frchito

Archive for the ‘Catholic Homily’ Category

NUKNUKAN NG MGA TIWALI; TAMPULAN NG MGA NAGWAGI

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Pagninilay sa Ebanghelyo, San Juan de Letran, Taon A on Nobyembre 8, 2014 at 17:18

temptation-and-cleansing-temple-tif

Kapistahan ng Pagtatalaga ng Simbahan ng San Juan de Letran
Nobyembre 9, 2014

NUKNUKAN NG MGA TIWALI O TAMPULAN NG MGA NAGWAGI?

Medyo masakit sa tenga ang malamang nagalit ang Panginoon sapagka’t ginawang pugad ng komesyo ang Templo ng Jerusalen. Hindi tayo bihasa makita ang Panginoon na nagpapakita ng galit. Pero sa muling sulyap, ito ang nakikita natin – ang labis na pagmamalasakit ng Panginoon sa karapatan ng Diyos na dapat bigyang-halaga at bigyang-pugay sa kanyang tahanan.

Dalawang magkasalungat ng larawan ang nakapinta sa mga pagbasa ngayon … Ang una ay ang narinig natin sa ebanghelyo … naging nuknukan ng mga tiwali ang templo … naging tipunan ng mga walang pakay kundi ang kumita at makalamang. Ang ikalawa ay ang kabaligtaran … ang larawan ng tubig na nagbibigay panibagong buhay sa tuyot na disyerto at ilang ng Arabah … ang larawan ng kamatayang nagkakaroon ng panibagong buhay dahil sa tubig na ipinakikitang nagmumula sa templo ng Jerusalen.

Ito ang dalawang mukha nating lahat … Minsan tayo ay puno ng galit. May pagkakataong tayo ay tulad ng mga taong walang inisip kundi ang kita, at ang pangkabuhayang mga nasa, at pansariling mga kagustuhan. Subali’t minsan rin naman, tayo ay mga larawan ng mga taong handang magkaloob, handang magbigay, at nagtataglay ng ginintuang puso na nagiging sanhi ng pagpapanibagong-buhay ng kapwa.

Alam ng Diyos kung gaano karaming beses ako naging tulad ng mga hinagupit ng Panginoon sa templo … ganid, sakim, at makasarili! Alam rin ng Diyos kung gaano rin karaming pagkakataon ako naging mapagbigay, mapagkalinga, mapaghanap para sa kapakanan ng iba. Sa aking pagkatao ay nananalaytay ang dugong mabuti at dugong makasalanan, tulad ni Eba at Adan.

Alam rin natin na ang Santa Iglesya ay isang katipunan ng mga banal at makasalanan. Alam natin na ang mananampalataya ay hindi laging nagkakaisa. Malimit na tayo ay pinamamagitan ng hidwaan, ng tampuhan, ng inggitan, at isahan.

Sa araw na ito, pista ng pagtatalaga ng Simbahan ni San Juan de Letran, ang inang simbahan ng lahat ng simbahan sa buong mundo, maganda sanang gunitain kung ano ang dapat para sa atin …

At ano ba ang nararapat? Simple lamang, ayon sa mga pagbasa … ang maging tubig na nagbibigay o naghahatid buhay, ang maging isang pamayanang nagkakaisa sa iisang pananampalataya, iisang binyag, iisang Iglesya, iisang Diyos, at iisang Panginoon!

Bagama’t malayo pa ang ating lakbayin, hindi imposible ang panawagan sa atin ng Diyos – ang maging iisa, ang manatili sa pamamatnubay ng iisang Santa Iglesya, at ang mapanatili ang pagmamalasakit sa kapakanan ng Diyos at kanyang kagustuhan para sa ating lahat.

Tayo na sa ating Inang Iglesya! “Sa bayan ng dakilang Diyos, batis niya’y may tuwang dulot!” Bagama’t kung minsan ito ay nuknukan ng mga tiwali (mga makasalanan), ang tunay na pakay nito ay maging tampulan ng mga nagwagi!

Advertisements

HULI MAN DAW AT MAGALING …

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Setyembre 20, 2014 at 10:29

matthew-20-1-16

Ika-25 Linggo ng Taon A
Setyembre 21, 2014

HULI MAN DAW AT MAGALING, AY MINAHAL PA RIN

Uso ngayon ang pagiging huli sa maraming bagay. Sa pagkakadiskaril ng MRT, sa mahahabang linya kahit saan … dahil sa patong-patong na trapiko saanmang lugar sa buong bansa, malimit na tayo ay magiging huli sa ating pupuntahan. Pati mga pulis ngayon ay usong-uso sa mga kaso ng ibang uri ng huli, ang hulidap. Pati mga nagsisimba tuwing Linggo sa mga parokya natin sa Pilipinas, kalahati ay laging huli, at dumarating kung kailan tapos na ang pagbasa, at tapos ay magkokwentuhan lang sa simbahan, kundi magpapaypay nang walang patumangga, dahil sa mainit at maingay ang mga batang nagtatakbuhan.

Kapag huli tayo ay nangangahulugang kapos ang panahon, o hindi natin nagampanan ang pagbabantay sa pagdaloy ng panahon. Tayong mga Pinoy ay hindi bihasa magbantay sa oras. Laging mamaya na … laging may oras pa … laging “hindi naman magsisimula iyon hangga’t wala tayo,” o kaya’y lagi na lamang “hahabol ako!” At malimit, ang ibig sabihin ng “hahabol ako” ay magtatakbo para pumila sa komunyon, kahit hindi niya narinig ang mga pagbasa, at nakinig man lamang sa homiliya. Malimit rin, ang pakahulugan ng “hahabol ako,” darating kapag oras na ng kainan, kahit hindi nakisama sa dasalan o kwentuhan … diretsong lamon, ika nga!

Pero kung tayong PInoy ay bihasa sa pagiging huli, bihasa rin naman sa pagkekwenta ng pera kapag may huling dumating na nakalamang, o nabiyayaan, o nabigyan ng higit kaysa sa tinanggap natin. Iyan ang dahilan kung bakit pumutok ang isyu ng DAP at PDAF. Merong nalamangan. Merong naisahan. Merong sa kanilang pakiwari ay nadenggoy sila sa hatian o partihan. Pati ang mga usapin ngayon sa Senado ay nauuwi sa ganitong bagay – isang medyo nalamangan ang ngayon ay nag-iingay at nagpupuputak sa Senado upang ibagsak ang isang inaaakala niyang nanagana nang higit na marami kaysa sa kanyang nakulimbat!

Hindi nga naman tama. Hindi nga naman wasto at makatarungan … ang mag-asal tulad ng Diyos na nagkaloob ng parehong pabuya sa mga nagsidatingan na nang palubog na ang araw, katumbas sa ipinagkaloob sa mga nagpagal at nagsikap mula pa sa medaling araw!

Sanay tayo magkwenta kapag ito ang usapan – ang usapin tungkol sa lamangan at isahan! Tulad ng ginawa ng mga Senador na sapagka’t sila ay lumulubog na sa kangkungan ay panay bigla ang atungal nang sila ay maputungan ng kaparusahang puedeng gawin sa ibang tao, pero hindi puede sa kanila. May tinitingnan, kumbaga, at may tinititigan.

Ganito rin baga ang Diyos? Nag-asal rin ba siyang tulad ng mga politicong may ipinakukulong, at may pinalulusot at pinoprotektahan?

Mahirap unawain ang turo ng ebanghelyo sa biglang wari. Subali’t ito mismo ang hiwaga ng pag-ibig ng Diyos. Ang hiwaga ng pag-ibig ng Diyos ay nakasalalay sa katotohanang hindi ito nakukuha sa ordinaryong panukat ng tao. At ang hiwagang ito ay nagtuturo sa atin ngayon, na ang panukat ng pag-ibig ay ang umibig nang walang sukat … walang pagtatakal … walang pasubali … walang pagtitimbang!

Kay raming beses na ako naging huli sa maraming bagay. Kay raming beses na hindi ako karapat-dapat pagbigyan ng Diyos dahil sa aking pagkukulang at kasalanan. Kay raming pagkakataong hindi ako dapat pagbigyan pa ng pangalawang pagkakataon. Subali’t hindi mahilig maglista ang Diyos. Hindi siya benggatibong pinunong ang lahat ng kaaway at dinuduro at pinagmamalabisan.

Oo … huli ako sa maraming bagay. Pero gusto kong isipin na tulad ng sinasabi natin tuwina, “huli man daw at magaling ay huli pa rin,” gusto ko itong baguhin nang kaunti… ayon sa larawang ipinakikita ng Diyos sa ebanghelyo ngayon … “Huli man daw at magaling, ay minamahal pa rin.”

Tulad mo. Tulad nila, mahal ako ng Diyos, huli man ako at duling … huli man ako at walang pansin sa kanya… huli man ako at salarin! Mahal ako ng Diyos. Tuldok. Tumpak … Katotohanang mapagligtas na di hamak! Ano pa ang hanap mo?