frchito

Mga Paskil na Minarkahan ‘Pasko ng Pagsilang’

BUMANGON AT MAGLIWANAG!

In Epipaniya,Homily in Tagalog,Tagalog Homily,Taon K on Enero 3, 2013 at 10:59

epiphanyausEPIPANIYA (DAKILANG PAGPAPAHAYAG NG DIYOS)

Enero 6, 2013

Mga Pagbasa: Is 60:1-6 / Efeso 3:2-3a, 5-6 / Mt 2:1-12

BUMANGON AT MAGLIWANAG!

Noong araw, ang Pasko ay laging maaliwalas, malamig, at walang anumang ulap na lumalambong sa himpapawid. Maganda ang sikat ng araw, pero hindi mainit. Sa panahon natin, makulimlim, kahit sa araw na ito. Sa nakaraang dalawang taon, binagyo at hinagupit ng matinding paghihirap ang mga taga Mindanao, bago sumapit ang pasko.

Pero hindi lamang klima ang nagdidilim. Pati kabatiran at kamalayan nating mga Pinoy ay tila nalulukuban ng madidilim na alapaap. Hindi pa rin tayo nagkakaisa. Maraming mga isyu ang nagdudulot ng pagkakahati-hati natin. Ang kulay politika ay patuloy na nababalot ng hidwaan at pagkakanya-kanya … pana-panahon o weder-weder lang, ika nga, na wari baga’y ang lahat ay nakadepende kung sino ang naghahari, at puedeng mabago ang takbo ng lahat, segun sa takbo ng dibdib at isipan ng bagong naghahari.

Bukod sa rito, sa panahon natin, ang tama ay nagiging mali at ang mali ay nagiging tama, dahil sa makapangyarihang social networking at mass media. Ang turo ng Simbahan ay nagiging katawa-tawa, kalibak-libak, at ang tumatayo at naninindigan para sa katotohanang moral ay pinagbibintangang makaluma, hindi angkop sa modernong panahon, at kung hindi naman ay itinutulad sa mga Taliban na mapagdiin sa sariling isipan at uri ng pamumuno.

Tapos na ang lahat ng dakilang bagay na nagpalambot sa puso natin. Tapos na ang Pasko sa isipan ng marami, at kung ang susundin natin ay ang mundo ng komersyo, ang dapat paghandaan na ay ang Valentine’s Day, para kumita muli ang mga malls. Nguni’t sa araw na ito, pista ng pagpapakita o pagpapahayag ng Panginoon (Epipaniya), ay paskong-pasko pa rin, bagama’t wala na ang mga imaheng siyang kinagisnan nating nagbibigay-diwa sa pasko.

Magandang isipin na ang epipaniya ay naganap sa kasimplehan, sa kapayakan. Wala na ang larawan ng nagkakantahang mga anghel. Wala na rin ang nagtatakbuhan at nagmamadaling mga pastol. Wala na ang mga hayop sa sabsaban – mga larawang magandang ipakita sa pamamagitan ng makikintab ng mga palara at mga kumu-kuti-kutitap ng mga munting ilawan, at ang nasa gitna ay isang kyut na munting sanggol, na napaliligiran ni Maria at Jose, at iba pa.

Ang nakikita natin ngayon ay isang di kilalang bayan, ang Betlehem, at di kilalang siyudad ang Jerusalem. Nakikita natin ang larawan ng mga Mago na papalapit, naglalakbay, naghahanap, at sa isang sandali ay nakatagpo, hatid ng isang maliwanag na tala.

Marahil ay dapat nating tularan ang mga Mago – naglakbay, naghanap, nagsikap! Marahil ay dapat nating bigyang-pansin ang ating tala – na naghahatid sa kung ano ang dapat nating makita at malaman tungkol sa Diyos at sa ating sarili.

