frchito

Archive for Pebrero, 2016|Monthly archive page

MAY “K” KA BA?

In Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Uncategorized on Pebrero 27, 2016 at 07:57

1600px-Ficus_Carica_1

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]
Ikatlong Linggo ng Kwaresma Taon K
Pebrero 28, 2016

MAY “K” KA BA?

Noong bata pa si Sabel, ika nga, ang Royal Tru-Orange ay merong pulp bits daw. At tunay ngang merong parang tunay na kahel sa inuming nabanggit. Ang totoo ay may patunay, may nakikita at nalalasap na anumang nagbibigay patotoo sa sinasabing tunay na orange.

Noong nagpakilala ang Panginoon kay Moises, may katumbas ng pulp bits. May apoy na nagdaig na hindi nauubos. Nagpamalas ang Diyos sa anyo ng apoy sa palumpong na hindi natutupok. Pero hindi apoy ang aking paksa sa pagninilay na ito.

Ang gusto ko sanang bigyang-pansin sa araw na ito ay ang KALINGA AT KATUBUSAN na dulot ng Diyos na siyang dahilan kung bakit siya nagpakita kay Moises. Malinaw ito sa unang pagbasa. Nakita raw, aniya, ng Diyos ang matinding paghihirap ng mga Israelita sa mga kamay ng mga Egipcio. Narinig daw niya, diumano, ang kanilang mga iyak at pighati. Kung kaya’t hindi siya nag-atubiling bumaba upang sila ay iligtas.

Ito ang tunay na pag-ibig ng Diyos … parang Royal tru-orange. May pulp bits. May patunay. May patotoo. Pero hindi lamang katotohanan ang hatid sa unang pagbasa. May isa pang K – KALINGA.

Sinugo ng Diyos si Moises. At nang tanungin ni Moises kung sino siya, sinabi niya: Ako’y si Ako nga. Sabihin mong sinugo ka ni Ako Nga , ng Diyos ng iyong mga ninuno, ng Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob.”

Ang kalingang ito ay bunga, hindi lamang ng mga katagang madamdamin, kundi bunga ng tunay na awa at habag ng Diyos. “Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos, kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.”

Pero ang tunay na kalinga ay meron rin karampatang tungkulin – ang pananagutan. Ito naman ang sabi ni Pablo sa mga taga Corinto: “Ang mga nangyaring ito ay babala sa atin upang huwag tayong magnasa ng mga masasamang bagay, gaya ng ginawa nila.” Ang pag-ibig rin natin sa Diyos ay dapat tunay, hindi lang dama. May K rin – katotohahan, na katumbas ng pulp bits.

Noong kami ay mga bata pa, may isang malaking lalaking bigla na lamang dumating sa aming maliiit at tahimik na bayan. Wala siyang matuluyan. Hindi niya alam ang kanyang pinagmulan. Ang alam lamang niya ay tumakas siya sa Death march sa Bataan, at liban dito ay wala na siyang ibang natatandaan sa sarili. Ang Kakang Gorio ay dumating na lamang sa aming bahay at humingi ng tulong sa mga magulang ko.

Pinatuloy siya sa amin. At ang kapalit ng pagmamahal at kalinga na ipinagkaloob sa kaniya ay ang masipag at masinop niyang pagtulong sa sinasaka ng aking Ama sa Tagaytay. Naging masipag siya at mapagmalasakit. Nagsikhay at nagbanat ng buto, bukod sa nag-alaga sa aming mga bata.

Ang kalinga at pagmamahal na tinanggap niya ay namunga ng pagmamalasakit. Tulad ng punong igos na inalagaan, siya ay nagsukli ng bunga, at nagpamalas ng tunay na pag-ibig na may K – karangalan, katapatan, kasipagan at pagmamalasakit sa aming pamilya.

Hindi na kailangang taningan ng mga magulang ko ang Kakang Gorio. Namunga siya nang marami. Isa siyang malinaw na halimbawa ng hinihingi sa atin ngayon ng Diyos – ang mamunga dahil sa K ng Diyos. Dahil sa kalinga at malasakit ng Diyos, tayo ay hinihingan rin ng bunga para sa ibang tao at para sa daigdig na iniikutan natin.

Sabi natin matapos ng unang pagbasa: Ang ating mahabaging Diyos ay nagmamagandang-loob. Nagpakita siya ng K – kalinga at katapatan sa kanyang mga kinilala bilang mga anak ni Abraham.

Ano ang sukli natin sa kanya? Ano ang bunga ng lahat ng ito para sa ikabubuti ng ibang tao? May K rin ba tayo?

