frchito

PANGHIHINAWA O PAG-UNAWA?

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon,Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K,Taon K on Setyembre 30, 2016 at 02:35

Dalawang tila magkasalungat na saloobin ang naghihilahan sa araw na ito, nagpapaligsahan sa ating atensyon … panghihinawa o pag-unawa, sa isang banda … katigasan ng puso o pagniningas ng pananampalataya, sa kabila.

Panghihinawa ang tila diwa at paksa ng panulat ni Habakuk. “Hanggang kailan, Panginoon? Panay ang aking panawagan, subali’t tila hindi mo ako pinakikinggan.” Panay karahasan at kaguluhan ang tila natutunghayan ni Habakuk. Pag-unawa naman ang isinusulong ni San Pablo. Bukod rito, ipinagtatagubilin niya sa atin: “Papagningasin ang kaloob ng Diyos na tinanggap mo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.”

Tagubilin naman ng salmista na tila pinamimili tayo sa dalawang saloobin – ang katigasan ng puso o pag-unawa at pakikinig sa Salita ng Diyos. “Kung sa araw na ito ay nakikinig kayo sa tinig ng Diyos, ay huwag hayaang tumigas ang inyong mga puso.”

Ito ang katayuan ng bawa’t tao habang tumatahak sa landas ng buhay. Sa kadahilanang hati ang puso tuwina, at sapagka’t laging hinihila ng magkasalungat na puwersa – ang puwersa ng kabutihan at puwersa ng kasamaan, ang tao’y naguguluhan, nagsasalawahan, o nanghihinawa. Ang karanasan ni Habakuk ay siya ring karanasan nating lahat. Alam ko … sapagka’t ito rin ang aking sariling karanasan. Sa harap ng napakaraming kaguluhan, karahasan, at katiwalian sa loob at labas ng pamahalaan, tila naghahari sa hindi kakaunting pagkakataon ang kawalan ng pag-asa, ang pagsasawa sa paggawa ng mabuti … sa madaling salita, ang panghihinawa.

Parang kung kailan lamang na milyon-milyong Pilipino ang nakibaka at nagsuong ng sariling kaligtasan sa harap ng kapangyarihan ng baril at karahasan. Pag-asa natin nuong 1986 na ang pagbabago sa lipunan ay tuloy-tuloy nang magaganap. Subali’t makalipas ng 21 taon, batid natin na ang mga kanser ng lipunan ay higit na lalong kumalat, at ang mga sugat sa ating bayan ay lalong nagnanaknak. Sapat nang pakinggan at tunghayan ang mga walang katapusang baliktaktakan at imbestigasyon sa Senado at sa loob at labas ng gobyerno. Panghihinawa at kawalang pag-asa ang tila humihilang pababa sa ating puso. Para sa iba, paninigas ng puso at pagtitiim-bagang na lamang ang tanging magagawa.

Tila ito ang bumabalangkas ng masamang balitang patuloy na bumabagabag sa puso at kaisipan ng bayang Pilipino. Subali’t naparirito tayo sa simbahan at nagtitipon tuwing Linggo upang bumalangkas ng isang naiibang katotohanan, at gumuhit ng lalung naiibang tadhana. Sa ating pagbalangkas ng isang bagong kaayusan, lubhang mahalaga na liwanagin natin ang saligan o batayan ng pagpapanibagong ito. Sa kabila ng mga masasamang balita, sa kabila ng mga kabulukan sa ating lipunan at sa pamahalaan, mayroon tayong kinakatigang muog at sandalan.

Ito ang malinaw na binabanggit ni Habakkuk. Isang pangitain o vision ang ipinagkaloob kay Habakkuk. Nang makita niya ang visiong ito, ay nagwika ang Panginoon: “Isulat nang malinaw ang pangitaing ito sa talaan, upang ito ay mabasa nang maliwanag. Sapagka’t may panahon pa ang pangitaing ito, at hindi ito mabibigo; kung mahuli man ay maghintay; tiyak na ito ay darating, hindi maglalaon.” Mapusok ang tao … kay daling panawan ng pag-asa … kay daling magsawa sa paggawa ng mabuti.