Marami ang dapat nating maunawaan tungkol sa Diyos. Marami rin ang dapat nating malaman tungkol sa ating sarili bilang tao. Maraming mga kadiliman sa buhay nating ngayon ang dapat masinagan ng tala ng katotohanan, at tala ng tunay na kalayaan. Maraming kadiliman ang dulot ng mundo ng pamamahayag, na tulad ng lahat ng aspeto ng ating kulturang Pinoy, ay nabahiran na rin ng korupsyon. Maraming mga bahagi ng ating lipunan ay hindi nalalayo sa Belen na napaligiran ng kadiliman at kasalanan!

Tayo ang mga pinaghahanap ng tala. Tayo ang nangangailangan ng kanyang liwanag. At ang paghahanap ng mga mago ay siya ring dapat nating paghahanap rin at pagsisikap upang mapanuto ang ating bayan sa malinaw at tumpak na daan.

Pag-asa ang turo ng mga pagbasa … hindi kalungkutan at kawalang tiwala sa gitna ng kadiliman. Ito ang nais nating dalhin pauwi mula sa simbahang ito: “
Bumangon at magliwanag na tulad ng araw!”

Bumangon! Nadapa tayo at nasadlak sa maraming pagkakamali at kasalanan … lahat tayo. Magliwanag! Nabalot tayo ng dilim ng pangamba, kawalang tiwala at pag-asa at maging pagtatampo sa Diyos na tila walang kapangyarihang pumuksa sa katiwalian.

Bumangon at magliwanag, kapatid! Hindi pa huli ang lahat at hindi kailanman magagapi ang Diyos. Bagama’t siya ay nakikitan nating isang sanggol na bagong silang, may pangakong nakalaan para sa akin at sa iyo: “Poon, maglilingkod sa Iyo tanang bansa nitong mundo!”

NAGHIHINTAY, NAGLALAKBAY, NAG-AASAM

In Homily in Tagalog,Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo,Panahon ng Pasko,Tagalog Homily,Taon K on Disyembre 28, 2012 at 17:34

holy_familyKapistahan ng Banal na Pamilya

Disyembre 30, 2012

Mga Pagbasa: 1 Sm 1:20-22, 24-28 / 1 Jn 3:1-2, 21-24 / lc 2:41-52

NAGHIHINTAY, NAGLALAKBAY, NAG-AASAM

Puno ng diwa ng paghihintay at paghahanap ang ating mga araw. Maraming inaanak ang naghahanap pa sa kanilang ninong at ninang na hanggang ngayon ay di pa nila matagpuan. Maraming ninong at ninang ang naghihintay pa marahil sa kanilang bonus, o baka sakaling tumama sa Lotto. Ang mga mago, sa ating pagkaunawa ay naghanap sa bagong silang na sanggol sa Belen. At ang mga anghel, na nagdala ng balita ay patuloy na umaawit ng papuri sa kaitaasan, upang makilala ang bagong silang na Mesiyas.

Pero hindi lahat ay masaya. Naghihinitay rin sila, at naghahanap rin, pero sa ibang kadahilanan. Mayroong isang nagmamaktol na hari ang hindi maka-antay makita kung nasaan ang sanggol, hindi upang bigyan ng regalo, kundi, aniya, upang siya rin ay magpugay! Ang tao nga naman, hindi mo malaman ang tunay na layunin, tulad ng mga kasapi ng party-list sa Pilipinas, na kapakanan daw ng mahihirap ang kanilang pakay, pero kapag nakatikim na ng pork barrel, ay iba na ang hanap, iba na ang tingin sa pobre, at ayaw na ayaw magpaharang sa mga nagbabantay sa parking lot! Nanggagalaiti dahil sa siningil siya ng 50 piso at naabala pa raw siya.

Mayroon ring katumbas ng hari na hindi naghahanap sa mga bata. Ayaw nga niya sila isilang. Dapat aniya, unti-unting walaing-halaga ang mga walang silbing taga-kain lamang. Hindi lahat ay natutuwa sa pagsilang ng sanggol, lalu na’t ang bagong silang ay isang parang karibal sa pagkakamal ng yaman ng bayan.

