frchito

Imbak para sa Kategoriyang ‘Homily in Tagalog’

DIYOS MUNA; SAKA NA ANG IBA PA!

In Homily in Tagalog,Karaniwang Panahon,LIngguhang Pagninilay,Taon A on Marso 1, 2014 at 10:10

lilies+border+november+updated

Ikawalong Linggo Taon A
Marso 2, 2014

DIYOS MUNA; SAKA NA ANG IBA PA!

Wala ni isa man siguro sa aking mga tagabasa at tagapakinig ang walang maisasalaysay na malungkot na kwento … ng panlalait ng kapwa, ng pagtikis at pagyurak sa ating dignidad … ng mali at palsong panghuhusga ng kapwa, at ng mga paratang na walang basehan tungkol sa ating pagkatao.

Libo-libong mga santo, mga banal at mga taong nagdusa sa ngalan ng Panginoon at ng kanilang pagmamahal sa katotohanan ang dumaan sa ganitong mga panlalait. Lahat tayo ay nakaranas ng maging balisa at aborido dahil sa alam nating kakulangan at kasalatan sa buhay.

Sino sa atin ang hindi napuyat dahil sa takot na bumagsak sa iksamen sa eskwela? Sino sa atin ang hindi nagkulang sa tulog dahil sa pag-iisip sa kakailanganin sa kinabukasan na walang tiyak na pagkukunan? Sino sa ating mga magulang ang hindi nabagabag sa paghahanap ng ibabayad sa iskul, sa pang matricula at pambili ng gamit sa paaralan? Sino sa atin ang hindi nakaranas mapagbintangan sa isang bagay na hindi sumagi man lamang sa ating guni-guni?

Minsan rin akong nakaranas mapagbintangan ng isang guro sa elementarya. Masakit, Kuya Eddie! Nawalan ang titser ng isang mahalagang bagay at ako ang numero uno sa kanyang listahan ng mga salarin. Masakit, mahirap at matindi ang mabagabag dahil sa isang bagay na hindi mo naman pinag interesan.

Karanasan ito na marami sa atin ang napagdaanan.

Sa mga nakaraang mga Linggo, tunay na karunungan ang pinaksa ng mga pagbasa. Sa araw na ito, ang pinakamahalagang karunungan ang paalaala sa atin – ang kakayahang tumingin sa itaas, at makita ang nagkukubling pagpapala sa kabila ng mga pagdurusa at pagdusta ng kapwang walang bilib o tiwala sa atin.

Ito ang mga tumataginting na aral sa atin. Una, hindi tayo kailanman pinabayaan ng Diyos. Nagkakalinga ang Diyos sa lahat ng sandali sa ating buhay, kahit na tayo ay hinahatulan o hinukuman ng tao. “Ang Panginoon ang humahatol sa atin.” Ikalawa, hindi dapat tayo mapadala sa pagkabagabag ng kalooban. Pati mga damo at mga ibon sa parang ay pinangangalagaan ng Diyos. “Isipin ninyo kung paano sumisibol ang mga bulaklak sa parang.”

Ngunit ang lahat bang ito ay isa lamang kathang-isip at pabulat-bungang mga pananalita? Oo, kung wala kang gagawin. Consuelo de bobo lang ang lahat ng ito as taong naghihintay lamang na nakanganga tulad ni Juan Tamad. Ang biyaya ng Diyos ay hindi katumbas ng noynoying anu man ang ibig pakahulugan nito. Hindi ito isang walang asim na pagnanais at pag-aasam lamang.

Ano ang dapat natin gawin?

Una, dapat tayo sumampalataya … tinatawagan tayo upang manalig. Ikalawa, dapat nating unahin ang Diyos at isunod lamang ang lahat ng ating pinagkakaabalahan … “Pagsumakitan ninyo nang higit sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ipagkakaloob niya ang lahat ng kailangan ninyo.”

Hanapin ang Diyos … Tanging ang Diyos! At ang lahat ng iba pa ay kanyang ipagkakaloob din … Diyos muna … saka na ang iba pa.

