frchito

Archive for Disyembre, 2011|Monthly archive page

SA KAGANAPAN NG PANAHON!

In Panahon ng Pasko, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Disyembre 31, 2011 at 11:37


Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
Enero 1, 2012

Mga Pagbasa: Bilang 6:22-27 / Gal 4:4-7 / Lucas 2:16-21


Noong nakaraang dalawang taon, ang pamagat ko sa kapistahang ito ay “Pagdating ng Panahon.” Sa taong ito, binabalika ko ang isang salitang laging mali ang paggamit ng mga nagbabalita sa radio at TV – kaganapan! Pag ginagamit nila ang salitang ito, ang ibig nilang sabihin ay ang mga nagaganap sa kapaligiran, pero ang kaganapan ay nangangahulugang kabuuan, ang pagiging ganap na kompleto ng isang bagay o gawain, tulad ng kaganapan ng kaligtasan natin bilang tao.

Maraming kulang sa buhay natin. Maraming hindi ganap, hindi ayos, hindi tapos, hindi kompleto. Laging kulang … laging bawas … laging hindi sapat ang lunas, at laging mayroon pang hinahanap. Hindi naibigay lahat ni Santa Claus ang hinihingi ng mga bata. Para sa maraming lugar na nasalanta ng baha, wala ni anino ni Santa Claus ang nakita, bagkus anino at katotohanan ng kahirapan, pagluluksa, at kamatayan. Bagama’t ang matuwid na daan ang ipinangalandakan ng administrasyon, alam natin na pati ang mga tulong na galling sa ibang bansa ay nagagawan ng paraan, nahihilot, nagkukulang, at may ibang nakikinabang. Sa kabila ng sinasabing pagpupuksa ng katiwalian, alam natin kagabi na ang mga paputok ay patuloy na gumawa ng sari-saring mga problema para sa lahat. Alam nating may daan-daang naputulan ng kamay, o paa, o naging sanhi ng pagdurusa ng mga taong walang kamalay-malay.

Kapos ang lahat sa mundong ibabaw. Walang taong nagsasabing sapat ang kanilang pera at yaman. Wala pa akong naririnig na nagwika na labis-labis ang kanilang nakakamit o pinanghahawakan. Ang mga payat ay hindi lubos na payat, ayon sa kanilang kagustuhan, o dili kaya’y sobrang payat. Ang matataba ay sobra ang taba, o mataba sa mga maling bahagi ng katawan. Ang mga hirap ay laging nag-aasam, laging naghahanap, at laging naghihintay, at mga nanggigitata sa salapi ay gusto pang magkamal nang higit pa, bukod pa, at labis pa. Walang naging Mayor o Governor o Congressman o Senador na hindi naghangad na manatili sa posisyon at humigit pa. Walang labis; laging kulang! Hindi sobra; laging may puwang!

Nguni’t ngayong araw na ito, isang kaganapan ang naganap. Ito ang kaganapan ng panahon para sa Diyos, ang pagsusugo sa kanyang bugtong na Anak, sa pamamagitan ni Maria, Ina ni Kristo, Ina ng Diyos.

Sa paksaing ito, walang kulang, walang puwang, at walang guwang. Ito ang magandang balitang ipinamudmod sa mga taong may mabubuting kalooban. Nguni’t tingnan natin kung paano nangyari ang sinasabi nating naganap para sa ating kaligtasan?

Misteryo … hiwaga … parang kulang … parang mahirap paniwalaan, pero dapat nating tanggapin at pagnilayan.

Ang balita, diumano ay naganap nang dumating ang kaganapan ng panahon … Pagdating ng tamang panahon, nagsilang ang isang babae ng isang sanggol na lalaki.
Pagsapit ng kaganapan ng panahon, nangyari ang ipinangako niyang magaganap. Sa pamamagitan nino?

Ng mga taong hindi ganap … ng mga taong hindi labis, kundi kulang … mga taong walang kapangyarihan, at hindi nalulupasay sa kasaganaan. Ito si Maria, na sapagka’t hindi ganap ay pinuspos ng Diyos ng biyaya … ginanap, kinumpleto, itinangi at nilukuban ng Espiritu Santo.

Sino pa? ang mga pastol na hindi naman dapat nagbabalita at nagmamadali … mga taong nakatali kumbaga sa lupa tulad ng kanilang kawan… mga taong sanay maghintay, at hindi bihasang nagmamadaling pupulas tungo sa kung nasaan ang kabihasnan.

Ang mga taong salat, mga taong kulang, at walang anumang kalalabisan, ang siyang pinili ng Diyos. Sila ang tinawag. Sila ang sinugo. Sila ang inatangan ng magandang balita. At sapagkat sila ay bukas ang puso sa anumang marinig at makita, sila ang nagmamadali, nagtatakbo, at nagbulalas ng ibinulalas ng mga anghel mula sa kalangitan!

Ito ang kasagutan sa ating kakulangan. Ito ang pampuno sa ating kababawan at kabaliwan. Sa dami ng kulang at guwang sa buhay natin, kailangan natin ng biyaya mula sa itaas. Kailangan natin ng tunay na makapagbibigay-kasagutan sa lahat ng ating mga katanungan, sa makapagbibigay kahulugan sa isang buhay na tila walang kakabu-kabuluhan.

Sa gitna ng kadilimang ito na bumabalot sa ating lipunan, matapos ang susun-susong mga problema at sanhi ng kamatayang pisikal at moral, sa pagkawala ng katigan ng ating pamumuhay-moral dahil sa sobrang pagkabalisa upang punuin ang lahat ng kulang, at gumawa ng pera at yaman, maging galing sa nakaw at pandaraya … kailangan natin ng balita mula sa mga pastol na marurumi at mababaho, ngunit nagbubusilak sa mata ng Diyos sapagka’t sila ay nagmadali at nagbalita.

Bagama’t hindi sila kagyat pinaniwalaan, at namangha ang marami sa kanilang mga sinabi at ipinagbigay-alam, kailangan natin ng mga pastol na nagtuturo sa tama, mga obispo at pari at katekistang naghahatid sa tama at wastong pamumuhay moral, at hindi mga taong nagmamadali lamang paramihin ang pera at palawigin ang kanilang kapangyarihan at panunungkulan kuno sa bayan.

Kailangan nating magdilang pastol, at hindi anghel, na magsasabi rin ng magandang balita na sa kaganapan ng panahon, ay sumilang na ang sanggol sa tulong ng isang babaeng ipinagpipitagan natin, si Maria, Ina ni Kristong Anak ng Diyos, Ina ng Diyos!

Salesian House of Studies
Shaukeiwan, Hongkong

NAMALAS,NAHAYAG, NAGANAP, AT NAGAGANAP!

In Homily in Tagalog, Pagsilang ng Panginoon, Panahon ng Pasko, Taon B on Disyembre 24, 2011 at 15:43

Araw ng Pasko (B)
Disyembre 25, 2011

Mga Pagbasa: Is 52:7-10 / Heb 1:1-6 / Jn 1:1-5.9-14

Marami tayo ngayong natututunan sa mga naganap sa nakaraang linggo. Marami tayong naririnig, maraming nalalaman … At ang isa rito ay walang iba kundi, pareho pa ring sobrang pamumulitika ang sanhi ng pagkamatay ng marami sa Cagayan de Oro at Iligan.

Mahirap ikubli ang bagay na madaling mamalas. Mahirap itago ang bagay na kagya’t rin namang nahahayag, kapag ang crisis ay sumagi sa ating buhay. Dito nakikita kung anong uri ng pinuno mayroon ang bayan, kung anong uri ng tao ang naghahawak ng panunungkulan, at kung ano-anong palusot ang paiiralin, maiwasan lamang ang pananagutan.

Marami na rin tayong pinagdaanang trahedya. Sa Cherry Hills subdivision, lumitaw ang napakaraming sisihan. Lumabas ang mga gumawa ng isang bagay na hindi makatatagal sa tulad na pinagdaanang calamidad. Sa Ozone disco, maraming imbestigasyon … maraming mga pag-aaral, at marami ang diumano’y dapat managot. Dumaan ang Pepeng, sumirit and Ondoy. Daan-daan ang namatay, subali’t wala pa rin ang nanagot. Wala pa ring hustisya, at wala ni isa mang nagputol ng puno sa gubat ang pinatawan ng anumang parusa.

Sa araw na ito … araw ng kagalakan, araw ng pasasalamat, gustuhin man natin kalimutan ang naganap, ay hindi makatkat sa isipan natin ang mga larawang tumambad sa ating paningin. Hindi ko sanang pabigatin pa ang inyong mga damdamin, subali’t tungkulin ko bilang Pari ang magbigay kahulugan sa nagaganap sa buhay natin ayon sa liwanag ng ebanghelyo, ayon sa liwanag ng pananampalatayang Kristiyano.

At ito ang simula … namalas natin … nabanaag natin … ang alin? … ang siyang ipinahayag sa mula’t mula pa – ang pangakong naghihintay ng katuparan at kaganapan … ang pangakong sanggol na isisilang mula sa angkan ni David, na siyang pinangunahan ni Juan Bautista bilang tila isang “advanced party” o tagapagbalita.

Subali’t mas madaling mamalas ang anumang malas, ang anumang masama, ang anumang lisya sa kagandahang kaakibat ng ating pagkakilala sa Diyos. Sabi nga nila, kapag ang isang aso ay kumagat sa isang tao, hindi balita ito. Hindi ito kikita. Pero kapag ang tao ang kumagat sa aso, ito ang balita … ito ay isang scoop … isang balitang aalingawngaw sa alapaap at sa internet.

Ang gawang mabuti, ayon kay Shakespeare, ay malimit inililibing kasama sa mga buto ng gumawa, pero ang gawang masama ay nananatiling buhay sa alaala ng balana.

Ibahin natin ang balita ng Pasko. Hindi ito nakahanay sa mga posibleng maaring mangyari … Ito ay isang katotohanang naganap, katotohanang namalas, nahayag, at naging totoo para sa katulad nating ang pag-asa ay nakatuon sa langit.

Marami tayong inaasam. Marami tayong hinihintay. Maraming tayong gustong mangyari. Ngayon pa man, ang mga mahihilig sa mga electronic gadgets ay naghihintay na ng iPhone 5, ng lahat ng makabagong smartphone na ang nilalamang datos ay pawang nasa cloud, sa alapaap, at wala nang kailangang hard disk.

Nguni’t ang bataya ng lahat ng ating pag-aasam at kakayahang maghintay ay naganap na … dumating na … isinilang na – ang Kristong Panginoon at Mananakop. Ito ang Pasko. Hindi lamang ito isang paggunita. Hindi lamang ito isang anibersaryo ng pagsilang. Hindi lamang ito isang birthday, o pagdiriwang dahil sa paggunita sa isang bagay na malayo na sa guni-guni at karanasan. Hindi ito tulad ng pag-aala-ala sa araw ng kalayaan.

Sa mga anibersaryo, sa mga paggunita at pagdiriwang ng pag-alala, walang nagaganap kundi ang pagbabalik-isip sa mga taong dapat ay makagunita. Sa araw ng Pasko, ang araw na hindi naman eksaktong araw nga ng pagsilang ng Panginoon, higit pa sa paggunit ang ating pakay … higit pa sa mababaw na pag-alala. Ito ay hindi rin lamang isang pagsasadula ng bagay na gusto nating buhayin muli sa alaala.

Ito ay isang pagdiriwang na naglalagay sa isang pangyayari sa larangan ng personal at pangkalahatang karanasan ng lahat, ngayon, noon, bukas, at sa walang hanggang panahon.

Namalas natin… nabanaag natin … naganap at nakita natin. At ito ang puno at dulo ng pangakong laman sa unang pagbasa: “Sa lahat ng bansa, ang kamay ng Poon na tanda ng lakas ay makikita ng mga nilalang, at ang pagliligtas ng ating Diyos ay tiyak na mahahayag.”

Ito ang katiyakang ngayon ay idinideklara ni Juan: “Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin. Nakita namin ang kanyang kapangyarihan at kadakilaan, puspos ng pag-ibig at katapatan.”

Tunay ito. Hindi ito isang larawan lamang. May “pulp bits” ika nga, hindi lang sound bytes, o digibytes. May kagat … may kinalaman sa buhay natin noon, ngayon, at magpakailanman.

Naging tao … nagkatawang-tao … naging tulad natin at nakipamayan sa atin. Ito ang Pasko, pista ng katotohanan at kaganapan. Damang-dama at kitang-kita natin ang bunga ng kanyang pagkakatawang-tao – sa dami ng istorya ng kabaitan, at pagiging dakila ng maraming namatay sa baha. Sa kanilang nalalapit na pagpanaw, marami sa kanila ay nakagawa ng mga bagay na bayani lamang ang nakagagawa subali’t nagawa nila. Nakuha nilang tulungan ang iba, kahit hindi nila kayang tulungan ang sarili.

Kitang kita natin ito sa napakaraming taong isusubo na lamang nila ay ibibigay pa sa mga nasalanta, mga taong hindi na humingi ng pagkilala, basta’t makatulong lamang sa naghihirap. Damang-dama at kitang-kita natin na ang Diyos na nakipamayan sa atin, ay nananatiling buhay sa pamamagitan ng maraming nag-aasal bayani, nag-aalay ng sarili sa maraming paraan, at gumagawa ng tulad ng ginawa ni Jesus, na bagama’t hindi siya tinanggap ay naparuon sa mundong makasalanan, upang tayo ay sagipin.

Pasko nga ngayon. Buhay ang Diyos. Buhay ang kanyang pangaral at halimbawa. Kasama ka ba sa nagpapamalas, nagpapahayag, at nagpapaganap sa Kaniyang halimbawa at pangaral?