frchito

Archive for Setyembre, 2009|Monthly archive page

TIPUNAN, TAMPULAN, TIPANAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon B on Setyembre 29, 2009 at 06:35

Jesus_ChildIKA-27 LINGGO NG TAON (B)
Oktubre 4, 2009

Mga Pagbasa: Genesis 2:18-24 / Hebreo 2:9-11 / Mk 10:2-16

Isang malinaw na hibla at diwa ng pagtitipon, pagkakaisa, at pagniniig ang hatid ng mga pagbasa. “Hindi mainam na mag-isa ang tao.” Ito ang unang banat ng pagbasa mula sa aklat ng Genesis. Kung kaya’t ang tao ay nilikha niyang nakatuon ang kalikasan sa pagtitipon, pakikpag-ugnay, pakikipagniig. At ang unang halimbawa ay ang pagkalikha kay Adan at kay Eva, na una nating mga magulang.

Malinaw rin sa pagbasa ang katotohanang ang tao ay tampulan ng pagkalinga ng Diyos, objeto ng Kanyang pagmamahal, at tagatanggap ng karangalang inilaan ng Maylikha sa naghahawak ng pinakamataas na antas ng dignidad bilang nilalang ng Diyos. Bagama’t ginawa ayon sa sulat sa mga Hebreo na kaunti lang ang baba sa mga anghel, ang tao ay naging karapat-dapat sa pagpapakasakit at pagkamatay ng tagapagligtas, na nagdusa at naghirap para sa ating kaligtasan.

Tampulan ng pagmamahal at atensyon … Iyan ang katotohanan tungkol sa tao, tulad ng ang isang bata ay naging tampulan ng atensyon ng Panginoon, at naging modelo at larawan ng kung anong uri ng pagkakaisa ang dapat mamayani at maghari sa pagitan natin at ng Diyos.

Nguni’t sa sandali ng matinding pagsubok, sa oras ng kagipitan at panganib sa buhay, tulad ng naganap sa mga nakaraang araw sa ating bayan sa pananalasa ng bagyong Ondoy, mahirap makita na tayo ang tampulan ng atensyon at pagmamahal ng Diyos.

Mahirap mabasa sa takbo ng kalikasan na tayo nga ang naghahawak ng pinakamataas na antas ng dignidad, lalu na’t nakita natin at narinig ang panawagan ng napakaraming tao na nagimbal at natakot para sa kanilang buhay dahil sa pagragasa ng malakas na daluyong ng tubig mula sa itaas.

Magmula sa aking kinatatayuan sa Guam, habang nakatutok ang aking paningin sa ANC at TFC, hindi madaling tanggapin na ang mga tinig ng mga nahihintakutang mga kapwa Pinoy na nagmumula sa napakaraming lugar sa Kamaynilaan, sabay-sabay na mga panawagang hindi naman kayang tugunan ng pamahalaan at ng sinoman, ay isang katotohanang malinaw pa sa sikat ng araw na nagkubli sa loob ng ilang araw na walang patid na ulan.

Ano ang nangyari sa wika ng Diyos sa Genesis na nagalak Siya sa kanyang nilikha? Ano ang nangyari sa pagtitipon na kanyang ninais para sa tao? – ang kaisahan at pagniniig na siyang pangarap Niya para sa ating lahat? Ano ang naganap at pati yata ang kalikasan at tinikis nang lubos ang damdamin at pangarap ng mga ordinaryong taong walang kakayahang umahon mula sa rumaragasang baha at putik?

Siniphayo ba kaya ng Diyos ang tipanan na Kanyang dulot at kaloob at nais para sa atin at sa Kanya?

Habang nagdurugo ang puso ng marami sa pagsapit ng katotohanang wala tayong kakayahan na lumaban sa nagngingitngit na kalikasan, lalung nagdurugo ang puso natin sa kabatirang tayong lahat ay may papel at rolyo sa anumang sinasapit natin, bilang bayan, bilang tao.

Ang tao ang tampulan ng atensyon at pag-ibig ng Diyos. Paulit-ulit na sinaad sa Genesis: “at nalugod ang Diyos sa kanyang nilikha.” Nalugod ang Diyos sa atin. Tulad
ng kalugurang hatid ng Panginoon sa mga batang hinayaan Niyang lumapit sa kanya. “Sapagka’t ang kaharian ng langit ay para sa mga tulad nila.”

At dito marahil dapat natin ituon ang pagninilay natin sa araw na ito …

Ang kaharian ng langit ay para sa mga tulad nila … mga batang musmos na walang malisya, walang kamuang-muang, simple, payak, hindi matakaw at madaya, hindi mapagkamal, at hindi mapag-imbot, hindi suwail, hindi nagnanakaw at nagmamalabis sa kapwa. Ang kaharian ng langit ay para sa mga katulad nila.