TUMINGALA AT MAGTIWALA

In Kwaresma, Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K, Uncategorized on Pebrero 19, 2016 at 17:48


[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]
Ika-2 Linggo Kwaresma Taon K
Pebrero 21, 2016

TUMINGALA AT MAGTIWALA!

Ako’y isang maliit na tao. Kalimitan, ako ay tumitingala, hindi tumutungo. Sa dami-dami ng mga nagawa kong camping at pag-akyat sa bundok, isa sa matinding alaala ko sa lumipas ay ang pagtingala sa langit na puno ng bituin, lalo na’t hindi nalalambungan ng alapaap ang kalangitan.

Pagtingala at paghanga sa langit ang paksa ko ngayon. Ito rin ang habilin ng Diyos kay Abram nang tawagin Niya si Abram mula sa Ur tungo sa lupang pangako: “Masdan mo ang mga bituin. Mabibilang mo ba yan?”

Tiwala at hindi puro tingala lang sa langit ang ginawa ni Abram, kung kaya’t di naglaon, pinalitan ng Diyos ang kanyang pangalan bilang Abraham. Ay siya’s naging Ama ng di mabilang na salin-lahi, ayon sa pangako ng Diyos.

Kung minsan, panay tingala ang gawa natin … kapag puro tingala na walang gawa, ang tawag diyan ay tunganga … nganga, sa ating makabagong salita ngayon.

Hindi puro nganga ang ginawa ni Abram. Sinunod niya ang tagubilin ng Diyos at tumungo sa lupaing pangako ng Diyos.

Tulad ng tagubilin ni Pablo sa mga taga Filipos, hindi puedeng mamuhay “bilang mga kaaway ng krus ni Kristo”, tulad ng mga taong “ang dinidiyos ay ang kanilang katawan.”

Sa buhay natin, madalang na ang may kakayahan at oras upang tumingala at humanga sa mga tala. Hindi na natin nakikita ang mga bituin. Napapalibutan na tayo ng ibs-ibang uri ng balakid upang hindi na natin makita ang mga bituin.

At pati ang langit at ang isinasagisag nitong kaligtasan ay tila naglalaho na sa ating paningin. Sa halip na makakita tayo ng pag-asa, panay kadiliman ang pumapaligid sa atin … puro katiwalian at kasakiman ang tumatawag ng ating pansin. Sa halip na liwanag, ay maiitim na alapaap ang bumabalot sa kalawakan.

Alam kong masamang balita ito. Alam kong halos ay ilampaso sa sahig ng kawalang-katiyakan ang pag-asa natin, at ang kakayahan nating makatunghay pa ng liwanag.

Pero, ito naman ang pahatid sa atin sa araw na ito. Kung paanong tinawag si Abram, ganoon din naman, tayo ay tinatawagan upang patuloy na tumingala sa langit, at tumingin sa mga tala at bituin, at ituon ang paningin natin sa kalangitan kung saan nagmumula ang kaligtasan.

Sa kabila ng kadiliman, ang Diyos ay nananatiling liwanag sa dilim. Sa likod ng patuloy na pagyapak sa ating pag-asa, ang Diyos ay walang tinag na sumusubaybay sa ating kinabukasan.

At pinatotohanan niya ito nang nagbagong-anyo si Kristong Kanyang Anak at Panginoon. Tinawag niya si Pedro, Juan at Santiago upang unang makasaksi sa dakilang pagbabagong-anyong ito.

At kahit na hindi nila halos malabanan ang antok at tulog, naganap ang bagay na dapat makita ng lahat – ang kanyang pagbabagong-anyo na pahimakas ng kung anong tadhana ang naghihintay para sa mga taong marunong tumingala, kumilala, at magtiwala.

Mahirap ang buhay, alam ko at alam ng Diyos. Maraming problema … alam ko at batid ng Diyos … Mahirap magpaka Kristiayano ngayon …. Alam ko … magsabi ka lamang ng isang bagay na hindi popular at ikaw ay ipapako sa krus ng social media. Hihiyain ka, at tatawagin ka ng lahat ng uri ng masasakit na pangalan. Ito marahil ang dahilan kung bakit marami ang nauuwi na lamang sa pagtunganga at walang patumanggang pag-nganga sa harap ng maraming suliranin at pagsubok.

Alam nyo, pati si Pedro, Santiago at Juan ay halos tumunganga lamang. Matapos magbagong-anyo si Kristo ay lumambong sa kanila ang madilim na ulap. Sila ay natakot. Pero sa likod ng ulap na ito ay naganap ang dakilang pagpapahayag: “Ito ang aking Anak, ang aking hinirang. Siya ay inyong pakinggan.”

Hala! Bawal ang tumunganga. Bawal ang nganga. Tumingala sa langit at magtiwala! “Panginoo’y aking tanglaw; siya’y aking kaligtasan.”