

886+May+24+Ascension+olf+the+LordPAG-AKYAT SA LANGIT NG PANGINOON (K)

Mayo 12, 2013

INIAKYAT, UMAKYAT, MAGPASALAMAT!

Sa biglang wari, sa makataong pananaw, talunan ang Panginoon sa kanyang pagkamatay sa krus. Talo ang mapatay sa huli, at panalo ang mga nagpakana ng kanyang paghihirap at pagkapako sa krus … Ito ay sa makataong pananaw natin.

Subali’t sa maka-Diyos na pananaw, ay hindi ito ang huling kabanata ng kasaysayan ng kaligtasan. Sa araw na ito, makaraan ng 40 araw, ang Panginoon ay umakyat, iniakyat sa Langit, upang lumuklok sa kanan ng Diyos Ama sa kanyang kaharian.

Una sa lahat, tiyakin natin … iniakyat ba siya o umakyat? Karaniwan nating sabihin sa simbahan na ang Panginoon ay umakyat sa langit sa araw na ito. At kasabihan at turo naman natin na ang Mahal na Birhen ay iniakyat sa langit (assumption). Alin ba ang tama?

Pareho. Si Jesus ay umakyat sa langit, sa ganang kanyang kapangyarihan bilang Diyos. Si Jesus ay iniakyat rin sa langit sa ganang kanyang kalikasan bilang taong totoo, at Diyos na totoo. Si Jesus, bilang Diyos at tao ay may kaloobang maka-Diyos at kaloobang maka-tao, bagama’t iisa, at tanging iisa lamang ang kanyang persona, ang ikalawang persona ng Diyos.

Magulo ba? Wag mo nang kultahin ang utak sa malalim na Cristolohiyang ito. Sapat nang paniwalaan natin na ang Diyos ay nagwagi laban sa kamatayan … na ang Diyos ay panalo laban sa kasalanan, at sa lahat  ng anumang dulot ng kasalanan – ang lahat ng uri ng kadiliman at kawalang-katiyakan sa mundo.

Magulo ang mundo natin … magulo rin ang ating halalan. Wala akong kaliwanagang nakikita kung patuloy pa rin na sila at sila rin lamang ang mga namumuno sa atin – mga buo-buong pamilya, mga angkan, na waring sila lamang ang may kakayahang “maglingkod” sa bayan. Magulo ang estado ng katotohanan, na laging nababaligtad depende kung sino ang may malaking bayad sa naghahawak ng micropono.

Subali’t kung mayroong mahalagang pangaral sa atin ang pag-aakyat o pag-akyat ng Panginoon sa langit at ito … hindi kailanman naglalaho ang pag-asa. Ang kanyang paglisan sa mundo ay di pag-iiwan sa ating nabubuhay pa sa daigdig. Ang kanyang pagtaas sa kalangitan ay pagtaas rin ng ating pag-asa.

Pero, gusto ko sanang bigyang-pansin ang pagtaas. Hindi ito pagtaas sa karangalan at kayabangan. Sa halip, ang pagtaas ni Kristo sa kaluwalhatian ay dapat magbunga ng pagbaba natin sa tunay na kasimplehan o kapayakan bilang tao. Ang kanyang pag-angat sa luwalhati ay pagbaba natin sa paghahanap ng karangalang makamundo.

Totoo na “habang umaakyat ang Panginoon, ang tambuli ay tumutunog,” tulad ng sinagot natin matapos ang unang pagbasa. Pero para sa atin, ang kanyang pag-akyat at naghatid naman sa atin sa pagpanaog – sa kababaang-loob. Tulad ng sinabi ni Pablo, “Nawa’y liwanagan ng Diyos ang inyong mga isip upang malaman ninyo ang ating inaasahan sa kanyang pagkatawag sa atin.”

Ang ating inaasahan … ang buhay na walang hanggan, na hindi para sa lupang ibabaw.

Marami ang nag-aasam umangat, umakyat, at makarating sa matataas na posisyon sa lipunan. Marami ang gustong mahalal at manatili sa pwesto, kahit buong pamilya na nila ay nasa pwesto na nang matagal.

Ang paglisan ni Jesus sa mundong ibabaw ay tanda ng kababaang loob. Sa kanya ay karapat-dapat lamang na maluklok sa kanan ng Ama. Ika nga, kung di ukol, ay di bubukol.

Iniakyat, umakyat? Alin ang tama? Pareho. Pero hindi ito ang mahalaga … Ang mahalaga ay ito … Sa kanyang pag-akyat, tayo naman ay dapat bumaba, magpakumbaba, lumuhod at magpasalamat. Tayo rin, balang araw, sa tamang panahong itinakda ng Diyos, ay may karapatang mapasama sa mga umaawit ng papuri sa Diyos sa langit na tunay nating bayan. Amen.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 351 other followers