Mahaba at maraming taon na ang nakaraan magmula nang binansagan natin ang bayan bilang perlas ng silanganan. Maraming taon na natin inaawit ang isang katotohanang mabilis nagiging kabulaanan … dahil sa ating sariling kagagawan! Ang bahang rumagasa sa maraming lugar sa bayan ay puno ng putik, ng lupang naanod mula sa bundok na wala nang puno. Ang kalikasan kinalugdan ng Diyos ay siya ring kalikasang winalang-hiya ng tao, ng mga taong hindi na bata, na puno ng malisya, puno ng pagkamakasarili, puno ng pagkakanya-kanya. Ito ay nagmula sa mga nagdedesisyon na payagan ang mga nakapaglalagay na sirain ang mga gubat mula sa kalooban, para hindi nakikita ng tao. Ito ay nag-uugat sa mga permit na nareretoke, nahihimas, at nagagawan ng paraan, basta may kilala ka sa tamang opisina at sa tamang tao sa pamahalaan. Ito ay nagsisimula rin sa walang sawa nating paggamit ng basurang hindi naaagnas, mga plastik na hindi natutunaw. Ito ay nagmumula rin sa mga politikong nagdadala ng mga maralitang tagalungsod upang masigurado nila ang kanilang panalo sa halalan.

Ito ay nag-uugat rin sa pagkagahaman ng mga may kaya sa sobrang laki at garang mga tahanan na nangangahulugang ang mga bundok at mga kaparangan ay pinapatag upang pagtayuan ng bahay na iilang butil naman ang nakatira sa loob.

Ang lahat ng ito ay nag-uugat sa kasalanan ng tao… kasalanan nating lahat na unti-unting nabubulag sa maraming kasakitan ng lipunan dahil sa kinasanayan na natin, tulad halimbawa na ang mga bundok at puno ay dapat nang patagin upang madagdagan ang malls, ang golf courses, at mga palaruan ng mga may perang puedeng sunugin.

Ang aklat ng Genesis ay isang salaysay ng tipanan. Nagsimula ang lahat sa isang tipanan na binale-wala ni Adan at Eva. Nagbunga ito ng kamatayan, ng paghihirap, ng pangangailangang magbanat ng buto upang ang tao ay mabuhay. Subali’t matapos ang pagsalungat sa balak ng Diyos, pagtitipon at pagniniig pa rin ang dulot ng Diyos sa taong makasalanan. Hindi Siya nanghinawa at nagsawang tumawag sa atin sa isang pagtitipon at kaisahang malalim at wagas.

Ang kanyang pag-ibig sa atin ay walang hangganan, tapat, wagas, at walang kapantay. Ito ang panawagan sa atin ngayon. Ang sakramento ng kasal ay dapat isang larawan ng tipanang ito sa pagitan ng Diyos at ng tao … isang tipanang wala dapat balakid, walang pasubali, walang pagbabakli. At pinagsama ng Diyos ay hindi dapat paghiwalayin …

Isang malinaw na pahatid sa atin ang mga nagaganap sa kasaysayan. Ang Diyos ay patuloy na nagpapahayag at nagwiwika sa atin. May papel tayong lahat sa ating kapighatian. Nag-ugat ang lahat ng ito sa ating pagkamakasalanan, ang ating pagbabale-wala sa tipanan na ating iniwanan at nilisan. Kasama rito ang tipanan at tipunan o pagniniig na dapat ring mabasa at masalamin sa wastong paggamit natin ng kaloob ng kalikasan.

Sa maraming antas, huli na ang lahat para sa buong daigdig. May mga naglaho nang mga hayop at halaman sa buong mundo. Ang pagbabago sa takbo ng kalikasan at ng klima ay tila hindi na maipapanumbalik sa dati. Subali’t mayroon tayong kakayahang magbago … lahat tayo … sapagka’t ang may –akda ng tipanan, ang may kakayahang tumugon sa tipunan na panawagan ng Diyos ay walang iba kundi ang nilikha ng Diyos na matalino at may angking kapasyahan at pamamalakad ng sarili … tayong lahat.

Maging tulad nawa tayo ng isang bata. Puno ng pag-asa sa Diyos, wala siyang binabalak na anumang panlalamang sa iba. Ilan pa kayang trahedya ang dapat mangyari bago tayo magising sa katotohanang tayo ay napapasailalim sa isang tipunan na may kaakibat na tipanan?

Kahabagan nawa tayo ng Diyos!

Advertisement

LUGOD, LOOB, SUNOD!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon B on Setyembre 22, 2009 at 09:50

1832662-togetherness-1
Ika-26 na Linggo ng Taon (B)
Setyembre 27, 2009

Mga Pagbasa: Bilang 11:25-29 / Santiago 5:1-6 /Marcos 9:38-43, 45, 47-48

Gaan ng loob o bigat ng kalooban ang dalawang magkasalungat na damdamin sa araw na ito. Sa unang pagbasa, mabigat ang loob ng ilan dahilan sa katotohanang maging si Eldad at si Medad, na hindi kabilang sa pitumpu ay kinasihan din ng Espiritu, at sila ay nakapagpahayag din tulad ng pitumpu. Inggit ang tawag dito. Inggit na nagpapabigat ng damdamin ng taong hindi matanggap na ang iba ay may tangang kakayahang kapantay o lampas pa sa kanyang kakayahan.

