frchito

KASAMA KO KAYA’T HINDI AKO MATITIGATIG

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagkabuhay, Taon A on Mayo 4, 2011 at 08:55

Ika-3 Linggo ng Pagkabuhay(A)
Mayo 8, 2011

Mga Pagbasa: Gawa 2:14.22-33 / 1 Pedro 1:17-21 / Lucas 24:32

Mahirap maligaw ng landas … mahirap kapag hindi mo alam ang iyong patutunguhan. Kung ang pag-uusapan ay ang pag-akyat ng bundok, o pagpasok sa gubat, hindi lamang mahirap, kundi delikado kung wala kang kasama, at hindi mo alam kung saan ka susuling.

Maraming taon na ang lumipas nang kami ay masuong sa isang lakbaying nauwi sa wala. Mahigit kami noong 300 katao na pawang patungo sa tuktok ng isang bundok sa Pilipinas. Wala kaming kamuang-muang sa sasapitin namin. Hindi namin alam na sa grupo pala ay mayroong ilang mga palsong gabay na nagsuong sa amin sa panganib. Pagdating namin sa taas ng 3,000 talampakan, sa unang araw ng aming pagtahak, hinarang kami ng mga “taong-bundok: at walo sa amin, kasama ako, ang ginawa nilang “bihag.”

Sa buhay natin, mayroong palsong gabay at wastong gabay … mayroong naghahatid at mayroong nagliligaw sa atin … Mayroong kasamang kabutihan ang dulot, at mayroong kasamang kasamaan ang hatid sa atin.

Naalala ko pa noong ako ay mga 6 na taong gulang. May isda pa noon sa ilog Pasig. May mga namimingwit pa noong panahong yaon ng mga biya at ayungin at iba pang isda. Sa isang musmos na kagaya ko noon, parang napakalaki ng ilog, napakalawak, at ang mura kong isipan ay hindi magkamayaw tingnan ang mga mangingisdang naghahagis ng lambat sa ilog upang manghuli ng ayungin at biya.

Isang araw, niyakag ako ng ilan naming kapitbahay upang maglangoy sa ilog. Wala akong paalam. Tumakas ako sa bahay at sumama sa kanila. Hindi ko alam na isa sa mga kapitbahay naming may malasakit ang nagsumbong sa lola ko. Nakita ako ni Mang Emiliano na sumama sa mga papuslit sa ilog Pasig.

Pag-uwi ko, nakatikim ako ng matinding palo at parusa. Ang ipinataw sa aking parusa ay bagay na nagpunla ng isang pangaral na hindi ko na nakalimutan sa tanang buhay ko! At anong aral ito? May kasamang naghahatid sa kabutihan, at may kasamang naghahatid sa kasamaan. May paglalakbay na nauuwi sa maganda, at may paglalakbay na naghahatid sa kapariwaraan!

Paglalakbay ang tinutumbok ng ebanghelyo natin ngayon. Dalawang disipulo ang malungkot at bagsak ang damdamin, naguguluhan ang isipan sapagka’t ang kanilang inaasahan at pinag-ukulan ng panahon ay pinahirapan at pinatay sa krus. Ang kanilang kasama sa tatlong taong paglalakbay sa buhay ay biglang pinatahimik, biglang naglaho sa kanilang piling. Wala silang laman ang isipan liban sa lahat ng naganap sa mga nakaraang araw. At wala silang nais gawain noon liban sa bumalik sa pinagmulan nila at magsimula nang panibago, at tuluyan nang kalimutan ang kanilang guro na nagbigay kahulugan sa kanilang buhay sa loob ng tatlong maiikling taon.

Subali’t ang naganap ay nagbigay alab muli at nagpanibago sa kanilang kalooban. Nakipaglakbay ang Panginoong muling nabuhay sa kanila … sa gitna ng kadiliman, sa gitna na kaguluhan ng isip, sa gitna ng pag-aagam-agam at kawalang katiyakan!

Ang pinagdadaanan natin ngayon ay walang iniwan sa pinagdaanan ng dalawang disipulo. Magulo ang mundo, at hindi komo napaslang na si Bin Laden ay titino at huhusay ang takbo ng buhay ng tao sa buong daigdig. Nababalot pa rin ang buhay ng tao ng puwersa ng kasalanan. Ang pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoon ay hindi garantiyang ang kalayaan ng tao sa buong mundo ay gagamitin ng lahat para sa kabutihan. Tuloy pa rin ang mainit na debate tungkol sa RH bill. Tuloy pa rin ang pagkakanya-kanyang grupo o panig ng mga tumatawag sa sarili bilang Katoliko, kahit na hindi sila sumusunod sa katolikong pangaral. Tuloy pa rin ang pagtutungayaw at tuloy pa rin ang kalakarang korap sa Pilipinas!

Madilim ang landas na tinatahan natin … puno ng hilahil, at tigib ng paghamon.

Sa paglalakbay natin, ang magandang balitang dulot ngayon ng liturhia ay walang iba kundi ito … May kalakbay tayo … may katoto … may kasama … at ang kasama nating ito ay hindi magsusuong sa atin sa masama! Hindi nya tayo ihahatid sa ilog na mapanganib. Hindi tayo isusuong sa mga “asong gubat” na mapanlaso at mapanlinlang. Inihahatid niya tayo sa buhay – buhay na walang hanggan at ganap!

Subali’t hindi ibig sabihin nito ay landas na maluwang at maalwan! Hindi ibig sabihin nito ay isang lakbaying walang problema, walang paghamon, walang hirap at walang pananagutan. Siya mismo ang nagpamalas ng kung anong uri ng landas ito … paakyat sa bundok ng Kalbaryo, patungo sa kamatayan upang marating ang panibagong buhay.

Ang nagsuong sa amin sa paglalakbay namin sa bundok na binanggit ko ay wala na … napatay siya sa isang “encounter” hindi naglaon matapos kami harangin. Kay rami nang naging pinuno ang Pilipinas … ang ilan ay mabuti at ang ilan ay palso, palpak, korap at sinungaling at mapagsamantala. Naging kalakbay natin sila, ngunit hindi naging katoto. Naging kasama, ngunit hindi naging kadaup at kaisang palad sa iisa at parehong paghahangad. Marami ngayon ang nagpapanggap na pinuno at gabay, nguni’t hindi yapak ng Diyos ang sinusundan, kundi sarili nilang pangarap at kagustuhan!

Tulad ng natutunan ko sa aking karanasan, mahalaga na dapat mamili ng kasama, ng ating susundan at pakikinggan. May kasama sa kabutihan, at may katuwang sa kasamaan. May naghahatid sa kabutihan, at may nagsusuong sa kapariwaraan.

Sa kabila nito, sa araw na ito, may isang nagpapakita na Siya at Siya lamang ang tunay nating kalakbay … at ganap at wagas na katoto. Hindi niya tayo ililigaw ng landas. Hindi niya tayo ihahatid sa kapahamakan. Siya ang Daan, Katotohanan, at Buhay! Kasama natin Siya, kaya’t hindi tayo matitigatig!

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: