frchito

Archive for Agosto, 2007|Monthly archive page

SINONG KAWAWA? SINONG DAKILA?

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Agosto 29, 2007 at 21:10

Ika-22 Linggo ng Taon (K)
Setyembre 2, 2007

Mga Pagbasa: Sirac 3:17-18, 20, 28-29 / Hebreo 12:18-19, 22-24a / Lucas14:1, 7-14

SINONG KAWAWA? SINONG DAKILA?

Malupit ang mundo sa pagpapasya tungkol sa kapwa. Mabilis ang daigdig na maghusga sa tao. At mabilis manukat ng kakayahan ang sinuman kung ang pinag-uusapan ay kadakilaan. At ano ang panukat?

Hindi na tayo dapat magmaang-maangan pa. Ang panukat ay siya ring madaling nasusukat, nakikita, napipisil, naibubunton, at naisasalansan. Tanyag ang taong marami ang kakayahan, magara ang kotse, malaki at malapalasyo ang bahay, makapal ang petaca, at matayog ang narating sa buhay. Dakila ang tingin ng balana sa taong may sinasabi, sa mga taong sa wika ng Wowowee ay “bigatin.” At hindi lamang iyan … higit na dakila ang taong ang kinasasalamuha ay dakila rin at bigatin sa mata ng madla.

Hindi nakapagtatakang ang talinghaga ng Panginoon sa araw na ito ay may kinalaman sa mga taong ang nais ay sila ay tingalain, kilalanin, at ipagpitaganan ng tanan. At ano ang pinakamadaling paraan upang makamit ito? Sinagot na rin ng talinghaga … umakyat at manguyabit, gumapang at magkumapit sa tabi ng mga antemano ay nasasa itaas na. Garapal ang gamit na salitang tagalog para sa mga taong ito … makapal, sipsip, mayabang, at duhapang.

Sa hanay ng makamundong pagpapahalaga, ang dakila ay ang matayog. Ang dakila ay ang tinitingala. Ang dakila ay ang nasasa gawing itaas, nasa rurok ng tagumpay, at nasa alapaap ng katanyagan.

Ito ang dahilan kung bakit nagpupumilit tayong lahat na hindi maiwan sa kababaan, sa kahulihan. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit ang mga nagpapabinyag ay nagkaroon ng pamahiing itakbong palabas ang bagong binyag na bata. Sa kanilang pakiwari, kawawa ang kulelat; kahabag-habag ang nasa ilalim at walang kakayahan, at walang sinasabi sa buhay.

Sa ating lipunan, bata pa ay tinuturuan nang kawawa ang mababa, kawawa ang huli, at walang kinabukasan ang mga nasa ilalim ng bunton.

Ngunit sino nga ba ang kawawa at sino nga ba ang dakila?

Ayon sa ating mga pagbasa, ang dinadakila ng daigdig ay hindi siyang pinararangalan ng Diyos. Sino ang dakila ayon sa Panginoon?

Una sa lahat, malinaw sa aklat ni Sirac na ang bigatin sa mata ng Diyos ay ang mababa ang loob. Higit na pinahahalagahan ng Diyos ang taong kumikilos nang may kababaang-loob. Higit siyang mamahalin kaysa sa taong naghahatid at nagkakaloob ng mga regalo. Malinaw ang tagubilin ni Sirac: “Ang bagay na lubhang mataas ay huwag hanapin; ang bagay na lampas sa kakayahan ay huwag pagsikapan.”
Sinong dakila? … Dakila ang mapagpakumbaba; kawawa ang mapagmataas at mapagimbot.

Ikalawa, ang daigdig ay palamata sa mga walang kaya, sa mga walang tinig sa lipunan, mga taong hindi kailanman pag-uukulan ng atensyon ng balana. Nguni’t malinaw sa kasulatan na dakila ang mga ulila, ang mga nagtatanggol sa mga balo, ang mga kinaligtaan nang lubos ng lipunan. Dakila sila sapagka’t ang umaakong Ama nila ay walang iba kundi ang Diyos sa kanyang banal na tirahan. Ito ang dahilan kung bakit ang mga itinuring na kawawa ng lipunan ang siyang tanging may kadahilanang humiyaw: “Panginoon, sa iyong kabutihan, ay gumawa ka ng tirahan para sa mga dukha” (Salmong Tugunan).

Sinong dakila? Dakila ang mga taong kinikilala ng Diyos nang higit sa lahat.

