frchito

Posts Tagged ‘Pagbabagong-Buhay’

PAGKILALA AT PAGBABAGO

In Uncategorized on Abril 18, 2015 at 06:17

[TINAPAY NG BUHAY]maxresdefault

Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay – B

Abril 19, 2015

PAGKILALA AT PAGBABAGO

May mga taong pag nakilala mo ay nagbabago ang buhay mo. May mga karanasang kapag pinagdaanan mo ay nagbubunsod sa iyo upang mag-ibang landas, tumahak sa ibang daan, at magpanibago ng saloobin at laman ng isipan.

Ito ang naganap sa mga unang nakakilala kay Kristong muling nabuhay. Sa mula, dahil sa hindi nila alam ang kanilang ginagawa, ay naging daan sila upang mapako si Kristo sa krus.

Pero nang mabatid nila ang katotohanan, iba na ang usapan: “Kaya’t magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang pawiin niya ang inyong mga kasalanan.”

Bagong pagkaunawa, bagong pag-uugali!

Sa ikalawang pagbasa mula sa sulat ni Juan, halos pareho ang naririnig natin. Ang pagkakilala kay Jesus ay nagbubunga ng pagsunod: “Nakatitiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos.”

Dalawang disipulo ang malungkot na naglalakad noon patungong Emmaus. Palayo sila sa Jerusalem, pauwi nang muli kung saan sila nagmula, na tila wala nang inaasahan pang iba. Tutal, namatay naman ang kanilang tampulan ng pag-asa, at wala na silang ibang inaasahan pa.

Pero nang makilala nila si Jesus sa pagpipiraso ng tinapay, sa hapag kainan, nabago ang takbo ng mga bagay-bagay.

Lahat tayo di miminsan sa buhay natin ay nakaranas ng pagkabigo, pag-aalinlangan, at kawalan ng pag-asa. Naghahanap tayo malimit ng kakilala … ng taong makapangyarihan o mayaman, upang makatulong sa atin. Para sa maraming kabataan, ito ay dinadaan sa paghanga sa tanyag na tao, ang pakiki-uso, at ang pagsunod sa mga taong kinikilala ng madla bilang modelo.

Dito nabibilang ang tulad ng One Direction, ng mga artista, ng mga iniidolo ng madla …

Pero hanggang paghanga na lang ba ang sagot sa ating mga pag-aalinlangan? Hanggang pagsunod na lang ba sa uso ang puede nating gawin?

Sa araw na ito, mayroon pang puedeng gawin – ang wastong pagkilala … ang pagsisikap na tunay na makilala ang Diyos sa pamamagitan ni Kristong muling nabuhay. Pero ang pagkakilalang ito ay isang pagkilalang nakatuon sa karanasan, hindi lamang laman ng isipan.

Halina’t lumapit sa Panginoong muling nabuhay. Tanging siya ang makapagbubukas ng ating kaisipan. Tanging siya ang makapagbibigay-liwanag sa nadidiliman nating isipan o pang-unawa. “At binuksan niya ang kanilang mga pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan.”

Iba ang may kakilalang bigatin! Pag nakilala mo siyang tunay, may mararanasan kang pagbabago … Wastong pagkilala; tunay na pagbabago!

BALIK-TANAW, BALIK-ISIP, BALIK-LOOB

In Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Setyembre 28, 2014 at 15:46

Ika-26 na Linggo ng Taon A
Setyembre 26, 2014

BALIK-TANAW, BALIK-ISIP, BALIK-LOOB

Sabi nila, gago lang daw ang hindi nagbabago ng isip. Bagama’t hangal din ang pabago-bago ng isip, mas hangal ang hindi marunong magbalik-isip, magbalik-tanaw, at magbalik-loob.

Ito ang kagandahan at karangalan ng kawayang Pinoy. Sumasayaw sa hangin; umiindak sa bagyo, lumuluhod sa unos, at para bagang nakikibagay sa daloy ng panahon … pero hindi kailanman nababali. Nagbabago siya ng posisyon, ayon sa hangin … nakikibagay … nakikisama … pero hindi sumusuko at nababali ng hangin.

Pero hindi ibig sabihin nito ay hindi siya marunong umangal. Sa katunayan, kapag malakas ang hangin, may salitang angkop lamang para sa kawayan, ang alatiit – ang tunog ng kawayang nagkikiskisan at nag-uumpugan dahil sa hangin. Parang umaangal, nag-rereklamo, pero hindi bumibigay. Walang iniwan ito sa reklamo ng mga Judio at reklamo rin natin malimit: “Hindi matuwid at makatarungan ang panuntunan ng Diyos!”

Sino sa inyong nagdaan din sa pagkabata ang hindi umangal sa dami ng utos ng magulang? Sino sa atin ang hindi nagreklamo dahil mas gusto natin maglaro, pero kelangang mag-igib, magsibak ng kahoy, o may bilhin sa tindahan? Sabi nila, ang pinakamaingay na gulong ang nakakatanggap ng mas maraming grasa. Ito ang naging tugon ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Exequiel: “Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot.”

Minsan ring baluktot ang pamantayan ni Pablo. Noong siya ay kilala pa sa pangalang Saul, inusig niya ang Simbahan, at ang mga kristiyano. Pero ngayon, nang makilala niya ang Diyos, panay magagandang pangarap ang kanyang wika: “pag-ibig, pagkakaisa, kagalakan, kababaang-loob” at iba pa.

Nagbago rin siya ng isip. Nagbago rin siya ng saloobin. At ang pagbabagong nagmumula sa kalooban ay nagbubunga sa kilos panlabas.

Dalawang mag-kuya ang kwento sa ebanghelyo. Inutusan ang panganay. Tumanggi ang panganay. Inutusan rin ang bunso. Nangako ang bunsong susunod. Subali’t ang bunso ay hindi kumilos at gumawa. Ang panganay, bagama’t tumanggi ay nagbalik-isip, nagbagong loob, at gumawa nang nararapat.

Sa buhay natin, sagana tayo sa karanasang tulad nito. Marami tayong ayaw, at marami tayong gustong gawin. Malimit tayo tumanggi at magpahindi kahit sa mga nagmamahal at nagmamalasakit sa atin. Malimit rin tayong mag-reklamo at umangal. Subali’t karanasan rin natin na hindi lagi tayong nananatiling nagmamatigas sa ating kalooban. Hindi lagi tayong nananatiling manhid at walang pansin, walang pagtingin, walang konsiderasyon.

Matapos magmuni, matapos mag-gunam-gunam ay may nakikita rin tayong kaliwanagan. At ang isip ay nagbabago. Ang puso ay nagkakaroon ng paghupa at kahinahunan. Ang isipan ay tumatanggap ng kaliwanagan.

Metanoia ang tawag rito ng Banal na Kasulatan – ang pagbabagong-loob. Ngunit ang pagbabagong-loob na ito ay nagaganap lamang kung may pagbabalik-isip, pagbabalik-tanaw, at nauuwi sa pagbabalik loob.

Sino sa dalawang magkapatid ang tumupad sa kalooban ng Diyos? Kelangan pa ba imemorize yan? Pero ito naman ang magandang balita. Huwag natin kalimutan ang bunso na mas mabilis ang bibig kaysa sa kanyang puso at kamay …

Hindi pa huli ang lahat. Para sa kanya at para sa atin. May oras pa para magnilay. May panahon pa para mag-isip-isip. At ito ang dapat nating lahat isipin: “Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay!”

two_sons_parable