frchito

Posts Tagged ‘Kristong Hari’

HARI MAGPAKAILANMAN!

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Kristong Hari, Taon K on Nobyembre 17, 2016 at 17:50

 

PITHAYA AT SANGHAYA

Matunog at malutong ang mga panlalait ng mga taong pumalibot kay Jesus. Sinasaad ng ebanghelyo ayon kay Lucas kung paano siya nilait, inalipusta, at nilibak. Iisa ang laman ng kanilang mga panlilibak at panlalait: “bumaba ka sa krus kung ikaw nga ang sinasabing Mesiyas!”

Nguni’t sa dakilang kapistahang ito ni Kristong Hari, malinaw ang turo ng ating mga pagbasa. Mataginting ang mga hanay ng pagpapahalagang napapaloob sa kung ano ang ipinangangaral sa atin ng Haring nabayubay sa krus. Ang ating mundo ay bihasa sa ideya ng pag-akyat, pag-angat, promosyon, at pagtaas sa hagdan ng tagumpay. Alam ng lahat na ang kagustuhang makatuntong sa bangkito ng kadakilaan at pagkilala ng madla ay isang natural na pangarap at pithaya ng tao.

Hindi masama ang maghangad umunlad, umangat, at manguyabit sa puno ng pagtatanghal sa lipunan. Ang sinumang artista na nagsisimula lamang makilala ay naghahangad at nag-aasam na tumanggap ng tinatawag na “top billing.” Ang sinumang kasapi ng SK sa takbo ng politika sa Pilipinas, ay naghahangad balang araw maging mayor o congressman, kung maaari. Ito ang dahilan kung bakit lahat ng malalaking politiko ay pilit na isinusuong ang kanilang anak na binata at dalaga sa larangan ng Sangguniang Kabataan.

Lahat ng tao ay katulad ni Zaqueo na narinig natin sa ebanghelyo kamakailan. Maliit man ay matayog ang kanyang panagimpan. Pandak man ay mataas ang kanyang hangarin at pinipithaya ng puso at damdamin. At bagama’t siya ay maliit sa paningin ng madla ay matayog ang kanyang hangaring pumailanlang sa larangan ng pagbabagong-buhay.

Sa Banal na kasulatan, malimit natin matunghayan ang larawan ng isang bundok na dapat akyatin. Ang bundok ay sagisag ng kaligtasan, ng paglapit sa kung saan naroon ang Diyos. Ang pag-akyat maging sa Jerusalem, lalu na sa templo, ay sagisag ng paglapit sa dambana at sa puso ni Yahweh. Magmula nang makatagpo ni Moises si Yahweh na nagpakilala sa atin bilang iisang Diyos, tayo ay nabibighani at patuloy na tumitingala sa bundok kung saan magmumula ang tulong na dulot ng Diyos.

Hindi masama ang umakyat at tumaas. Hindi masama ang magkaroon ng pithaya at pag-aasam na makilala, at tingalain ng balana, hangga’t maaari. Ang magandang balita sa araw na ito ay maging si Jesus ay umakyat. Ang ebanghelyo ay malinaw sa paglalarawan kay Jesus na tumutupad sa kanyang tungkuling umakyat sa Jerusalem bawa’t taon tulad ng lahat ng Judeo.

Siya ay umakyat sa bundok ng Jerusalem upang magpugay sa kanyang Ama. Tumbukin agad natin ang nais kong iparating sa inyo. Ito rin ang nais ituro ng ating Kapistahan ngayon. Nais ng Diyos na tayo ay umangat, tumaas, at pumailanlang sa bantayog ng kaligtasan. Nais ng Diyos na tayo ay bumalikwas sa ating pagkasadlak sa kasalanan at kamatayang dulot ng pagkakasala. Nais ng Diyos na tayo ay umangat sa larangan ng biyaya.

Malinaw na turo ni San Agustin, na ang Diyos ay naging tao (kay Kristo) upang ang tao ay matulad sa Diyos. Dapat lamang na ang tao ay mag-asam umangat, tumaas, at pumailanlang sa kabanalan. Ito ang nasa likod ng pithaya ni Zaqueo na maka-akyat sa puno ng sikomoro. Sa likod ng kanyang makamundong pag-aasam na makita ang kinikilalang Mesiyas, nanguyabit siya sa puno upang makatagpo ang pinag-aasam ng madla. Lahat tayo ay tulad ni Zaqueo. Lahat tayo ay may malalim na pagnanasa sa Diyos na malimit ay natatakpan ng kasalanan. Lahat tayo sa kaibuturan ng ating puso ay naghahanap sa Diyos at sa kanyang mga pangako.

Nais kong isipin na ito ang kahulugang malalim ng pag-akyat ni Jesus at pagkabayubay niya sa krus. Puno ang inakyat ni Zaqueo. Mula sa punong ito ay kinilala ni Jesus ang malalim niyang pithaya at nasa. Nguni’t mula sa punong ito ay pinababa niya si Zaqueo. “Bumaba ka diyan at nais kong tumuloy sa iyong bahay.” Ang hangad ni Zaqueo ay kanyang pinagbigyan. Nguni’t para ang hangad na ito ay makamit, ay pinababa niya ang tao sa puno. Puno rin ang inakyat ni Kristo. Ang krus ay siyang puno kung saan itinanghal hindi ang kanyang pithaya kundi ang kanyang sanghaya – ang kanyang dangal, ang kanyang kadakilaan bilang Diyos, ang kanyang luwalhati bilang Mananakop. Ang nagpababa kay Zaqueo sa puno ng sikomoro ay siya ring umakyat sa puno ng krus upang mapagbigyan at mapagkalooban ang sangkatauhan ng kanilang malalim na pithaya – ang makatagpo at makaniig ang Diyos.

Malalim ang hangad at pithaya ng Diyos para sa ating lahat – higit na malalim (o matayog) kaysa sa ating makataong pithaya at nasa. Ang nasa niya ay tayo ay pumailanlang sa larangan ng pagmamahal, pananampalataya, at pag-ibig. Ang dakilang kapistahan natin ngayon ay pagsasalarawan ng kung ano ang binata at hinarap ni Kristo upang mapagkalooban tayo ng kung ano ang ating asam-asam.

Nanguyabit siya at nabayubay sa puno at kahoy ng krus. At dito naganap at natanghal ang kanyang tunay na kadakilaan at kaluwalhatian. Naging trono ang kahoy ng krus. Naging luklukan at sagisag ng kanyang kadakilaan.

Dalawang uri ng tao ang maari nating matungyahay sa pagninilay na ito. Ang una ay mga taong napako sa kanilang makamundo at mababaw na pithaya at pagnanasa. Ang ikalawa ay mga taong ang kanilang pithaya ay napakong kasama ni Kristo sa trono ng tunay na kadakilaan at kaluwalhatian.

Ang mapako sa makamundong pithaya ay manatili sa mababaw na makataong pagnanasa. Ang mapako kasama ni Kristo sa kahoy ng krus na banal ay ang pumapailanlang kasama at katulad niya tungo sa makadiyos na sanghaya at dangal na hindi kailanman mapapawi, di kailan man magagapi. Ito ay sapagka’t ang kanyang paghahari ay walang hanggan. Ang naghihintay sa atin sa paghaharing ito ay bumabagtas sa isang mababaw na pithaya. Ang naghihintay sa atin sa bahay ng Diyos ay walang iba kundi ang sanghaya ng taong pinagbuwisan ni Kristo ng kanyang dugo at buhay. “Masaya tayong papasok sa tahanan ng ating Diyos” (Salmong Tugunan).

Advertisement

HARING MARANGYA; HARING MAPAGPARAYA

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Taon B, Uncategorized on Nobyembre 18, 2015 at 03:42

Christ-Enthroned3

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Kristong Hari _Taon B

Nobyembre 22, 2015

 

HARING MARANGYA; HARING MAPAGPARAYA

Nagkataong nasa Pilipinas ang mga “hari” ng APEC. Isang marangyang pagtitipon sa isang maralitang bayan ang nagaganap habang sinusulat ko ito. At bagama’t ang laman ng usapan, liban sa buhol-buhol na trapiko, ay ang tinaguriang ALDAV, nagsisikap sumingit ang liturhiya sa araw na ito matapos ang APEC upang pagnilayan ang pagkahari ni Kristong Panginoon.

Iba ang pakahulugan sa hari sa ating panahon, lalu na sa Pilipinas. Sa atin, kapag ikaw ay may posisyon saanman, sikat ka. Kapag sikat ka, marami kang puedeng gawin na hindi kayang gawin ng ordinaryong tao. Puede ka magkaroon ng wangwang. Puede ka mag counter flow sa traffic. Puede ka rin sumingit sa mga pila, at marami pang iba.

Ang maging hari ay katumbas ng pagiging makapangyarihan.

Subali’t sa Lumang Tipan, ang pagiging hari ay mas malapit sa pagiging tulad ng isang pastol, na walang iniisip kundi ang kapakanan ng kawan. Ang pagiging hari ay ang pagpapasan ng pananagutan para sa pinaghaharian. Iyan ang dahilan kung bakit ang mga Israelita ay humingi ng hari at tumulad sa kanilang mga kapitbayan.

Medyo hindi magandang balita sa marami ang magwika tungkol sa mga namumuno sa atin. Hindi maganda ang imahe sa madla ng mga taong may kapangyarihan. Una, kapag nakatikim ng poder ay ayaw nang bumaba. Ikalawa, kung hindi na puede tumakbo ay inililipat sa asawa, sa kapatid, sa anak, at sa sinumang pinakamalapit sa kanila. Dinastiya ang mga posisyon sa Pilipinas. Pare-parehong pangalan ang mga namumuno. At higit sa lahat, ang posisyon ay malayo sa paglilingkod, kundi sa pagpapahirap sa taong-bayan.

A ver … may nakita na ba kayong politico na humirap dahil naglingkod sila sa bayan? At kung tunay na paglilingkod ang kanilang hanap, bakit sila nagpapatayan maging gobernador lamang or mayor?

Malinaw sa mga pagbasa na Diyos mismo ang nagkaloob ng kapangyarihan. Ayon sa hula ni Daniel, “binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan, at ng kaharian.” Ayon sa Bagong Tipan, ang paghahari ng Diyos ay bumabagtas sa pangkasalukuyan, sa nakaraan at sa hinaharap.

At sa ebanghelyo, hindi iniwasan ni Kristo ang tanong bagkus sinagot: “Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito.”

At dito pumapasok ang magandang balita. Ang paghahari ng Diyos ay kakaiba sa paghahari ng tao. Ang tao, kapag humawak ng kapangyarihan ay nagbabago, napapalitan ang mga pananaw at nababago rin ang kanilang mga adhikain.

Sa halip na gumawa upang maglingkod … sa halip na magparaya ay naghahanap ng rangya.

Dalawang bagay sa madaling salita ang hinihingi ng liturhiya at mga pagbasa sa atin ngayon. Una, ang ituring si Kristo bilang hari ng ating mga puso. At ikalawa, ang matuto sa kaniyang halimbawa ng paglilingkod na walang paghahanap sa sarili, ang maglingkod nang walang pag-iimbot, walang kasakiman, at walang sarlling adhikain, liban sa adhikain ng Diyos.

Ang tunay na hari ayon sa wangis ng Diyos, ay hindi marangya. Ang tunay na hari ayon sa kanyang wangis ay ang marunong magkalinga at magparaya.

Purihin si Kristong Hari!