frchito

Archive for the ‘Kristong Hari’ Category

ANG PINUNO, PASIMUNO, AT ANG TUNAY NA PASTOL

In Karaniwang Panahon,Kristong Hari,LIngguhang Pagninilay,Tagalog Sunday Reflections,Taon A on Nobyembre 21, 2014 at 21:25

orthodox-holy-saturday-aus

Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari
Nobyembre 23, 2014

PINUNO, PASIMUNO, PASTOL

Isang masakit na katotohanan ang makitang ang mga namumuno sa atin ay tulad ng mga mababangis na hayop na mapagsamamtala sa mga tupa. Lalong masakit tanggapin ang kabatirang ang pinakamasahol na sindikato ay ang mismong inaasahan nating magtatanggol sa kapakanan ng mga mahihirap at maliliit na tao, na siyang kinabibilangan ng karamihang mga Pilipino.

Sa halip na pinuno, pasimuno sa katiwalian ang naririnig at nakikita natin halos araw-araw. Sa sobrang limit at dami ng mga imbestigasyon, wala nang naniniwala sa mga usaping wala namang pakay kundi ang isulong ang kani-kanilang mga adhikain. Wala silang iniwan sa palayok na galit sa kaldero sapagka’t madumi raw at maitim ang kanilang puwitan.

Nguni’t sa kabila ng ating pagka dismaya sa namumuno at mga pasimuno, ang kapistahan natin ngayon ay may kinalaman sa isang pinuno … sa isang hari … sa isang pastol …

Pero, sagli’t lang … hindi siya tulad ng ating mga pinuno at pasimunong ngayon ay ating kinamumuhian.

Una, hindi siya galing sa isang dinastiya. Ang kanyang angkan, bagama’t angkan ni David, ay mga pinunong ang inuna ay ang kapakanan ng kanilang kawan. Ang kanyang makamundong Ama ay hindi isang marangyang tao, kundi isang maliit na tao – isang karpintero tulad rin niya. Ang kanyang Ina ay isang dalagitang walang kapangyarihan na nagpuri sa Panginoon “sapagka’t iniangat niya ang mga mabababa at ibinagsak ang mga palalo.”

Ikalawa, ang kanyang pangangalaga at kapangyarihan ay hindi galing sa partido pulitikal, kundi galing mismo sa Diyos na siyang may akda ng gawang pang kaligtasan. Mula sa bibig ni Exequiel ay ating narinig: “Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa.”

Ikatlo, at ito ang pinakamahalaga, walang makamundong layunin at adhikain ang naghari sa kanyang puso at isipan, liban sa pagwawagi laban sa pinakamatinding kalaban ng sangkatauhan – ang kasalanan at kamatayang dulot ng kasalanan! “”Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayundin naman, dumating din ang muling pagkabuhay sa pamamagitan ng isang tao.”

Medyo nakababahala ang mga nagaganap sa ating lipunan. Nakawawala rin ang lahat ng ito ng pag-asa at nakapagpapapanaw ng katiwasayan.

Pero ang pista natin ngayon ni Kristong Hari ay isang patibay ng ating pag-asa. “Darating ang wakas, pagkatapos malupig ni Kristo ang lahat ng kaharian, pamahalaan at kapangyarihan; at ibibigay niya sa Diyos at Ama ang paghahari. Sapagka’t si Kristo’y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway.”

Hindi mga pasimuno ang nagtatangan ng ating kinabukasan. Hindi mga pulpolitiko ang may angkin ng ating hinaharap. Nasa Diyos at tanging nasa Diyos ang tagumpay. Hindi man ngayon, kung kailan tayo ay tila nalulukuban ng kasamaan at kadiliman, ay sa panghinaharap, sa araw ng Kanyang muling pagbabalik.

At kung ito man ay makatutulong sa ating pag-asa at pananabik, dapat nating banggitin na siya ay darating hindi lamang bilang pinuno at pastol. Siya ay darating rin upang maghatid ng katarungan, at paghihiwalayin niya ang mga tupa at mga kambing.