Sa pagkakataong ito, tulad ng panahong kinasasadlakan natin lahat, kung kailan tila puro karahasan, kadayaan, at katiwalian ang kalakaran sa lipunan, lubhang mahalagang kumatig tayo sa isang vision, sa isang pangitain, sa isang panagimpan. Ang pangitaing ito ay isinasakatawan at binibigyang-halimbawa ng kahilingan at panalangin ng mga apostol: “Panginoon, dagdagan mo ang aming pananampalataya.”

Ang panalanging ito ay panagimpan rin natin, adhikain at pagnanais man natin. Ito rin ang ating kahilingan sa mga araw na ito … dagdagan mo pa, Panginoon, ang aming pananalig. Kung tutuusin, napakalaki na ng pananalig ng mga Pinoy. Saan man tayo naroroon, tayo ay kilala sa pagiging matiisin, mapunyagi, at mapagpaanyo para sa kinabukasan ng mga mahal sa buhay. Hindi alintana ng marami sa atin ang lahat ng pasakit, lahat ng suliranin at pagsubok … lahat man ng kahirapang tumataginting.

Napagtitiisan natin ang mawalay sa pamilya ng matagal na panahon. Napagtitiisan natin ang hindi pag-uwi ng maraming taon, ang lahat ng pagmamalabis ng mga among banyaga … ang lahat ng pangungutya at pagaalipusta ng mga mapag-imbot na pinaglilingkuran sa ibang bansa. Matatag ang pananalig ng Pinoy at malalim ang pag-asa at paghihintay sa higit na magandang buhay. “Di maglalaon” … ito ang bukam-bibig natin tuwina … “pasasaan ba’t giginhawa rin tayo” … ito ang malimit mamutawi sa ating mga labi. Subali’t tulad ng mga apostol, dagdag pang pananampalataya ang ating dasal. “Panginoon, dagdagan mo ang aming pananampalataya.”

Sa Linggong ito, tunay na ito nga ang matinding hiling natin mula sa Panginoon. Matindi ang paghamon sa atin lahat. Pinakamadali ang magpadala sa agos, sumuko sa problema, at sumama sa kalakaran ng lipunang pinamumugaran ng mga makasalanan at tiwaling mga taong-bayan at mga pinuno. Pinakamadali ang magsabing wala na tayong magagawa sa sitwasyong ito. Hinihila tayo magkabila ng puwersa ng katigasan ng puso at panghihinawa. Nguni’t tumatambad sa ating harapan ang magandang balita ng kaligtasan – kaligtasang kaloob ng Diyos at kaligtasang bunga rin ng makataong pagpupunyagi. Sa panalanging ito ng mga apostol na inaangkin rin natin bilang panalangin, ang pangitaing kinakatigan natin ay pang-unawa at pagniningas ng pananampalataya, tulad ng tagubilin sa atin ni San Pablo: “Papagningasin ang kaloob ng Diyos na tinanggap ninyo sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay.”

Panginoon, dagdagan mo pa ang aming pananampalataya!

 

YABANG, HINDI YAMAN ANG PROBLEMA!

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon,Taon K on Setyembre 22, 2016 at 15:06

YABANG, HINDI YAMAN ANG PROBLEMA!

Pangalawang Linggo nang tayo ay binabagabag ng tila isang maling pagpapahalaga sa turo ng Panginoon. Noong nakaraang Linggo, tila pinuri pa ng amo ang kadayaan ng kanyang tagapamahala. Nguni’t nabatid natin na ang pinuri ng amo ay hindi ang kadayaan ng tagapamahala kundi ang kanyang katalinuhang gamitin ang makamundong karunungan para lutasin ang isang matinding suliraning personal.

Ang itinanghal ng ebanghelyo ay hindi kadayaan, kundi ang halimbawang dapat gamitin rin ang karunungan para sa pagpapalaganap ng paghahari ng Diyos. Isa na namang kabalintunaan ang hatid ng mga pagbasa ngayon.

Sa unang pagbasa, binatikos ni Amos ang kahalayan ng pamumuhay marangya ng mga mayayaman at makapangyarihang walang pakundangan sa kinatatayuan ng higit na nakararami sa lipunan. Ang usaping ito ay tila sinegundahan naman ng ebanghelyo ayon kay Lucas.

