frchito

Archive for Nobyembre, 2009|Monthly archive page

PASIBULIN, PAIRALIN, PALAGUIN AT PAG-ALABIN!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Nobyembre 26, 2009 at 21:15


Unang Linggo ng Adviento – Taon K
Nobyembre 29, 2009

Mga Pagbasa: Jeremias 33:14-16 / 1 Tesalonika 3:12 – 4:2 / Lucas 21:25-28, 34-36

Mahirap tanggapin na sa panahong ito, mahigit na 50 katao ang mauutas at malalagutan ng hininga dahilan sa karahasang walang saysay. Mahirap unawain kung paano, sa kabila ng lahat ng pagsisikap, ay kagya’t mapapawi ang pag-asang disin sana ay namumuo na sa ating kamalayan, hatid ng mga bayaning tulad ni Pacman, ni Kuya F, at ng maraming mga ordinaryong taong walang kaya, walang kapangyarihan, nguni’t nabubuhay bilang matatayog na halimbawa ng pag-asa sa gitna ng kawalang-pag-asa na bumabalot sa buhay ng Pinoy, saanmang dako ng ating maliiit na bansa.

Puno ng pangako ang liturhiya ng unang Linggo ng Adviento. Hindi natin maipagkakaila na si Jeremias ay isang tagapaghatid ng matimyas na pag-asang umiinog sa katotohanang isang “matuwid na sanga” ang “pasisibulin” at “paiiralin.” Pag-asa at maalab na paghihintay ang mensaheng lumulutang sa matulaing mga katagang binibitawan ni Jeremias.

Ito ang pag-asang tila naaagnas at naglalaho sa lipunang iniikutan natin lahat. Ito ang pag-asang sa biglang wari ay napapalitan ng sindak, pangamba, at takot hatid ng isang namumuong kabatiran na ang pinaka-aasam-asam natin sa kaibuturan ng ating puso, ay patuloy na lumalayo kundi naglalaho sa lipunang pinamumugaran ng mga taong tila pinanawan na ng kahit isang hibla man lamang ng pagkatao at kahit pahimakas lamang ng kahihiyan at paggalang sa buhay ng kapwa-tao.

Subali’t bilang pari at pastol, tungkulin ko ang magpahayag ng walang patid at walang sawang pahayag ng Banal na Kasulatan. Tungkulin ko ang iangat kahit kaunti ang pangitain at tanawin ng puso nating patuloy na naghahanap ng mga kasagutan sa likod ng mapapait nating karanasan sa lipunang nabubuhay sa lupang bayang kahapis-hapis.

Hindi na ako magpapatumpik-tumpik pa. Sisibol at iiral ang katarungan ng Diyos. Naganap na ito. Nagaganap ito, at magaganap pa. Naganap ito sa kasaysayan, sa pagsilang ng Mananakop. Nagaganap ito sa kahiwagaan, sa larangan ng pananampalataya … sa sandaling ito, bagaman at tayo ay nalalambungan ng balag ng alanganin at pangamba. Magaganap pa ito. Ito ang diwa ng pag-asang hatid ng mga pagbasa natin.

Pero, sandali lang. Ito bang diwa ng Adviento ay isa lamang paghihintay sa wala? Ito ba ay isang masidhi lamang na pagnanasa dahil sa wala nang iba pang maaring masandigan ang tao? Ito ba ay isang konsuelo de bobos lamang … isang pacifier na isinasalpak sa bibig ng bata upang tumahan?

Hindi ito ang aking naririnig sa araw na ito. Oo … sisibol at iiral ang katarungan … Ito ang saad ni Jeremias. Pero ito ay nalalakipan ng mga pahatid ni Pablo sa liham sa mga taga Tesalonika … palaguin, aniya … pag-alabin ang pag-ibig. Ito ay isang masidhing hangad, totoo. Nguni’t hindi lamang isang hangad. Ito ay isang plataporma ng wastong pamumuhay – ang mapasa-ilalim sa pamamatnubay ng Diyos – ang kagustuhang tumalima sa kalooban ng Diyos.

Di ba’ t ito ang ating hiling sa Poon na kabibigkas lamang natin pagkatapos ng unang pagbasa? “Sa ‘yo ako’y tumatawag, Poong Diyos na nagliligtas!”

Patuloy ang pagdami ng mga problemang hinaharap ang lipunan natin. Patuloy ang paglago ng mga suliranin at paghamon sa daigdig. Hindi madali ang manatiling nakaugnay sa Poong sandalan at sagkaan ng pag-asa natin.

Nanghihinawa tayong lahat … nanghihina … naghihingalo sa maraming paraan. Ang larawang paulit-ulit natin nakita sa kasagsagan ng bagyong Ondoy ay hindi makatkat sa guni-guni natin – mga taong inanod ng baha na mabilis na pasalpok sa isang tulay na naging sanhi ng pagkamatay ng karamihan sa kanila sa sandaling yaon. Isa itong larawan ng lipunan natin na ngayon ay muling tinatawagan ng Diyos upang hindi paanod sa baha ng kawalang-pag-asa.

May tugon ang Diyos sa ating panalangin. Nakita natin kung paano sa pagkakaisa ng mga tao sa cyberspace ay maraming himalang naganap. Nakita natin na kung mayroong kapasyahan ay mayroon ding kaparaanan. Isa ako sa paulit-ulit na bumoto para kay Efren Penaflorida. Isa ako na naghangad at nanalangin na manalo siya bilang CNN hero of the year. Mahigit 2 at kalahating milyong boto ang tinanggap niya. Mayroon tayong kakayahan. Mayroon tayong pag-asa. At ang pag-asang ito ay hindi naka-ugat sa pagnanasa lamang, kundi sa paggawa.

Mismong si Kuya F ang nagsabi kung ano ang pag-asang binabanggit ng Banal na Kasulatan. Tayo ang pagbabagong hinahangad nating lahat. Tayong lahat ay may angking kakayahang maging bayani sa paglilingkod, sa pagsisikap na iangat mula sa lusak ang espiritu ng taong hindi kailanman mapapatay ninuman at ng ano pa man.

57 katao ang pinaslang nang walang awa at walang pakundangan sa angking dignidad pantao. Pinatay ng salarin ang 57 katao. Nguni’t ang diwa ng pagkatao at ang angking kakayahan ng tao na umasa at pumailanlang sa langit ng pag-asa ay hindi makikitil ninuman.

Magsimula tayo sa ating sarili. Pasibulin natin …. Pairalin, palaguin, at pag-alabin. Sa kanya tayo tumatawag, sa Poong Diyos na nagliligtas!

Advertisement

HARABAS, PALABAS, TUBOS, LUBOS

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kristong Hari, Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon B on Nobyembre 16, 2009 at 01:33

Christ_the_King

DAKILANG KAPISTAHAN NI KRISTONG HARI
Nobyembre 22, 2009

Mga Pagbasa: Daniel 7:13-14 / Pahayag 1:5-8 / Juan 18:33b-37

Marami ang manonood ng sineng 2012. Kasama ako dito. Kahit ano sabihin natin, nakabibighani ang sine na may kinalaman sa trahedya, sa wakas, sa mga nakasisindak na mga bagay na maaaring mangyari sa daigdig na kinalalagyan natin. Nakapagtataka, nguni’t sa panahong ito kung kailan maraming mga natural na trahedya tulad ng lindol, baha, tsunami, at iba pa ang nagaganap sa maraming bahagi ng mundo, ang mga palabas na nagpapakita ng pagka-harabas ng lahat ng kalikasan ay dumadami.

Madaling madala ng takot dahil sa mga ito. Ang panghaharabas ng kalikasan sa mundo ay magandang paksa sa maraming mga palabas na nagdudulot ng pangamba sa isipan at puso ng marami.

Ngunit ano ba ang kaibahan ng sineng 2012 sa sinasaad ng mga pagbasa ngayon? Ang mga pagbasa ay tumutuon sa pagdatal ng mananakop. Subali’t tulad ng nakagawian ng mga manunulat noong panahong yaon, ang balitang ito ay isinapaloob nila sa isang uri ng panitikang tinaguriang apokaliptiko — isang uri ng panulat na kinapapalooban ng marami at kahindik-hindik na mga sagisag o simbolo, na nakatuon at naglalayon, hindi sa pagdudulot ng takot at pangamba, kundi sa isang karunungang espiritwal.