Subali’t dapat nating tanungin … sino ba ang kinikilala ng Diyos? Sino ang dakila? Ang dakila ay ang taong palibhasa’y salat ay bukas na bukas ang puso at handang tumanggap. Ang dakila ay ang taong palibhasa ay walang-wala ay lubos na nakahandang tumanggap ng anuman mula sa Diyos … walang pili-pili … walang pagiging maselan at pihikan. Ang dakila ay siyang sapagka’t hindi puno ng sarili ay mayroong puwang upang punuin ng Diyos. Sa kanila winiwika ni Kristo ang dakilang paanyaya: “Tanggapin ang aking pamatok at mag-aral sa akin, sapagka’t ako ay maamo at mababa ang puso.”

Sino ang kawawa? Ang kawawa ay mga taong puno ng pabig-at na makamundo. Sino ang dakila? Ang dakila ay siyang may pas-ang pamatok ni Kristo. Mabig-at ang pas-an ng palalo ng mundo. Magaan ang pas-anin ng taong tulad ni Kristo ay mababa ang loob.

Marami sa aking mga tagabasa ay lubhang nasaktan sa panulat ng isang nagngangalang Malu Fernandez sa People Asia. Hindi naman sa paghuhusga sa niloloob niya at tunay niyang intensyon sa pagsusulat, nguni’t hindi natin maiaalis na makantiw ang damdamin ng mga kapwa natin Pinoy na hindi mga bigatin sa mundo. Lubhang nasaktan ang marami. Lubhang naging kahabag-habag ang mga taong tila baga’y sinukat ayon sa makamundong panukat na may kinalaman sa mabababaw na bagay tulad ng pabangong gamit sa kataw-an.

Sa araw na ito, malapit ang Diyos sa mga walang sinasabi sa daigdig. At lubhang malapit ang Diyos sa taong ang naisin ay mapabilang sa mga walang sinasabi, mga taong ang layon sa buhay ay magpas-an ng pamatok ni Kristo at matuto sa kanyang halimbawa – at maging tulad niyang lubos sa kababaang-loob.

Huwag na nating itanong sa araw na ito kung sino ang kawawa… Hindi na para sa atin ang maghusga kung sino ang kawawa sa mundong ito. Ang dapat natin tanungin ay kung sino ang dakila sa mata ng Diyos, sapagka’t itong kadakilaang ito ang maaari pa nating pagsikapan at kamtin. Malinaw ang sagot ng Ebanghelyo. “Ang nag-aangat sa sarili ay ibababa, at ang nagbababa sa sarili ay iaangat.”

Sino ang dakila? Siyang dinadakila ng Diyos na kanyang pinagwiwikaan: “Amice, ascende superius!” (kaibigan, umakyat ka nang kaunti sa itaas).

Joseph Marello Retreat House
Tagaytay City, August 28, 2007

PAANO, HINDI GAANO! (Ika-21 Linggo Taon K)

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Agosto 26, 2007 at 08:49

Ika-21 Linggo ng Taon (K)
Agosto 26, 2007

Pagninilay sa Ebanghelyo (Lucas 13:22-30)

Bilang isang guro, batid ko na kung minsan, ang tanong ng mga estudyante ay walang kinalaman sa bagay na tunay na mahahalaga. Kung minsan, ang tanong ay lihis sa usapan, lisya, malayo sa tunay na pinapaksa ng leksiyon. Kung minsan din, sa halip na bigyang-pansin ang kabuuan, ay pinapatulan ang mga detalye na hindi naman tunay na makatutulong sa buhay ng tao.

Ito ang isa sa mga lumulitaw na pangaral ng ebanghelyo sa araw na ito. May nagtanong kay Jesus: “Panginoon, kakaunti lamang ba ang maliligtas?” Parang napakahalaga ng tanong na ito. Sa biglang wari, tila ito ay isang tanong na may kinalaman sa pinakamahalagang bagay na dapat bigyang-pansin sa buhay natin – ang paksa tungkol sa kaligtasan.

Nguni’t tingnan natin muli … Ito nga ba ay isang mahalagang katanungan?

Kung susuriin natin ang sagot ni Jesus, tila hindi niya pinansin ang tanong ng taong ito. Sumagot si Jesus, nguni’t hindi niya sinagot ang tanong ng tao. Sumagot siya subali’t ang kanyang tugon ay may kinalaman sa higit na mahalaga. Ang tanong ng tao ay “gaano?” Ang sagot ni Jesus ay may kinalaman sa “paano?”

Mahalaga na tayo ay dapat magtanong nang tama. Ang tanong na tama ay maghahatid sa atin sa sagot na nakatutulong, nakapag-aangat, nakabubuti sa kapakanang pangkalahatan, at sa kapakanan ng ating buong pagkatao.

