frchito

Archive for Nobyembre, 2013|Monthly archive page

BUNDOK … BABALA O BALITA?

In Adviento, Homily in Tagalog, Taon A on Nobyembre 29, 2013 at 20:35

1 Adviento A

Unang Linggo ng Adviento (A)
Disyembre 1, 2013

BUNDOK … BABALA O BALITA?

Takot ako sa tubig. Bilang isang probinsyanong galing sa bulubundukin ng Cavite, takot ako sa malalawak at malalim na dagat. Pero ang bundok ay ibang usapan. Nabibighani ako sa bundok. Hindi kaya’t ito ang dahilan at higit sa 14 na bundok sa Pilipinas na ang aking naakyat?

Ang unang Linggo ng Adviento ay may kinalaman sa matayog na bundok. Ayon kay Isaias, ang bundok raw ng tahanan ng Panginoon ay magiging mas matayog kaysa sa anumang burol, at lahat ay mabibighani rin sa kanya.

Malungkot nga lamang at tayong mga Pilipino ay malapit halos lahat sa dagat. Ang mga bayan natin at lungsod ay pawang itinayo na malapit sa ilog o sa dagat, kung saan tayo unang umasa at kumuha ng ikabubuhay. Ang siyang ipinagtawid-buhay ng marami sa atin ay siya namang naging mecha ng buhay rin ng marami. Sa humpak na dumaluyong sa Tacloban, sa Guiuan, at sa marami pang lugar sa Silangang Visayas nang humagupit ang bagyong si Yolanda, kay rami ang nabigla, nasapawan ng dambuhalang alon na kumitil sa buhay ng mahigit limang libong katao, at marami pa ang hindi pa natatagpuan.

Ang bundok sana ang siyang naging kaligtasan ng marami. Ang bundok na tinitingala natin at para sa ilan ay kinatatakutan o iniiwasan, ay siya sanang nagligtas sa maraming hindi nakaunawa sa kahulugan ng storm surge, na hindi isinalin sa Tagalog o Visaya ng mga tagapagbalita.

Unang LInggo ngayo ng Adviento at sa unang Linggong ito, ay bundok ang bida, ang sentro ng ating atensyon. Sa Biblia, ang bundok ay laging sagisag ng katatagan, kaligtasan, muog at batayang matatag ng buhay. Tumitingala ang mga tao sa bundok at ang kanilang nakikita ay ang diwa ng pakikipagniig sa Diyos, tulad ng nakipagtagpo si Moises sa Bundok ng Sinai. Pati ang salmista ay umawit nang ganito: “Tumitingala ako sa kabundukan, kung saan manggagaling ang aking kaligtasan” (Salmo 121:1)

Pero sa buhay natin, walang katiyakan at kasiguraduhan kailanman. Kampante ang ating mga kababayan, at ang akala nila ay ligtas sila sa kani-kanilang mga bahay. Ngunit nang ang humpak ay dumaluyong, nilamon nito ang lahat ng kanyang dinaanan, sampu ng buhay ng maraming hindi handa sa dagok na ito ng kalikasan.

At puede itong mangyari kahit kanino. At kung bakit hindi sila umakyat sa matayog na burol ay hindi na para sa akin upang sisihin sila at tanungin. Malamang na ako man ay ganuon din ang aking gagawin.

Isang malaking aral para sa atin sa unang linggong ito ng paghahanda sa pasko ng pagsilang. Ang bundok ay maaring isang babala o isang balita. Kung isang babala, ito ay nagbabadya sa atin na ang buhay ngayon at dito, sa kapatagan ay walang katiyakan, walang kasiguraduhan. Hindi ito ang hantungan ng lahat para sa atin. Hindi ito ang hangganan at ang wakas. Hindi ito ang siyang bumabalangkas ng kalahatan ng ating pagkatao at pagiging nilikha ng Diyos.

Tama si Pablo … Oras na upang gumising at maghanda. Oras na upang bumangon sa pagkagupiling sa mali at umayos sa tama.

Sa ebanghelyo, mayroon ring isang babala … Hindi raw natin alam ang oras ni ang araw kung kailan babalik ang Panginoon. Ngunit ang babalang ito ay may higit na malalim at higit na mahalagang balita …

At ito ang diwa ng paghahanda sa adviento … na kailang nating maghanda sapagka’t sa oras na hindi natin inaasahan ay darating ang Anak ng Tao.

Halina’t masaya tayong tumungo sa tahanan ng Panginoon!

HARI, LINGKOD, LUWALHATI!

In Karaniwang Panahon, Kristong Hari, Taon K on Nobyembre 22, 2013 at 19:11

Sa Paraiso

Kristong Hari Taon K
Nobyembre 24, 2013

HARI, LINGKOD, LUWALHATI

Hindi ako nakapag post noong nakaraang Linggo … abalang-abala sa paghahanap ng paraan kung paano makatulong sa nasalanta ng bagyo. Pakiramdam ko ay isang batang nagsasalok ng tubig sa dagat upang ilipat sa balon. Walang saysay halos … walang maidadagdag sa laki ng problema.

Nabuhayan ako nang ako ay magpunta sa mall upang mamili ng isasama sa ipadadala sa Tacloban. Kasabay ko ay mga matatandang babaeng hindi na magkandaugaga sa dala – mga kahon-kahon ng biskwit, krakers, at nudels. Kasunod nila ang mga batang mag-asawang kasama ang mga anak, na ang hanap ay siyang hanap ko rin – mga pagkaing madaling ihanda at kainin.

Larawan ng kahinaan … kawalang kakayanan … kasimplehan.

Ito ang larawang hatid rin ng pista ni Kristong Hari. Malayo ang haring ito sa rangya at kapangyarihan, tulad nang malayo si David sa larawan ng isang may angking dahas at lakas, sapagkat siya ay isang hamak na pastol lamang.

Pista ngayon ni Kristong Hari. Nasaan kaya ang kanyang pagkahari sa mata ng mga ngayon ay tumatangis? Wala nang bahay … wala ring kabuhayan … wala na ang mga mahal sa buhay … sa ilang oras na unos ay naanod ang lahat. Isang dambuhalang trahedya ang pumawi sa kanilang kasalukuyan at kinabukasan!

Pero isang araw noong isang Linggo ay tumambad sa akin ang isang makapangyarihang karanasan. Isang lalaki ang nagdala ng malaking halagang mga relief goods sa aking opisina. Isang bunton. Lahat ng maaari niyang bilhin ay binili at ipinakahon. Limang araw matapos ang trahedya, ito ang kanyang kwento sa akin … Wala pa raw siya naririnig sa kanyang mga kamag-anak sa Tacloban.

Larawan ng makamundong kahinaan, oo … Ngunit larawan rin siya ng isang matayog na katatagan ng kalooban at pananampalataya. Tiim ang bagang ngunit tigib ng pananampalataya ang puso, nakuha pa niyang tumulong kahit hindi niya alam kung matitikman pa ng kanyang mga kamag-anak ang kanyang tulong.

Ito ang larawan ni Kristong Hari … kahinaan, kapayakan, kahinahunan at kalakasan! Pinahirapan siya. Tinuya. Tinudyo. Tinaasan ng kilay at ng boses: “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, iligtas mo ang iyong sarili at pati kami!”

Maraming nagdusa dahil sa dambuhalang trahedyang ito. Hindi sila karapat-dapat magdusa, tulad ni Kristong di rin karapat-dapat magbata ng hirap at mamatay sa krus. Nguni’t sa harap ng matinding dagok na ito ng kalikasan, ang isang hindi makatkat sa aking gunitang larawan ay ang mga taong hindi nawalan ng pag-asa. Hindi pinanawan ng pananampalataya, na siyang naging dahilan kung bakit naging ikona ang Pilipinas ng pagwawakas ng taon ng pananampalataya.

Matindi ang hagupit ng tadhana. Sobrang pait ang latay ng paghihirap ng ating mga kababayan. Subali’t matindi rin at mataginting ang pangako ng ating Haring nasadlak rin sa dusa: “Sa araw na ito, ay makakasama kita sa Paraiso.”

Purihin ka, O Kristong Hari, Ikaw ang Hari hindi lamang ng santinakpan, kundi Hari ng aming puso at kalooban!