frchito

Posts Tagged ‘Homiliya sa Tagalog’

HINDI NA TAYO MAGDARAHOP!

In Uncategorized on Hulyo 20, 2012 at 20:30

Image

Ika-16 na Linggo Taon B

Julio 22, 2012

Mga Pagbasa: Jeremias 23:1-6 / Ef 2:13-18 / Marco 6:30-34

Hindi madaling sansalain ang mga sinasabi ni Jeremias, at mga kataga ni San Pablo. Hindi madaling tanggihan ang mga katotohanang binibigyang-pansin ng propeta, tungkol sa mga tulad niya at tulad naming mga propeta at pinunong “walang malasakit sa kanilang nasasakupan” at mga pabayang mga namumuno.

Lalung hindi madaling magbulag-bulagan sa katotohanang nagaganap ngayon man, saan man – ang mga iba-ibang uri ng “alitan na parang pader na naghihiwalay sa atin” at sa isa’t isa.

Tanging ang pinaka sinungaling lamang o nagbubulag-bulagan ang hindi aamin na ang lipunan natin ay tigib ng pagkakawatak-watak at kakulangan ng kaisahan. Tanging mga namamalik-mata lamang ang makapagsasabing wala tayong pinagdadaanang mga paghamon at mga pagyurak sa ganap at wagas na kaisahan bilang isang bayan.

May isa pa! Hindi pa ako tapos sa paglilista ng mga hilahil sa ating lipunan … at sa ating pinakamamahal na Simbahan. Alam nating lahat ito … may mga pinunong mandarambong lamang. May mga nasa poder na mapagsamantala lamang, mapanlinlang, mapaniil, at mapanlamang sa kapwa.

Masakit ang mga salitang binitawan ni Jeremias! “Parurusahan,” diumano, “ng Panginoon ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan.” Nguni’t kung gaano kasakit ang kanyang mga kataga, ganoon rin naman, at higit pa, kung gaano naman katindi ang kanyang pangakong tigib ng malasakit at pagkalinga: “”Ako na ang magtitipon sa nalabi sa aking mga tupa mula sa lahat ng pinagtapunan ko sa kanila.”

Halos 30 na taon na akong paring naglilingkod sa bayan ng Diyos. Sa nakaraang maraming taong ito, napagdaanan ko na ang lahat marahil. Naging matagumpay ako sa maraming ginawa ko; nguni’t marami rin akong pinagdaanang kabiguan. Natikman ko kung paano mahalin, igalang, at sundin ng maraming tao. Naranasan ko rin, kung paano ako laitin at tanggihan ng ilan. Sa biyaya ng Diyos, napagdaanan ko ang isang mayamang hanay ng mga karanasang nakatulong upang maging mabuti akong guro, predikador, manunulat, at tagapayo.

Bagama’t masasabi kong naging mabuti at masipag akong pari, alam kong marami rin akong naging kakulangan, o kasalanan sa Diyos, at sa kanyang bayan. Sabi nga nila, ang bawa’t santo ay may nakalipas, at ang bawa’t makasalanan ay may hinaharap.

Maging si San Pablo ay marami ring pinagdaanan. Naranasan niya rin ang hindi tanggapin, ang makulong, ang kamuhian dahil kay Kristo. Nguni’t sa araw na ito, nagpapasalamat siya sa Diyos sapagka’t pinagkasundo niya ang mga Judio at mga Hentil, at pinawi niya ang alitan na parang pader na nagpahiwalay sa mga tao.

May nakaraan si San Pablo – at may hinaharap na kanya nang inaako!

Nais kong isipin na ito ang magandang balitang maari nating pagyamanin ngayon.

Hayaan ninyong ipaliwanag ko …

Ayon sa ebanghelyo natin ngayon, ang mga disipulo ay abalang-abala sa pangangaral at pamumuno sa napakaraming taong lumalapit sa kanila. Dumating ang sandali na gusting-gusto nilang ikwento kay Jesus ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. Ang mahalagang salita ay “lahat.” Kung lahat ito, hindi malayong ilan sa mga kwento nila ay may kinalaman rin sa mga kabiguan, o sa mga bagay na matatawag nating mapait na karanasan. Hindi lahat marahil ay natuwa sa kanilang ginagawa.