Malinaw dito na ang mabuting balita ng kaligtasan ay may natatanging atensyon sa mga walang kaya, sa mga walang sinasabi, sa mga mahihirap, tulad ni Lazaro. Sa biglang wari, tila sinasabi ng ebanghelyo na ang kagustuhan ng Diyos ay baligtarin ang bagay-bagay at pagdusahin ang mga mayayaman sa kabilang buhay. Subali’t hindi ito ang pinapaksa ng mga pagbasa. Ang Diyos ay hindi inilalarawang isang mapaghiganting Diyos na pumapanig sa mga naapi sa buhay na ito laban sa mga nang-api at nagmalabis. Sa katunayan, walang sinasabing nagmalabis kay Lazaro ang mayamang tinutukoy sa ebanghelyo. Walang sinasabing minaltrato ng mayaman ang pobreng si Lazaro.

Dapat mag-ingat na ang dalawang pagbasang ito ay hindi kakitaan ng isang dahilan upang papag-awayin ang mahirap at ang mayaman. Hindi yaman ang tinutuligsa sa mga pagbasang ito. At lalung hindi kahirapan ang iniaangat at pinapupurihan dito. Sa madaling salita, kung hindi yaman ang pinupuntirya ni Jesus, ano ang gusto niyang sabihin? Ano ang gustong paratingin ng talinghaga ng Panginoon tungkol sa mayamang lalaki at ang kanyang angkan at kay Lazaro?

Maari tayong humalaw sa nagaganap sa ating lipunan sa mga araw na ito upang maunawaan ang mga pagbasa. Sa nakaraang Linggo, nabunyag ang isang katotohanang mahirap isipin, mahirap tanggapin, at mahirap patawarin. Nabunyag muli na ang lipunang Pilipino lalu na ang pamahalaan ay pinamumugaran ng mga taong nahirati sa yaman at nabulagan na ng kapangyarihan. Sa loob ng maraming taon na ang mga kinauukulan ay naghahawak ng kapangyarihan at kayamanan, malamang na ang mga inaakusahan ng korupsyon ay mga taong nasanay na sa kultura ng yaman, isang kulturang nagiging manhid sa kalagayan ng mga abang nasa labas ng kanilang mga bakuran, tulad ni Lazaro.

Ang mga tila nalulon na naman sa isang kahiya-hiyang iskandalo ng pagnanakaw ay mga taong nahirati na sa kayamanan at kapangyarihan. Marahil ay inakala nilang walang mabubunyag, at ang lahat ay mapagtatakpan at maikukubli sa mga mata ng balana. Ito ang pinupuntirya ng mga pagbasa … Si Amos ay hindi galit sa mga mayayaman sa kanyang panahon dahilan lamang na sila ay mayaman. Ang tinutuligsa niya ay ang karangyaang walang pansin, ang pagkagumon sa luho na walang pakundangan sa kalalagayan ng mga salat at walang-wala. Ang kanyang tinutuligsa ay ang walang katuturang pagkalulon sa lahat ng uri ng luho na hindi angkop sa katayuan ng karamihan. At ang pinupuntirya ng ebanghelyo ayon kay Lucas ay hindi ang mababaw na pagbabaligtad ng katayuan ng mayaman at ng abang si Lazaro.

Ang tinutuligsa ng ebanghelyo natin ngayon ay hindi yaman, kundi ang yabang! Hindi kaila sa atin na ang yaman ay nakabubulag. Hindi malayo na ang taong nahirati at nabihasang makihalubilo sa mga mayayaman lamang at makapangyarihang tao ay mag-iisip na rin tulad ng kanilang kasa-kasama tuwina. Ang yaman at kapangyarihan ay may kaakibat na panganib. Malaking posibilidad na ang yaman ay maghatid ng kawalang-pansin at kayabangan sa taong nagkakamal nito – tulad ng kawalang pansin at kayabangan ng mayamang ni hindi pinansin at tinao si Lazarong araw-araw ay nakabulagta sa labas ng trangkahan ng kanyang marangyang bahay.

