frchito

Archive for Setyembre, 2013|Monthly archive page

MAY HANGGANAN AT HANTUNGAN ANG TANAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon K on Setyembre 27, 2013 at 15:21

Dives

Ika-26 na Linggo ng Taon K
Setyembre 29, 2013

MAY HANGGANAN AT HANTUNGAN ANG TANAN

Lungkot, galit at gimbal na magkakahalo ang nanunuuot sa ating kaisipan at damdamin sa mga araw na ito … Ito ay kung kasama tayo sa nakababatid sa mga nagaganap … mga inosenteng taong pinapaslang, isang batang pati kalamnan ay pinagkukuha … isang batang-batang executive na babae ang napag-tripan ng mga kabataang naghahanap ng mabibiktima isang madaling araw … isang halos buong pamilya at dalawang katulong at isang masahista ang walang-awang pinagpapatay sa loob ng kanilang bahay … isang katotohanang unti-unting lumiliwanag na halos ang buong gobyerno, mga mambabatas at mga kagalang-galang ay sangkot sa isang malawakang pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Ano ba ang magagawa ng tulad nating ordinaryong mamamayan sa gitna ng lahat ng katiwaliang ito, liban sa magalit at malungkot na lamang?

Nagtitipon tayo tuwing Linggo upang maghanap ng kahulugan sa buhay na tila wala nang katuturan. Naghahanap tayo ng mga kasagutan … naghahanap tayo ng anumang puede nating gamiting gabay sa pang-araw-araw nating buhay, upang sa gayon ay magkaroon ng patutunguhan ang masalimuot nating pamumuhay sa isang daigdig na tila pinanawan na ng pag-asa.

Parang walang nagbago magmula sa panahon ni Amos sa lumang tipan. Nagwika siya laban sa mga taong nagpapasasa sa yaman … mga taong “namumuhay na maginhawa sa Sion.” Sa biglang wari, ito ay isang pasaring sa mga mayayaman. Totoo bang ito nga ay pasaring sa mayayaman?

Tingnan natin sumandali ang kabuuan, kasama na rin ang dalawang pagbasa sa Bagong Tipan …

Hindi kailanman sinabi ng Panginoon na ang pagiging mayaman ay isang kasalanan. Sinabi lamang niya na mas madaling pumasok ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman na makapasok sa langit.

Subalit mayroon siyang isang kagimbal-gimbal na kwento na may mahalagang aral para sa atin. At ito ay hindi upang kamuhian ng mahirap ang mayaman, kundi ang matuto ang mayaman man at mahirap na mayroong higit na mahalaga kaysa sa pagpapasasa sa salapi at karangyaan.

May paalaala si Amos: “”Matitigil na ang inyong mga pagpipiging at pagsasaya.” May hantungan ang lahat. May hangganan ang lahat. At lahat ng sine ay may katapusan.

Sa buhay natin, madaling makalimutan ang higit na mahalaga. Kung sa ating lipunan, ay handang kumitil ng buhay ang isang grupo ng kabataang wala pang 20 taong gulang para lamang magkaroon ng kaunting pera, ay isa itong tunay na kahindik-hindik na sitwasyon.

Kung halos lahat ng mga mambabatas ay tila nahirati na sa isang maruming sistema ng kadayaan at pagsasamantala sa kaban ng walang malay na ordinaryong tao, tunay ngang nararapat nating pag-usapan ang paalaala ni Amos. Kung handang mandaya ang mga sumasali sa timpalak mula sa ibang bansa, at pati retrato ng may retrato ay ipinapasa na para bagang kanyang sariling gawa, makakita lamang ng pera, ay tunay na kalungkot-lungkot ang sitwasyon.

Hindi yaman ang pinupuntirya ng mga pagbasa ngayon. Hindi masama ang maging mayaman. Pero kung ang yaman ay nagdudulot sa kawalan ng pansin at malasakit sa iba, sa kapwa, lalu na sa mga walang kaya at mangmang, ito ay isang tunay na krimen sa harapan ng Diyos at ng bayan ng Diyos.

Tingnan natin sandali ang sinabi ni Pablo kay Timoteo: “sikapan mong mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananalig, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan.” May higit na mahalaga kaysa pera at yaman.

Tingnan natin rin ang kwento tungkol kay Dives at kay Lazaro … Hindi masamang magdamit ng marangya ang mayaman at kumain ng masasarap na pagkain. Pero hindi tama na ang lahat ng ito ay maghatid sa kanya sa kawalan ng pansin, at tigas ng kalooban sa harap ng isang nanlilimahid sa kahirapan at kakapusan sa lahat ng bagay na makamundo.

Malalim na ang narating ng kultura ng ating bayan na puede nating sabihin: “pera-pera lang ang lahat.” Kung totoong para magawa ng mga salarin ang malawakang krimen ay kinailangan nila ng tulong ng marami, dahil sa “pera-pera” lamang ang lahat, may saysay ang sumbat ni Amos: “Matitigil na ang inyong mga pagpipiging at pagsasaya.”

