frchito

Posts Tagged ‘Homiliya sa Tagalog’

SA TAKDANG PANAHON, AYON SA TAKDANG PAMAMARAAN NG DIYOS!

In Uncategorized on Hunyo 15, 2012 at 14:44

Image

Ika-11 Linggo ng Karaniwang Panahon (B)

Hunyo 17, 2012

 

Mga Pagbasa: Ez 17:22-24 / 2 Cor 5:6-10 / Mc 4:26-34

 

Isa sa mga alaalang hindi madaling mapuknat sa aking isipan ay ang paghahalaman. Binuhay kami at pinalaki ng mga magulang namin sa paghahalaman, sa pagtatanim, una ng kape na siyang pinagkunan ng pinag-paaral sa amin, sa sa mga iba-iba pang halaman tulad ng gulay, na pumalibot sa bakuran namin, noong kami ay mga batang paslit lamang.

Ngayong ako ay narito sa loob ng ilang araw sa Jakarta, Indonesia, muling nagbalik sa aking isipan ang mga larawan ng luntian at mayayabong na halamang aking kinagisnan sa Mendez, Cavite, kasama ng mga higanteng mga puno at mayayabong rin na mga halamang gubat, na nakita ko sa maraming gubat at bundok na aking naakyat noong ako ay mas bata pa.

Kung saan ako naruon ngayon sa Wisma Salesian Don Bosco dito sa Sunter Jaya, Jakarta, natutuwa akong manungaw at makakita ng mga matatabang mga halamang nagbibigay tuwa sa aking alaala, at nagpapataba sa puso ko, tulad ng nagbibigay rin ng kalungkutan dahil sa kabatirang sa maraming lugar sa Pilipinas, ang mga puno at halaman at naglaho na, at napalitan ng mga batong gusali, o napatungan ng mga bahay na magkakadikit halos, at wala nang mga bakuran tulad ng dati.

At bakit, matanong ninyo, ito ang aking binabanggit ngayon?

Simple lamang po. Ang mga pagbasa ngayon ay tinutumbok ang dalawang bagay: una, ang paglago at pagyabong ng Kaharian ng Diyos, ang Simbahan, tulad ng isang halaman; at ikalawa, ang pangangailangan nating lahat na hindi padala sa panghihina ng loob, at bagkus magdalang tapang sa pagharap sa mga paghamon ng lipunan at ng panahon.

Ito ay dalawang bagay na lubha kong kailangan, o tunay na malapit sa puso ko. Gaya ng nasabi ko, ako ay lumaki na napapalibutan ng halaman at puno. Ikalawa, sa loob ng 30 taon na halos na ako ay pari, pinagdaaanan ako di miminsan ng panghihinawa, at kawalan ng kalakasan ng loob, at panghihinayang sa pagdating ng mga katotohanang hindi ko inaasahan – mga mapapait na karanasang nagpadulas sa akin, at naging sanhi upang mawalan ng pag-asa tungkol sa maraming bagay sa mundo.

Kasama na rito ang nagbabagong klima at ang patuloy na paglalaho ng mga yamang pangkalikasan, dahil sa katakawan ng tao. Kasama rin dito ang napipintong paghihirap na may kinalaman sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng kaligtasan, dahil sa mabilis na pagbabago ng kultura ng kabataan, at ng buong lipunan na malimit ay nalilinlang ng mass media at ng komersiyo sa TV at radio at internet.

Alam kong naparito kayo sa Simbahan upang mai-angat ang inyong pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Alam kong naparito kayo upang makarinig ng pangaral na may kinalaman sa kung ano ang dapat gawin ng mga sumasampalataya. Alam kong marami sa inyo ay naparito hindi lamang upang makarinig ng magagandang pananalita, bagkus upang magkaroon ng lakas upang gampanan ang tungkulin na tumulong upang mapawi ang paninikil, at paniniil ng puwersa ng kasamaan at kasalanan – sa ating personal na buhay at buhay panglipunan. Alam kong naparito tayo sa simbahan hindi lamang para magdasal, kundi matutong makibaka, makihalubilo at makisama upang makatulong sa Diyos na matupad ang kanyang pangako – na sumaatin ang kanyang paghahari dito sa lupa, para nang sa langit.

