frchito

BALITANG “P”

In Uncategorized on Pebrero 4, 2009 at 22:21

job_24

Ika-5 Linggo ng Karaniwang Panahon (B)
Febrero 8, 2009

Mga Pagbasa: Job 7:1-4, 6-7 / 1 Cor 9:16-19, 22-23 / Mk 1:29-39

Uso ngayon ang balitang “k” … Noong isang Linggo, ang tanong natin sa isa’t isa ay kung mayroon tayong “k.” Nais kong tuntunin ang kahulugan ng balitang “P” na ito na sinasaad sa mga pagbasa sa araw na ito …

Magsimula tayo sa unang “P” … pagdurusa, panaghoy, panimdim, pasakit …

Hindi mapagkakamalian ang tono ng unang pagbasa. Halos lahat ng pangungusap ay may kinalaman sa pagdurusa, at sa harap ng susun-susong mga pasakit ay panaghoy ang bukang-bibig ni Job, ang pangunahing gumaganap sa mala-telenobelang kwento natin sa araw na ito. Malalim ang pinagmumulan ng mga panaghoy na ito … matindi ang bigat ng kanyang pasanin … walang katulad, walang kaparis. Sino nga ba naman ang matuwid na taong walang ginagawang kasamaan ang hindi maghihinagpis sa harap ng ganitong mga panimdim?

Madali para sa marami sa atin ang makita ang sarili sa katauhan ni Job. Sino nga ba sa aking mga tagabasa ang hindi pa nakararanas ng anumang pasakit sa buhay? Sino nga ba sa mga nakatutunghay ng mga pahinang ito ang hindi pa dinadapuan ang buhay ng anumang panimdim?

Kung nagsasabi tayo ng totoo, malamang na ang panalangin natin ay di dapat malalayo sa panaghoy ni Job: “Kailan ba ako magigising sa bangungot na ito? … Alumpihit ako sa higaan sa buong magdamag … Ang buhay ko ay hindi nalalayo sa hangin; tila hindi na ako makatutunghay ng kaligayahan.”

Katotohanang mataginting ang larawang ipinipinta ng aklat ni Job. Ang buhay ay mahiwaga, puno ng hilahil, nguni’t puno rin ng pangako. Dito pumapasok ang ikalawang “P” – pangako, pagbangon, pagkukusa …

Ito ang pangakong pinanghahawakan ko at nais kong bigyang-diin sa pagninilay na ito. Ito ang pangakong atin rin ngayong inaangkin at pinatototohanan – ang pangakong naging dahilan ng pagbangon ng taong tulad ni Job: “Purihin ang Diyos na nagpapahilom sa sugat ng mga nagdadalamhati.” Ito ang itinanghal natin sa ating tugon matapos ang unang pagbasa.

At ito ang buod ng magandang balita natin ngayon …

Magandang balita ito … pero hindi ibig sabihin ng magandang balita ay magaan at kaaya-ayang balita. Magandang balita ang gamot sa isang maysakit. Nguni’t alam natin lahat na kailanman ay hindi madulas, hindi masarap, at hindi magaan ang uminom o gumamit ng anumang gamot … mapait, masangsang, nakahihilo kung minsan, nakapangangasim ng tiyan, at madalas ay nakapanghihina.

Ayaw natin ng mapait na lunas sa sakit. Subali’t itong kapaitang ito ang daan sa panibagong pangako. Ito ang landas tungo sa isang panibagong umaga, makipot na butas na dapat pagdaanan upang mapanuto, mapagaling, at mapalawig ang buhay.

Ang buhay na puno ng kapaitan ni Job ay nagkaroon ng katumbas sa buhay ni Pablo. Hindi kaila sa atin kung ano ang kanyang pinagdaanan … sari-saring mga pagsubok; iba-ibang mga suliranin. Nandiyan ang siya ay makulong; ang mahagupit; ang mapadpad sa laot nang masira ang barkong sinasakyan. Ang buhay ni Pablo ay hindi nalalayo at bagkus humihigit pa sa mga pasakit na pinagdadaanan ng ating mga paboritong tauhang api sa mga telenobelang pinanunuod natin.

