frchito

Posts Tagged ‘Tinapay ng Buhay’

Ika-18 Linggo ng Karaniwang Panahon (B)

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Taon B on Agosto 4, 2018 at 08:53

PAGLISAN AT PAGTANGGAP

In Uncategorized on Agosto 8, 2015 at 09:45

O Jesu vita mea

bread-of-life-1

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-19 na Linggo Taon B

Agosto 9, 2015

PAGLISAN AT PAGTANGGAP

Para sa aming mga pari at relihiyoso, bihasa kami sa palipat-lipat ng misyon. Pabago-bago ang aming tungkulin, at palipat-lipat kami tuwina ng ginagalawan.

Hindi ibig sabihing kami ay hindi nahihirapang lumipat o magbago ng trabaho tuwina … lalo na’t nakasanayan mo na ang iyong ginagawa at ginagalawan.

Alam ni Pablo ito … siya na naglibot sa buong daigdig upang ipamahayag ang magandang balita ng kaligtasan. Pero alam rin niyang sapagka’t mahirap ito, narito rin ang luklukan ng mga suliraning may kinalaman sa paglisan, pag-iiwan, at ang iwanan ang dapat iwanan.

Minsan dumarating sa buhay namin na parang ayaw na namin… tao rin kaming napapagod, nanghihina at nanghihinawa. Minsan, sa dinami-dami ng ginagawa namin, parang ang lahat ay binabale-wala at hindi pinahahalagahan. Sa kabila ng marami naming mga sakripisyo, kalimitan ay pinagdududahan pa kami sa aming tunay na balakin o hangarin.

Kaya, gaya nga ng sabi ngayon ng mga bata, “relate much” ako kay Elias. Relate much ako kasi, ako man ay nanghihinawa rin kung minsan. Dumarating ang pagkakataong tinatanong ko ang sarili: “May katuturan pa ba ang lahat?”

Pero nais kong ipabatid sa lahat na relate much din ako sa nangyari kay Elias. Matapos pumunta sa ilang at nagnanais na magwakas na ang kanyang buhay, dumulog naman sa kanya ang mapagkalingang Diyos, na siyang nasa likod ng lahat ng gawang mabuti at gawang makabubuti sa iba …

Nagpadala siya ng anghel na nagdulot kay Elias ng pagkain. Relate much ako dito … Sapagka’t sa buhay ko, itong makalangit na pagkaing ito ang naging dahilan ng aking patuloy na paglilingkod, at patuloy ring pagpupunyagi at pagsisikap para sa kaharian ng Diyos.

Hindi kailang mahirap ang misyon namin. Lalo ngayon, na marami nang pasaway at akala ay alam nilang lahat. Anumang sabihin mo sa ngalan ng tama at wastong pagkilos at asal, ayon sa turong moral ng simbahan ay mayroong sumasalungat, sa ngalan ng personal na kalayaan, at free choice. Ang tama at mali ay ayon na, hindi sa sabi ng iba, kundi ayon sa sariling pagpapasya.

Pero malinaw ang turo ni Pablo sa atin: Lumisan sa dating gawi. Iwan ang mali, at iwanan ang mga hindi nakatutulong … “Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, galit at poot; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait, at mananakit ng damdamin ng kapwa.”

Pero ang buhay Kristiyano ay hindi panay paglisan, hindi panay pang-iiwan at pag-alis. Ang buhay ng manlalakbay at nababalot rin ng pagtanggap, ng pagkokomunyon sa Diyos na may-akda ng buhay at ganap na buhay …

Dito ngayon pumapasok ang kaloob niyang pagkain … Dito ako relate much … sa Eukaristiya, na pagkaing nagbibigay lakas upang hindi naming lisanin, iwan, at iwanan nang lubusan ang misyong naka-atang sa balikat namin.

Isa sa mga kantang hindi makatkat sa isipan ko ay tungkol sa Eukaristiya, patungkol kay Jesus na pagkain ng mga naglalakbay:

O Jesu, vita mea es tu, sine te est mors.

Tu viaticum es, sine te labor.

Tu laetitia es, sine te dolor.

Quies mea es tu, sine te pugna. O Jesu!

O Jesus, aming buhay, kung wala ka ay kamatayan.

Ikaw ang aming pampalakas, kung wala ka ay panay pagpapagal.

Ikaw ang aming galak, kung wala ka ay panimdim.

Ikaw ang aming pahinga, kung wala ka ay panay pakikitunggali.

O Jesus, tinapay ng buhay, palakasin Mo kami!

Advertisement