frchito

Posts Tagged ‘Karunungan’

TUNAY, TOTOO, AT MAKATOTOHANAN

In Uncategorized on Agosto 15, 2015 at 10:02

Detail_of_the_'Christ_Feeding_the_People'_mural_by_Fyffe_Christie

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-20 Linggo ng Taon B

Agosto 16, 2015

TUNAY, TOTOO, AT MAKATOTOHANAN

Tatlong ulit ko sinabi ang parehong bagay sa pamagat. Gaya-gaya lang ako, kasi ang tatlong pagbasa ay tumutumbok nang tatlong beses sa iisa rin katotohanan – ang KARUNUNGAN!

Isang paanyaya ang dulot ng unang pagbasa: “Lisanin ang kamangmangan upang kayo ay mabuhay, at ang landas ng unawa ang tahakin at daanan.”

Isang paalaala naman ang hatid ni San Pablo: “Mamuhay kayong tulad ng matatalino, at di tulad ng mga mangmang.”

At sa ebanghelyo naman, ay malinaw na ipinahihiwatig ni Kristong siya ang pagkaing binanggit sa Aklat ng Kawikaan: “Halikayo’t inyong kainin ang pagkain ko, at tunggain ang inuming inilaan ko sa inyo.”

Sabi nga sa salitang ginamit kamakailan ni Lacierda at Joey Salgado, “trulalu” na ang dulot ng Panginoon ay di lamang pagkain, kundi tunay na karunungan.

Talagang kailangan natin ngayon ng karunungan. Litong lito tayong lahat. Hindi natin alam kung alin ang totoo at tunay … ang sinasabi ba ng mainstream media? Ang sinasabi ng mga survey? Ng SWS, o Pulse Asia? Ang sinasaad sa New York Times? Ang ipinangangalandakan ng ABS-CBN, GMA-7 at Interaskyon 5?

Madaling mahilot ang “totoo” at nabibili sa panahon natin ang “tama.”

Nais kong isipin na sa araw na ito, ang ganap at buong karunungan ang alay ng Diyos para sa atin. Hindi tayo tulad ng mga taong pinakain lamang ng Panginoon sa ilang at nagutom na muli. Hindi rin tayo katulad ng mga taong nagsipagsunuran sa Panginoon, hindi sapagka’t naghahanap sila ng dagdag pang pangaral kundi sapagka’t sila ay nabusog at gustong maka-libre muli ng McDo sa ilang.

Sa araw na ito, hindi lang sandwich o tapsilog ang bigay ng Panginoon. Ang tunay na kaloob Niya at ganap na karunungan: ang kapakanang pang kaluluwa at kapakanang pang katawan nating lahat.

Malinaw na hindi lang sandwich ang alay ng Panginoon. Malinaw na tunay at ganap na karunungang naghahatid sa tunay na buhay ang kanyang alay sa atin ngayon: “Ako ang pagkaing nagbibigay buhay na bumaba mula sa langit.”

Malinaw na buo at ganap ang kanyang pakay para sa atin – ang ganap at tunay na buhay na hindi kailanman magwawakas. “Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito.”

Hindi lang tsibog ang kanyang dulot. Hindi lang pangkatawang kapakanan ang kanyang pakay. Ang hanap niya ay kapakanang pangkaluluwa, o pang espiritwal, higit sa lahat.

Di ba’t ito ang paalaala ni San Pablo? “Huwag kayong mga hangal. Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.”

Wag lang tayo tumayo at tumunganga sa Misa. Huwag lang tayo maupo sa labas at mag-text habang nagsesermon ang pari. Huwag lang tayong masiyahan na sumilay o magpakita lamang sa Simbahan, para masabing gumawa tayo ng ating tungkulin sa Diyos.

Hanapin natin ang tunay … sige na – ang trulalu! Ang tapat, ang totoo at makatotohanan!

Tikman at tingnan ang kabutihan ng Panginoon! Taste and see the goodness of the Lord!

Tunay na wala na kayong ibang hahanapin pa! “Ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin.”

HINALA, O TIWALA PARA SA KATIWALA?

In Homily in Tagalog,Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo,Tagalog Homily,Tagalog Sunday Reflections,Taon K on Setyembre 20, 2013 at 10:25

Luke-16-1-13-a

Ika-25 Linggo Taon K
Setyembre 22, 2013

TIWALA, O HINALA PARA SA KATIWALA?

May pagkakataong angkop na angkop ang wika natin upang gawing tulay ng pagninilay. Ang ebanghelyo sa araw na ito ay isang halimbawa.