KAGANAPAN, KABANALAN

In Catholic Homily,Homily in Tagalog,Karaniwang Panahon,LIngguhang Pagninilay,Tagalog Homily,Taon A on Pebrero 21, 2014 at 10:02

open-highway-traffic-jams-quote1

Ika-7 Linggo Taon A
Pebrero 23, 2014

KAGANAPAN

Makailang beses ko nang nasabi ito … ang maling gamit ng mga mamamahayag sa salitang “kaganapan.” Para sa kanila, ito ay nagtuturo sa mga pangyayaring nagaganap sa isang lugar. Subali’t ang kaganapan ay hindi ang mga bagay na nangyayari. Ang kaganapan ay ang kabuuan ng mga pangyayari at pagiging “ganap” ng mga ito – perpeksyon, kaganapan, katuparan.

Kaganapan ang nais ng Diyos para sa atin, hindi karangyaan … at lalong hindi lang tagumpay at kagaanan sa buhay.

Ang talino ng mundo ay nakatuon sa dalawang ito, karangyaan at kagaanan sa pamumuhay. Bakit kan’yo ang daming mga Madame na nagpapaikot-ikot sa Senado, Kongreso, DBM at mga parking lot? Bakit kan’yo ang daming mga naghahatid ng sandwich at fudz (?) sa mga kagalang-galang? Mahina tayong lahat kung hindi natin makuha ito.

Tila kalokohan ang turo ni Moises: “Magpakabanal kayo, sapagka’t akong Panginoon ay banal.” Tila kamangmangan ang pangaral ni Pablo, na ituring ang katawan bilang templo ng Diyos. Ano? Hindi pa nga ako nagpapa Belo, templo na ako ng Diyos? At hindi lang yan … Parang kabulastugan ang turo ng Panginoon, na ialay ang kabilang pisngi kapag nasampal ka na sa isang pisngi. Shunga! Sino makapapayag dito?

Pero aminin man natin o hindi, ito ang takbo ng isipan ngayon. Mahina ka, kung tutuka ka na lamang at sukat ay palalampasin mo pa ang pagkakataon. Pera na, naging bula pa. Abilidad ang tawag dito. At mahina ang mga taong hindi marunong kumagat kapag may makakakagat. At timang ang taong sasalungat sa opinyong popular ng madla. Sino puedeng sumalungat sa survey ng SWS at Pulse Asia? A ver?

Isa sa mga mainit na usapan ay may kinalaman sa buhay ng tao. Magsalita ka at magpahayag ng iyong saloobin at tiyak na dudumugin ka ng sandamakmak na haters at naysayers, lalo na ang maiingay at maraming pondong Pro-choice. (Hmmm … saan kaya sila kumukuha ng pondo sa mga website, mga trolls, at mga patalastas galing sa mga komentarista sa radyo at TV?) Magturo ka ng laban sa kalakaran ng mundong mababaw at ikaw ay lilitsunin nila ng buhay. Kumampi ka sa mga nagpapahalaga ng buhay, at tingnan natin kung hindi papatayin sa tingin, sa libak, at sa masasakit na pananalita. Ano ang kanilang tulak? Sobra nang dami ang tao ngayon, kung kaya’t dapat kitlin o wag payagang matuloy ang mga batang hindi pa isinilang, o kasisilang pa lamang. Bawasan ang tao, pero saan ka? Wala ni isa man sa kanila ang magvovolunteer na sila ang mauna.

Malinaw na parang baliw ang turo ng Panginoon natin ngayon: mahalin ang nagpapahirap sa iyo … mahalin ang kaaway … ipagdasal ang namumuhi sa iyo … wag gaganti … wag magmamalabis … maging banal tulad ng Diyos … magpunyagi upang marating ang kaganapan … ang pagiging ganap tulad ng Diyos … ang pagiging banal, at sa ating panahon ang kaganapang ito ay nangangahulugang ganap kang kaaway ng mga hindi sumasang-ayon sa turo ng ebanghelyo.

Pero, isang salitang nagdudulot ng consuelo sa mga kagaya kong nagpaka buwang o nagpaloko ika nga sa Panginoon … Konting tiis pa … konting lakad pa … konting punyagi pa … “Ang ating Panginoong Diyos ay nagmamagandang loob!”

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 291 other followers