Takot ang dulot ng 2012. Takot ang dulot ng mga mabababaw na hula na nagsasabing gugunaw na ang daigdig sa taong 2012 at iba pa. Nguni’t ang pagdatal ng Anak ng Tao na binabanggit ni propeta Daniel ay hindi takot ang layon, kundi pag-asa, paghihintay, pagnanasang banal, at pananampalataya sa Diyos na hindi nanghaharabas ng kanyang nilikha bagkus nagliligtas at nagtutubos nang lubos!

Ito ang diwa ng paghahari ni Kristo. Hindi niya kailangang maging Hari. Hindi niya kailangan ng anumang titolo. Nguni’t kailangan natin ng isang ituturing na Hari, upang ang ating kamalayan at pagkatao ay matuon sa iisa at parehong layunin at balakin.

Maraming hari o naghahari-harian sa atin. Sapat nang makita ang mga trahedya na dulot ng mga naghahari-harian sa bayan natin – ang mga tampalasang nagwawasak ng kagubatan, ang mga politikong walang hanap kundi posisyon, poder, at pera … ang lahat na ang sinasanto at sinasamba ay hindi ang espiritwal na katotohanan kundi ang sariling pansamantalang kapakanan. Mahaba ang listahan … at kasama tayong lahat dito.

Ang diwa ng paghahari ni Kristo ay para sa atin, at hindi para sa kanya. Malinaw ba kaya ang ating pinipili? Malinaw bang tunay ang hangad natin?

Nakatutuwang isipin na tayo ay nababagabag ng mga imahenes sa sineng 2012. Subali’t matanong natin ang sarili natin … nababagabag ba tayo sa mga bahang kagagawan natin? Nababagabag ba tayo sa katotohanang hindi na natin kailangan ang init ng araw upang wasakin ang hinaharap natin? Natatakot ba tayo sa mga trahedyang dulot ng katakawan natin, pagkamakasarili, at pagkaganid sa mga dulot ng kalikasang mabilis natin ngayon sinisira at winiwindang?

May taglay na aral ang wakas ng panahon sa atin. At hindi takot ang aral na ito kundi karunungan. May taglay na aral ang matuto nating ituring ang Panginoon bilang Hari, sapagka’t sa ganitong paraan, ay mababatid natin na hindi tayo ang “bosing” ng kalikasan na walang pakundangan sa katotohanang ito ay may hangganan. May malaking aral ang kapistahang ito para sa atin na pawang naghahari-harian sa mundo at sa lahat ng alay ng mundong ito.

Sa araw na ito, pista ni Kristong Hari, matuto nawa tayong ilagay ang sarili sa wastong luklukan, hindi sa luklukan ng mga masisiba, matatakaw, madadamot, at mapagkamal at tampalasang politico na walang inisip kundi palawigin ang sariling poder, posisyon at pananalapi. Matuto nawa rin tayo na alalahanin tuwina na may wakas ang lahat, ang buhay, ang hininga, ang pananatili natin sa mundong ibabaw.

Ang Kristong Hari ay dapat tunay na maghari sa puso ng bawat isang Pinoy.

Ang dulot ng Haring ito ay hindi harabas na makikita natin sa palabas. Ang hatid ng Haring ito ay hindi mga paingay na dala ng mga taong sanga-sanga ang dila na buktot at baluktot ang pag-uugali sa lipunan. Ang hatid ng haring ito ay karunungang espiritwal, na maalam tumingin sa aral ng wakas, ng hantungan at ng hangganan ng lahat.

At ano ba ang hantungan at hangganan na ito? Ang tubos at kaligtasan natin lahat … katubusan at kalubusan. Ang haring ito ay naparito upang maghatid sa atin ng tubos na lubos …. “siksik, liglig, at nag-uumapaw.”

Purihin ang Cristo Rey!

Chicago, IL 60605
Nobyembre 15, 2009
11:30 AM