frchito

DIYOS KO, AKO’Y PATAWARIN SA AKING PAGKASUWAIL

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Hunyo 11, 2010 at 09:53

Ika-11 Linggo ng Taon (K)
Junio 13, 2010

Mga Pagbasa: 2 Samuel 12:7-10,13 /Galatas 2:16, 19-21 / Lucas 7:36-8:3

Hindi mahirap unawain ang pinagdaanan ni David. Tumanggi siya sa simula. Nagkaila. Nagkubli ng kanyang malaking pagkakamali. Kwento ito nating lahat. Hindi natin matanggap ang pagkasuwail natin. Kung titingnan natin ang takbo ng lipunan natin, lalu na sa politika, bihasa tayong lahat sa pagbubunton ng lahat ng kasamaan sa kapwa. Hindi ba’t lahat ng kamalian sa gobyerno ay tila laging kagagawan ng namumuno? Kung magulo ang trapiko, laging problema ito ng MMDA chairman. Kung bundok ang basura sa mga lansangan natin, laging kagagawan ito ng mga nakaupo.

Kailangan din natin si Natan upang makilala natin ang pagkasuwail natin. Medyo nahirapan din siya sa simula kay David. Nguni’t nang sinabihan siya, “Ikaw ang taong iyon,” nagising siya. Napukaw ang kanyang konsiyensiya … naantig ang kanyang damdamin, hanggang sa siya ay umamin. “Nagkasala ako laban sa Panginoon.”

Pagtanggap, hindi pagtanggi … Ito ang hinihingi ng mga pagbasa ngayon. Ito ang halimbawang ipinakita ni David, kahit na sa simula ay nahirapan siya. Pero alam natin na ito rin ang kwento ng bawa’t isa sa atin. Hirap tayo tumanggap ng pagkakamali. Mas madali ang ibunton ang sisi sa iba. Tulad ng nangyayari sa politika natin … laging naghahanap ng masisisi. Laging walang ginawang tama ang sinumang nakaupo sa posisyon. Hindi pa nga nakaupo ang bagong halal, ay marami nang paninisi ang naririnig.

Kung gayon, nasaan ang magandang balita dito liban sa magandang halimbawa ni David sa bandang huli? Dapat nating tingnan ang sinasaad ng ebanghelyo. Isang babaeng kilala ng madla bilang isang makasalanan ang lumapit sa Panginoon. Bagama’t walang sinabi, ang kanyang kilos at gawa ay malinaw na pangaral na lahat tayo ay may pag-asa pa. Nguni’t ang lahat ng ito ay nagsisimula sa pagtanggap, hindi pagtanggi.

May pagkakataon tayo ngayon. Sa simula ng isang panibagong pag-asang dulot ng isang napipintong bagong pamumuno sa bayan, dalawa ang puede nating pagpilian: magtuloy sa pagbubunton ng sisi sa ibang tao, o tanggapin na tayong lahat ay may pananagutan sa takbo ng lipunan. Tulad ng sinabi ni Pablo: “lahat tayo ay kapos kung ihahalintulad sa luwalhati ng Diyos.”

Nag-atubili si David. Nguni’t sa bandang huli ay tumanggap ng kamalian. Ang babaeng kilala bilang makasalanan, bagama’t walang salita, ay puno ng gawa. At ano ang puntong komun sa dalawang ito? Ito ang mahalaga … at ito ang ating tugon matapos ang unang pagbasa: “DIYOS KO, AKO’Y PATAWARIN, SA AKING PAGKASUWAIL!”

Advertisement
  1. […] Fr. Chito Dimaranan’s Homily for 11th Sunday of Ordinary Time June 18, 2010 By reynor DIYOS KO, AKO’Y PATAWARIN SA AKING PAGKASUWAIL […]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: