Ika-8 Araw ng Simbang Gabi
Diciembre 23, 2008
Mga Pagbasa: Malaquias 3:1-4, 23-24 / Lk 1:57-66
Tanyag ngayon ang salitang “runner.” Tulad noong si Lozada ay nakasalang pa sa imbestigasyon sa Senado, kung kailan ang salitang “kalakaran” ay naging talamak at naging bukambibig ng buong bayan, ngayon, ang katagang “runner” ay isa nang salitang malalim na at malawak ang kahulugan kaysa sa orihinal na pang-unawa ng lahat. Madulas tila baga ang “runner” na binabanggit natin. Mahirap mahuli. Mahirap madakip, at lahat na yata ng dahilan sa buong mundo ay naisip na upang makaiwas sa mapanghimasok at mapanghusgang daigdig ng pamamahayag, sindulas din ng pangunahing nakasalang sa eskandalong ito na may kinalaman sa abono.
Dapat sana na ang “runner” ay tutuon lamang sa isang tagapaghatid, isang taong walang ibang dapat gawin kundi ang maghatid ng kung ano mang iniutos sa kanya, tulad ng mga “messenger boy” na nauso sa isang bansa na ang mga kalye ay sala-salabat at buhul-buhol sa trapiko, salamat sa mga bangketang ginawa nang extension ng kung anu-anong mga bagay, tulad ng garahe, tindahan, kulahan, at paradahan ng mga kotseng malaon nang hindi umaandar, salamat din sa mga tsuper na ang akala ay bawa’t pulgada ng makitid nang kalsada ay babaan at sakayan, kung hindi terminal.
Subali’t mayroong mahalagang aral para sa atin hinggil sa tagapaghatid na pinag-uusapan natin. Tunghayan natin ang unang pagbasa …
Sinabi ng Panginoon: “Tingni, isusugo ko ang isang tagapaghatid upang ihanda ang aking daraanan.” Subali’t ang tagapaghatid na binabanggit sa aklat ni Malaquias ay hindi tagapagdala ng pera, ni tagapaghatid lamang ng isang mensahe. Mahalaga ang kanyang papel na gagampanan. Sa katunayan, mayroon pang tila isang anggulo tungkol sa kanyang papel na wari’y nakatatakot. Kasama sa kanyang “job description” ang pagiging parang apoy na nagdadalisay, o gamit ng tagapagtina ng tela, na matapang at nakakamit ang dahilan kung bakit sila ginagamit.
Ang hulang ito, samakatuwid, ay may kinalaman sa isang hindi lamang “runner” kundi “forerunner.” Ang runner ay parang kartero – nagdadala ng mga liham o pahatid. Sa ating panahon, higit pa sa liham ang dala nila … papel din, oo … pero papel na may mga mukhang nakaguhit, papel na kakaiba ang amoy … nakalalasing, nakatutusing, nakabubulag sa sinumang magkapalad tumanggap nito. Ang ganitong runner ay hindi tagapagdalisay. Sa katunayan, may katotohanan sa kasabihang ang pera ay marumi. At hindi ito isang talinghagang dapat pang dukalin nang malalim para maintindihan. Ang nagdadala ng papel na ito ay hindi nakalilinis, hindi nakapagpapalinis, bagkus nakapagdudulot ng susun-susong mga suliranin, tulad ng nangyayari sa mga nakinabang o nakisawsaw sa NBN-ZTE deal, sa fertilizer fund scam, at sa marami pang puro mababaho at umaalingasaw na transaksyon na nagawa sa buong Filipinas.
Ang hula ni Malaquias ay naganap sa katauhan ni Juan Bautista. Kung paanong ang tagapaghatid na binanggit ng propeta ay naging tagapagdalisay, ganuon din ang ginawa ni Juan nang siya ay nabubuhay. Matalas ang kanyang mga pahatid, at masinsin ang pagkakasalansan, kumbaga. Dinalisay niya ang mga daan. Nanawagan siyang patagin ang mga lubak, punuin ang mga guwang, at hawanin ang mga dawagan. Nanawagan siya na ituwid, hindi lang mga landasin, kundi ang mga isipin at gawain ng mga nakikinig sa kanya. Nagpagal siya at nagpilit na dalisayin ang lahat na may kinalaman sa buhay ng sangkatauhang nagupiling sa maraming dantaong pagkakasala at pamumuhay nang malayo sa Diyos.