Siya ay pastol, pinuno at gatpuno: gabay at patnubay. Ipokus natin ang ating pag-asa sa kanya, at hindi sa mga kawatang nagpapanggap na mga pinuno at tagapaglingkod. “Pastol ko’y Panginoong Diyos, hindi ako magdarahop!” Mabuhay si Kristong Hari!

HARI, LINGKOD, LUWALHATI!

In Karaniwang Panahon,Kristong Hari,Taon K on Nobyembre 22, 2013 at 19:11

Sa Paraiso

Kristong Hari Taon K
Nobyembre 24, 2013

HARI, LINGKOD, LUWALHATI

Hindi ako nakapag post noong nakaraang Linggo … abalang-abala sa paghahanap ng paraan kung paano makatulong sa nasalanta ng bagyo. Pakiramdam ko ay isang batang nagsasalok ng tubig sa dagat upang ilipat sa balon. Walang saysay halos … walang maidadagdag sa laki ng problema.

Nabuhayan ako nang ako ay magpunta sa mall upang mamili ng isasama sa ipadadala sa Tacloban. Kasabay ko ay mga matatandang babaeng hindi na magkandaugaga sa dala – mga kahon-kahon ng biskwit, krakers, at nudels. Kasunod nila ang mga batang mag-asawang kasama ang mga anak, na ang hanap ay siyang hanap ko rin – mga pagkaing madaling ihanda at kainin.

Larawan ng kahinaan … kawalang kakayanan … kasimplehan.

Ito ang larawang hatid rin ng pista ni Kristong Hari. Malayo ang haring ito sa rangya at kapangyarihan, tulad nang malayo si David sa larawan ng isang may angking dahas at lakas, sapagkat siya ay isang hamak na pastol lamang.

Pista ngayon ni Kristong Hari. Nasaan kaya ang kanyang pagkahari sa mata ng mga ngayon ay tumatangis? Wala nang bahay … wala ring kabuhayan … wala na ang mga mahal sa buhay … sa ilang oras na unos ay naanod ang lahat. Isang dambuhalang trahedya ang pumawi sa kanilang kasalukuyan at kinabukasan!

Pero isang araw noong isang Linggo ay tumambad sa akin ang isang makapangyarihang karanasan. Isang lalaki ang nagdala ng malaking halagang mga relief goods sa aking opisina. Isang bunton. Lahat ng maaari niyang bilhin ay binili at ipinakahon. Limang araw matapos ang trahedya, ito ang kanyang kwento sa akin … Wala pa raw siya naririnig sa kanyang mga kamag-anak sa Tacloban.

Larawan ng makamundong kahinaan, oo … Ngunit larawan rin siya ng isang matayog na katatagan ng kalooban at pananampalataya. Tiim ang bagang ngunit tigib ng pananampalataya ang puso, nakuha pa niyang tumulong kahit hindi niya alam kung matitikman pa ng kanyang mga kamag-anak ang kanyang tulong.

Ito ang larawan ni Kristong Hari … kahinaan, kapayakan, kahinahunan at kalakasan! Pinahirapan siya. Tinuya. Tinudyo. Tinaasan ng kilay at ng boses: “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, iligtas mo ang iyong sarili at pati kami!”

Maraming nagdusa dahil sa dambuhalang trahedyang ito. Hindi sila karapat-dapat magdusa, tulad ni Kristong di rin karapat-dapat magbata ng hirap at mamatay sa krus. Nguni’t sa harap ng matinding dagok na ito ng kalikasan, ang isang hindi makatkat sa aking gunitang larawan ay ang mga taong hindi nawalan ng pag-asa. Hindi pinanawan ng pananampalataya, na siyang naging dahilan kung bakit naging ikona ang Pilipinas ng pagwawakas ng taon ng pananampalataya.

Matindi ang hagupit ng tadhana. Sobrang pait ang latay ng paghihirap ng ating mga kababayan. Subali’t matindi rin at mataginting ang pangako ng ating Haring nasadlak rin sa dusa: “Sa araw na ito, ay makakasama kita sa Paraiso.”

Purihin ka, O Kristong Hari, Ikaw ang Hari hindi lamang ng santinakpan, kundi Hari ng aming puso at kalooban!

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 351 other followers