Pag-asa ang aking kailangan … na parang tubig sa isang uhaw at tigang na kalooban na pinapanawan rin ng pagpupunyagi. Di miminsan akong nabigyan ng death threat, dahil sa aking pagpupunyagi, tulad ng aking paglaban sa droga o pakikibaka para sa kalayaang pantao. Di miminsan akong kinagalitan ng mga taong ang akala nila ay ang pagsisimba ay ang pansariling pagdarasal lamang, at walang kinalaman sa pagpapanibago ng isang politikang demasyadong makasarili, demasyadong mapanlinlang, at demasyadong mapagsamantala – ngayon, at noon pa man.

Pag-asa ang punto ng unang pagbasa, mula sa isang propetang tila sanay magwika tungkol sa buhay mula sa tuyot na mga buto. Pag-asa ang dulot niya, na nagwika tungkol sa vision ng Diyos, na kukuha at pipitas ng isang sanga mula sa sedro upang itanim muli sa isang mataas na bundok, at yayabong at lalago …

Larawan ito ng Paghahari ng Diyos na darating … lalago … lalawak … at magbubunga nang marami para sa kaligtasan ng tanan. Larawan ito ng kung paano kumilos ang Diyos … hindi nagmamadali, hindi padalos-dalos, hindi naiinip, bagkus gumagawa nang dahan-dahan, nguni’t patungo sa kaganapan!

Larawan din ito ng mga nagpasimula sa gawaing Salesiano dito sa Indonesia … sa pagpupunyagi nina Fr. Carbonnell at mga kasama, na kumuha ng sanga kumbaga mula sa Maynila, at nagtanim dito sa Jakarta, na ngayon ay mayabong, at patungo sa paglago, ayon sa Kanyang takdang panahon, ayon sa kanyang pamamaraan.

Nais ko sanang huwag ninyo akong sundan sa kawalan ng pag-asa, at panghihinawa. Nais ko sanang tingnan natin ang napakaliit na buto ng mustasa, na bagama’t napakadaling hipan at iwala, kapag lumaki ay puedeng pagbahayan ng mga ibon, at magbigay ng lilim sa nangangailangan.

Ito ang Simbahan ng Diyos. Ito ang paghahari ng Diyos. Nagmumula sa maliliit at tila walang silbi. Nguni’t nagbubunga nang marami sa takdang panahon.

Atin sana ipagdasal ang mga misyonerong nagpapagal sa maraming lugar sa daigdig. Atin sanang ipagdasal na ang paghahari ng Diyos ay tunay na sumaatin, ngayon, duon, saanman, kailanman, sa kanyang takdang panahon, sa kanyang takdang pamamaraan, sa tulong natin at ng balana, tungo sa buhay na walang hanggan!

Wisma Salesian Don Bosco

Jl. Mandor Iren No. 5

Sunter Jaya, Jakarta

Indonesia

Hunyo 15, 2012

Araw ng Ordenasyon ni Rev. Peter Ryan Vergouw, SDB atbp

LAHAT NG INIUTOS, AMING SUSUNDIN!

In Catholic Homily,Homily in Tagalog,Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo,Tagalog Homily,Tagalog Sunday Reflections,Taon B on Hunyo 7, 2012 at 18:02

Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo(B)

Junio 10, 2012

Mga Pagbasa: Exo 24:3-8 / Hebreo 9:11-15 / Mc 14:12-16. 22-26

Lahat tayong nagdaan sa pagka bata ay hindi makatatanggi dito … Sino sa atin ang hindi sumuway sa utos ng magulang? Sino sa atin ang hindi nagpatumpik-tumpik bago tuluyang tumalima sa pangaral ng nakatatanda? Ako ang unang-unang hindi tatanggi.

Noong kami mga bata, ang TV ay de susi. May pintong maliit na pinadudulas, tapos ay may maliit na trangka, na sinususian ng magulang namin kapag sila ay aalis, para kami ay hindi maghapong tumangla sa TV na black and white lang naman. Hindi nagtagal at nadiskubre namin na ang susi ay parang susing pambahay-bahayan … kayang tungkabin kahit ng isang paper clip, o nail file na nakakabit sa nail cutter. Alam nyo na ang kasunod nito. Nanatiling nakasusi ang TV habang sila ay naroon pa. At pagka-alis nila ay tuloy ang aming ligaya … hanggang sa programa ni Oscar Obligacion na “Oras ng Ligaya.”

Bago sila umalis, marami silang utos. Linisin aniya ito … bunutin aniya ang sahig … lampasuhin ang pasimano … hugasan ang mga pinggan. Ang sagot naming? Opo! Pero natupad ba? Hindi. Walang kaibahan ang lahat sa utos sa amin na maligo. Oo … ligong uwak, ika nga. Mabilis pa sa lagaslas ng tubig, sapagka’t ang pakay naming ay walang iba kundi maglibang at maglaro.

