frchito

Posts Tagged ‘Katawan at Dugo ni Kristo’

DULANG SA ILANG: CORPUS CHRISTI

In LIngguhang Pagninilay on Mayo 27, 2016 at 11:34



DULANG SA ILANG

Maraming panganib at pangambang nagtatago sa ilang. Tigib ito ng kawalang-katiyakan 
at pagkabalisa. Walang tubig, walang pagkain, walang mapagkukunan ng ano mang 
itinuturing na mahalaga sa buhay ng isang tao. 

Sa ilang nadama ni Jesus ang kawalang katiyakan. Doon siya nakadama ng lubos na 
kasalatan. Doon din siya tinukso ng makaitlong ulit ng demonyo. Sa ilang ay naranasan 
niya kung ano ang kahulugan ng manatiling gutom sa loob ng maraming araw, at ang 
magpasuling-suling nang walang tiyak na patutunguhan.

Ito ang ilang na nagbigay rin ng pangamba sa mga apostoles. Sa kanilang takot, winika 
nila kay Jesus: Pauwiin na natin ang mga tao. Wala silang makakain dito.

Hinamon nila si Kristong siyang nagwagi sa kabila ng lahat ng suliranin at pagsubok sa 
ilang. Sa kanilang pagkabalisa, higit nilang pinairal ang pangamba at takot. Ang 
pinakamalinaw na landas na nakita nila ay ang itulak ang mahigit sa limang libong katao 
pabalik sa kani-kanilang pinanggalingan.

Subali't ang pinuno ng paglalakbay na ito sa ilang ay hindi natinag  hindi natakot. 
Bagkus pinagsabihan ang mga apostol at hinamon rin sila: Bigyan ninyo sila ng 
makakain.

Sa araw na ito ng kapistahan ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristo, nakatutuwang 
isipin at mabatid na sa kanilang paglalakbay, ang Diyos mismo ang gumawa ng paraang 
ang lahat ay makadulog sa dulang ng pantawid-buhay. Pinagtipon-tipon niya ang mga tao 
sa grupong tig-lilimampu. Pinadulog niya ang lahat, at pinagkalooban ng pagkain.

Ang buhay natin maging ngayon, o lalu ngayon ay tigib ng iba-ibang uri ng ilang. 
Binabalot tayo at pinaliligiran ng sari-saring kasalatan, pangamba, at matinding 
pagkabalisa. Tulad ng mga apostol, maaari din tayo madala ng takot. Maaari din tayo 
matinag ng kawalang katiyakan sa maraming larangan ng ating buhay.

Hindi malayo na ating siphayuin o itulak, hindi lamang ang mga taong nagsisipagsunuran 
kay Kristo. Maari nating siphayuin o ika ngaÕy sipain ang lahat ng sitwasyong sa tingin 
natin, ay nagdadagdag sa ating pangamba. May mga taong sa harap ng matinding 
suliranin ay tinatanggihan ang pagsisimba at pananalangin. Mayroon namang nawawalan 
ng pag-asa. Mayroon ring lubusang pinapanawan ng tiwala sa kapwa tao. Ilan sa mga 
kakilala ko at marami pa ang lumisan na sa bansang ito sapagkaÕt tuluyan nang nawalan 
ng pag-asa sa ating sistema politikal? Ilan sa mga Pilipino ang nagdesisyon nang 
mangimbang-bansa sa kadahilanang wala silang nakikitang kinabukasan sa bansang ito 
na pinamumugaran ng mga taong ang tanging hanap ay ang kani-kanilang bulsa at 
makasariling kapakanan lamang? 

Lubos ko silang nauunawaan at hindi ko sila sinisisi. Matinding gutom at pangamba ng 
kawalang-katiyakan ang maaaring sapitin nila dito, sampu ng kanilang mga anak. 
Masasabi nating ang kultura ng korupsyon ang siyang nagtulak sa kanila upang lumisan 
sa disyertong ito.

Nais kong isipin na batid ng Diyos na tayo ay pawang nasasadlak sa disyertong ito na 
tigang sa pag-asa at katiyakan. Sa araw na ito, ginugunita natin kung paano pilit na 
pinakain ni Jesus ang mga taong walang mapupuntahan sa ilang. Sa halip na palayasin, 
pinagtipon-tipon niya ang mahigit sa 5,000 tao at inutusan ang mga disipulo: Òkayo 
mismo ang magbigay ng pagkain sa kanila.

Noong nakaraang Linggo, isa sa mga paksang binigyang diin ko ay ang kahulugan ng 
pista ng Banal na Santatlo. Ito ay may kinalaman sa kagustuhan ng Diyos na lubos na 
mapalapit sa tao, sa kanyang pinakamamahal na bayan. Siya ay Maylikha at Ama. Siya 
ay Anak at Kapatid natin. At Siya ay Espiritung patuloy na naghahatid sa kaliwanagan. 
Ang pagmamahal niya sa atin ay hindi lamang maka-isa niyang ipinakita, bagkus, maka-
dalawa, at maka-itlong beses niya ipinadama at ipinadadama. 

Tayong mga Pilipino ay mistulang nasa disyerto pa rin. Dito sa ating bayan, disyerto ang 
lipunang pasuling-suling sa ilang at naghahanap ng matitinong lider na tulad kay 
Kristong ang nasa ay hindi ang sila ay palayasin upang mag-arumbang ng kanilang 
makakain. Sa halos isandaang bansa kung saan tayo ay nagsipaglayasan sa paghahanap 
ng luntiang damo ng kinabukasan, ilang pa rin ang karanasan ng marami. At hindi 
lamang iyan, saan man tayo naroroon, saan mang lupalop tayo nagtitipon, kaakibat ng 
buhay natin ang karanasan ng kapaitan, ng paglalayu-layo ng damdamin sa isaÕt isa, ang 
pag-aalitan, ang hindi paguunawaan, maging sa mga magkakamag-anak o magkakapatid.

Ang buhay ay isang disyertong nababalot ng maraming mga hilahil at suliranin.

Ang Panginoong hindi nagpalayas sa mga taong disin sana ay nagutom sa ilang, ay siya 
rin nag-aanyaya sa atin sa panahong ito. Siya ay Diyos ng buhay. Siya ay Diyos ng pag-
ibig. At siya ay Diyos na nagmamalasakit sa kapakanan ng kanyang kawan.

Ang kapistahan ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristo ay walang ibang batayang 
kahulugan liban dito. Mahal niya tayo. At ang kaniyang pagmamahal ay ipinakita niya sa 
kanyang pagtitipon sa atin sa luntiang damuhan ng pag-asa, pagtitiwala, paghihintay sa 
tulong Niyang nagbibigay-pagkain sa mga gutom at mga nauuhaw. Wala siyang 
sinisiphayo. Wala siyang itinutulak paalis. Bagkus tinitipon Niya ang lahat, tulad ng 
tinipon niya tayo ngayong araw na ito sa simbahang ito. Dito ay tatanggap tayo ng 
pagkaing nagbibigay-buhay. Dito ay matitikman natin ang kanyang inihanda para sa mga 
handa ring maglakbay kasama Niya tungo sa walang hanggang katiyakan sa langit na 
tunay nating bayan. Ang pagkaing ito ng mga manlalakbay ay walang iba kundi ang 
Eukaristiya Ð ang Kaniyang Katawan at Dugo.

Dulang sa ilang ang Eukaristiyang ito. Pagkain ito ng mga naghahanap, naglalakbay, 
pasuling-suling sa disyerto ng buhay, Wala siyang sinisiphayo. Wala siyang sinisipa 
paalis. Wala siyang itinataboy, bagkus ang lahat ay inaanyayahan. Dulang ito sa ilang ng 
kawalang-pag-asa. Dulang ito sa ilang ng kawalang katiyakan. Sinumang kakain ng 
Kanyang katawan at iinom ng kanyang dugo ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.

Halina't dumulog sa hapag ng Panginoon! 

DITO NA TAYO SA TUNAY, KAIBIGAN!

In Catholic Homily,LIngguhang Pagninilay,Taon A on Hunyo 20, 2014 at 20:05

Bread-loaves-grain

KABANAL-BANALANG KATAWAN AT DUGO NG PANGINOON (A)
Hunyo 22, 2014

Maraming peke at palso sa ating buhay at kapaligiran. May pekeng tanso, pekeng diamante, pekeng ginto, at pekeng mga kongresista at senador. Sa ibang lugar, mayroon ring mga pekeng gatas, hindi tunay na karne, at palsong mga de lata, na kung minsan ang laman ay bulok nang isda na ginawang “sariwang sardinas.”

Sa mundong ito na nababalot ng iba-ibang uri ng kaplastikan, mahirap ang kumilala at kumilatis ng tunay. Mahirap mamili king sino ang iboboto na hindi tunay at tapat lamang sa araw ng eleksyon, at kapag nahalal na, ay wala nang kilala kundi ang mga katulad ni Napoles.

Mahirap magtiwala sa peke. Mahirap maniwala sa hindi tapat at sinungaling. Sa ibang lugar, mayroon ring mga pekeng pari na walang ginawa kundi magwisik ng banal na tubig at humingi ng bayad. May mga pekeng mga tauhan ng gobyerno na walang kundi ang mag-abot ng sobre sa araw ng pasko, at matapos ang pasko ay hindi mo na makikita.

Pero ang tunay na trahedya ay hindi ang katotohanang maraming peke, kundi ang katotohanang maraming naloloko ng peke at palso.

Tunay, at hindi peke ang turo sa atin ng Panginoon sa araw na ito: tunay na pagkain, at tunay na inumin. Walang peke sa turong ito. Walang panlilinlang. Walang panloloko. Panay kapakanan natin ang pakay, hindi pansariling kapakanan.

Pero bago tayo managana sa tunay na pangaral na ito at tunay ring kaloob, kailangan natin gumawa ng masusing pag-aala-ala. Kailangan natin gunitain ang mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos para sa ating kaligtasan. Kailangan nating ikonekta at idugtong ito sa lubha pang kahanga-hangang pagkakaloob ng sarili niyang katawan at dugo ng Panginoon, sa kalbaryo at sa huling hapunan, at sa bawa’t pagkakataong tayo ay dumadalo sa Banal na Misa.

Walang peke sa Eukaristiya. Walang palso sa kaloob ng Diyos sa atin, at sa kaloob ng kanyang bugtong na Anak. Walang palso sa kanyang pangako: “Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya.”

Wala ring peke sa kanyang paghihirap, pagkamatay, at muling pagkabuhay!

Siya ay Diyos na totoo at tao ring totoo. Siya ay Anak ng Diyos, at Siya ay Panginoon at tagapagligtas.

Araw ngayon ng totoo. Totoong pagkain, totoong dugo at inumin. Sa mundong ito na nababalot ng lahat ng uri ng kaplastikan, mayroong isang hindi man lamang nadungisan ng kasinungalingan at kaplastikan. Hindi biro ang buhay na walang hanggan. Hindi rin ito pangakong nakasulat sa tubig. Ito ay pinatunayan niya sa kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay.

Ang Eukaristiya ay nunok ng katotohanan. Walang iba ang nangako nang ganito. Walang iba ang nangaral nang tulad nito. At ang pangaral na ito ay siyang hanap nating lahat – buhay na walang hanggan … kapiling ng Diyos at Ama, sa langit na tunay nating bayan!

Saan ka pa kaibigan? Sa peke o sa tunay? Tayo na at tumanggap ng kanyang Katawan at Dugo sa komunyon.