frchito

Posts Tagged ‘Katapatan’

HAMAK O PAYAK, SUBALI’T PINAGPALA

In Karaniwang Panahon, Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Isaias, Taon K on Pebrero 6, 2016 at 06:01

Konrad_Witz_–_Petri_fiskafänge

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-5 Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K

Pebrero 7, 2016

HAMAK NGA O PAYAK, SUBALI’T PINAGPALA

Isa sa mga katangian ni Isaias ay ang pagiging tapat. Walang ere, ika nga. Walang matayog na ambisyon para sa sarili. Tinanggap niya ang katotohanan tungkol sa sarili. At ang katotohanang ito ay tinanggap niya tulad nang pagtanggap niya sa katotohanan tungkol sa Diyos: matayog, banal, at walang katulad o kapantay sa lupa: “Banal, banal, banal ang Panginoong Diyos ng mga hukbo. Ang kanyang kaningningan ay laganap sa sanlibutan.”

Kung paanong ipinagbunyi niya ang Diyos, ganoon din naman na ipinahayag niya ang kanyang pagiging hamak: “Kawawa ako. Marumi ang aking labi at naninirahan sa piling ng mga taong marurumi rin ang labi.”

Hindi rin nalalayo ang makatotohanang pagkilala ni San Pablo sa kanyang sarili: “Sapagkat ako ang pinakahamak sa mga apostol, ako’y di karapat-dapat tawaging apostol, sapagkat inusig ko ang simbahan ng Diyos.”

Kung tutuusin, ito ang kwento ng bawa’t buhay natin … Tulad ng nakararaming mga Pilipino, tayo ay mga simpleng tao, payak ang pinagmulan, at isinilang nang walang kutsarang pilak sa bibig. Kakaunti sa atin ang may lahing hacendero, ika nga. At kung ihahambing sa Diyos, ay sadyang wala tayong anumang puedeng ipagyabang, liban sa ating mga kasalanan.

Subali’t ang salaysay ng buhay ni Isaias at ni Pablo, bilang propeta at apostol ay siya ring dapat maging takbo ng buhay natin. Tulad nila, hamak man o makasalanan; payak man o walang sinasabi sa buhay, tayo ay pinagkalooban ng biyaya ng Diyos … hinirang at tinawag upang gumanap sa isang tungkuling hindi karapat-dapat para kaninuman.

Ganito magmahal at humirang ang Diyos. Ganito siya magbigay-buhay at magtaguyod ng buhay. Wala siyang itinatangi. Hindi siya nadadala ng kung anumang makataong pamantayan liban sa pag-ibig na walang hangganan. Tinawag niya si Isaias. Hinirang niya si Pablo, na dating taga-usig ng simbahan.

At … higit sa lahat, ay hinirang niya ako at ikaw… walang sinasabi sa buhay … walang anumang hibla ng pagiging dapat at kaaya-aya .. walang kaya, walang pangalan, walang anumang posisyong pinanghahawakan.

Iisa lamang ang utos niya ngayon sa atin: “Pumalaot kayo at ihulog ang lambat upang manghuli.”

Wala siyang sinabing tumaas. Wala siyang binanggit tungkol sa pagkakamal ng salapi o pag-angat sa antas ng lipunan. Ang kanya lamang tagubilin ay ang pumalaot at ihulog ang mga lambat.

Hindi nagbago ang kanyang pangaral. Inaasahan niya pa rin ang mga taong tapat … mga taong tumatanggap sa katotohanan … mga taong tanggap rin ang kung sino o ano sila … mga hamak at payak, subali’t pinagpala!

TUNAY NA TUNAY!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Oktubre 26, 2013 at 16:28

en07jul43a_barrett

Ika-30 Linggo ng Taon K
Oktubre 27, 2013

TUNAY NA TUNAY!

Hindi na uso ngayon ang pulp bits. Noong kami ay mga bata pa, tanyag ang Royal Tru-orange, dahil daw may pulp bits. Ewan ko kung ano yon, pero meron ngang bits. Hindi ko nga lang alam kung tunay na galing sa orange ang mga iyon.

Ayaw natin ng peke. Gusto natin ng tunay, ng orig. Pero kahit ganito, marami pa rin ang bumibili ng pekeng Chanel, pekeng kung ano-anong bag o maleta, na kinukumpiska naman sa Japan at sa maraming lugar sa Amerika. Gusto natin lahat tulad ng kung ano ang gamit ni Napoles … trulalu, sabi nga nila … hindi peke at tunay na mamahalin. Hindi kaya ito ang dahilan kung bakit hindi nalulugi ang mga tindahan ng Salvatore Ferragamo sa Greenbelt 5 at iba pang lugar, kahit na ang karamihang Pinoy, kahit man lamang yung Suotmopre Paragwapo ay hindi kayang bilhin ng marami?

Marami nga yatang nabiyayaan ng pork barrel at patuloy na namamayagpag ang mga tindahang ito! Hindi rin kaya ito ang dahilan at ang Rolls Royce ay nagbukas na rin ng tindahan dito? Sabi nila, “the Philippines has arrived!” kahit mga congressmen lang naman ang nakabibili ng ganito.

Ayaw rin ng Diyos ng peke. Ayaw rin ni Sirac na tagapagsalita ni Yahweh ang hindi tunay. Bakit? Sapagkat ang Diyos ay tunay, hindi peke. Ayon kay Sirac, hindi siya bingi sa pagtangis ng mga naaapi, at lalong hindi siya nagbubulag-bulagan sa panaghoy ng mga balo. Trulalu pa rin! Ayon sa salmista, “Dinidinig ng Diyos ang pagtangis ng mga dukha.”

Tunay rin at hindi peke ang pamulat ni Pablo kay Timoteo. Sapagkat totoo, nakuha pa niyang medyo magyabang nang kaunti: “Natapos ko ang paligsahan; naging tapat ako sa pananampalataya.” Aniya, “iniligtas ako ng Panginoon sa bibig ng leon”

May dalawang uri ng taong hatid sa atin ang pangaral ng ebanghelyo: ang Pariseo at ang nangungubra ng buwis. Mayabang ang pariseo. At hindi makatotohanan! Hambog pa at palalo. Peke, sa ating salita ngayon. Bukod sa nagyabang, nagbintang pa!

Pero tapat at tunay ang taga kolekta ng buwis: “Panginoon maawa ka sa akin, isang makasalanan.”

Tunay ang hanap natin, hindi peke. Tunay rin ang gusto ng Diyos, hindi pagkukunwari. Meron tayong dating presidenteng nasakdal at napatunayang kurap, pero pinatawad. Pinatawad ang isang taong hindi man lamang tumanggap ng pagkakamali. Paano magsisisi ang isang hindi tumanggap ng kasalanan?

Pero hindi pulitiko ang ating pinag-uusapan dito, kundi tayo. Tayo ngayon ang mamili: maging pariseo o maging tulad ng taga kolekta ng buwis. Nagkasala nga ngunit kumilala, tumanggap, at nagsisi.

Tunay na tunay. Trulalu. Walang bahid ng pagkukunwari. Walang anino ng pagbabalatkayo. Ito ang pamulat sa atin ng Diyos, na tunay nagkakalinga sa kapakanan natin tuwina.