Malinaw na tagapaghatid siya at tagapagdalisay.
Sa mga nakaraang mga araw, marami tayong mga hindi pinagkakasunduan. Maraming usapin na nakapaghahati-hati sa bayan natin. Nariyan ang House Bill 5043. Nariyan ang cha-cha. Nariyan ang ferlizer fund scam at ang iba pang imbestigayong wala namang napatutunayan at walang kinahihinatnan. Ewan ko sa inyo, pero, sa wari ko’y tanging ang nag-iimbestiga at ang iniimbestigahan lamang ang hindi nakaaalam ng tunay na kasagutan sa isang tanong na alam nang sagutin ng buong bayan. Marami tayong pagkabigo nang pinalaya o pinawalang-sala ang mga taong alam natin ay halos tiyak nang may kinalaman sa maraming tiwaling panukala o gawain.
Sa madaling salita, hindi patag, hindi dalisay, hindi kaaya-aya ang daan at landasin ng ating bayan, mapa politica, mapa lipunang sibil, at mapa-simbahan. Kay raming baku-bako, kay raming liku-liko. Hindi ito kayang sagutan ng pulis pangkalawakan, ni kayang puluputan ng sapot ni Gagambino. Magkaroon man tayo ng isang daang Dyesebel, gumanda man si Betty la Fea (ugly Betty), at magbalik man si Batman, at muli mang mag-away at magtagisan silang dalawa ni Joker (Heath Ledger), ay hindi maaalis ang katotohanang ang landasin ng buhay natin bilang Pinoy, ay baku-bako, sala-salabat, at lubhang masalimuot, tulad ng ating mga kalsada saanmang dako ng kapuluan.
At ang matindi pa ay ito … hindi pa natin nakukuha ang lahat. Naghahanap pa tayo ng masisisi lagi. Naghahanap tayo ng mga ulong gugulong sa gilotin at sa gilitan. Hindi natin napapagtanto na tayong lahat ay kasabwat sa sapot na ito ng kasalanan at katiwalian (mas matindi nga lang at mas masiba ang mga nasa kapangyarihan!)
Malinaw ang papel na dapat gampanan ng tagapaghatid na binabanggit ni Malaquias. Siya at tagapagdalisay. Tinupad ni Juan Bautista ang larawang ito ng propeta. Naghatid siya ng mensahe. Gumawa para sa ika-dadalisay ng lipunan. At ang unang naging kabayaran nito ay walang iba kundi ang kanyang sariling buhay.
Ito ang mataginting na panawagan sa atin. Uhaw na uhaw tayong mga Pinoy sa mga bayani. Iyan ang dahilan kung bakit tayo ay hibang na hibang kay Manny Pacquiao (at ito ay tama lamang). Naghahanap tayo ng maitatanghal na bayani liban sa mga mang-aawit at mga artistang marami ay Americanong hilaw.
Ang aking mungkahi ay ito … pagkakataon na natin upang maging bayani … kahit na hinding hindi tayo itatanghal ng pay per view o ng sports channel. Tayo ay tinatawagan ng Diyos na maging tagapaghatid, tagapagdalisay, at higit sa lahat, tagapagpatunay.
Mahirap itong gawin … Maniwala kayo … ang huli kong balita ay ginilitan ng ulo si Juan Bautista. Hindi siya isang “runner” kundi “forerunner.” Hindi siya lumihis ng landas. Hindi siya nadapa. Hindi siya napuluputan ng sapot ni Gagambino. Pero naging biktima siya ng katumbas ni Dyesebel, na nagsayaw at nagpakana ng kanyang maagang pagpanaw. Isang dakilang tagapagpatunay.
Thank you very much Fr.Chito for sending all the homilies in preparation for Christmas.. being here in L.A. California it gives me inspiration to celebrate a meaningful Christmas with my sick mother… Being with her this Christmas is the best gift i have received this Christmas….I carried in my heart all what i have learned from you not only in our class but especially with your life… Merry Christmas and God bless you always…