frchito

Archive for Nobyembre, 2012|Monthly archive page

TUTUPARIN, PASISIBULIN, PAIIRALIN!

In Adviento, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Propeta Jeremias, Tagalog Homily on Nobyembre 30, 2012 at 18:35

jeremiah-michelangeloiUnang Linggo ng Adbiyento (Taon K)

Disyembre 2, 2012

Mga Pagbasa: Jer 33:14-16 / 1 Tesalonika 3:12-4:2 / Lc 21:25-28, 34-36

TUTUPARIN, PASISIBULIN, PAIIRALIN!

Dama nyo ba ang pinapasan ni Jeremias? Hindi ko masasabing damang dama ko, pero sa pakiwari ko’y may konti akong pakiramdam. Mahirap ngayon ang manindigan, di ba? Ang daming kontra … ang daming maraming alam, at sa dami ng mga nasa cyberspace ngayon, na kanya-kanyang mga alyas at avatar, mas madali ngayon ang manira, ang sumalungat, ang bumatikos. Pati ba naman ang canonisasyon ni San Pedro Calungsod ay binabatikos ng mga taong antemano ay may kimkim na galit sa ating mga Katoliko.

Pero tingnan nating mabuti. Ang pinagdaanan ng mga Israelita na mapatapon sa Babilonia ay karanasang hindi natin pa nararanasan. Ito ang pinagdaanan ni Jeremias, na hindi nagkulang ng paalaala sa kanyang mga katoto na magbalik-loob sa Diyos.

Nguni’t naganap nga ang siyang naganap, dahil sa kabuktutan ng tao, at pagkamasuwayin. Nagkasala sila ng paulit-ulit, at sila’y ipinatapon sa lupaing banyaga, sa ilalim ng mga taong walang pagkilala sa tunay na Diyos. Ewan ko kung ano pakahulugan ninyo dito, pero sa ganang akin, ito ay isang paghamong walang katulad, ang mayurakan ang kasarinlan, at matapakan ang pinagpipitagang pananampalataya.

Ayon sa mga pag-aaral at pagsasaliksik, sa loob ng 40 taong darating, ang Pilipinas ay hindi na malalayo sa tayo ng Espana at Italya at Kanlurang Europa ngayon – halos walang Diyos, walang pananampalataya, at walang pitagan sa Maylikha. Marami sa mga kabataan ngayon ay nagsisimba (daw) lamang sa labas ng simbahan, at hindi nila binibitawan ang cellphone. Wala nang nakikinig sa aming mga pari, at lalung hindi sa mga obispo. Hirap kaming ipaliwanag ang mayamang pangaral ng simbahan, pangaral na lubha nilang kinakailangan upang mapalapit sa Diyos.

Tuyot na tuyot ang pangitaing hinaharap natin ngayon. Nakapanlulumo. Nakalulungkot, at kapanga-pangamba.

Subali’t ang taon ng Simbahan ay patuloy na nagpapaalala sa atin. Sa tuwing sasapit ang Adbiyento, muling binubuhay sa puso natin at kaisipan ang hibla ng pag-asa, at himig ng katuparan. Di ba’t ito ang mga katagang binanggit ni Jeremias, na kamakailan lamang ay nasabi nating lubusan nang nanghinawa at pinanawan ng pag-asa? Darating daw ang araw, kung kailan tutuparin ang pangako ng Diyos. Darating rin ang araw kung kailan pasisibulin ang matuwid na sanga ni David. Di lamang ito, paiiralin din daw niya ang katarungan at katuwiran.

Ito ay mga salitang puno ng pangako at lalung puno ng pag-asa.

Ito ang pag-asang natupad, natutupad, at muli pang matutupad sa pagdating ng panahon.

Natutupad nga ba?

Bakit hindi? Habang sinusulat ko ito, nanonood ako sa livestream ng Misa sa Cebu, bilang pagpapasalamat sa Diyos sa karangalang ipinagkaloob kay San Pedro Calungsod. Buhay pa rin kahit papaano ang pananampalataya! Libo-libo ang sumama sa prusisyon, sa Misa, at sa iba pang pagdiriwang sa kanyang karangalan. Ilang mga maysakit ang sa kabila ng paghihirap ay patuloy na umaasa at tumitingala sa langit, na wari baga’y ipinagpapasa Diyos na ang lahat, lalu na ang kanilang paghihirap!

Ito ang katotohanang hatid sa atin ng mga pagbasa – Diyos na mismo ang “magpapalakas ng ating loob” at tayo ay may kakayahang “manatiling banal at walang kapintasan.”

Ako man ay personal na nagdaan sa iba-ibang uri ng pagsubok. Nagtampo rin ako sa Diyos lalu na’t alam kong ang pagdurusang sinapit ko ay hindi dahil sa anumang masama at maitim kong balak, kundi galing sa makataong inggit at kakulangan lamang ng pagkakaintindihan.

Ito ang malinaw na turo sa atin sa araw na ito. Dumating man ang mga tanda, sumapit man ang anumang mga nakasisindak na signos o mga tanda mula sa kalawakan, ay nananatili ang katotohanang ito … at wala nang iba:

TUTUPARIN KO ANG PANGAKO, PASISIBULIN KO ANG MATUWID NA SANGA NI DAVID, AT PAIIRALIN KO ANG KATARUNGAN AT KATUWIRAN.

Meron pa bang hahalaga pa kaysa rito? Meron pa bang dapat hanapin pa? Tanging Siya lamang … Tanging Diyos lamang … Purihin nawa ang kanyang ngalan!

Advertisements

KUNG BAKIT AKO IPINANGANAK AT NAPARITO!

