frchito

Archive for Disyembre, 2011|Monthly archive page

DI MAGLULUWAT, DARATING, MAGAGANAP!

In Uncategorized on Disyembre 15, 2011 at 12:52

Image

Unang Araw ng Simbang Gabi

Disyembre 16, 2011

 

Mga Pagbasa: Isaias 56:1-3.6-8 / Jn 5:33-36

 

N.B. Aking sisikaping muli na gumawa ng kahit maikling pagninilay sa siyam na araw ng Simbang Gabi. Pasensiya na kung hindi ko magampanan sa buong siyam na araw, pero heto ang unang patak!

 

DI MAGLULUWAT; DARATING; MAGAGANAP!

 

Hirap kaming mga pari ngayon mag-isip ng homiliya. Dalawa na kasi ang simbang gabi – simbang gabi na tunay na gabi, at simbang gabi na sa madaling araw. Ayon sa striktong batas ng liturhiya, ang pagbasa sa “gabi” ay iba sa pagbasa kinabukasan. Pero, walang problema, yamang ang kalimitang nangyayari ay ito … tematiko ang malimit nagiging paksain sa homiliya tuwing simbang gabi.

 

Kung gayon, ano kayang tema ang maaaring bigyang-pansin ngayon?

 

Ang homiliya, kahit papaano, ay dapat mag-ugat mula sa Salita ng Diyos, o ito ay isa lamang talumpati. Ikalawa, bukod sa dapat naka-ugat sa Salita ng Diyos, dapat rin itong kaakibat ng buhay ng tao. Nagsasalubong, kumbaga dapat, ang larangan ng Diyos at ang larangan ng tao. Kung hindi nagtutugma ang dalawa, ito ay isa lamang sulatin … maganda man at nakatatawag-pansin, ay hindi nakapag-aangat at nakapaghahatid sa Diyos. Kung sobra naman ang larangang makatao, ito ay walang iniwan sa isang kampanya. Kung panay naman larangan ng Diyos, ito ay lumulutang at walang kaugnayan sa buhay ng tao, sa mundong ibabaw.

 

Isa sa paksa ng unang pagbasa mula kay Isaias ay ang namumukod-tanging karanasan ng bayan ng Diyos – ang dakilang pagkatapon sa Babilonia.  Ito ang pinakamapait na karanasan ng bayan ng Diyos – ang malayo sa templo, ang malayo sa bayan, at matanggal sa kinasanayang uri ng pamumuhay sa pamamatnubay ng Diyos.

 

Ito ang pagsubok na kinasadlakan ng Israel. Ito ang pagsubok na paulit-ulit rin nating kinasasayuran. Ito ang larangan ng buhay nating walang puknat na sinusubok ng sobrang politika, sobrang kasibaan, sobrang pagkamakasarili – nino? Nating lahat … “sapagka’t ang lahat ay nagkasala at hindi naka-abot sa antas ng luwalhati ng Diyos!”

 

Matindi ang pinagdadaanan natin ngayon – ang pagbabangay ng tatlong sangay ng pamahalaan, ang tila away ng mga dambuhalang mayayaman, o grupo ng taong kanya-kanya ang balakin at panukala, at kanya-kanyang pang-unawa kung ano ang tama, at sino ang mali ay maysala. Sa katumbas na ito ng isang pagkatapon na masahol pa sa Babilonia, alam natin kung sino ang talo … walang iba kundi ang walang kamuang-muang, ang mga salat, ang mga walang kinalaman sa mga away ng mga malalaking tao.

 

Nguni’t bagama’t alam na ninyo sa tuwing sasapit ang simbang gabi, nais kong ulitin … nais kong idiin – ang katotohanang pahayag ni Isaias – ang pag-asang naghihintay para sa mga sumasampalataya, para sa mga tagasunod ni Kristong Mananakop, pag-asang tila hindi natin mahagilap, pag-asang tila laging mailap, at pag-asang halos walang talab sa ating buhay!

 

Subali’t ito ang matunog na pahayag ni Isaias: “Ang pagliligtas ko’y di na magluluwat, ito ay darating, ito’y mahahayag sa inyong paningin.”

 

Alam nyo, may bentaha rin na ako ay mas matanda sa marami sa inyo. Marami na akong nakita; marami na akong naranasan; marami na akong napuntahan. Marami na rin akong kabiguan, at marami rin akong tagumpay, tulad ng maraming kapaitan sa buhay. Tandang-tanda ko pa ang malimit kong marinig sa mga matatanda sa aming munting bayan sa Mendez, Cavite noong araw … “pasasaan ba’t makatatawid rin tayo sa kabila … pasasaan ba’t makararating din tayo.”

 

Marunong kaming maghintay. Marunong kaming mag-agguanta, magtiis, magtimpi, at magpaliban ng kagyatang kaligayahan.

 

Narito, para sa akin ang sikreto ng pag-asang maka-Kristiyano – ang kakayahang maghintay, magtiis, mag-agguanta, at magtimpi bago ibulalas ang buong pagnanasa at bigyang katuparan ang lahat ng pinipita. Marunong kaming magtanim ng pithaya sa puso. Maalam kaming magtiis kahit ang sanghaya, ang nilalaman pusong nagnanasa, ay wala pa, ilang taon pa, ilang buwan pa, o ilang tulog pa!

 

Mahaba pang landas ang tatahakin natin bilang Pinoy. Malayo pang lakbayin ang naghihintay sa ating lahat bago marating ang pinipithaya ng puso. Mahabang pagtitiis at pagsisikap pa ang dapat gawin, dapat bagtasin, dapat tahakin.

 

Subali’t hindi ito ang tunay na magandang balita. Ang magandang balita ay napapaloob sa puso ng mga taong tulad natin, na handang magtiis, handang makinig, handang umasa, at handa ring gumawa, gumanap, magpagal, at magsikap upang itong ating hinahanap ay maging totoo sa ating bayan, sa ating lipunan, sa ating pamayanan.

 

May pag-asa pa ba kaya tayong mga Pinoy? Ang sagot ni Isaias ay malinaw. Ang tugon ni Isaias ay pinatunayan ng kasaysayan. Dumating ang Mananakop. Dumatal ang Mesiyas. Sumaatin ang Panginoon, naging tao ang Verbo, at nakipamayan sa atin. Ang kasaysayan ay nasa panig ng taong may mabuting kalooban. Totoo ang pangako. Tunay at ganap ang siyang nangako, kahit na siya ay namatay at napako, ang pangako ay kanyang ganap na inako at pinatotohanan.

 

Pagpapatotoo … Ito ang ginawa ni Juan Bautista. Katulad lang ba siya ng mga parang dagang nagsusulputan ngayon upang ipako sa kahihiyan ang mga dating makapangyarihan? Katulad lamang ba siya ng mga taong parang mga mp3 players na iisa naman ang sinasabi at pinatutunayan?

 

Hindi … hindi siya isang mp3 player lamang … hindi tulad ng isang iPod touch na paulit-ulit ang mga musikang pinatutugtog. Siya ay nagpatotoo, tungkol sa katotohanan, pansamantalang nagliwanag, ngunit tumuon at nagturo sa tunay at walang hanggang liwanag ng sanlibutan.

 

At, sa bandang huli, may napala ba ang nagpatotoo? Meron … pinugutan siya ng ulo ng mga tampalasan, pero ano ang naging bunga ng kanyang patotoo?

 

Di nagluwat … dumating … naganap!

 

LIHIM NA NAHAYAG; HIWAGANG NABUNYAG!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Tagalog Homily, Taon B on Disyembre 14, 2011 at 07:07

Ika-apat na Linggo ng Adbiyento (B)
Disyembre 18, 2011

Mga Pagbasa: 2 Sam 7:1-5.8-12.14.16 / Ro 16:25-27 / Lucas 1:26-38

Isa sa mga aklat na matamang pinag-uusapan sa Panitikan noong araw ay ang nobela ni Lope K. Santos na pinamagatang BANAAG AT SIKAT. Ewan ko sa inyo kung nabasa ninyo iyon. Ako, hindi! Nagsasabi lang ng totoo … Mahirap basahin ito … una, iisa ang kopya sa aming library … ikalawa, naninilaw na at bawa’t buklat mo, ay tila mapipilas ang mga dahon (o pahina!). Kasama ito sa mga epiko, tulad ng BI-AG NI LAM-ANG, na pamagat lang naman ang pinag-uusapan sa klase. Wala ni isa man sa amin, kasama na ang aming guro, ang nakabasa nito!

Lihim itong nanatiling lihim at nagkukubli sa aming mga guni-guni. Para itong THE DA VINCI CODE … maraming tumuligsa; maraming bumatikos, nguni’t kakaunti ang tunay na nakatunghay at nakabasa.

Pero may gamit ang aklat ni Lope K. Santos (buong-buo lagi kung banggitin sa klase ng Pilipino ang kanyang ngalan!), kahit man lamang bilang pambukas ng pagninilay na ito. Angkop na angkop … tugmang-tugma sa aking paksang napili.

Alin? Anong paksa? Eto … binuksan ng aklat ni Samuel … ang banaag ng kaligtasang unti-unting nahayag simula sa buhay ni David. Si David ay isang talubatang pastol na iniangat ng Diyos upang gumanap sa balakin niya patungkol sa kanyang bayang pinakamamahal. Bumanaag sa buhay ni David ang simulain ng balakin ng Diyos tungkol sa kaligtasan ng sangkatauhan.

Pero, nauuna ako sa istorya … pinangungunahan ko ang hanay ng mga naganap sa pahinang ito ng buhay ni David, isang simple at walang kayang binatilyo, na ang alam lamang ay ang magpastol ng tupa, magpainom sa mga kahayupan, at maghatid sa wastong damuhan upang mabuhay at dumami.

Sa kapayakan at kahirapang ito, sa kawalang-malay at kasimplehang ito namanaag ang bukang liwayway ng kaligtasan. Kay David, na dati ay isang simpleng pastol, na natanghal bilang hari ng mga Judio, nagsimula ang malawakan at malalim na panagimpan ng Diyos para sa kanyang bayang pinili.

