frchito

Archive for Agosto, 2015|Monthly archive page

PORMA, PAKIRAMDAM, PAGGAWA

In Uncategorized on Agosto 29, 2015 at 13:04

Hoffman-ChristAndTheRichYoungRuler

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-22 Linggo ng Taon – B

Agosto 30, 2015

PORMA, PAKIRAMDAM, PAGGAWA

Medyo mahirap ang pangaral ngayon. Tagos to the max, ika nga. May tama at kurot sa puso at damdamin. Payo ni Moises sa mga Israelita ay ito: “unawain ninyong mabuti at sundin ang tuntuning itinuturo ko sa inyo.” Dalawang beses pa inulit: “Unawain ninyo ito at sunding mabuti.”

Mahirap ito lusutan. Hindi rin ito tinantanan ni Santiago na nagdagdag pa: “Huwag lang daw pakinggan, kundi isagawa.” Gawa, hindi ngawa, ika nga.

Ito ang isa sa mga uso ngayon … panay pa-cute … puro pabebe … puro porma, kahit wala namang sustansiya. Kapag SONA, talaga namang pag narinig mo ang talumpati na sinulat ng ibang tao, pakiramdam mo lutas na ang lahat ng problema ng bansa. Pero, sa araw-araw na ginawa ng Diyos, trapik na nga at lahat, ay mayroon pang mga pabebe at pasaway, una sa Padre Faura, at tapos ay sa EDSA.

May alam akong grupo na bihasa sa ganitong panlilinlang … ang mga Eskriba at Pariseo. Sanay sila sa porma. Sanay sila sa drama. Kapag hugasan ng kamay at batas tungkol sa anik-anik na bagay, sumangguni kayo sa mga Pariseo. Pati kng ilang hakbang ang puedeng gawin ng isang tao sa araw ng Sabado, alam nila. At hind puede sa kanila ang pawisik-wisik. At pag hindi ka sumunod sa titik ng batas ay talagang makasalanan ka.

Hmmm … malinis ang labas, pero marumi ang loob?

Iyan ang napapala natin kapag porma lang at damdamin ang pakay natin.

Nais kong isipin na ang turo ng pagbasa ngayon ay akmang-akma sa buhay nating lahat. Lahat tayo ay naging ipokrito sa buhay natin. Lahat tayo ay nagdaaan sa panahong puro pa-show ang asta natin. Lahat tayo ay nag-asam magkaroon ng signature items para umangat ang pogi points natin. Lahat tayo ay nag-isip gumawa ng hakbang upang mapuri tayo at mabigyan ng parangal, kahit na ang nagawa natin ay walang timbang sapagka’t ampaw lang, tulad ng mga kalsadang kapag inulan ay parang popcorn na bumubusa at nabubutas.

Malaki ang tama nitong lahat sa akin ngayon. Mahirap lansihin. Mahirap ilagan. Nanunuot sa kasu-kasuan. Sa looban … sa kaibuturan …

At ito ang para sa ating lahat na puro porma at pabebe at pa-cute lang ang pakay … “Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos, kundi ang mga nagmumula sa kanya. Sapagkat sa loob – sa puso ng tao- nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya …”

Wag tayong masiyahan sa porma at pakiramdam lang. Dapat na ito ay mauwi at magbunga sa paggawa.

Walang short-cut sa buhay ng tao. Walang instant. Walang nakukuha sa pabebe o pa-cute. Ang lahat ay pinaghihirapan, at hindi nakukuha sa porma, pakiramdam, kundi sa paggawa.

Guilty much? Welcome to the club of saints and sinners!

Advertisement

TUNAY, TOTOO, AT MAKATOTOHANAN

In Uncategorized on Agosto 15, 2015 at 10:02

Detail_of_the_'Christ_Feeding_the_People'_mural_by_Fyffe_Christie

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-20 Linggo ng Taon B

Agosto 16, 2015

TUNAY, TOTOO, AT MAKATOTOHANAN

Tatlong ulit ko sinabi ang parehong bagay sa pamagat. Gaya-gaya lang ako, kasi ang tatlong pagbasa ay tumutumbok nang tatlong beses sa iisa rin katotohanan – ang KARUNUNGAN!

Isang paanyaya ang dulot ng unang pagbasa: “Lisanin ang kamangmangan upang kayo ay mabuhay, at ang landas ng unawa ang tahakin at daanan.”

Isang paalaala naman ang hatid ni San Pablo: “Mamuhay kayong tulad ng matatalino, at di tulad ng mga mangmang.”

At sa ebanghelyo naman, ay malinaw na ipinahihiwatig ni Kristong siya ang pagkaing binanggit sa Aklat ng Kawikaan: “Halikayo’t inyong kainin ang pagkain ko, at tunggain ang inuming inilaan ko sa inyo.”

Sabi nga sa salitang ginamit kamakailan ni Lacierda at Joey Salgado, “trulalu” na ang dulot ng Panginoon ay di lamang pagkain, kundi tunay na karunungan.

Talagang kailangan natin ngayon ng karunungan. Litong lito tayong lahat. Hindi natin alam kung alin ang totoo at tunay … ang sinasabi ba ng mainstream media? Ang sinasabi ng mga survey? Ng SWS, o Pulse Asia? Ang sinasaad sa New York Times? Ang ipinangangalandakan ng ABS-CBN, GMA-7 at Interaskyon 5?

Madaling mahilot ang “totoo” at nabibili sa panahon natin ang “tama.”

Nais kong isipin na sa araw na ito, ang ganap at buong karunungan ang alay ng Diyos para sa atin. Hindi tayo tulad ng mga taong pinakain lamang ng Panginoon sa ilang at nagutom na muli. Hindi rin tayo katulad ng mga taong nagsipagsunuran sa Panginoon, hindi sapagka’t naghahanap sila ng dagdag pang pangaral kundi sapagka’t sila ay nabusog at gustong maka-libre muli ng McDo sa ilang.

Sa araw na ito, hindi lang sandwich o tapsilog ang bigay ng Panginoon. Ang tunay na kaloob Niya at ganap na karunungan: ang kapakanang pang kaluluwa at kapakanang pang katawan nating lahat.

Malinaw na hindi lang sandwich ang alay ng Panginoon. Malinaw na tunay at ganap na karunungang naghahatid sa tunay na buhay ang kanyang alay sa atin ngayon: “Ako ang pagkaing nagbibigay buhay na bumaba mula sa langit.”

Malinaw na buo at ganap ang kanyang pakay para sa atin – ang ganap at tunay na buhay na hindi kailanman magwawakas. “Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito.”

Hindi lang tsibog ang kanyang dulot. Hindi lang pangkatawang kapakanan ang kanyang pakay. Ang hanap niya ay kapakanang pangkaluluwa, o pang espiritwal, higit sa lahat.

Di ba’t ito ang paalaala ni San Pablo? “Huwag kayong mga hangal. Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.”

Wag lang tayo tumayo at tumunganga sa Misa. Huwag lang tayo maupo sa labas at mag-text habang nagsesermon ang pari. Huwag lang tayong masiyahan na sumilay o magpakita lamang sa Simbahan, para masabing gumawa tayo ng ating tungkulin sa Diyos.

Hanapin natin ang tunay … sige na – ang trulalu! Ang tapat, ang totoo at makatotohanan!

Tikman at tingnan ang kabutihan ng Panginoon! Taste and see the goodness of the Lord!

Tunay na wala na kayong ibang hahanapin pa! “Ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin.”