Yabang, hindi yaman ang tinutuligsa ng Panginoon. Subali’t malinaw sa ating mga pagbasa na ang yabang na ito, ang saloobing ito ng mga taong walang malasakit sa mga aba, ay isang panganib na mabilis kabuliran ng mga mayayaman. Ganoon na lamang at sukat ang saloobing makasarili ng taong binabanggit sa ebanghelyo. Patay na at lahat ay hindi pa niya maiwan ang saloobing ang mga salat at mahihirap ay walang kwenta at dapat manatiling utusan lamang. Pati sa kamatayan, ay nanatili ang mababang pagtingin niya kay Lazaro na gusto pa niyang utusang pumunta sa kanyang mga kapatid. Malungkot ang nagaganap na muli sa Pilipinas.

Para bagang ang mga matataas at makapangyarihang napakatagal nang “naglingkod sa bayan” kuno, ay wala nang kabubusugan kung baga. At sapagka’t kay tagal na nila sa posisyon, hindi na nila alintana ang patuloy na paghihirap ng napakaraming mga Pilipino. Patuloy ang kanilang paghahanap ng yaman. At patuloy din naman ang madaling bunga ng yaman – ang kapalaluan o kayabangan.

Ito ang aking mungkahi sa araw na ito. Ang mahirap ay huwag sanang magalit sa mayayaman. At ang mayayaman ay huwag sanang mabulagan dahil sa kanilang yaman. Mahirap man o mayaman, magalit tayo sa saloobing pagwawalang-bahala at pagbabale-wala sa mga aba, sa mga salat, at sa mga walang kaya sa buhay. Magalit tayo sa yabang, at hindi sa yaman. At sa mga nag-aasam, alalahanin natin ang kaakibat ng yaman at karangyaan, ang kagya’t at kalimitang bunga ng kayamanan na walang iba kundi ang kayabangan.

Mainam para sa atin na alalahanin ang tagubilin ni Pablo kay Timoteo sa ikalawang pagbasa: “pagsikapan ang kabanalan, debosyon, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis, at kahinahunan. Makipagtagis nang mahusay para sa pananampalataya.”

KARUNUNGANG MAPAGPALAYA

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon,Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K,Taon K on Setyembre 15, 2016 at 20:55

Ika-25 Linggo ng Taon K
Setyembre 18, 2016

Mga Pagbasa: Amos 8:4-7 / 1 Timoteo 2:1-8 / Lucas 16:1-13

KARUNUNGANG MAPAGPALAYA

Noong isang Linggo, natunghayan natin kung gaano kalawak ang habag at awa ng Diyos.
Nguni’t napagtanto din natin na ang awang ito ng Diyos ay dapat tumbasan ng linaw ng
pag-iisip ng tao, na handang tumanggap ng kanyang kamalian. Ang linaw ng isipang ito
ang siyang halimbawa ni Pablo na tumanggap at nagkumpisal na siya ay isang
makasalanan kung kaya’t malaki ang kanyang pasasalamat sa Diyos na nagpatawad sa
kanya.

Sa ebanghelyo naman noong isang Linggo ay nakita natin na ang kakulangan ng lawak
ng pang-unawa ng nakatatandang kapatid ay nagbunsod sa kanya upang salubungin ng
galit at tampo ang kapatawarang ipinagkaloob ng kanyang ama sa nakababatang kapatid.

Nagsara ng isipan ang kuya. Nagpinid siya ng kaniyang puso sa kapatid. At ang
cerradong puso at isip ay nagpuyos sa galit at panibugho sa kanyang ama. Kung gaano
kaluwang ang pagtanggap ng ama sa kanyang alibughang anak, gayon di naman kakipot
ang puso’t damdamin ng kuya sa kapatid na nalihis ang landas nguni’t nagbalik-tanaw,
nagbalik-loob, at pinagkalooban ng balik-dangal.

Lawak ng isipan at lalim ng pang-unawa ang paksa natin sa araw na ito. Ang taong
makitid ang isipan ay sakim, madamot, at mapagbilang. Ito ay nagbubunga ng kadayaan,
tulad ng binabanggit ni Amos sa unang pagbasa. Subali’t malinaw ayon kay Amos na ang
Diyos ay nasa panig ng mga pinagsasamantalahan, ng mga inaapi, at mga walang kaya.

Lawak din ng pang-unawa ang sinasaad sa sulat ni Pablo kay Timoteo. Ipinagtatagubilin
niya na ipagdasal ang mga namumuno at may kapangyarihan, upang “mabuhay nang
tahimik at mapayapa nang may debosyon at dangal.”