In Karaniwang Panahon, Kristong Hari, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon B on Nobyembre 23, 2012 at 20:14

PAGKAHARI NG PANGINOONG JESUCRISTO

Nobyembre 25, 2012

Mga Pagbasa: Dan 7:13-14 / Pahayag 1:5-8 / Jn 18:33-37

KUNG BAKIT AKO IPINANGANAK AT NAPARITO!

 

Wala tayong karanasan sa pagkakaroon ng hari sa bayan natin. Sa simula’t sapul, pinamugaran ang bayan natin ng maraming mga maliliit na pinuno, na singdami ng kung ilan ang tribo o balangay, na nagkalat sa buong kapuluan. Bawa’t isang pulutong ay may datu o rajah, at ang bawa’t isa ay sinusunod ng kanya-kanyang maliliit na pangkat ng mga nasasakupan.

Pero sanay tayong lahat sa pakikisalamuha sa naglipanang mga hari-harian. Ito ang mga kung kumilos at umasta ay masahol pa sa haring may tunay na nasasakupan. Ang daming hari sa mga daan natin, halimbawa. King of the road, bi da? Alin? Depende kung nasaan ka. Sa maliliit na daan, ang mga trisikad ang hari … keep left pa nga sila, at laging pasalubong sa regular na daloy ng trapiko. Sa mga dinadaanan ng dyipni, sila ang hari ng daan … tigil dito, hintay doon; para dito, himpil doon. Sa mga expressway, ang hari ng daan ay siempre yung may magagarang sasakyan, lalu na yung may mga patay-sinding ilaw … wala ngang wangwang ay mayroon namang nakasisindak na umiikot na ilaw para patabihin ang lahat ng iba.

Naglipana ang hari sa ating lipunan. May hari-harian sa paaralan. May hari-harian sa LRT, kung saan kung minsan ay sumosobra ang kabastusan ng mga guardia, o ng mga mananakay. May hari-harian rin sa mga parokya, pati mga paring kadarating pa lamang ay binabago ang lahat, at binabale-wala ang ginawa ng nauna sa kanya. May mga hari-hariang mga laiko sa maraming parokya. Kaya nilang magpatalsik ng pari na ayaw nila, sa pamamagitan ng santong dasalan, o santong paspasan. Sa isang parokyang alam ko, ang tawag sa mga hari at reynang ito ay “alis-pari brigade.”

Nakakita na ba kayo ng ganitong hari-harian? Pumunta kayo sa anumang opisina ng gobyerno … marami doon. Pero wag kang pupunta kung malapit na ang tanghalian o malapit nang magsilabasan. Walang aasikaso sa iyo.

Pero isa lamang mungkahi. Wag tayo masyado lumayo. Tumingin tayo sa sarili natin, at kung tayo ay tapat, ay makikita natin ang sarili natin bilang isang potensyal na hari-harian din.

Pista ngayon, hindi ng Hari, kundi ng pagkahari ni Kristo. Medyo may kaibahan ito. Pag sinabi nating Kristong Hari, nasa kanya ang lahat ng katangian ng isang makamundong hari. Pero pag sinabi nating pista ng kanyang pagkahari, mayroon lamang ilan sa pagiging hari ang makikita natin sa kanya.

Hayaan nating mangusap ang mga pagbasa …

Sabi ni Daniel, na hindi niya nakuha ang kanyang karangalan sa pang-aagaw nito. Hindi ito galing sa dinayang eleksyon, o galing sa palakasan o popularidad. “Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian.” Ikalawa, hindi ito ipinagkaloob na parang nakahain sa bandehang pilak mula sa itaas. Sabi sa aklat ng Pahayag, ay “inibig niya tayo at sa kanyang pagkamatay ay pinalaya niya tayo mula sa ating mga kasalanan.” Ikatlo, ito ay hindi isang paghaharing palamuti o pang seremonya lamang, tulad ng ginagawa ng mga makamundong haring walang ginawa kundi ang magpa-litrato at gumupit ng ribbon sa mga pasinaya ng mga bagay na hindi naman nila ginawa.

Sa simpleng mga kataga, may pakay at katuturan ang kanyang paghahari: “Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan: upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa akin ang sinumang nasa katotohanan.”

Sa pistang ito ng paghahari ni Kristong Panginoon, mayroon marahil tayong dapat gawin una sa lahat. Sabi nga nila, mahirap mamuno sa isang bayang ang bawa’t isa ay pinuno. Mahirap maglingkod sa isang pamayanang ang sarili lamang ang hanap ng bawa’t isa. Kung mayroon tayong itinuturing na hari, dapat bawasan ng bawa’t isa ang pag-uugali bilang mga munting hari-harian sa pamayanan.

Kailangan nating matulad sa kanya … naglingkod … nag-alay ng sarili … nagpakasakit para sa ating lahat. Siya ang “tunay na saksi, ang unang nabuhay sa mga patay, at Hari ng mga hari sa lupa.” (Ika-2 pagbasa).

Narito ang tunay at wagas na debosyon … hindi sa palamuti at pagsigaw ng “mabuhay si Kristong Hari!” kundi sa paggawa ng nararapat upang, una: mawala tayo sa kanyang daraanan at hayaan siyang maghari nang tunay; ikalawa, ang tumalima o sumunod sa kanyang bawa’t nasa at nais para sa kanyang mahal na bayan.

Hali! Tanggalin ang lahat ng wangwang sa buhay natin: ang wangwang ng kayabangan, ang wangwang ng pagkamakasarili, ang wangwang ng kabuktutan, at ang wangwang ng pagiging sutil at matigas ang puso at kalooban kung ang pag-uusapan ay ang paggawa ng mabuti at ng wasto.

Tulad ng kay Jesus, Hari, Pari at Propeta, ito ang dahilan kung bakit tayo isinilang at naririto sa lupang bayang kahapis-hapis!