Mayroon namang isang pamilya, na sa kabila ng mga paghamon, pagsubok at kahirapan ay nagpunyagi upang pangalagaan ang bagong silang na bata. Naging migrante sila sa Egipto. Nagtago, pero hindi sapagka’t nagtatago sa mga inaanak. Nagtago sila sa isang haring ang pakay ay patayin ang mga batang 2 taon pababa.

May malaking halaga ang kapalit ng paghihintay sa isang bagong buhay. Nagbayad sila nang malaki. Naglakbay at naging banyaga sa Egipto. Subali’t ang kanilang pagiging tapon sa Egipto ay dahil sa kanilang malaking pag-aasam – ang katuparan ng pangakong binitiwan ng anghel na siya ay tatawaging Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin.

Pero hindi lang ito nangyari noong ang bata ay sanggol. Pagkaraan ng 12 taon, ay naulit ang matinding pasakit sa puso ng ina na parang niyurakan na naman ang puso ng isang balaraw. At ito ay naganap na naman sa isang mahabang paglalakbay …

Nawala ang bata. Naguluhan ang mag-asawa. Naghanap. Naglakbay muli ng isang araw, makita lamang ang binatilyo. At sa harap ng pagod at pangamba, ay isa pa ring masakit na kabatiran ang pumaso sa puso ng magulang: “Bakit n’yo ako hinahanap? Di ba’t dapat kong gampanan ang gawain ng aking Ama?” Isang malaking katanungan, na punong-puno ng pagtangis ang winika ng ina: “Anak, bakit mo ginawa ito sa amin?”

Ganito tayo sa ating lipunan ngayon … tumatangis, nangangamba, nalulungkot. Gustohin man natin na ang kalooban ng Diyos ang siyang maghari, talo tayo sa botohan, kahit hindi kailanman magagapi ang katotohanan. Talo tayo sa pondohan, sa tulak at padulas at pangako ng mga mananagana sa bagong batas na ito. At alam na natin na ang mananagana ay hindi mga mago at pantas na tao, kundi kapatas ng mga ang hanap ay hindi ang Mesiyas, kundi ang kinang ng perlas at mga hiyas.

Subali’t ang magandang balita ay ito … galing sa banal na mag-anak … naglakbay, nagpunyagi, tumakas at naghanap ng kaligtasan sa banyagang lugar, sapagka’t naniniwala silang may misyon sila at tungkulin sa ngalan ng Diyos.

Meron tayong hinihintay … tayong mga naglalakbay sa daang ito sa lupang ibabaw. Meron tayong hinahanap, at hindi mga ninong at ninang nating sa mula’t sapul ay hindi nakapagbigay sa atin ng pamasko. Ang hanap natin ay ang Diyos at ang kanyang kaligtasan, ang kanyang kapayapaan at kaluwalhatian. Mayroon tayong inaasam.

Sa pagtahak sa landasing ito ng buhay makalupa, hindi madali ang maghanap. Hindi madali ang maghintay. Ngunit turo sa atin ngayon ng banal na mag-anak na mayroong kaligtasan para sa taong naghahanap sa katarungan ng Diyos, at naghihintay sa kanyang dakilang kaligtasan.

Ang tanging kailangan ay pag-asa, pag-aasam sa tama, hindi ayon sa survey, kundi ayon sa Diyos na nagtuturo at naggagabay sa kanyang bayan

O Banal na mag-anak ni Jesus, Maria at Jose, kami’y buong tiwalang dumudulog sa inyong mapagkalingang paggagabay at pagsubaybay. Turuan Ninyo kaming tumahak sa wastong landas ng paghihirap, pagpapakasakit, pagpapahindi sa sarili at paghahanap tangi sa kalooban ng Diyos. Sa aming paglalakbay maging sa madidilim na lugar, liwanagan at gabayan kami, kahit na sa mga pagkakataong tila kami na lamang ang natitira, at ang lahat ay tila pinanawan na ng lakas at pag-asa.

Sa wakas ng aming buhay, nawa’y matunghayan namin ang dakilang kaganapan ng lahat ng pangako ng Diyos sa kanyang bayang nananatili sa katapatan at katatagan ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Amen.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 317 other followers