frchito

Posts Tagged ‘Nobena sa Pasko’

MAHAL, MAHAL-AGA, MAALAGA!

In Simbang Gabi 2015, Taon K, Uncategorized on Disyembre 21, 2015 at 17:40

2-magnificat-cardSIMBANG GABI 2015 Ika-7 Araw Disyembre 22, 2015

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

MAHAL, MAHAL-AGA, MAALAGA!

Para talagang kalye serye ang ating nobena … Mga ordinaryong tao ang mga bida, mga walang sinasabing nilalang … mga simpleng taong walang nakakakilala at nagpapahalaga.

Ang taong simple ay madaling pasayahin … konting regalo lang hindi ka na makakalimutan. Malungkot mang aminin, ito ang dahilan kung bakit patuloy na nahahalal ang mga taong walang pagmamalasakit sa kapakanang pangkalahatan. Sa kaunting bigay na pera o bigas o anumang pabuya, malaking pasasalamat ang nagbubunsod sa kanila upang patuloy na ihalal ang mga tiwali at mga tampalasan at mapagsamantala.

Pero hindi natin sinasabing lahat ng simple ay ganito. May mga taong simple ngunit marunong kumilatis at magpasya nang wasto. May mga simpleng taong marunong tumanaw ng utang na loob at marunong tumingin sa mali at tama.

Kung kaya’t ituloy natin ang kalye serye ng Pasko! Ang bida ngayon ay dalawang babae na naman! Si Hannah at ang kanyang anak. Si Maria at ang kanyang hinihintay na sanggol. Pareho silang dalawang may tinanggap na mahal at mahalaga. Pareho silang naghintay ng sanggol at pareho silang biniyayaan ng Diyos. Pero hindi nila tinakbuhan ang pananagutan sa kanilang mahal na mahalaga rin, at pinahalagahan rin.

Narito ang liksyong mahalaga para sa atin. Marami rin tayong mahal. Mahal natin ang pamilya. Mahal natin ang mga tumutulong sa atin. Mahal natin ang mga cellphone nating mamahalin at mga gadgets na pagkalipas ng anim na buwan ay luma na. Pero sapagka’t mahal natin iyon, atin ring pinahahalagahan. Hindi natin ginagamit sa loob ng jeep upang mabighani ang mga mando – mandurukot na nagtataguyod sa business ng GSM (galing sa magnanakaw).

Ang mahal natin ay may halaga para sa atin. At anumang may halaga ay may tinatanggap na ALAGA … inaalagaan rin natin. Alam nating pahalagahan ang mga iPad natin o iPhone o Samsung o kahit Cherry o Hua-Wei. Alam rin nating alagaan ang mga ito, at hindi natin ipapangalandakan sa Divisoria o sa Pasay, o kahit sa Kalentong o sa Bicutan.

Alam nating mahalaga rin ang pananampalataya. Pero dito nagkakaiba ang mga saloobin natin. Pinahahalagahan ba natin ang pananampalataya natin, o handa tayong itapon ito dahil lamang sa hindi tayo sang-ayon sa turo ng simbahan? Handa ba tayong pahalagahan ito at depensahan? Handa rin ba tayo na ito ay pangalagaan at palaguin at palalimin?

Mahal ni Hannah ang kanyang anak. Mahal ni Maria ang kaniyang pinsang si Elizabet. At ang mahal ay mahalaga, puspos ng alaala at pinaglalagakan ng matinding pangangalaga. Ang nagmamahal sa isang mahalagang tao o bagay, ay ma-alaga rin.

Taon ngayon ng dakilang awa at habag. Ang awa ng Diyos ay isang mahalagang biyaya na hindi natin dapat waldasin. Bakit? Simple lang. Mahal tayo ng Diyos. Ang kanyang pagmamahal ay batayan ng kanyang dakilang pagpapahalaga sa ating lahat, lalu na sa mga makasalanan.

Ang mga makasalanan ay ako at ikaw … tayong lahat. At tayong lahat ay nangangailangan ng awa at habag ng Diyos na hindi niya ipinagkakait sa mga taong mahal niya, may alagang kaloob, at puspos ng alaalang nagbibigay-buhay.

Dalawang araw na lang. May dalawa pang araw tayo upang tumulad kay Hannah at kay Maria. Samahan natin siya sa pagpupuri at pagpapasalamat sa dakilang Diyos na Diyos ng awa at habag.

Advertisements

MATATAG, MANANATILI, MAGHAHARI, MAGPAKAILANMAN!

In Uncategorized on Disyembre 23, 2014 at 18:25

zechariah_and_john

Ika-9 na Araw ng Simbang Gabi

Disyembre 24, 2014

MATATAG, MANANATILI, MAGHAHARI, MAGPAKAILANMAN!

Kaming mga tigulang na (o damatan sa aming kapanahuhan) ay hindi na iba sa maraming mga slogan na minsang nagbigay sa amin ng pag-asa: bagong lipunan, bagong disiplina, matatag na republika, tuwid na daan, at marami pang iba. Ewan ko kung ano pa ang maiisip ng mga kinauukulan upang hubugin o linlangin ang taong-bayan sa hinaharap.

Di miminsan sa ating buhay na tayo ay nagtiwala sa isang matipuno, matikas, mabulalas, at magaling na pinuno upang tayo ay ihatid sa kasaganaan. Ang buong kasaysayan ay punong-puno ng mga magagaling na taong ito na nagbigay ng bagong pag-asa sa milyon-milyon o bilyon-bilyong mga tao: sina Alexander the Great, sina Julius Caesar, sina Hitler, Hirohito, at marami pang hinangaan at pinagkalooban ng tiwala ng balana.

Nguni’t ang parehong kasaysayan ay puno ng istorya ng kabiguan … mga dating matikas na haring di naglaon ay naging diktador, mapaniil, sakim at sabik pa sa dagdag na kapangyarihan.

Sabik tayo ang nag-aasam sa tunay na pinuno. Uhaw tayo at naghihintay sa pagdatal ng tunay na siyang maghahatid sa atin sa kaganapan at katuparan ng lahat ng ating mga hangarin, adhikain, at mithiin, hindi lamang sa kapakanang pang katawan, kundi, lalo’t higit sa pangkapakanang espiritwal.

Sa huling araw ng Simbang Gabi, nais ko sanang ipahatid sa inyo na ang Simbahan, ang Diyos, ang lahat ng mananampalataya kay Kristo ay kaisa ninyo sa inyong matimyas na pag-aasam at marubdob na pag-asa. Iyan ang unang magandang balita sa araw na ito.

Ang ikalawa ay ito … Iyan rin mismo ang pangarap at hangarin ng Diyos. Iyan rin mismo ang ipinangako niya kay David at lahat ng umasa at naghintay para sa isang matatag na kaharian, na hindi magagapi ninuman: “Magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia’y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono.”

Naglaho na silang lahat. Si Hitler. Si Idi Amin. Si Duvalier, at marami pang ibang hindi na dapat pa banggitin. Nariyan ang nangako ng bagong lipunan. Nariyan ang nangako ng matatag na republika. Nariyan ang panay ang bigkas at banggit ng tuwid na daan … Ang lahat ay nauwi at nauuwi sa kabiguan.

Nguni’t hindi lahat. Binabawi ko ang aking sinabi. Hindi lahat, sapagka’t ang nangakong Diyos na nagbigay ng Tagapagligtas ay patuloy pa ring gumagawa, gumaganap, kumikilos, at nagbibigay katuparan sa lahat. Hindi lamang siya sinag ng bukang liwayway at araw ng kaligtasan. Siya ay liwanag ng sanlibutan na patuloy na nagtatanglaw sa ating daanan at tahakin. Patuloy pa rin kayong nagbabalik taon-taon upang mapagpala sa mga Simbang Gabi at sa araw ng Pasko. Patuloy pa rin kayong tumatanggap ng kaligtasang dulot niya sa kanyang pagparito sa hiwaga, sa biyaya, at sa kasaysayan.

Matatag ang bagong republika, hindi ni Adan, kundi ng bagong Adan, na si Kristo. Matatag ang sambahayang itinayo ng Diyos para sa angkan ni David. At ang katatagang ito at pangako ng walang patid na pagtulong mula sa Diyos ng pangako at Diyos ng katuparan, ay patuloy na namamayagpag. Hindi siya magagapi, at tulad ng sinabi natin noong isang araw, wala nang gagambala; wala nang mang-aapi, sapagka’t dakila ang ngalan ng Panginoon.

Masisisi mo ba si Zacarias na nagpadala sa agos ng damdamin at agos ng katiyakan nang kanyang ibinulalas: “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel! Sapagkat nilingap niya at pinalaya ang kanyang bayan, at nagpadala siya sa atin ng makapangyarihang tagapagligtas!”

Ano pa ang kailangang idagdag dito?