frchito

Mga Paskil na Minarkahan ‘Taon A’

KAAKBAY KONG TUNAY; KALAKBAY KO AT KATOTO – PATNUBAY!

In Catholic Homily,Homily in Tagalog,LIngguhang Pagninilay,Panahon ng Pagkabuhay,Taon A on Mayo 23, 2014 at 17:53

in_vigilia_pentecostes

Ika-anim na Linggo ng Pagkabuhay A
Mayo 25, 2014

KAAKBAY KONG TUNAY; KALAKBAY KO AT KATOTO – PATNUBAY!

Mahirap ipaliwanag ang pananatili ng Espiritu Santo sa piling natin. Sa ating panahon, sa dami ng mga sineng ang pinaksa ay mga multo at mga anito, o mga dwende at anik-anik pang mga tiyanak at iba pang uri ng mga misteriosong mga hindi tao, at walang katawang-lupang mga “aninong gumagalaw,” sadyang lalong humirap ipaliwanag ang Banal na Espiritu.

Sa haba ng aming pag-aaral bilang pari, sa dinami-dami ng mga paliwanag at mga librong binasa tungkol dito, hindi ko masasabing lubos kong nauwaan ang “pananatili sa piling natin ng Patnubay,” tulad ng pangako ng Panginoon.

Pero kung iisipin natin, mukha namang simple lang ito at madaling unawain. Simple lamang intindihin na kapag ang isang sisidlan ay tumanggap ng anu man, ito ay hindi nananatiling walang laman. Napupuno ito. Napagyayaman. Nalalamanan. Nagaganap, at nagiging tunay na sisidlan.

Noong bata pa ako, nakaranas ako ng isang matinding panaginip na parang isang bangungot. Nagising na lamang ako sa gitna ng isang madilim na gabi. Mag-isa ako sa madilim na kwarto. Marami akong malalakas na tinig na naririnig, pero wala akong makita at wala ring sinuman sa aking tabi, sa aking kinaroonan. Masama na ang nasa dilim, pero higit na masahol ang wala kang katabi … walang kasama.

Sa unang pagbasa, binanggit na isinugo si Pedro at Juan upang manalangin sa bagong binyag na mga taga Samaria upang tumanggap sila ng Espiritu Santo. Sa liham naman ni Pedro sa ikalawang pagbasa, nabanggit kung paano si Jesus ay “namatay sa laman, at muling binuhay ayon sa Espiritu.” Sa Ebanghelyo naman ay nasasaad kung paano nangako ang Panginoon na ibibigay ng Ama: “isa pang Patnubay na magiging kasama magpakailanman.”

Hindi ko maubos maisip ang katatayuan ng mga disipulo matapos mapatay si Jesus at ipako sa krus. Malamang na nakaramdam din sila ng pangungulila at para bagang naiwan sa gitna ng kadiliman.

Hindi ko pa rin lubos na nauunawaan ang kahulugan ng pananatili ng Espiritu sa piling natin, pero nauuwaan ko kung ano ang kahulugan ng pagiging ulila at naiwan sa madilim na silid, at wala kang makasama, walang katabi, at walang naroon upang bigyan ka ng lakas ng loob.

Maraming beses na tayo ay ganito ang tayo. Sa panahon natin, parang nag-iisa ang mga gumagawa ng tama. Ang mali ay naging tama, at ang tama ay itinuturing na mali. Kung sino ang gumagawa ng tama ay silang pinahihirapan ng lipunan, tinitikis, at isinasa isantabi. Kapag gumawa ka ng tama, at nakipaglaban sa tama, ikaw ay iiwanan ng karamihan, itatakwil, at pababayaan.

Ilang beses ako nakaranas nang ganito … parang itinuring na ketongin … at pati mga kaibigan mo ay naglalahong parang bula.

Nais kong isipin na ang magandang balita sa araw na ito ay ito lamang ang kahulugan … Hindi ako nag-iisa … Hindi na tayo kailangan maniwala sa mga multo, mga anito, at mga espiritung hindi natin maipaliwanag nang lubos, at lalong hindi natin nakikita, at lalong walang idinudulot na mabuti sa atin.