Subali’t sa gitna ng pagkabalisang ito ng lahat, pati ng mga disipulo, iisa ang tugon ni Jesus sa kanila: “Magtungo kayo sa ilang na pook upang malayo sa karamihan at makapagpahinga kayo nang kaunti.”

Ito ang butihing pastol … hindi nabalisa sa lahat ng kwento ng mga disipulo … hindi napadala sa kanilang pagkabalisa, at sa posibleng kaguluhan ng isipan at damdamin. Bilang pastol, hinikayat niya sila … inakay at inihatid sa tamang landasin … hindi sa pagmamaktol … hindi sa dagdag pang pagkabalisa at kaguluhan ng isip, bagkus sa kapayapaang dulot ng panalangin at pagbubulay-bulay sa mga naganap sa kanilang buhay.

Hindi kaila sa inyo na kaming mga pastol at pari ninyo ay hindi ganap. Hindi perpekto. May mga kasalanan at kamalian rin kami. At marami rin kaming kapalpakan. Bilang pastol ninyo, kami may ay nangangailangan ng pagpapastol ng Diyos, sa katauhan ni Kristong Panginoon.

Sa mga sandaling naging palpak kami … sa mga sandaling naging masama kaming halimbawa, at mga pastol na walang malasakit sa kawan, humihingi kami ng patawad at pang-unawa. At sa sandaling ito, nais ko sanang magdaup-palad tayong lahat – mga pari at laiko – upang bilang iisang kawan ni Kristong butihing pastol, ay atin nang kuhanin at angkinin ang kanyang pangako sa atin, na siya nating dasal ngayong araw na ito … “Pastol ko’y Panginoong Diyos, hindi ako magdarahop!”

Pinagyaman ng Diyos mismo, at biniyayaan niya ng ganitong pangako, wala na tayong dapat ikabahala. May pagkakataon tayong magtungo sa ilang na lugar upang makapagnilay-nilay. Sa kabila ng mga kakulangan naming inyong mga pari at pastol, sa kabila ng marami naming kasalanan at kapalpakan, ito ang katotohanang lumulutang sa ating harapan sa araw na ito … hinding hindi na … kailanma’y hindi na tayo magdarahop!

INUTUSANG MAGSALITA PARA SA KANYA

In Uncategorized on Hulyo 13, 2012 at 15:04

Image

 

Ika-15 Linggo ng Karaniwang Panahon (B)

Julio 15, 2012

 

Mga Pagbasa: Amos 7:12-15 / Ef 1:3-14 / Mc 6: 7-13

 

May kasabihan tayo sa Tagalog na kapag gusto, maraming paraan, pero kapag ayaw, maraming dahilan. Kapag kursunada natin, mabilis pa tayo sa a las kwatro, ika nga. Kapag ayaw natin, mabagal pa tayo sa pagong.

Mahaba-haba na ring panahon akong namuno ng tao at nangasiwa ng mga gawaing nangangailangan ng maraming tao. Matagal-tagal na rin akong nagtuturo. Mula sa sarili kong karanasan at sa karanasan ko sa iba, palagay ko’y madaling maunawaan na mayroong taong napakadulas, parang si Palos, na napakagaling magpalusot. Anumang gusot ang kanilang pasukin, ay laging nakakakita ng palusot, ng paraan para makahulagpos o makaiwas sa kahihiyan. Marami silang naiisip na dahilan … maraming kadahilanan at pangangatwiran.

Noong nakaraang Linggo ay pinag-ukulan natin ng pansin si Amos at ang katotohanang kapag hindi ka kursunada ay hindi ka tatanggapin ng ibang tao. Pinag-usapan natin pati na rin ang pagtanggi ng tao sa aming mga pari. Nguni’t pinag-usapan rin natin ang pagtanggi natin sa Diyos at sa kanyang mga aral, tulad ng mga rebeldeng Israelita na nag-aklas laban sa Diyos.