Kwento ito ng lahat ng tao. Kwento rin ito ng bayan ng Diyos … salawahan … pasaway … hindi lubusang sumusunod sa mga kautusan ng Diyos.

Nguni’t sa kabila ng lahat ng ito, ayon sa kasaysayan ng kaligtasan, hindi kailanman nanghinawa ang Diyos. Hindi siya napadala sa pagkagalit at kakapusan ng pasensiya sa taong salawahan at taksil. Ito ang buod ng lahat ng pag-asa sa araw na ito, na pawang tinutumbok ang diwa ng dugong nabuhos, naialay, at ipinagkaloob bilang tanda at patunay ng kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng tao.

Ang unang pagbasa ay ang maigting na kasunduan sa pamamagitan ni Moises … Pinamili ni Moises ang kanyang bayan. At sa siping ito, mula sa aklat ng Exodo, ay nakita natin ang matibay na pangako ng bayan ng Diyos – pangakong may dalawang bahagi, may dalawang aspeto, may dalawang nilalaman: tinatanggap naming ang lahat, at nangangako kaming gagawin namin ang lahat, ayon sa kanyang ipinag-utos. “Lahat ng iniutos ng Panginoon ay susundin namin.”

Sa panahon natin, napaka-makapili tayo kumbaga. Pinipili natin ang susundin natin. Pinipili natin ang siyang pagkakalooban natin ng pagtitiwala at pagtalima. Maging ang pananampalataya natin ay tasado, may bakod, ika nga, at tinatanggap lamang natin ang angkop sa kagustuhan natin, at ang ayaw natin ay bagkus iwinawaksi at sinisiphayo. Para tayong namimili ng pagkain sa cafeteria. Kung ayaw natin ng utos tungkol sa pagpapahalaga sa buhay, ay di natin tinatanggap.

Di kaila sa marami sa inyo, na may isang grupong ang tawag nila sa sarili ay CATHOLICS FOR RH. Sila raw ay katoliko, pero sinisiphayo nila ang turo ng Inang Simbahan tungkol sa pagpapahalaga at paggalang sa inosenteng buhay. Pinili lamang nila ang gusto nilang paniwalaan at ang hindi akma sa kanilang isipan ay masugid nilang kinokondena.

Sa maraming pagkakataon, para pa rin tayong mga batang sumagot sa magulang na “Opo, bubunutin namin ang sahig” nguni’t kapagdaka’y babalik lamang sa maghapong panonood ng cartoons na paulit-ulit naman lamang. Nangako nguni’t napako ang pangako sa pagkasalawahan at pagka taksil.

Mahirap tanggapin ang pangaral tungkol sa pagkain ng katawan at dugo ng Panginoon. Pati mga disipulo niya ay nagulumihanan sa simula. Pati sila ay nagnais ding iwanan siya sa ilang, sapagka’t mahirap unawain, at lalung mahirap tanggapin, na dapat silang kumain ng kanyang laman at uminom ng kanyang dugo.

Subali’t hindi na dugo ng korderong inialay sa sakripisyo sa altar ang pinag-uusapan dito, kundi ang dugo niyang bagong korderong naghugas at nagpadalisay sa kanyang mga tagsunod.

Napakayaman ang mga pagbasa ngayon, at napakahirap piliin kung alin ba ang bibigyang diin sa homiliya. Sa araw na ito, hayaan nyong ito lang muna ang ating balangkasin … ang pagtanggap nang buo at ganap, at ang kaakibat nitong pagtupad sa tinanggap. Dalawang aspeto ang tugon ng mga Israelita. “Lahat ng utos ay aming tanggap.” Pero mayroon pang isa … Lahat ng ito ay aming gagawin.

Hindi lamang ito nakukuha sa dada. Hindi lamang ito isang hungkag na kataga, kundi salitang nagkakadiwa, nagiging totoo at ginagawa. Huwag tayong tumulad sa mga tampalasang politico na hanggang campanya lamang ang mga pangako. Maging makatotoo sana tayong lahat… “Lahat ng kanyang iniutos ay aming gagawin, aming tutupdin.!

Magkabunga nawa ang komunyon na ating pagsasalu-saluhan ngayong araw na ito.

Lopez Farm, Barangay Sabang

Naic, Cavite

June 7, 2012

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 344 other followers