At siya rin at ang kanyang halimbawa ang nagdagdag sa ating magandang balitang ipinagmamakaingay. Sa likod ng pagdurusa, si Pablo ay nagkusa … nag-alay ng sarili at nagturing sa sarili bilang isang alipin, isang utusan. Pagkukusa ang isa pang “P” na ating pinanghahawakan sa araw na ito.

Mayroong mahalagang aral ang pagdurusa para sa taong handang matuto, handang tumanggap, at handang humarap sa isang bagong pangako. Ginawa ito ni Pablo Apostol. Sa kabila ng pagdurusa, siya ay umako at nagpasan ng isang dagdag pang pasakit – ang paghahatid ng magandang balita ng kaligtasan … ang pangangaral ng ebanghelyo sa mga hentil. Ang nagbata ng hirap at dusa, ay siyang natutong magkusa, maghatid, at mag-alay ng sarili sa ikalalaganap ng ebanghelyo.

Hirap tayo ngayon na magkusa. Hirap tayong tumingala at humarap sa pangakong nagkukubli sa pagdurusa. Sa harap ng pasakit, kay dali nating sumuko, magpadala, at tumalikod sa anumang pangakong nasa likod ng pasakit. Kay dali nating manghinawa. Kay bilis nating magtaas ng kamay, at magwika sa Diyos: “ayoko na … suko na ako … sawa na ako sa pagpapakabait … Sa lahat ng tao, bakit ako pa ang sinagian ng ganitong problema, gayung ako nama’y hindi masamang tao?” Sa harap ng katotohanang tayo ay bumubuo ng isang lipunang puno ng katiwalian at katakawan at lahat ng uri ng kadayaan, ay napakadaling magpadala at makisama na sa ganitong kalakaran … sa agos ng panahon at pag-iisip ng karamihan. Ito ang pagsukong naririnig natin sa mga katagang: “ito ang kalakaran … wala tayong magagawa dito … wala na tayong pag-asa.”

Si Job ay napalibutan ng mga taong wari’y nagmamalasakit sa kanya. Iisa ang kanilang payo … “talikuran mo na at kalimutan ang iyong Diyos … isiphayo mo na siya …” Di malayong si Pablo ay ganuon din ang naramdaman sa di iisang pagkakataon. Tao lamang siya … mapusok … talusaling rin at may damdamin. Nguni’t mayroon rin siyang matayog na pag-ibig, pag-asa, at pananampalataya. Ito ang naging batayan ng kanyang pagkukusa sa kabila ng matinding pagdurusa.

Ito rin ang parehong pagkukusa na ginampanan ni Kristo. Nagkusa siyang pagalingin ang biyenan ni Simon Pedro na nakaratay sa banig ng karamdaman. Nagkusa siya, sa kabila ng pagtanggi ng kanyang mga kababayan sa kanya, at pinagaling ang lahat ng lumapit at nakisuyo sa kanya. Ang buong pamayanan halos ay nagkalipungpong kung saan siya naroon.

At sa likod, at sa kabila ng ganitong pagtanggi, hinarap ni Kristo ang isang bagong pangako. Bago sumapit ang liwanag ay tumungo siya kung saan tahimik at malayo sa lahat, at siya ay nagdasal. Bumalikwas sa pagkahimbing, bumangon sa kabila ng oposisyon sa kanya, at gumanap sa ikatlong “P” na siyang buod ng ating pagninilay. Inako niya ang tungkuling maghatid ng pangaral ng magandang balita. Pinasan niya sa kanyang sarili ang misyong iniatang sa kanya ng Ama: “Humayo tayo sa mga karatig na bayan, upang ako ay makapangaral din duon, sapagka’t ako ay isinugo para sa gawaing ito.”

Balitang “P” ang lahat ng ito … magandang balita sa likod ng paghihirap at pagdurusa … magandang balita sa pagbangon sa isang panibagong pangako at pag-ako (pagkukusa) sa isang bagong saloobin at adhikain … at ang kasukdulan ng magandang balita – ang pangangaral ng ebanghelyo sa lahat ng sulok ng daigdig.

Ikaw … anong balita ang pinanghahawakan mo?

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: