frchito

Mga Paskil na Minarkahan ‘Dakilang Habag ng Diyos’

POOT AT PAGNGINGITNGIT O HABAG AT KAPATAWARAN?

In Homily in Tagalog,Taon A,LIngguhang Pagninilay,Tagalog Sunday Reflections on Agosto 31, 2011 at 22:39

Ika-24 na Linggo (A)
Setyembre 11, 2011

Mga Pagbasa: Ecc 27:30 – 28:7 / Roma 14:7-9 / Juan 13:34

N.B. Ipinapaskil ko na ito ngayon, sapagka’t hindi ako siguradong makapagpapaskil dahil sa isang mahabang lakbayin sa sunod na tatlong linggong darating.

Nagkatuig na ang paksain natin sa araw na ito ay akmang-akma at tugmang-tugma sa araw na ito, ika-sampung taon matapos maraming namatay sa World Trade twin towers, dahil sa poot at pagngingitngit. Sampung taon na ang lumipas nguni’t hindi pa rin maunawaan ng buong daigdig kung bakit ang dalawang saloobing ito ay patuloy na nagpupuyos sa damdamin at isipan ng marami.

Ang masahol pa sa bagay na ito ay ang mahirap tanggaping katotohanang ang batayan ng ganitong karumal-dumal na gawain ay walang iba kundi ang Diyos diumano. Para sa Diyos, ang tao ay pumapatay. Sa ngalan ng Diyos, ang ilang tao ay nagpapadala sa tawag ng karahasan. Sa ngalan ng Diyos, mayroong handang magpahirap, pumaslang, at kumitil ng buhay ng mga walang kamalay-malay, marating lamang ang kanilang minimithing diumano ay kagustuhan ng Diyos.

Di kaila sa marami sa atin na hindi ito ang turo ng banal na aklat. Bagama’t nakita natin sa Lumang Tipan kung paano ang pakikidigma ay bahagi ng buhay ng mga Israelita, hindi natin maikakaila na, sa paglawig ng unti-unting pagpapahayag ng Diyos, unti-unti ring luminaw sa kabatiran ng mga sumasampalataya, na hindi digmaan, kundi kapayapaan ang sanghaya at pithaya ng Diyos.

Sa unang pagbasa, ayon kay Sirac, ang poot at pagngingitngit ay siyang niyayakap ng mga makasalanan, subali’t ang kagustuhan ng Diyos ay ang habag at kapatawaran.

Kay rami na nating nasayang na panahon. Tuwing may bagong administrasyon sa pamahalaan, parang laging dapat magsimula uli sa zero. Kalimitan, ang sinimulan ng nakaraang administrasyon ay binabaligtad, o hinahadlangan ng sumunod. Ang mga posteng nagkalat sa mga lansangan, o ilaw na may mga pangalan ng lumang pinuno, ay sinisira, pinapalitan, at binabago ng sumusunod. Laksa-laksang pera ang nasasayang sa pagtatanggal lamang ng pamana o palatandaan ng naunang administrasyon. Poot at pagngingitngit ang siyang namamayagpag sa lipunan nating lubog sa kultura ng kasalanan at pagkamakasarili.

Nais kong isipin na isa ito sa mga tinutumbok ng magandang balita sa araw na ito. Tagubilin ni Pablo ang kaisipang “walang sinuman ang nabubuhay o namamatay sa kanyang sarili lamang.” Lahat tayo ay kabilang, kasapi, at kasama sa iisa lamang angkan, na dapat ay pinagbubuklod, hindi ng poot, kundi ng pagpapatawad at kahabagan.
Madali ang mapadala sa poot. Mahirap ang magpatawad ng nagpapahirap sa iyo. Hindi nadadala na lamang ang lahat sa pagpaparangya, o pagpapasensya, lalu na kung may halong malisya at poot rin ang ginagawang panunuligsa ng taong tila walang magawang magaling sa buhay. Hindi ako magsasabi ng totoo kung hindi ko aaminin na sinagian na rin ako nang di miminsan ng kagustuhang maghiganti, kumilos ayon sa takbo ng isipan ng mundo, at suklian rin ng masama ang gumawa sa akin ng masama.

Subali’t ito ang kadakilaan ng Diyos. Sa ebanghelyo, ayon sa talinghagang ipinahayag ng Panginoon, may isang katiwalang pinagparangyaan ng hari, pinagbigyan, at pinatawad sa pagkakasala. Nguni’t siyang tumanggap ng awa at habag, at hindi nagsukli ng parehong awa at habag. Ang kanyang poot at pagngingitngit ay ibinuhos niya sa kapwang tulad niya, ay may pagkakautang rin at kakulangan. Hindi niya nakuhang pagbigyan rin ang kapwa, tulad nang siya ay napagbigyan ng hari.

Malinaw ang turong sa atin ay nakatuon. Hindi tayo tinatawagan upang pagharian ang puso natin ng poot. Tayo ay tinatawagan upang tulad ng Diyos, ay magpamalas tayo sa isa’t isa ng awa at kahabagan.
Sadyang mahirap itong gawin. Hindi madali. Hindi isang iglap na maisasagawa ninuman. Pero ngayon pa man, ay dapat na tayong magpasya at mamili: ang daan ng poot at pagngingitngit, o daan ng awa at kahabagan.

Hindi mahirap isipin ang kahihinatnan ng unang dalawa. Hindi maglalaon at kaya nating wasakin ang buo nating mundo at ang lahat ng naririto. Nguni’t hindi rin mahirap makita ang hatid ng dalawang kasunod na salita … Ang poot ay naghahatid sa kamatayan, at ang awa ay nauuwi sa kapayapaan at katiwasayan.

Magpasya tayo ngayon din, yamang “ang ating mahabaging Diyos ay nagmamagandang-loob”

BUBUKLURIN, PADADAMAHIN, KAHAHABAGAN!

In Catholic Homily,Homily in Tagalog,Karaniwang Panahon,Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo,Propeta Isaias,Taon A on Agosto 10, 2011 at 17:32

Ika-20 Linggo ng Taon(A)
Agosto 14, 2011

Pambihira ang isang malaking taong yumuyuko at nagpapakababa. Bihira ang lumiliban sa kabilang panig upang makipagniig sa mga hindi niya kasamahan, hindi kababayan, at hindi kapanalig. Di ba’t saanmang bansa tayo magpunta bilang Pinoy ay pilit tayong nagsasama-sama, nagbubuklod, at nakikisalamuha sa kapwa nating Pinoy?

Ito ang isa sa mga malinaw na turo ng mga pagbasa natin sa araw na ito. Sa unang pagbasa, mga “dating dayuhan” ang nabilang sa bayan ng Diyos. Sa mga dating dayuhan na ito ay binitiwan ni Isaias ang isang pangako: “Dadalhin ko kayo sa Sion, sa aking banal na bundok.” Ang mga dating hindi kabilang, hindi katapong, at hindi kaisa at kaniig ay mabibilang sa angkan ng Diyos.

Pangako itong maluwag ang dating sa ating puso. Saanman tayo magpunta ay mayroong pagtatangi-tangi, pagkakahiwa-hiwalay, at pagkabilang sa iba-ibang mga pulutong. Sa London sa mga araw na ito, ang katiwasayan at kaayusan ay binasag ng matinding mga riot at kaguluhan, dahil sa isang karahasang ginawa ng kapulisan sa isang taong hindi puti ang balat. Sa ating bayan, bawa’t kalye na yata sa mga subdivision ay may harang, may bantay, may balakid. Iba ang iniikutang mundo ng mga may kaya, at iba ang iniinugang daigdig ng mga salat sa buhay.

Pangako itong tunay na tumitimo sa kaibuturan ng puso nating lahat. Di ba’t tayo ay mga pakawala kung minsan sa buhay natin? Di ba’t tayo ay nahihiwalay ng maraming beses sa kapwa dahil sa ating kasalanan at pagkamakasarili? Di ba’t tayong lahat ay napapadala kung minsan sa pagtatangi-tangi at paghahati-hati? Di ba’t tayo man ay nagiging banyaga kung minsan sa ating bayan? Di ba totoong kung minsan ay parang mas marami pang karapatan ang mga banyaga sa ating lupain kaysa sa ating lahat na taal na taga Pinas?
Ang pangakong ito mula sa bibig ni Isaias ay bunga ng isang pangarap ng Diyos para sa atin. At ano ba ang pangarap na ito?

Tingnan natin kung ano ang namumutawi sa bibig ni San Pablo … Kausap niya ang mga Hentil, mga taong hindi kabilang sa bayan ng Diyos, mga hindi Judio, mga hindi kapanalig. Subali’t bilang isang apostol, si San Pablo na mismo ang nagsabi: “pinangangatawanan ko ang aking ministeryo upang mangimbulo ang mga kababayan ko, at sa gayo’y maligtas ang ilan sa kanila.” “Ang muling pagtanggap sa kanila’ para na ring pagbibigay-buhay sa mga patay.” Pagyakap, pagtanggap, pakikipagkaisa ang dulot na mensahe na kaakibat ng kaligtasan … hindi pagtatangi, at lalung hindi ang paghihiwalay.

Ano ang naging daan ng pakikipagkaisa? Sinagot rin ito ni Pablo … “Sila’y naging masuwayin ngayong kayo’y kinahahabagan upang sila’y kahabagan din. Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin ng kanilang kasalanan ang lahat ng tao upang maipadama sa kanila ang kanyang habag.”

Bawa’t isa sa atin ay halimbawang mataginting ng habag na ito ng Diyos. Ako ang una … Buhay na larawan ako ng banal na habag ng Diyos. Hindi karapat-dapat, masuwayin, at makasalanan, patuloy pa rin niya akong tinatanggap, ipinagkakaisa sa inyong mga kapanalig.

Ito ang dakilang aral na malinaw pa sa sikat ng araw sa ebanghelyo sa araw na ito. Nagtungo si Jesus sa Tiro at Sidon, mga lugar na hindi dapat iniikutan ng isang Judio. Hindi lamang iyon, hinayaan niyang siya at kausapin ng isang babaeng Cananea. Bawal na bawal … hindi karapat-dapat … Nguni’t lumiban sI Jesus, pumunta sa kabilang ibayo, kumbaga, at tumanggap sa isang dapat ay ipinagtatabuyan ng mga Judio.

Ito ang buod ng magandang balita natin ngayon. Walang pagtatangi ang Diyos, bagkus, may pagtingin sa higit na nangangailangan. Tinugon niya ang babae… sa kanyang matinding pangangailangan, dahil sa kanyang matimyas na pananampalataya. “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.” Bagama’t batid ni Jesus na hindi dapat binibigyan ng pagkain ang mga aso galing sa dapat ay sa mga anak, nagdalang-habag siya sa Cananea.

Ito ang dakilang habag na tinitingala at hinihintay rin natin. Ako ang una sa lahat ang nangangailangan nito. Ito ang dakilang awa ng Diyos na naparito, hindi upang paglingkuran, kundi para maglingkod. Sa iyo. Sa akin. Sa ating lahat.

Sa araw na ito, tatlong kataga ang dapat mamutawi sa ating mga labi: bubuklurin niya
tayo, padadamahin ng kanyang pag-ibig, at kahahabagan. Purihin nawa ang Diyos na Ama ng awa at habag!

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 212 other followers