Isang katiwala ang hindi naging tapat sa kanyang amo. Nilustay ang perang hindi kaniya. At dahil darating na ang amo para hingan siya ng pagtutuos o cuentas claras, kumbaga, mabilis siyang nag-isip at nagpasya. Namudmod ng perang hindi kanya, at binura ang bahagi ng pautang ng kanyang amo sa kanyang mga kostumer.

Ito ang matindi. Pinuri pa siya ng Panginoon dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Isa isantabi natin sumandali ang usapin kung tama o mali ang kanyang ginawa. Hindi para sa atin ngayon ang pagtalunan kung wasto o mali ang pandarayang ginawa ng katiwala upang magkaroon siya ng kaibigang tutulong pag nagkataon.

Katalinuhan! Ito ang dahilan kung bakit pinuri siya. Pagpapasya! Ito ang naging bunga ng kanyang katalinuhan. Mabilis nag-isip. Mabilis kumilos. Sapagka’t alam niya ang kanyang gusto – ang makagawa ng mga kaibigang tutulong sa kanya sa kanyang darating na pangangailangan.

Minsan, tayo ay sinasagian ng matinding mga suliranin. Kapag dumapo ang matinding krisis, may mga taong hindi makapagpasya, hindi makapag desisyon. Sa harap ng krisis, ang mga taong ito ay tila nagiging parang tuod, walang buhay, walang malay, walang alam gawin. Hindi alam kung saan susuling, saan babaling. Mali man o tama ang ginawa ng katiwala, hindi natin siya mapupulaan ng kawalan ng pasya, o kawalan ng wisyo, o kakulangan ng kilos.

Sa ating panahon, matindi at malawak ang kaguluhan. Maraming sala-salabat na suliranin. Maraming iba-iba at sanga-sangang mga problemang dapat harapin. May mga taong sa harap nito ay nanlulumo, nanghihina, nawawalan ng ulirat at hinahayaan na lamang magnaknak ang mga sugat. Walang pasya. Walang desisyon. At lalong walang ginagawa!

Isa sa liksyong puede nating makuha sa ebanghelyo ay ito. Kailangan ng juicio upang harapin ang problema. Kailangan ng talino upang lapatan ng lunas ang anumang suliranin. Kailangan ng karunungan upang harapin ang mga pagsubok at gawan ng paraan upang malutas.

Ito ang ipinamalas ng katiwala!

Pero hindi pa tapos ang talinghaga. Matapos ipamalas ni Jesus na kailangang magpasya at kumilos upang harapin ang krisis, dinagdagan niya ang pangaral. At dito pumapasok ang iba pang dapat taglayin ng isang katiwala upang hindi mauwi sa paghihinala, o kawalan ng tiwala ng pinaglilingkuran.

Ano ba ang dagdag na kailangan pa bukod sa karunungan?

Ito ang turo ng Panginoon … kailangan rin ng katapatan, diumano. Kailangan maging tapat sa maliit man o sa malaki. At ang paalaala sa atin ay ito: “Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang magdaraya sa maliit na bagay ay magdaraya rin sa malaking bagay.”

Nahubaran ngayon ang maraming tao dahil sa malakihan at malawakang kurapsyon. Daan daang milyong piso ang posibleng ibinulsa ng mga taong hindi katiwa-tiwala sa loob at labas ng pamahalaan.

Sa harap ng mapait na katotohanang ito, hindi puede ang pabandying-bandying lamang. Hindi puede na hindi pairalin ang karunungan. At lalung hindi puedeng hindi pairalin ang pagpapasya at pagdedesisyon sa paggawa ng tama. Sa harap ng krisis, hindi puede ang patulog-tulog at pag-aasal Juan Tamad na naghihintay na lamang na malaglag ang bayabas.

Kailangan natin ng karunungan upang malaman kung ano ang dapat gawin. Subali’t kailangan rin natin ng desisyon at pagkilos upang unti-unting mapawi ang kinasadlakan nating kapalaluang malawakan.

Higit sa lahat, kailangan nating isapuso at isadiwa ang mahalagang turo ngayon ng Panginoon, bukod sa pagiging mapagpasya at kagya’t kumikilos o gumagawa ng dapat … Kailangan nating alalahanin tuwina, na ang tunay na tagasunod at isang katiwalang hindi kahina-hinala, kundi tampulan tiwala at paglilingkod. Sapagka’t … at dapat nating uliting muli … “Hindi ninyo mapaglilingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.”

Bilang katiwala ng Diyos, ano ba ang para sa atin kaya? … hinala o tiwala?

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 391 other followers