frchito

Imbak para sa Kategoriyang ‘Taon K’

HARI, LINGKOD, LUWALHATI!

In Karaniwang Panahon,Kristong Hari,Taon K on Nobyembre 22, 2013 at 19:11

Sa Paraiso

Kristong Hari Taon K
Nobyembre 24, 2013

HARI, LINGKOD, LUWALHATI

Hindi ako nakapag post noong nakaraang Linggo … abalang-abala sa paghahanap ng paraan kung paano makatulong sa nasalanta ng bagyo. Pakiramdam ko ay isang batang nagsasalok ng tubig sa dagat upang ilipat sa balon. Walang saysay halos … walang maidadagdag sa laki ng problema.

Nabuhayan ako nang ako ay magpunta sa mall upang mamili ng isasama sa ipadadala sa Tacloban. Kasabay ko ay mga matatandang babaeng hindi na magkandaugaga sa dala – mga kahon-kahon ng biskwit, krakers, at nudels. Kasunod nila ang mga batang mag-asawang kasama ang mga anak, na ang hanap ay siyang hanap ko rin – mga pagkaing madaling ihanda at kainin.

Larawan ng kahinaan … kawalang kakayanan … kasimplehan.

Ito ang larawang hatid rin ng pista ni Kristong Hari. Malayo ang haring ito sa rangya at kapangyarihan, tulad nang malayo si David sa larawan ng isang may angking dahas at lakas, sapagkat siya ay isang hamak na pastol lamang.

Pista ngayon ni Kristong Hari. Nasaan kaya ang kanyang pagkahari sa mata ng mga ngayon ay tumatangis? Wala nang bahay … wala ring kabuhayan … wala na ang mga mahal sa buhay … sa ilang oras na unos ay naanod ang lahat. Isang dambuhalang trahedya ang pumawi sa kanilang kasalukuyan at kinabukasan!

Pero isang araw noong isang Linggo ay tumambad sa akin ang isang makapangyarihang karanasan. Isang lalaki ang nagdala ng malaking halagang mga relief goods sa aking opisina. Isang bunton. Lahat ng maaari niyang bilhin ay binili at ipinakahon. Limang araw matapos ang trahedya, ito ang kanyang kwento sa akin … Wala pa raw siya naririnig sa kanyang mga kamag-anak sa Tacloban.

Larawan ng makamundong kahinaan, oo … Ngunit larawan rin siya ng isang matayog na katatagan ng kalooban at pananampalataya. Tiim ang bagang ngunit tigib ng pananampalataya ang puso, nakuha pa niyang tumulong kahit hindi niya alam kung matitikman pa ng kanyang mga kamag-anak ang kanyang tulong.

Ito ang larawan ni Kristong Hari … kahinaan, kapayakan, kahinahunan at kalakasan! Pinahirapan siya. Tinuya. Tinudyo. Tinaasan ng kilay at ng boses: “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, iligtas mo ang iyong sarili at pati kami!”

Maraming nagdusa dahil sa dambuhalang trahedyang ito. Hindi sila karapat-dapat magdusa, tulad ni Kristong di rin karapat-dapat magbata ng hirap at mamatay sa krus. Nguni’t sa harap ng matinding dagok na ito ng kalikasan, ang isang hindi makatkat sa aking gunitang larawan ay ang mga taong hindi nawalan ng pag-asa. Hindi pinanawan ng pananampalataya, na siyang naging dahilan kung bakit naging ikona ang Pilipinas ng pagwawakas ng taon ng pananampalataya.

Matindi ang hagupit ng tadhana. Sobrang pait ang latay ng paghihirap ng ating mga kababayan. Subali’t matindi rin at mataginting ang pangako ng ating Haring nasadlak rin sa dusa: “Sa araw na ito, ay makakasama kita sa Paraiso.”

Purihin ka, O Kristong Hari, Ikaw ang Hari hindi lamang ng santinakpan, kundi Hari ng aming puso at kalooban!

ALAM KONG AKO’Y MULING BUBUHAYIN!

In Homily in Tagalog,Karaniwang Panahon,Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo,Taon K on Nobyembre 9, 2013 at 10:25

Stattler-Machabeusze

cnn

Ika-32 Linggo Taon K
Nobyembre 10, 2013

ALAM KONG AKO’Y MULING BUBUHAYIN!

Matagal-tagal na akong nagtuturo. Sa aking mahabang karanasan, mahalaga ang tinatawag nating mithiiin, pangarap, o panagimpan (vision sa Ingles). Ang mga mag-aaral na nagsisimula ng semester na walang mithiin, walang tiyak na gustong marating, o walang anumang inaasentar na layunin ay nananatiling parang walang natupad o nagawa sa loob ng anim na buwan.