Sa sandaling ito, ang aking kaisipan ay natutuon sa mga tanong na pinag-aaksayahan ng panahon ng mga politico sa Pilipinas. Muli na namang itinatanong ang tungkol sa pagsisinungaling ng isang namumuno sa bayan. Muli na namang inuungkat ang may kinalaman sa isang serye ng mga tawag sa telepono ng isang politico na tila baga’y iyong “katotohanang” iyon lamang ang higit na mahalaga kaysa sa ibang mga dapat pag-isipan.

Ako ay naniniwala na ang pagsasabi nang tapat ay pagsasama nang maluwat, tulad ng sinabi ko noong isang Linggo. Subali’t sa hanay ng ating pagpapahalaga, sa hanay ng napakaraming bagay na dapat natin pagtulung-tulungan para maka-angat ang ating lipunan sa palasak na kahirapan at kawalan ng ipagtatawid-buhay ng maraming mga Pilipino, mayroong mga suliraning dapat unahin at dapat bigyang-pansin higit sa iba na hindi naman makatutulong sa kapakanang pangkalahatan.

Tanggapin natin ang totoo … sinong politico … sino sa kanilang nanggagalaiti at nagpupuyos ang damdamin at nagmamadali upang pukulin ng bato ang nagkasala ang hindi nabahiran ng kadayaan sa ating maruming politica? Sino sa kanila ang makapagsasabing ang kamay nila at budhi ay malinis at hindi sila kailanman napadala sa isang sistemang bulok at naaagnas?

Ang tanong ng tao kay Jesus ay may koneksyon sa ating usapin sa araw na ito. Hindi natin dapat makalimutan ang gubat dahilan lamang na may nakita tayong ilang puno. Ang gubat ay mas malawak kaysa isang dosenang punong-kahoy. Ang tanong niya ay “gaano karami ba ang maliligtas?”

Hindi pinansin ni Jesus ang kanyang tanong, bagkus sinagot niya ang dapat niyang tunay na katanungan. At ang higit na mahalagang katanungan ay ito: “Paano ba maligtas?” At dito ay sinabi niya ang mahalagang katotohanan: “Magsikap na dumaan sa makipot na pintuan, sapagka’t marami ang magtatangka nguni’t wala silang kakayahan.”

Katotohanan ba kaya ang tunay na pakay ng mga umuusig at nanggugulo na naman sa ating lipunan? Ito ba kayang “katotohanang” ito ang siyang lubhang mahalagang suliranin na bumabagabag sa puso at kaisipan ng balana? Katotohanan kaya o kapakanang pangkalahatan ang dapat nating bigyang pansin sa lahat ng antas ng ating lipunan?

Makatutulong kaya sa atin kung malaman natin, tulad ng sinasabi ng mga Jehova’s Witnesses, na 144,000 lamang ang maliligtas? Magbubunga kaya ito ng pag-asa at pagmamahal sa ating Panginoon at Diyos? Ito ba ang mahalagang tanong o ito ba ay isang tanong na lihis sa tunay na mahalagang bagay?

Ano ba ang mahalagang dapat natin pagtuunan ng atensyon? Sinabi ni Jesus ang mahalaga: “pagsikapang pumasok sa makipot na pinto.”

Ito ang mahalaga, hindi ang katotohanang tayo ay nakisalo at nakihalubilo sa malalaking tao sa handaang en grande sa lipunan. Ang mahalaga ay ang pagiging disipulo, at ang disipulo ay isang taong nag-aaral, nakikinig, sumusunod. Ito ang kahulugan ng “mathetes” sa salitang Griego – na isinalin sa salitang disipulo. Subali’t ang disipulo ay siyang nakikinig, at sapagka’t nakikinig, ay sumusunod. Siya ay may disiplina.

Sa bayan natin sa panahong ito, disiplina ang kailangan, hindi hungkag na katotohanang wala namang idinudulot na kapakanang pangkalahatan para sa balana. Kung malaman kaya natin ang isang bagay na alam na ng lahat – na madadaya silang lahat sa maruming sistema political ng bayan – makapag-aangat kaya ito n gating ekonomiya? Magkapagdudulot kaya ito ng dagdag na respeto ng buong mundo sa atin? Mapapalapit kaya ang bayan sa Diyos, o lalung manghihinawa at mawawalan ng pag-asa?

Tingnan natin ang kabuuan … ang gubat, hindi kaunting maliliit na puno. Pakinggan natin ang tugon ni Jesus sa isang tanong na hungkag at walang katuturan … Hindi gaano, kundi paano. Iyan ang tunay na mahalaga.

Pagpalain nawa tayong lahat ng Poong Maykapal!
Agosto 26, 2007