Sapat na sa akin ang pangako ng Panginoong muling nabuhay. Hindi ako nag-iisa. Hindi ako nananatili sa dilim. Ang Patnubay ay maari nating unawain bilang kaakbay, kasabay, katabi, kasangga, kapatid, at kaagapay sa buhay.

Ang Espiritu Santo ay gabay, kalakbay, kaakbay, at kaagapay … Nanatili siya sa ating piling, umulan man o umaraw, umunos man at humangin, kumulog man o kumidlat. Hindi na ako nag-iisa!

Luwalhati sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo!

BISA NG SALITA, SA BUHAY NG SUMASAMPALATAYA

In Catholic Homily,Homily in Tagalog,Karaniwang Panahon,LIngguhang Pagninilay,Tagalog Sunday Reflections,Taon A,Uncategorized on Oktubre 26, 2011 at 10:04

Ika-31 Linggo ng Taon (A)
Oktubre 30, 2011

Mga Pagbasa: Malaquias 1:14-2:2 / 1 Tes 2: 7-9.13 / Mt 23: 1-12

Lima singko ang salita ngayon … murang-mura … ilako man o hindi; bilhin man o langawin, patung-patong, susun-suson, laksa-laksang mga salita ang naririnig, binibigkas, pinakakawalan sa cyberspace, sa internet, sa radyo, sa mga pahayagan, at sa TV. Higit pang dumadami ang mga ito sa mga araw ng halalan. Panay ang pangako sa bayan … pandalas sa siraan at hagisan ng mga paratang at mga haka-haka, siraan, tuyaan, bintangan, at lahat ng uri ng maling paggamit ng salita upang malamangan lamang ang kalaban sa politika.

34 na taon na ako nagtuturo. Sapul sa aking pagtatapos sa Kolehiyo, ako ay isa nang ganap na edukador, at iba pa. Puhunan ko araw-araw ang salita, maging sa panulat o sa pagbigkas, bilang guro, predikador, manunulat, o tagapayo. Sanay ako sa salita. Bihasa ako sa paggamit ng mga kataga. At higit sa lahat, ayon sa aking mahaba nang karanasan, mabisa ang salita … matalas … matalim … mapanuot … mapanuri … makapangyarihan.

Bilang isang probinsyano na isinilang sa isang maliit at tahimik na bayan ng Mendez, Cavite, isa akong bagong saltang sano, kumbaga, sa siyudad bilang isang 6 na taong gulang na bata. Nang kami ay bagong lipat sa Makati, may mga taong nagtataka siguro sa aming punto, sa pambihira naming mga salitang gamit, at nagtatanong kung taga-saan kami. Sa maraming pagkakataong sinagot kong “Cavite,” ang kagya’t nilang tugon ay “Ah, maraming tulisan doon sa inyo.”

Mapanudlo ang salita, mapanudyo … matalas at masakit … tumitiim sa bagang, sa kaibuturan ng puso ng isang batang walang kamuang-muang! Hindi ko maunwaan kung bakit ganuon na lamang ang tingin nila sa aming lalawigan. Nagising ako sa isang bayang magkakakilala ang lahat, kung saan may bigayan, may tulungan, at may matinding samahan. Wala akong kilala ni isang tulisan sa aking bayan.

Matindi ang salitang banggit ng iba. Mapanira at mapanlait … mabisa at makapangyarihan sa pagbasag ng katiwasayang pangkalooban ng nakaririnig.

Bilang isang edukador at guro sa loob ng mahabang panahon, batid kong ako man ay nakasakit, nakapagpababa ng pagtingin sa sarili, sa mga sandaling balisa ako o puno ng mga suliranin. Bagama’t hindi ko na mababawi ang aking mga sinabi, alam kong ito ay dapat maging liksyong aral para sa akin at sa iba, na ang kataga ay may angking kapangyarihang likas sa salita.