Ang mga may mithiing taglay sa puso ay walang problemang magsumite ng mga requirements. Malayo pa ang deadline ay meron na silang handang papel na puede i-entregar. Ang walang pinanghahawakang pangarap at mithiin ay laging parang nagpapadala na lamang sa agos. Wala nang papel ay wala pang sagot sa pinal na pagsusulit.

Iba talaga kapag kahit mga bata pa ay mayroon nang nakikitang ibang bagay na hindi nakikita ng mga walang hinahanap at inaasam. Ito ang kwento ng mga magkakapatid na Macabeo. Mas pinili nilang mamatay kaysa lumabag sa utos ng Diyos. Bakit? Sapagka’t may nakikita silang hindi nakikita ng mga taong walang pananampalataya.

Ano ba ang nakita nila? Nasa kanilang harapan tuwina ang isang katotohanang hindi matanggap ng mga taong hindi tumatanggap sa Diyos na nagbitaw ng pangako – na mayroon muling pagkabuhay ng mga nangamatay at mayroon rin gantimpalang naghihintay sa mga nagpapakatapat sa pangako at panawagang ito.

Masakit man banggitin, ito ang malaking problema ng marami sa ating panahon. Hindi na nakikita ng marami ang mga bagay na higit pa sa pera, posisyon, at poder. Hindi ba’t ito ang kahulugan ng kung bakit sa kabila ng sinabi ng isang babaeng kilala ng buong Pilipinas na siya raw ay naniniwala sa sampung utos ng Diyos, ay hindi niya masagot kung bakit siya nagnanakaw ng limpak limpak na salaping galing sa kaban ng bayan.

Ito rin ang malaking problema ng buong sambayanang Pilipino. Takot tayo sa lindol, sa bagyo, sa baha, at sa marami pang ibang sakunang pabalik-balik sa ating bayan. Pero ang panggagalaiti ay nangyayari lamang kung kailan ito nagaganap. Pagkatapos ng unos at baha, kapag dumating na ang Pasko at Pista, ay nakakalimutan nating lahat ang dating malaking sakit ng ulo. Sa kabila ng paulit-ulit na niloloko tayo ng mga tampalasang politico, ay patuloy naman tayong pumapayag magpaloko, at patuloy pa rin naman natin sila inihahalal.

May isang banyaga ang bumisita sa Pilipinas at dinala siya sa isang Jollibee. Ang Pinoy na nagdala sa kanya ay walang sinabi at walang ginawa nang mabigyan sila ng sobrang Peach Mango pie. Biyaya rin iyon, ang marahil ay kanyang inisip. Kanya-kanyang palusot; kanya-kanyang pandaraya, at pag-iwas sa pagbabayad ng tama. Ayon sa isang manunulat, hinding-hindi raw tayo mapapahanay sa mga first world countries kung mananatili tayong walang pagmamalasakit sa totoo at tama; sa wasto at sa katarungan. Wala nang nababahala at naeeskandalo na ang mayor, governor, o congressman o senador ay may bahay na hindi kailanman mababayaran ng kanilang sweldo, pero ang magagarang bahay nila ay nagkakahalaga ng daan-daang milyong piso, at hindi lumalabas, sampu ng kanilang mga anak, pamangkin, at inangkin, nang walang dose-dosenang mga bodyguards.

Wala na tayong nakikita kundi ang ngayon at para dito. At ang ngayon at para dito ay hindi kailangan ng malawak at malalim na paningin, pangarap o mithiin. OK na ang maraming pera. OK na ang makapangyarihan. Ok na kung kami ay magara ang bahay at kotse kahit ang karamihan ay halos walang matuluyan.

Mababaw ang paningin ng mga tao ngayon. Hanggang selfie lamang at pa post post din kapag may time … hanggang limang daan lamang bago eleksyon at dagdag na limang daan matapos ang eleksyon … hanggang pakupit-kupit na lamang sa kaban ng bayan kahit walang kinabukasan ang milyon-milyong Pilipino.

May malinaw na leksyon ang mga pagbasa ngayon … ang pitong magkakapatid na minatamis pa nilang mamatay kaysa lumubag sa utos ng Diyos. May mithiin sila. May nakita silang hindi nakita ng mga mabababaw. Tulad rin ng sinasaad sa ebanghelyo, kelangan tuminging lampas sa mga gawaing makamundo tulad ng mga relasyong makamundo sa pag-aasawa o iba pang uring samahang makamundo.

Kelangan natin tumingin pa sa itaas, sa bundok ng Panginoon kung saan nagmumula ang kaligtasan. Kailangan natin ng malinaw na matang may nakikitang higit pa kaysa sa yaman, kapangyarihan, karangyaan at kababawan.

May mungkahi sa atin ang mga pagbasa … Bakit hindi natin tunghayan ang panawagan ng Diyos sa atin – tungo sa buhay na walang hanggan?

“Alam kong ako’y muling bubuhayin ng Diyos.”

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 338 other followers