Ika-4 na Araw ng Simbang Gabi / Misa de Gallo
Diciembre 19, 2009
Mga Pagbasa: Hukom 13:2-7 / Lucas 1:5-25

Kahapon, binigyang-diin natin ang kahalagahan ng pagiging matapang, ang pagkakaroon ng sapat na pagtitiwala sa Diyos upang hindi mapadala sa takot at pangamba. Narinig natin si Jeremias at ang kanyang pangako na nasa likod ng ating pag-asa: “Maghahari ang katarungan sa kanyang panahon, at ang kaganapan ng kapayapaan magpakailanman.”
Inilista natin ang lahat ng mga dahilan kung bakit ang pangamba at takot ay bumabalot sa lipunan natin ngayon. Nguni’t sa kabila ng mahabang listahang ito, higit na lamang at higit na makapangyarihan ang pag-asang dulot ng pangako ng Diyos: “Darating ang mga araw … kung kailan uusbong ang makatarungang sanga na mamumuno nang may katalinuhan at karunungan … maliligtas si Juda at ang bayang Israel ay mabubuhay sa katiwasayan.”
Darating ang mga araw … ito ang malimit na pasimula sa mga pangako ng mga propeta … ang mga araw na tinaguriang Araw ni Yahweh, ang araw na nilikha ng Panginoon, na isang larawan ng kalubusan at kaganapan ng lahat ng ating pinakahihintay – ang kaligtasang kaloob ng Diyos.
Darating ang mga araw … isang mahalagang katotohanan ang nasa likod nito … nagsimula na ang pangako, ngunit hindi pa natin nakakamit ang katuparan at kalubusan nito. Ito ang diwa ng panahon ng pagdating o adviento … diwa ng paghihintay na tigib ng pag-asa.
Nguni’t sa kabila ng lahat, marami tayong pangamba. Takot tayo maglakbay sa Mindanao. Takot tayo sa mga kandidatong trapo na naglipana sa eksena political ng lipunan nating nahirati sa isang bulok na sistema na patuloy na lumilikha ng mga gahaman at hayok sa kapangyarihan at kayamanan. Takot tayo lumabas man lamang ng bahay pagkagat ng dilim. Takot tayo iwanang walang tao ang bahay natin lalu na ngayong kapaskuhan.
Mahaba ang listahan natin para matakot.
Iyan ang isa mga dahilan kung bakit tayo nagtitipon tuwina sa Simbahan, lalu na sa Simbang Gabi. Wala yatang pananawa ang Pinoy sa pag-asa. Binaha na tayo at lahat, at nakaranas ng pagguho ng lupa sa Benguet at sa iba pang lugar, nguni’t pagsapit ng Kapaskuhan, ay balik na naman tayo sa diwa ng pag-asa.
Mahaba rin ang listahan natin upang magpatuloy umasa. At sa araw na ito, dinadagdagan pa ng mga pagbasa ang listahang ito. Banggitin natin ang ilang pinakmahalaga …
Una, sino ang may sabing ang matatanda ay wala nang silbi? Sino ang may sabing ang gurang ay wala nang maaaring gawin? Hindi ito ang laman ng ating narinig kani-kanina lamang! Nandyan si Manoah, ama ni Samson, at ang kanyang matanda na ring asawa … Sa kanilang katandaan ay naging magulang pa sila ni Samson!
Nandiyan din sina Zacarias at Isabel … gurang pero hindi kulang! Hindi sila kulang sa kabukasang-palad at pagtalima sa panawagan ng Diyos. Gurang sila nguni’t hindi kulang sa tapang, sa kakayahang sumuong sa paghamon mula sa Diyos. Bagama’t matanda, hindi nila inalintana ang kahihinatnan ng kanilang pagtalima.
Ito ngayon ang magandang balita sa atin. Bakit tayo nababalot ng takot? Bakit tayo nag-aatubiling sumunod sa Diyos? Simple lamang ito … sapagka’t mayroon itong kapalit … mayroon itong halagang dapat pagbayaran. Mayroon itong katumbas na panunungkulan na dapat harapin. At dito tayo nanghihinawa at naglalakad na sukot ang buntot. Ayaw natin magambala … ayaw natin ang malukot, kumbaga, o madungisan ang kwelyo ng ating baro o kamisa. Ayaw natin ng komplikasyon sa buhay.
Pero ano ba ang liksiyon ng dalawang pagbasa? Nang sinunod ni Manoah ang paghamon, hinarap niya ang mga tungkuling ito: hindi pag-inom ng alak, hindi pagkain ng anumang marumi, at pati si Samson ay inatangan ng tungkuling huwag mag-ahit sapagka’t siya ay itatalaga sa Diyos sapul sa pagkabata.
Ano ang kinahinatnan ng pagsunod ni Jose? Pagkatapon sa Egipto … paglipat ng tahanan, pagdadala kay Maria at sa sanggol sa malayo upang takasan ang pagkamuhi ni Herodes. Naging komplikado ang buhay ni Jose nang siya ay sumagot sa Diyos. Ito ay sa kabila ng pahatid ng anghel na nagsabi: “Huwag kang matakot Jose na iuwi si Maria sa iyong bahay.” Ito rin ang sinabi ng anghel kay Zacarias na nahihintakutan at sa kanyang takot ay napipi: “Huwag kang mangamba Zacarias, sapagka’t ang iyong panalangin ay dininig ng Diyos.”
Maraming pagsubok ang naghihintay pa sa atin bilang isang bayan. Umaatikabo na naman ang bundok Mayon. Nagsilitawan na naman ang mga politikong mamamatay-tao sa Maguindanao. Naglipana ang mga baril at bala na dati-rati’y pag-aari ng gobyerno, pero sumapa-kamay ng mga kriminal na alaga ng mga politico. At ang dayaan na isang institusyon na sa Pilipinas tuwing eleksyon ay tila hindi maampat sa kabila ng automasyon ng halalan. Dumarami ang mga dukha. Dumarami rin ang mga mangmang na pinagsasamantalahan ng mga tampalasang politico. Dumarami ang walang kakayahang humusga ng kung sino ang dapat ihalal, bagkus natatangay na lamang ng kung sino ang napupusuan ng kapuso at kapamilya network. Ang pinipili ng tao ay ang popular, hindi ang karapat-dapat at may political will. Ang pinipili nila ay ang nakasakay sa popularidad ng isa nating pinakamamahal na dating presidente. At ang masahol pa rito, ay tila wala pa ring kaisahan ang mga Pinoy, at sino mang naging presidente natin ay kinamuhian natin at hindi nagustuhan, kasama yung iniidolo natin na sumailalim sa napakaraming kudeta sa anim na taon.
Mahaba ang listahan natin upang tumalungko na lamang at sumuko sa agos ng mga pangyayari. Mahaba ang listahan nina Manoah upang hindi tumalima, pati na rin si Zacarias. Ngunit alam ba ninyo kung ano ang nasa likod ng kanilang pagsunod sa Diyos na siyang batayan ng kanilang pag-asa?
Ito ang saad ng mga pagbasa ngayon … ang anghel na nagwika: “Ako si Gabriel na nakatayo sa harapan ng Diyos.”
Nakatayo sa harapan ng Diyos …. Ito ang sikreto ng mga taong puno ng pag-asa. Ito ang lihim ng mga tagasunod ni Kristong Mananakop na puno ng tapang – ang pagkatindig sa harapan ng Diyos!
Ikaw saan ka nakatindig? Saan ka nakasandig?