Wala ni isa man sa ating lahat ang hindi nakaranas ng pagsiphayo o kawalang maluwag na pagtanggap ng kapwa. Lahat tayo ay mayroong paborito at lahat rin tayo ay mayroong ayaw na tao.

Ito ang mapait na karanasan ni Amos. Tinanggihan siya ni Amasias na nagsabi: “Bulaan kang propeta! Magbalik ka na sa Juda!”

Masasabi nating ito rin ang naging karanasan ni Pablo. Mula sa kanyang mga kwento rin natin napagtanto na tumangis rin siya sa kawalan ng pagtanggap mula sa kanyang mga pinagmalasakitan, na marahil ay naging sanhi kung bakit nagwika siya tungkol sa isang “tinik sa kanyang kalamnan” na nagpahirap sa kanya nang matagal.

Nguni’t ano nga ba ang mabuting balitang puede nating mapulot tungkol dito?

Sa aking pakiwari ay simple lamang. Tingnan natin ang sarili nating karanasan. Di ba’t kapag hindi tayo tinanggap ng iba ay nagtatampo tayo o nagagalit? Di ba’t tinatanggihan din natin sila? Di ba’t kumbaga ay nadidiskaril ang buhay natin dahil sa kawalang pagtanggap ng iba sa atin? Nasisira kumbaga ang ating diskarte?

Sa buhay ni Amos ay hindi ganito ang naging tugon niya. Sa pagtanggi ng iba, ay lalu namang namayani ang kanyang pagtanggap sa gusto ng Diyos. At sa masakit na pananalita ni Amasias, ay katotohanan lamang ang kanyang sinagot: “Hindi ako propeta – hndi koi to hanapbuhay. Ako’y pastol at nag-aalaga rin ng mga punong-igos. Ngunit inialis ako ng Panginoon sa gawaing iyon at inutusang magsalita para sa kanya.”

Sa buhay ni Pablo ay parehong pamamayani ang naging tugon niya. Sa halip na manghinawa, malungkot, magtampo at magtatambaw, ay ito ang kanyang ginawa. Sa harap ng panlalait, sa harap ng pagtanggi ng iba, sa harap ng paghihirap, ay nagbilang siya ng biyaya.

Oo … nagbilang siya ng dahilan upang magpasalamat at magpuri sa Diyos. Una, “pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espiritwal.” Ikalawa, “hinirang niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan.” Ikatlo, “itinalaga upang tayo ay maging anak niya.” Ika-apat, “tinubos tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan.” Ikalima, “binigyan niya tayo ng karunungan at kabatiran.” At ika-anim, “tayo’y naging bayan ng Diyos.”

Malimit ay ano ba ang binibilang natin? Ano ba ang nasa listahan natin? Di ba’t pawang negatibo? Di ba’t listahan ito ng mga maling nagawa ng ibang tao sa atin? Di ba’t malimit ay listahan ng mga “pagkakautang” ng iba sa atin?

Mayroon tayong puedeng gawin dito. Tulad ng salmista, tayo ay tinatawagan upang gawing sariling atin ang kanyang panalangin: “Pag-ibig mo’y ipakita; iligtas kami sa dusa.” Ito ang ating pag-asa. Ito ang hinihintay natin sa kanya. Ito ang tampulan ng ating pag-asa … “mga lingkod niya’y magiging payapa” … “ang pagtatapatan ay pag-iibiga’y magdadaup-palad; ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.” “Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay; ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam.”

Hindi ito mga hungkag na pangako. Ito ay katotohanang binigyang patotoo ni Amos at ni Pablo.

Simple lamang ang dapat natin gawin. Magbigay patotoo … mag-asal totoo … magpamalas sa mundo na tayo ay sugo, tayo ay pinagkatiwalaan, at bagama’t hindi tayo tinatanggap ng ilan, ay nasa panig natin ang Diyos at ang kanyang katotohanan. Mabuhay ang lahat ng mga sugo ng Diyos, pari man o laiko, na patuloy na nagpapagal at nagtitiyaga, meron mang pagtanggap, o puno man ng pagtanggi.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 344 other followers