Ika-22 Linggo ng Taon (A)
Agosto 31, 2008
Mga Pagbasa: Jer 20:7-9 / Rom 12:1-2 / Mt 16:21-27
Tapos na ang Olympics sa Beijing. Alam na ng buong mundo kung sino ang pinakamaraming medalya, sino ang pinakadakila sa palakasan, sa paglalangoy, sa pagtakbo at sa marami pang mga laro na naganap sa Beijing. Habang nagaganap ang laro, masaya ang lahat. Tigib ng wastong pagyayabang ang puso ng mga Chinong nagpakitang gilas sa maraming paraan. Nguni’t alam din ng lahat na pagkatapos ng lahat ng ito, ang katotohanan ay tatambad sa kanilang mga mata.
Ano ba ang katotohanang ito? Tingnan natin ang mga ibang lugar kung saan naganap ang Olympics. Noong isang taon, ako ay napagawi sa Montreal. Isa sa mga binanggit sa akin ng mga taga roon ay magpahangga ngayon, magmula noong 1976, ay nagbabayad pa sila ng utang na ginastos sa pagpapakitang gilas na ito. Nasa Athens naman ako noong Mayo sa taong kasalukuyan. Ganoon din ang hinaing ng marami sa Grecia. Napagastos nang di hamak, gastos na may kapalit ding malaking kabayaran.
Hindi araw-araw ay Pasko, ika nga. Hindi lahat ng masaya at maingay at maganda ay makukuha ng libre. May malaking halagang nakapatong sa lahat ng bagay na may kapapararakan.
Subali’t kay daling tanggihan ang katotohanan. Kay daling talikuran ang isang tinatawag ni Al Gore na “inconvenient truth” o isang katotohanang nakababagabag. Sa harap ng mga katotohanang ito, ang pinakamadaling gawin ay huwag tanggapin, tanggihan, o ipagpiliting hindi totoo. Ito ay tinatawag na “denial” sa wikang Ingles. Ito ay isa sa pinakamadaling depensa ng tao sa anumang bagay na nakababagabag at nakapagpapabalisa sa isip ng tao.
Si Pedro ay isa ring taong tulad natin na nabalisa, nabagabag, at nagulumihanan – tulad rin ni Maria na sa simula ay nagulumihanan sa balita ng anghel. Nang ang Panginoon ay nagwika tungkol sa darating niyang paghihirap at pagkamatay, sinansala siya kagya’t ni Pedro. Hindi matanggap ni Pedro na sasapiting ng Panginoon ang kanyang sinasabi, na magdudusa siya sa mga kamay ng mga punong Pari at mga Pariseo at mga Eskriba, mamamatay at magdadaan sa lahat ng uri ng hilahil.
Panginoon, wika niya, huwag kayong magsalita ng ganito. At ang tugon ni Kristo, ay isang malakas na dagok sa kanyang pagtanggi: “Lumayo ka sa akin, Satanas!”
Ang magandang balita sa Linggong ito ay napakalawak at napakalalim. Subali’t kakaunti ang ating kakayanang bigyang-pansin ang lahat. Ang ating bibigyang-pansin ngayon ay walang iba kundi ang ating madalas na pagtanggi sa totoo.
Ano ano ba ito at paano nagaganap sa ating lipunan? Mga halimbawa ay dapat nating ilista. Una, panay ang tanggi natin na tayo ay napapariwara dahil sa magulong politika sa ating bayan. Panay ang pagtutol natin sa katotohanang tayo ay nangungulelat na sa maraming bagay kumpara sa ating mga kapit-bayan sa Asia. Panay ang tanggi natin na tayo bilang isang bayan ay mabilis na humuhulagpos na sa kulturang kristiyano na dati-rati ay namamayagpag sa lipunan. Panay ang tanggi natin na ang mga panoorin na ginagawa sa atin ay panay paglalarawan ng mga kabulukan ng ating lipunan at kultura. Kung ating titingnan, halimbawa, ang uri ng mga sineng ginagawa sa atin ngayon, na dinadala sa ibang bansa, para bagang lahat na lamang ng uri ng kabulukan ang laging pinapaksa. Kung titingnan natin ang mga programang kinahihibangan ng mga Pinoy pati sa ibang bansa, para bagang nakikita natin ang mabilis na pagbulusok ng antas ng ating pagkatao sa maraming larangan ng ating buhay personal at sosyal. Ito ang tinatawag na “dehumanization,” ang unti-unting pagkawala ng diwa ng dignidad ng tao.
Panay ang tanggi natin na ang antas ng edukasyon ay patuloy sa pagbulusok. Panay ang tanggi natin na ang wikang Ingles ay naglaho na sa tinatawag na “mainstream culture.” Tanging mga tao lamang na nasa “dominant culture” ang may kakayanang mangusap at makapagtalastasan sa wikang pinag-aaralan ng buong mundo.
Marami pa ang dapat isama sa listahan. Kasama rin dito ang katotohanang ang lahat ng sangay ng ating gobyerno, pati ang judicatura, ay mga pugad ng katiwalian, katakawan, at pagkamakasarili. Kamakailan, nakahihiya mang tanggapin, pati ang simbahan, ay nagpamalas rin ng ganitong pag-iisip – ang tulong na nakalaan para sa biktima ng bagyo sa Visayas (Iloilo) ay hindi lahat napunta sa mga nangangailangan. Itinago ng isang pari o grupo at nang mabisto ay nagpalusot, na itinabi nila para sa mga darating pang mga bagyo!
Ang katotohanan ay masakit … tuwina, saanman, at kailanman. Ito ang masakit na leksyon na narinig ni Pedro. Tila baga ay dagok rin sa ating mga pagtanggi sa buhay. Ito ay isang panawagan sa ating lahat na gumising, at tumingin, at kilalanin ang mga bagay an patuloy natin tinatanggihan. Matapos umuwi ang mga nagpunta s Beijing, na wala ni isa na namang medalya ang bunga, parehong mga palusot at paninisi na naman ang naririnig sa mga namumuno at nagmarunong sa olimpikong ito.
Ngunit, ang pagtanggi sabi nga ay ang pinakamababang uri ng katalinuhan.
Si Kristo ay nagwiwika ngayon ng kung ano ang totoo. Masakit man o nakababagabag … Pagtanggap, hindi pagtanggi ang dapat natin ngayon isapuso at isaisip. May malaking halaga ang lahat ng tama, wasto, magaling, at nakapagdudulot ng kagalingan sa lahat. May halaga ang mabuti, at tama. At ang halagang pinagbayaran ni Jesus ay walang ibang kundi ang tinatanggihan ngayon ni Pedro.
Matuto nawa tayong tumanggap …. Matuto nawa taong gumanap sa pananagutan na siyang halaga ng ating pagsunod sa yapak ng Panginoon, at matuto nawa nating lisanin ang landas ni Satanas na walang patid ang paghindi at pagtanggi. Di ba’t ito ang kanyang sagot sa Diyos? Non serviam … Hindi ako maglilingkod. Siya ang hari ng pagtanggi at pagtutol (denial king). Si Kristo ay ang abang lingkod na sumunod, tumalima, at nagbayad ng malaking halaga para sa kanyang misyon at panagimpan sa ikapapanuto ng buong sangkatauhan. Salamat sa Iyo, O Jesus at Panginoon, daan, katotohanan, at buhay!