Sinikmat ni Josue ang mga nainggit o nahili. “Takot ba kayong mabawasan ang inyong karangalan?”

Mabigat sa kalooban ang mainggit. Hindi lugod ang dulot ng inggit. Hindi ito ang niloloob ng Diyos, tulad ng sinasaad ng ating tugon: “Ating kabutiha’t lugod ay nasa loobin ng Diyos.!”

Mabigat rin sa loob ang magnasa nang higit pa sa kung ano ang ipinagkaloob sa atin. Ito ang mariing turo ni Santiago laban sa mga mayayamang mapaniil, mapagsamantala, at walang kabubusugan. Ang kanyang pangaral: “Tumangis kayo at humagulgol sa kapighatiang darating sa inyo!”

Sama ng loob, hindi lugod ang dulot ng pagiging duhapang at swapang sa salapi at yaman!

Naparito tayo sa simbahan dahil sa maraming dahilan. Una, upang magpugay sa Diyos. Sa kanya lamang nararapat ang ating papuri at pasasalamat. Ikalawa, naparito tayo upang tumanggap ng liwanag mula sa Kanyang Salita. Ito ang mabuting balita na naghahatid sa kaligtasan. Subali’t ang maling akala ng marami ay ang magandang balita ay dapat tuwinang may kinalaman sa mga bagay na nakapagpapagaan ng loob.

Pero tingnan natin ang mga pagbasa. Hindi gaan ng loob natin kundi ang kalooban ng Diyos ang siyang tinutumbok ng mga ito. Ito ang magandang balita … hindi kalugod-lugod sa pandinig natin, nguni’t naghahatid sa tunay na lugod, sapagka’t galing sa niloloob ng Diyos.

Sinikmat ni Josue ang mga masama ang loob. Binalaan ni Santiago ang mga swapang at mapagkamal ng yaman. Hindi gaan ng loob ang bunga nito, kundi isang paghamon na tuparin ang kalooban ng Diyos.

May kinalaman ito sa tinatawag ni Gadamer na “fusion of horizons.” Nagsasalubong ang pananaw ng Diyos at pananaw ng tao sa liturhiya. Ang magandang balita ay hindi pawang kaaya-aya at magandang pakinggan o magandang isipin. Ang magandang balita, ayon sa sulat sa mga Hebreo ay isang tabak na doble ang talim … nanunuot, tumatagos, at dapat ay tumatalab.

Ito ang paghamon sa atin sa araw na ito. Hindi nalugod si Josue sa pagkainggit ng ilan kay Eldad at Medad. Hindi nalugod si Santiago sa kaswapangan ng mga mapagkamal ng yaman. Hindi kalugod-lugod ang mga nangyayaring kadayaan, katiwalian, at kaswapangan sa lipunan natin, lalu na sa pamahalaan, at sa lahat ng antas ng lipunang Pinoy.

Alam natin kung saan magmumula ang tunay na kabutihan at lugod. Ayon sa ating tugon, “ang kabutiha’t lugod ay nasa loobin ng Diyos.”

Pati mga disipulo ay sinagian ng inggit. Hindi nila matanggap na mayroong kahit hindi nila kasamahan ay nagpapalayas ng demonyo. Sa dami ng turo ng Panginoon ay napadala sila sa inggit, sa pagkamakasarili, at pag-iisip lamang sa kanilang kapakanan.

Bilang isang guro, iniangat ni Jesus ang usapin. Pinalawak niya ang kontekstong kinapapalooban ng kanyang pangaral. Parang sinasabi niya sa atin ngayon: “Huwag tayong padala sa sama ng loob at nalamangan tayo ng iba … Huwag tayong malungkot at mayroon ibang taong nakagagawa o nakahihigit pa sa atin sa maraming bagay.”

Kung gayon, ano ba ang dapat nating pagtuunan ng pansin? Ang tugon ng Ebanghelyo ay malinaw pa sa sikat ng araw!

Una, ang lugod at loob ng Diyos ay nakatuon sa pagsunod sa kanyang kalooban. Mabuti pa aniya na ang isang taong naghahatid sa kasalanan sa ibang tao ay itapon sa dagat na may taling mabigat na bato sa leeg. Mabuti pa aniya, na mawalan ng isang kamay at makarating sa langit, kaysa sa manatiling ganap ngunit mapunta naman sa impyerno. “Mabuti pa ang pumasok ka sa kaharian ng Diyos nang bulag ang isang mata kaysa may dalawang mata na mahulog ka sa impyerno.”

Maraming dahilan upang sumama ang loob natin. Kung minsan, sumasama ang loob natin dahil sa inggit, dahil sa nalamangan tayo, o natalo, o naisahan. Nguni’t may higit pang mahalaga kaysa sa sama ng loob natin na dulot ng pagkamakasarili. At ang higit na mahalagang ito ay ang isipin natin, pagbalakan, at tupdin ang siyang higit na mahalaga kaysa sa lahat – ang kabutiha’t lugod na nagmumula sa kalooban ng Diyos! Ito ang tinatagurian nating lugod na wagas, loob na dalisay ng Diyos, na sinusuklian natin ng pagtalima at pagsunod sa Diyos.