May wakas ang lahat ng bagay. May langit at may impyerno. May hangganan at hantungan ang lahat …At kung may pagkakautang ay dapat may kabayaran.

Advertisement

HINALA, O TIWALA PARA SA KATIWALA?

In Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Setyembre 20, 2013 at 10:25

Luke-16-1-13-a

Ika-25 Linggo Taon K
Setyembre 22, 2013

TIWALA, O HINALA PARA SA KATIWALA?

May pagkakataong angkop na angkop ang wika natin upang gawing tulay ng pagninilay. Ang ebanghelyo sa araw na ito ay isang halimbawa.

Isang katiwala ang hindi naging tapat sa kanyang amo. Nilustay ang perang hindi kaniya. At dahil darating na ang amo para hingan siya ng pagtutuos o cuentas claras, kumbaga, mabilis siyang nag-isip at nagpasya. Namudmod ng perang hindi kanya, at binura ang bahagi ng pautang ng kanyang amo sa kanyang mga kostumer.

Ito ang matindi. Pinuri pa siya ng Panginoon dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Isa isantabi natin sumandali ang usapin kung tama o mali ang kanyang ginawa. Hindi para sa atin ngayon ang pagtalunan kung wasto o mali ang pandarayang ginawa ng katiwala upang magkaroon siya ng kaibigang tutulong pag nagkataon.

Katalinuhan! Ito ang dahilan kung bakit pinuri siya. Pagpapasya! Ito ang naging bunga ng kanyang katalinuhan. Mabilis nag-isip. Mabilis kumilos. Sapagka’t alam niya ang kanyang gusto – ang makagawa ng mga kaibigang tutulong sa kanya sa kanyang darating na pangangailangan.

Minsan, tayo ay sinasagian ng matinding mga suliranin. Kapag dumapo ang matinding krisis, may mga taong hindi makapagpasya, hindi makapag desisyon. Sa harap ng krisis, ang mga taong ito ay tila nagiging parang tuod, walang buhay, walang malay, walang alam gawin. Hindi alam kung saan susuling, saan babaling. Mali man o tama ang ginawa ng katiwala, hindi natin siya mapupulaan ng kawalan ng pasya, o kawalan ng wisyo, o kakulangan ng kilos.

Sa ating panahon, matindi at malawak ang kaguluhan. Maraming sala-salabat na suliranin. Maraming iba-iba at sanga-sangang mga problemang dapat harapin. May mga taong sa harap nito ay nanlulumo, nanghihina, nawawalan ng ulirat at hinahayaan na lamang magnaknak ang mga sugat. Walang pasya. Walang desisyon. At lalong walang ginagawa!

Isa sa liksyong puede nating makuha sa ebanghelyo ay ito. Kailangan ng juicio upang harapin ang problema. Kailangan ng talino upang lapatan ng lunas ang anumang suliranin. Kailangan ng karunungan upang harapin ang mga pagsubok at gawan ng paraan upang malutas.

Ito ang ipinamalas ng katiwala!

Pero hindi pa tapos ang talinghaga. Matapos ipamalas ni Jesus na kailangang magpasya at kumilos upang harapin ang krisis, dinagdagan niya ang pangaral. At dito pumapasok ang iba pang dapat taglayin ng isang katiwala upang hindi mauwi sa paghihinala, o kawalan ng tiwala ng pinaglilingkuran.

Ano ba ang dagdag na kailangan pa bukod sa karunungan?

Ito ang turo ng Panginoon … kailangan rin ng katapatan, diumano. Kailangan maging tapat sa maliit man o sa malaki. At ang paalaala sa atin ay ito: “Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang magdaraya sa maliit na bagay ay magdaraya rin sa malaking bagay.”

Nahubaran ngayon ang maraming tao dahil sa malakihan at malawakang kurapsyon. Daan daang milyong piso ang posibleng ibinulsa ng mga taong hindi katiwa-tiwala sa loob at labas ng pamahalaan.

Sa harap ng mapait na katotohanang ito, hindi puede ang pabandying-bandying lamang. Hindi puede na hindi pairalin ang karunungan. At lalung hindi puedeng hindi pairalin ang pagpapasya at pagdedesisyon sa paggawa ng tama. Sa harap ng krisis, hindi puede ang patulog-tulog at pag-aasal Juan Tamad na naghihintay na lamang na malaglag ang bayabas.

Kailangan natin ng karunungan upang malaman kung ano ang dapat gawin. Subali’t kailangan rin natin ng desisyon at pagkilos upang unti-unting mapawi ang kinasadlakan nating kapalaluang malawakan.

Higit sa lahat, kailangan nating isapuso at isadiwa ang mahalagang turo ngayon ng Panginoon, bukod sa pagiging mapagpasya at kagya’t kumikilos o gumagawa ng dapat … Kailangan nating alalahanin tuwina, na ang tunay na tagasunod at isang katiwalang hindi kahina-hinala, kundi tampulan tiwala at paglilingkod. Sapagka’t … at dapat nating uliting muli … “Hindi ninyo mapaglilingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.”

Bilang katiwala ng Diyos, ano ba ang para sa atin kaya? … hinala o tiwala?