frchito

Imbak para sa Kategoriyang ‘Homily in Tagalog’

TANGING DIYOS LAMANG!

In Catholic Homily,Homily in Tagalog,Karaniwang Panahon,LIngguhang Pagninilay,Tagalog Sunday Reflections,Taon A on Hulyo 18, 2014 at 16:09

images

Ika-16 na Linggo Taon A
Hulyo 20, 2014

TANGING DIYOS LAMANG!

Mahirap pagsamahin ang pagiging maawain at makatarungan. Kung sumobra ka sa una, wala kang puso. Kung sumobra ka naman sa kabila, wala kang paninindigan. Ito yata ang pasanin ng mga may hinahawakang panunungkulan.

Ito ang dahilan kung bakit mahirap unawaing lubos ang Diyos. Siya ay maawain, pero siya rin ay makatarungan.

Mahirap ang magtimpi kung ikaw ay sinusubukan. Mahirap ang magdasal kung tayo ay napaliligiran ng lahat ng uri ng pagsubok at kawalang katiwasayan. Ako man ay hirap magdasal kung maraming iniisip. Kung minsan, hindi ko man lang alam kung ano ang dapat kong ipagdasal.

Pero ang higit na mahirap sa lahat ay ang unawain kung bakit ang pagdurusa ay bahagi ng buhay ng tao. Hindi madaling unawain kung bakit may mga taong natutuwa pang pabagsakin ang isang eroplanong naglululan ng 295 katao mula sa kalangitan. Hindi madaling tanggapin na may mga taong kung umasta at kumilos ay tila masahol pa sa demonyong wala kang inaasahang anumang kabutihan. Hindi madaling tanggapin na tayo ay niloloko lamang ng mga taong ang tawag sa sarili ay “honorable” pero ang mga pinaggaga-gawa ay walang kaduda-dudang hindi marangal at mahusay.

Hindi ako tulad ng Diyos. At di miminsan ring hindi ako nag-asal maka-Diyos. Tanging Diyos lamang ang Diyos … Iyan ang marahil ay palusot natin tuwina, kung tayo ay tinatanong ng iba, kung bakit pati mabubuting tao ay dumaranas ng matinding kasamaan mula sa mga kamay ng mga kapwa nilang tao.

Pero ito mismo ang dahilan kung bakit tayo nagkakatipon ngayon at dito. Hindi nga tayo Diyos, nguni’t tayo ay nilikha ng Diyos, ayon sa kanyang wangis, ayon sa kanyang larawan. Totoong tanging Siya lamang ang Diyos, pero tayo ay tinatawagan niya upang maging maka-Diyos at katulad niya sa lahat ng bagay.

Oo … tanggapin at aminin natin … Maraming kasamaan sa mundo. Maraming katiwalian … Huwag na kayo pumunta sa usaping DAP, o maghanap ng senador o kongresman. Sapat nang tingnan natin ang ating budhi – ang ating sarili at ang ating kakayahang gumawa rin ng masama, tulad ng lahat, noon pa man at sa kasalukuyan.

Narito ngayon ang buod ng magandang balita. Ang Diyos ay makatarungan at mahabagin. Ang Diyos ay nakikisama sa atin … “Ang Espiritu ay lumuluhog para sa atin, sa paraang di magagawa ng pananalita.” Ang Diyos ay mapagpasensya at matiisin … “Hayaan ninyong lumago ang masamang damo kasama ng mabuti …”

Subali’t sa wakas, ang katarungan ng Diyos ang magwawagi, ang kanyang kabanalan ay maghahari, ang kanyang pakikiramay sa atin at pagtulong sa atin ang siyang maghahatid sa rurok ng kaganapan ng panawagan niyang buhay na walang hanggan.

Marami tayong dapat matutunan sa kanya. Tanging Diyos lamang … oo … pero tanging Diyos rin ang makapaghuhubog sa atin, upang maging tulad Niya, at maging makatarungan at maawain tayo, matutong makiramay at makisalamuha sa kapwa, at maging matiisin tulad Niya. Tanging Diyos ang Diyos, totoo, pero tanging Siya rin lamang ang makapaghahatid sa pagiging maka-Diyos na tulad Niya.

ANG TUNAY NA UNLI …

In Homily in Tagalog,Karaniwang Panahon,LIngguhang Pagninilay,Taon A on Hulyo 4, 2014 at 22:22

humility

Ika-14 na Linggo Taon A
Hulyo 6, 2014

ANG TUNAY NA UNLI!

Lahat tayo ang hanap ay UNLI … Unli calls, unli load, unli rice, unli sabaw, at walang katapusang ketsap, toyo, o patis. Sa panahon natin, pati toyo at Downey, nabibili na sa sasyey (satchet). Hmmm … isang maliit na sasyey lang maghapon ka nang amoy bagong ligo, bagong laba, at bagong plantsang damit … malambot pa. Ako, hindi puede dyan sa mga downey-downey na yan! Unli allergy and aabutin ko … kamot dito, kamot duon, kalkal ngayon, kalkal pa rin hanggang mamaya, kahit na natutulog.

Maikli ang pise ng mga hambog at mga walang pasensya. Madaling magalit; madaling mabugnot, at madali ring magsalita ng bagay na pagsisisihan din naman pag naglaon.

Ibang klaseng UNLI ang dulot sa atin ng Panginoon … walang patid na kababaang-loob, at kahinahunan! At ibang pangaral ang dulot rin niya … ang panawagang mag-aral sa kanya, “maamo at mababang-loob.”

Mahirap makasama ang mga maikli ang pise … Mahirap makahalubilo ang taong madaling malagutan ng pasensya. Subali’t tulad nang naghahanap tayo ng unli rice, at unli sabaw, naghahanap tayo ng mga banal, maamo, mahinahon, at mapagpatawad.

Ito ang turo sa atin ng Panginoon ngayon – ang magsikap mag-aral mula sa kanya, at matutong tumulad sa kanyang dakilang halimbawa.

Mahaba pa ang ating lakbayin. Matagal pa ang landasing ating tinatahak. Pero hindi lang UNLI pasensya ang kanyang dulot. Ang hatid niya rin ay UNLI na buhay, hindi buhay na ayon lamang sa laman, na may hangganan, kundi buhay na ayon sa espiritu na naghahatid sa buhay na UNLI, ang buhay na walang hanggan.

May mabuting bunga ang kahinahunan at pasensya. At ang tinutumbok ng lahat na ito ay isa pang mahalagang UNLI – walang sawa, walang patid, walang wakas … At ito ang nais ng bawa’t isa sa atin … ang tumanggap ng isang maginhawang dalhing pamatok, magaang pasaning dulot ng Panginoong mahinahon, at mababa ang loob. Ito ang tunay na UNLI … wala nang hihigit pa rito.

Tara na … mag-UNLI tayo tuwina.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 314 other followers