frchito

Archive for Enero, 2016|Monthly archive page

WALANG BAWAS, WALANG DAGDAG, WALANG KULANG

In Karaniwang Panahon, Taon K, Uncategorized on Enero 22, 2016 at 14:40

Unknown

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-3 Linggo KP_K

WALANG BAWAS, WALANG DAGDAG, WALANG KULANG

Ayon kay Nehemias sa unang pagbasa, tinipon ni Ezra ang lahat: mga lalaki, babae at mga batang may sapat nang gulang” upang sa harapan nila ay basahin ang batas ng Diyos.

Walang iwanan, kumbaga … lahat ay mahalaga, lahat ay may papel, at ang bawa’t isa ay may silbi kung bakit sila tinawag. Para saan? … sa pagbasa ng batas ng Diyos. Angkop na angkop ang tugon natin sa unang pagbasa: “Ang batas ng Diyos ay batas na walang kulang; ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay; yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan, nagbibigay ng talino sa pahat ang kaisipan.”

Walang labis, walang kulang. Walang bawas, walang di mahalaga.

Tulad rin ito ang katawan ng tao. Wala ni isang bahagi ang maaring magsabing “ayoko na sumama sa kabuuan.” Wala ni isang bahagi ang puedeng magmalaki at magsarili. Isang kabuuan ang katawan ng tao, at walang hindi kailangan. Ang lahat ay may pananagutan.

Sa bayang sinilangan ng Panginoon, walang masyadong halaga ang Galilea, lalu na ang bayan ng Nazaret. Wala roon ang templo. Wala din doon ang luklukan ng mga may kapangyarihan.

Subali’t para sa Diyos, walang hindi mahalaga. Walang hindi kinakailangan, at walang bahaging walang silbi at panunungkulan. Bumalik pa rin si Jesus sa Galilea, at pumasok sa isang maliit na sinagoga.

Pero dito naganap ang lubhang mahalagang pasinaya sa kanyang misyon. Tumayo siya upang magbasa mula sa aklat ni Propeta Isaias. At bagama’t maliit na grup lamang ang kanyang kaharap, dito nabunyag ang malaking pananagutan at panunugkulan niya sa bayan ng Diyos.

Nabunyag na siya ang sugong magpapagaling sa mga maysakit, magpapalaya sa mga napipiit, magpapagaling sa mga bulag, kaluwagan sa mga nasisiil, at pagpapahayag ng pagliligtas na gagawin ng Panginoon.

Tumayo siya upang magbasa. Subali’t hindi lang nanatili sa pagbabasa. Ibinunyag niyang ang tungkuling itong binasa niya ay natutupad na rin noon, doon, at sa kasalukuyan.

Ito ang mabuting balita para sa atin. Isa lamang akong hamak at di kilalang pari. Hindi ako makapangyarihan. Wala akong pinanghahawakang anumang karangalan. Subali’t may halaga ako sa mata ng Diyos, tulad nang may halaga ang mga Galileo … tulad nang may halaga ang lahat ng nasusulat sa Kasulatan … walang bawas, walang labis, walang kulang.

Mahalaga ang bata, matanda, lalaki o babae – sinuman! Mahalaga ang bawat letra, titik, salita, parirala, pangungusap o linya sa mga Salita ng Diyos. Walang labis, walang kulang.

Mahalaga ang bawat bahagi ng katawan, tulad nang mahalaga ang bawa’t isang kasapi ng kanyang bayan.

Huwag nang tumangis at malungkot. Hindi ka man tanyag, makapangyarihan o mayaman, ay mahalaga ka sa Kaniyang nagsugo sa bugtong nIyang Anak, upang tayo ay mabuhay magpakailanman, magpasawalang hanggan!

Tapos ang usapan!

PAGHAMON AT PANAWAGAN SA PAGLILINGKOD

In Panahon ng Pasko, Taon K, Uncategorized on Enero 9, 2016 at 14:53

BaptismOfChristPietroPeruginocat13a[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Binyag ng Panginoon

Enero 10, 2016

PAGHAMON AT PANAWAGAN SA PAGLILINGKOD

Tapos na ang Pasko mamayang gabi matapos ang Vesperas – ang panalangin pang takip-silim ng Simbahan. Nagwawakas ngayon ang Panahon ng Pasko, pero nagsisimula at nagpapatuloy ang diwa ng Kapaskuhan. Isinilang ang Mesiyas, at ang tagapagligtas ay may tungkuling dapat gampanan.

Malinaw ang pangaral ni Isaias … ang sanggol na isinilang ay “ang lingcod na itinaas, pinili at kinalugdan.” Malinaw na ayon sa ebanghelyo, ang kinalugdan ng Diyos Ama, ay walang iba kundi ang siyang bininyagan ni Juan Bautista, at ipinakilala ng Diyos sa madla at sa sanlibutan.

Kasabihan natin sa Tagalog na “hindi araw-araw ay Pasko.” Tumpak. Ibig sabihin nito ay matapos ang Pasko at Pista, ay mayroon tayong dapat harapin at tuparin. Hindi araw-araw ay pagdiriwang. Hindi araw-araw ay pasarap at bakasyon. Mayroong naghihintay na gawain at tungkulin.

Ito mismo ang diwa ng pagwawakas ng Panahon ng Kapaskuhan – diwang siya ring ipinakita sa buhay ni Kristong Panginoon.

Medyo may elemento ng drama ang kaniyang binyag. Tulad ng kaniyang pagsilang, napalibutan rin ng nakabibighaning elemento ang salaysay ng kanyang pagsisimula ng kaniyang misyon at ministeryo (tungkulin at paglilingkod).

At ito ang kahulugan nito sa buhay natin …

Hindi sapat na tayo ay sumama sa prusisyon … Hindi sapat na nahipo natin ang lubid ng Itim na Nazareno. Hindi sapat na tayo ay nagsimbang-gabi, o dumalo sa Misa ng Pasko, at ng Bagong Taon.

Hindi sapat na tayo ay nagpabinyag. Hindi sapat na tayo ay kinunan ng larawan noong First Communion. Hindi sapat na tayo ay nag-aral sa Catholic school.

Matapos ang binyag, matapos ang pasko, pagkalipas ng pista, ay mayroon tayong dapat harapin, dapat tupdin.

Nang si Kristo ay binyagan, ipinakilala siya ng Kaniyang Ama: “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Tayo ba kaya ay kalugud-lugod sa Diyos dahil lamang natanganan natin ang lubid kahapon? Tayo baga ay kaaya-aya sa mata ng Diyos dahil tayo ay nagsimba noong araw ng Pasko, kahit hindi naman tayo nakinig at nakipag-dasal? Tayo ba ay kalulugdan kaya ng Diyos dahil magara ang suot, masarap ang handa, at marami tayong napaskuhan?

Drama man ito o palabas, malinaw na ang naganap sa araw ng Binyag ng Panginoon ay isang paghamon – isang panawagan – at isang pasinaya sa higit pa!

Ito ay paghamon sa misyon, sa ministeryo o paglilingkod … Ito ay panawagan sa pagiging tunay na kawal ni Kristo at anak ng Diyos.

Kalugud-lugod ba kaya tayo sa Kanya sa araw na ito?