frchito

Archive for Setyembre, 2007|Monthly archive page

YABANG, HINDI YAMAN ANG PROBLEMA!

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Setyembre 25, 2007 at 22:13

Ika-26 na Linggo ng Taon (K)
Setyembre 30, 2007

Mga Pagbasa: Amos 6:1a, 4-7 / 1 Timoteo 6:11-16 / Lucas 16:19-31

Pangalawang Linggo nang tayo ay binabagabag ng tila isang maling pagpapahalaga sa turo ng Panginoon. Noong nakaraang Linggo, tila pinuri pa ng amo ang kadayaan ng kanyang tagapamahala. Nguni’t nabatid natin na ang pinuri ng amo ay hindi ang kadayaan ng tagapamahala kundi ang kanyang katalinuhang gamitin ang makamundong karunungan para lutasin ang isang matinding suliraning personal. Ang itinanghal ng ebanghelyo ay hindi kadayaan, kundi ang halimbawang dapat gamitin rin ang karunungan para sa pagpapalaganap ng paghahari ng Diyos.

Isa na namang kabalintunaan ang hatid ng mga pagbasa ngayon. Sa unang pagbasa, binatikos ni Amos ang kahalayan ng pamumuhay marangya ng mga mayayaman at makapangyarihang walang pakundangan sa kinatatayuan ng higit na nakararami sa lipunan.

Ang usaping ito ay tila sinegundahan naman ng ebanghelyo ayon kay Lucas. Malinaw dito na ang mabuting balita ng kaligtasan ay may natatanging atensyon sa mga walang kaya, sa mga walang sinasabi, sa mga mahihirap, tulad ni Lazaro. Sa biglang wari, tila sinasabi ng ebanghelyo na ang kagustuhan ng Diyos ay baligtarin ang bagay-bagay at pagdusahin ang mga mayayaman sa kabilang buhay.

Subali’t hindi ito ang pinapaksa ng mga pagbasa. Ang Diyos ay hindi inilalarawang isang mapaghiganting Diyos na pumapanig sa mga naapi sa buhay na ito laban sa mga nang-api at nagmalabis. Sa katunayan, walang sinasabing nagmalabis kay Lazaro ang mayamang tinutukoy sa ebanghelyo. Walang sinasabing minaltrato ng mayaman ang pobreng si Lazaro.

Dapat mag-ingat na ang dalawang pagbasang ito ay hindi kakitaan ng isang dahilan upang papag-awayin ang mahirap at ang mayaman. Hindi yaman ang tinutuligsa sa mga pagbasang ito. At lalung hindi kahirapan ang iniaangat at pinapupurihan dito.

Sa madaling salita, kung hindi yaman ang pinupuntirya ni Jesus, ano ang gusto niyang sabihin? Ano ang gustong paratingin ng talinghaga ng Panginoon tungkol sa mayamang lalaki at ang kanyang angkan at kay Lazaro?

Maari tayong humalaw sa nagaganap sa ating lipunan sa mga araw na ito upang maunawaan ang mga pagbasa. Sa nakaraang Linggo, nabunyag ang isang katotohanang mahirap isipin, mahirap tanggapin, at mahirap patawarin. Nabunyag muli na ang lipunang Pilipino lalu na ang pamahalaan ay pinamumugaran ng mga taong nahirati sa yaman at nabulagan na ng kapangyarihan. Sa loob ng maraming taon na ang mga kinauukulan ay naghahawak ng kapangyarihan at kayamanan, malamang na ang mga inaakusahan ng korupsyon ay mga taong nasanay na sa kultura ng yaman, isang kulturang nagiging manhid sa kalagayan ng mga abang nasa labas ng kanilang mga bakuran, tulad ni Lazaro.

Ang mga tila nalulon na naman sa isang kahiya-hiyang iskandalo ng pagnanakaw ay mga taong nahirati na sa kayamanan at kapangyarihan. Marahil ay inakala nilang walang mabubunyag, at ang lahat ay mapagtatakpan at maikukubli sa mga mata ng balana.

Ito ang pinupuntirya ng mga pagbasa … Si Amos ay hindi galit sa mga mayayaman sa kanyang panahon dahilan lamang na sila ay mayaman. Ang tinutuligsa niya ay ang karangyaang walang pansin, ang pagkagumon sa luho na walang pakundangan sa kalalagayan ng mga salat at walang-wala. Ang kanyang tinutuligsa ay ang walang katuturang pagkalulon sa lahat ng uri ng luho na hindi angkop sa katayuan ng karamihan.

At ang pinupuntirya ng ebanghelyo ayon kay Lucas ay hindi ang mababaw na pagbabaligtad ng katayuan ng mayaman at ng abang si Lazaro. Ang tinutuligsa ng ebanghelyo natin ngayon ay hindi yaman, kundi ang yabang!

Hindi kaila sa atin na ang yaman ay nakabubulag. Hindi malayo na ang taong nahirati at nabihasang makihalubilo sa mga mayayaman lamang at makapangyarihang tao ay mag-iisip na rin tulad ng kanilang kasa-kasama tuwina. Ang yaman at kapangyarihan ay may kaakibat na panganib. Malaking posibilidad na ang yaman ay maghatid ng kawalang-pansin at kayabangan sa taong nagkakamal nito – tulad ng kawalang pansin at kayabangan ng mayamang ni hindi pinansin at tinao si Lazarong araw-araw ay nakabulagta sa labas ng trangkahan ng kanyang marangyang bahay.

Yabang, hindi yaman ang tinutuligsa ng Panginoon. Subali’t malinaw sa ating mga pagbasa na ang yabang na ito, ang saloobing ito ng mga taong walang malasakit sa mga aba, ay isang panganib na mabilis kabuliran ng mga mayayaman. Ganoon na lamang at sukat ang saloobing makasarili ng taong binabanggit sa ebanghelyo. Patay na at lahat ay hindi pa niya maiwan ang saloobing ang mga salat at mahihirap ay walang kwenta at dapat manatiling utusan lamang. Pati sa kamatayan, ay nanatili ang mababang pagtingin niya kay Lazaro na gusto pa niyang utusang pumunta sa kanyang mga kapatid.

Malungkot ang nagaganap na muli sa Pilipinas. Para bagang ang mga matataas at makapangyarihang napakatagal nang “naglingkod sa bayan” kuno, ay wala nang kabubusugan kung baga. At sapagka’t kay tagal na nila sa posisyon, hindi na nila alintana ang patuloy na paghihirap ng napakaraming mga Pilipino. Patuloy ang kanilang paghahanap ng yaman. At patuloy din naman ang madaling bunga ng yaman – ang kapalaluan o kayabangan.

Ito ang aking mungkahi sa araw na ito. Ang mahirap ay huwag sanang magalit sa mayayaman. At ang mayayaman ay huwag sanang mabulagan dahil sa kanilang yaman. Mahirap man o mayaman, magalit tayo sa saloobing pagwawalang-bahala at pagbabale-wala sa mga aba, sa mga salat, at sa mga walang kaya sa buhay.

Magalit tayo sa yabang, at hindi sa yaman. At sa mga nag-aasam, alalahanin natin ang kaakibat ng yaman at karangyaan, ang kagya’t at kalimitang bunga ng kayamanan na walang iba kundi ang kayabangan.

Mainam para sa atin na alalahanin ang tagubilin ni Pablo kay Timoteo sa ikalawang pagbasa: “pagsikapan ang kabanalan, debosyon, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis, at kahinahunan. Makipagtagis nang mahusay para sa pananampalataya.”

Pambansang Dambana ni Maria Mapag-Ampon sa mga Kristiyano
Paranaque City, Metro Manila, Philippines
September 25, 2007 – 10:00 PM

Advertisement

LAWAK NG PANG-UNAWA; KARUNUNGANG MAPAGPALAYA

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Setyembre 17, 2007 at 21:07

Ika-25 Linggo ng Taon K (Setyembre 23, 2007)

Mga Pagbasa: Amos 8:4-7 / 1 Timoteo 2:1-8 / Lucas 16:1-13

Noong isang Linggo, natunghayan natin kung gaano kalawak ang habag at awa ng Diyos. Nguni’t napagtanto din natin na ang awang ito ng Diyos ay dapat tumbasan ng linaw ng pag-iisip ng tao, na handang tumanggap ng kanyang kamalian. Ang linaw ng isipang ito ang siyang halimbawa ni Pablo na tumanggap at nagkumpisal na siya ay isang makasalanan kung kaya’t malaki ang kanyang pasasalamat sa Diyos na nagpatawad sa kanya.

Sa ebanghelyo naman noong isang Linggo ay nakita natin na ang kakulangan ng lawak ng pang-unawa ng nakatatandang kapatid ay nagbunsod sa kanya upang salubungin ng galit at tampo ang kapatawarang ipinagkaloob ng kanyang ama sa nakababatang kapatid.

Nagsara ng isipan ang kuya. Nagpinid siya ng kaniyang puso sa kapatid. At ang cerradong puso at isip ay nagpuyos sa galit at panibugho sa kanyang ama. Kung gaano kaluwang ang pagtanggap ng ama sa kanyang alibughang anak, gayon di naman kakipot ang puso’t damdamin ng kuya sa kapatid na nalihis ang landas nguni’t nagbalik-tanaw, nagbalik-loob, at pinagkalooban ng balik-dangal.

Lawak ng isipan at lalim ng pang-unawa ang paksa natin sa araw na ito. Ang taong makitid ang isipan ay sakim, madamot, at mapagbilang. Ito ay nagbubunga ng kadayaan, tulad ng binabanggit ni Amos sa unang pagbasa. Subali’t malinaw ayon kay Amos na ang Diyos ay nasa panig ng mga pinagsasamantalahan, ng mga inaapi, at mga walang kaya.

Lawak din ng pang-unawa ang sinasaad sa sulat ni Pablo kay Timoteo. Ipinagtatagubilin niya na ipagdasal ang mga namumuno at may kapangyarihan, upang “mabuhay nang tahimik at mapayapa nang may debosyon at dangal.”

Ang panahon natin, lalu na ang ating lipunan sa Pilipinas ay nababalot ng lahat ng uri ng kadayaaan at katiwalian. Mapa sa mga nasa kapangyarihan, mapa nasa ibaba at pinamumunuan, mapa mayaman at mapa mahirap, ang bayang Pilipino ay tila balot na balot na ng lahat ng uri ng pang-aabuso at pagsasamantala sa kapwa. Kung ang bilang ng mga trangkadong mga kalye ang pagbabatayan, mistulang wala nang tiwala ang mga Pinoy sa isa’t isa. Puro naka-kandado ang mga lansangan … puro guardiado … at puro na lang checkpoint ang makikita natin saanman tayo magpunta.

Sa halip na lawak at luwang ng isipan at saloobin, ay nababalot tayo ng iba-ibang uri ng kakitiran ng saloobin at isipan.

Isa sa mga saloobing lubhang kinakailangan ng ating lipunan ay ang lawak ng isipan at saloobing naipapakita sa wastong paghusga at tamang karunungan. Ang salitang ginamit ni Lucas ay phronesis, na sa Ingles ay katumbas na tinatawag na “practical judgment” o kakayahang magpasya nang wasto at angkop sa hinihingi ng pagkakataon. Kalakip ng wastong pagpapasyang ito ang kakayahang magbalangkas ng isang tuntunin, o isang balak na magbubunga ng inaasahang kahihinatnan. Kasama sa lalim ng pang-unawang ito ang kakayahang gamitin ang lahat ng maaaring gamitin matupad lamang ang binalangkas na balak o adhikain.

Karunungang praktikal ang pinag-uusapan natin dito … karunungang hindi bunga ng mga aklat bagkus bunga ng kakayahang basahin ang kahulugan na napapaloob sa kabuuan, hindi lamang sa maliliit na aspeto ng isang usapin.

Ito ang kalawakan ng isipang kailangan upang maunawaan nang lubos ang talinghaga ni Kristo sa araw na ito. Sa biglang-wari ay parang leksiyon ito sa kadayaan, ang mismong kadayaang kinokondena ng unang pagbasa mula kay Amos. Subali’t hindi ito ang puntong tinutumbok ng talinghaga. Ang leksiyon ng Panginoon ay walang kinalaman sa pandaraya at pagsasamantala sa kapuwa. Ang ikinikintal niya ay ang karunungang magbubunsod sa atin upang gawin ang lahat ng magagawa kung ang pakay ay ang kaharian ng Diyos.

Sa madaling salita, ay hindi pinuri ni Kristo ang kanyang kadayaan. Ang pinuri niya ay ang kaniyang karunungang praktikal na naghatid sa kanya upang magbalak, kumilos, at gumawa upang makamit ang isang napakahalagang pakay na may kinalaman sa kaligtasan ng sarili at ng ibang tao. Ayon sa Panginoon, “higit na maalam ang mga anak ng kadiliman makipagtrato sa katulad nila, kaysa sa mga anak ng kaliwanagan.”

Malalim at masalimuot ang suliraning bumabagabag sa ating lipunan. Sala-salabat na ang kultura ng korupsyon o katiwalian. Malalim na ang ugat ng kasalanan sa lahat ng antas ng ating buhay personal at buhay pampubliko. Ang mga kampon ng kadiliman ay lubhang matatalino at bihasa na paikot-ikutin ang ulo at isipan ng marami. Hindi na natin matukoy kung sino ang nagsasabi ng totoo at kasinungalingan, kung ang pagbabatayan lamang ay ang radyo, TV, pahayagan, at internet.

Malinaw na hindi sapat ang maging mabait lamang. Ang mga nasa kabilang panig ay lubhang marurunong at madudulas sa salita at pag-iisip.

Ang mga taga-sunod ng Panginoon ay hindi dapat mahuli at mapag-iwanan. Ito ang paghamon ni Kristo sa atin … ang magsikap magkaroon ng lawak ng pang-unawa at karunungang praktikal upang harapin ang sali-salimuot at sala-salabat na mga suliranin sa ating lipunan at bayan. Ito ang lawak ng pang-unawa na nagbubunga ng karunungang mapagpalaya, kaalamang ginagamit para sa ikapagkakamit ng kaliwanagang walang hanggan.