Pero tulad ng marami nating politico, at tulad rin ng dating mga simpleng pari na sa sandaling magkaroon ng mitra at bacullum (staff) ay biglang nagbabago, o mga dating simpleng seminarista, na oras maging pari at magkaroon ng dalawa o tatlong letra sunod sa pangalan, ay biglang lumulobo at nagiging mahangin, si David ay biglang naging ampaw na puno ng ere. Nagpasya siyang igawa ng bahay ang kaban ng tipan. Akala niya’y siya ang may tangang pinakamagandang plano sa balat ng lupa. Walang masama, walang lisya sa tama at wasto, walang anumang bahid ng pag-iimbot …

Nguni’t iba ang balakin ng Diyos. Iba ang kanyang iginuguhit na tadhana para kay David. Hindi para sa kanya ang magpasya kung sino ang gagawa ng kung ano. Kaya’t ito ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Natan: “Ako mismo ang gagawa ng isang tahanan para sa iyo … Patatagin ko ang iyong sambahayan … magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia’y di mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono.”

Ang lihim na balakin ng Diyos para sa kanyang bayan ay namanaag sa katauhan ni David. Unti-unti at dahan-dahang nahayag ang balak ng kaligtasan, at isang datihang pastol na walang kaya at kapangyarihan ang naging tulay ng magandang balitang ito ng kaligtasan!

Taliwas ito sa ating pang-araw-araw na karanasan. Poder, posisyon, at panggugulang ang natutunghayan natin sa bawa’t araw na ginawa ng Diyos … mula sa may baril, mula sa may trono, at kapangyarihan; mula sa dati-rati ay mga ordinaryong mortal na nagsikap rin at naghirap ring mag-aral ng Balarila at Panitikan (na magpahangga ngayon ay hindi ko pa rin nauunawaan!) Ang mga matitikas na heneral na nagtangay ng daan-daang milyong piso mula sa kaban (hindi ng tipan kundi) ng bayan, tulad ng mga ngayon ay nabubuhay sa karangyaang ilang mga pari at Obispo, ay mga anak rin ng mga simpleng magsasaka, mga simpleng taong nagpundar unti-unti, nagpakahirap at nagsakripisyo, mapag-aral lamang ang kanilang mga anak! Ang mga diumano’y “naglilingkod” na mga tao sa bayan, na ngayon ay nagpapasasa sa yamang hindi nila pinaghirapan, di ba’t sila, tulad mo, tulad ko, ay mga anak-pawis din lamang, at mga taong hindi isinilang na may subong kutsarang pilak sa bibig?

Parang si David, na nakatikim lamang ng kaunting ginhawa ay nag-asal pakawalang timawa kapagdaka.

Masamang balita? Marahil … lalu na para sa mga tinatamaan. Magandang balita? Tumpak, lalu na sa mga dinaplisan at nauulanan ng aking mga pasaring (kasama ako rito, unang-una sa hanay ng mga makasalanan!).

Tutal, di ba’t ito ang dahilan kung bakit tayo nagtitipon ngayon dito sa simbahan? Di ba’t tayo ay nagsasama-sama ngayon sapagka’t kailangan natin ng kaligtasan at kailangan rin natin ng kaunting tulak upang gampanan ang misyon nating lahat?

Heto ang kaunting tulak … mula kay David na tinuruan ni Natan ng isang malaking dagok sa kanyang kapalaluan. Ang kaligtasan ay kaloob ng Diyos. Hindi ito makukuha sa pa-cute, pagbubuhat ng sariling bangko, at pagtahak sa daan ng kapalaluan. Ito ay nakukuha sa kababaang-loob at kahinahunan, tulad ng numero unong payak at simpleng tao na iniangat mismo ng Diyos upang maging Ina ng Mananakop. Siya ang tunay na banaag at sikat. Siya ang orihinal na nabanaagan ng liwanag ng kaligtasan na si Jesus. Sa kanyang kapayakan, sa kanyang kaamuan at kahinahunan, sa kanyang kawalang paghahangad ng rangya at kapangyarihan, siya ay hinirang ng Diyos upang maging “kaban ng Tipan,” sisidlan ng kabanalan, at tagapagdala ng walang kupas at wagas na Liwanag, si Kristo Jesus, ang Mananakop.

Sa pamamagitan ni Maria, na nabanggit sa ebanghelyo natin ngayon, ang orihinal na “banaag” – ang silahis ng unang liwanag sa madaling araw, ay natunghayan ng buong sanlibutan. Sa pamamagitan niya, ang lubos at taos na SIKAT ng kaligtasan ay nailuwal, naipagkaloob, at naihatid sa taong nabubuhay sa kadiliman ng kasalanan.

Simula kay David, ang lihim ng Diyos ay nagmulang mahayag. Sa pamamagitan ni Maria, ang hiwagang nagkukubli sa kapayakan at kasimplehan at kababaan, ay nabunyag para sa ating lahat na nababalot sa dilim!