Hindi ko makalimutan ang isang kwento tungkol sa isang batang babae na pingas ang bibig, ngiwi … Isinilang siyang may butas sa bibig, at dahilan upang siya ay taguriang pangit. Minsan siyang tuksuhin at tuyain … pagtawanan at libakin, at hamakin ng mga walang pingas ang mukha. Mababa ang tingin niya sa sarili …

Hanggang sa dumating sa buhay niya ang isang napakagaling na guro … Isang araw, gumawa siya ng isang laro sa silid-aralan. Tumayo siya sa may lagusan ng silid, sa may pinto, ay pabulong siyang nagsasalita. Paligsahan ang ipinagawa niya sa lahat ng bata, pinahuhulaan kung ano ang kanyang binibigkas nang tahimik, at ipinababasa niya sa kanyang mga labi ang anumang kanyang sinasabi. Nang dumating na ang turno ng batang pingas na tinawag na pangit, ang kanyang bulong ay walang iba kundi ito: “Sana, ikaw ay aking sariling anak!”

Nabuhayan ang bata … nagising sa katotohanang hatid ng makapangyarihang kataga!

Nais kong isipin na ang pahatid ng mga pagbasa ngayon ay may kinalaman sa bisa ng salita, lalu na ang Salita ng Diyos!

Subali’t paano ba magkakabisa ang kataga? Ano raw ba ang batayan ng kapangyarihang pinanghahawakan ng Salita ng Diyos?

Ito ang marahil ay ang kulang sa recipe ng ating buhay. Puno tayo ng salita. Nalulunod tayo sa salita mula sa internet, twitter, facebook, TV, radyo, iPod, iPads, at anupang kung tagurian ay tablets. Panay ang daluyong ng mga salita sa buhay natin.

Tulad ng dinanas ng mga Israelita! Nguni’t ano ang kulang? Walang iba kundi ang pagsasakatuparan. Ito ang babala ni Malaquias: “Lumihis kayo sa daang matuwid, kayong mga saserdote! Dahil sa inyong turo, marami ang nabulid sa kasamaan. Sumira kayo sa ating tipan.”

Kwento nating lahat ang ito. Lahat tayo sa naging salawahan. Lahat ay nagbingi-bingihan sa wika ng Panginoon … Lahat tayo ay nagtaingang-kawali sa kanyang pangaral.

Nguni’t ang Salita ng Diyos ay hindi lamang mapanudyo, mapanudlo, at mapanuri. Ito man ay naghahatid ng isang panibagong lakas upang maisakatuparan ang nilalaman. At ito ay magaganap kung tatanggapin natin ang Kanyang Salita at lalakipan ng pananampalataya.

Lahat tayo ay tulad ng mga Eskriba at Pariseo. Sanay sa wika…. Bihasa sa kataga … at lunod na lunod sa mga pananalita. Nguni’t ito ang problema. Ang salita, na walang kaakibat na pananampalataya, ay hindi namumunga … hindi nauuwi sa paggawa … Kung ang salita natin ay tulad ng mga hungkag na pangako ng mga politico, wala itong uuwiin, walang sasapitin, walang patutunguhan.

May pag-asa pa kaya tayo? Ito ang dahilan kung bakit tayo narito. Hindi tayo ganap. Hindi tayo mga banal pa. Hindi tayo eksperto sa lahat ng bagay. Ngunit ang taong may pananampalataya ay may angking kakayahang galing sa itaas upang maitawid sa buhay ang namumutawi sa ating mga labi. Gaya nga ng sinulat ni San Pablo, nagpapasalamat siya sapagka’t nakuha ng ilang mga taga Tesalonika ang kaya rin nating gawin kung tayo ay handang tumalima sa hinihingi ng pananampalataya: “Nang ipangaral namin sa inyo ang kanyang salita, tinanggap ninyo ito bilang tunay na salita ng Diyos, at hindi ng tao. Anupa’t ang bisa nito’y nakikita sa buhay ninyong mga sumasampalataya.”

May bisa ba sa buhay natin ang Salita ng Diyos? Kung may kulang, tingnan natin ang nilalaman ng pananampalataya natin.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 325 other followers