Ang panahon natin, lalu na ang ating lipunan sa Pilipinas ay nababalot ng lahat ng uri ng
kadayaaan at katiwalian. Mapa sa mga nasa kapangyarihan, mapa nasa ibaba at
pinamumunuan, mapa mayaman at mapa mahirap, ang bayang Pilipino ay tila balot na
balot na ng lahat ng uri ng pang-aabuso at pagsasamantala sa kapwa. Kung ang bilang ng
mga trangkadong mga kalye ang pagbabatayan, mistulang wala nang tiwala ang mga
Pinoy sa isa’t isa. Puro naka-kandado ang mga lansangan … puro guardiado … at puro na
lang checkpoint ang makikita natin saanman tayo magpunta.

Sa halip na lawak at luwang ng isipan at saloobin, ay nababalot tayo ng iba-ibang uri ng
kakitiran ng saloobin at isipan.

Isa sa mga saloobing lubhang kinakailangan ng ating lipunan ay ang lawak ng isipan at
saloobing naipapakita sa wastong paghusga at tamang karunungan. Ang salitang ginamit
ni Lucas ay phronesis, na sa Ingles ay katumbas na tinatawag na “practical judgment” o
kakayahang magpasya nang wasto at angkop sa hinihingi ng pagkakataon. Kalakip ng
wastong pagpapasyang ito ang kakayahang magbalangkas ng isang tuntunin, o isang
balak na magbubunga ng inaasahang kahihinatnan. Kasama sa lalim ng pang-unawang ito
ang kakayahang gamitin ang lahat ng maaaring gamitin matupad lamang ang binalangkas
na balak o adhikain.

Karunungang praktikal ang pinag-uusapan natin dito … karunungang hindi bunga ng
mga aklat bagkus bunga ng kakayahang basahin ang kahulugan na napapaloob sa
kabuuan, hindi lamang sa maliliit na aspeto ng isang usapin.

Ito ang kalawakan ng isipang kailangan upang maunawaan nang lubos ang talinghaga ni
Kristo sa araw na ito. Sa biglang-wari ay parang leksiyon ito sa kadayaan, ang mismong
kadayaang kinokondena ng unang pagbasa mula kay Amos. Subali’t hindi ito ang
puntong tinutumbok ng talinghaga. Ang leksiyon ng Panginoon ay walang kinalaman sa
pandaraya at pagsasamantala sa kapuwa. Ang ikinikintal niya ay ang karunungang
magbubunsod sa atin upang gawin ang lahat ng magagawa kung ang pakay ay ang
kaharian ng Diyos.

Sa madaling salita, ay hindi pinuri ni Kristo ang kanyang kadayaan. Ang pinuri niya ay
ang kaniyang karunungang praktikal na naghatid sa kanya upang magbalak, kumilos, at
gumawa upang makamit ang isang napakahalagang pakay na may kinalaman sa
kaligtasan ng sarili at ng ibang tao. Ayon sa Panginoon, “higit na maalam ang mga anak
ng kadiliman makipagtrato sa katulad nila, kaysa sa mga anak ng kaliwanagan.”

Malalim at masalimuot ang suliraning bumabagabag sa ating lipunan. Sala-salabat na ang
kultura ng korupsyon o katiwalian. Malalim na ang ugat ng kasalanan sa lahat ng antas ng
ating buhay personal at buhay pampubliko. Ang mga kampon ng kadiliman ay lubhang
matatalino at bihasa na paikot-ikutin ang ulo at isipan ng marami. Hindi na natin matukoy kung sino ang nagsasabi ng totoo at kasinungalingan, kung ang pagbabatayan lamang ay ang radyo, TV, pahayagan, at internet.

Malinaw na hindi sapat ang maging mabait lamang. Ang mga nasa kabilang panig ay
lubhang marurunong at madudulas sa salita at pag-iisip.

Ang mga taga-sunod ng Panginoon ay hindi dapat mahuli at mapag-iwanan. Ito ang
paghamon ni Kristo sa atin … ang magsikap magkaroon ng lawak ng pang-unawa at
karunungang praktikal upang harapin ang sali-salimuot at sala-salabat na mga suliranin sa ating lipunan at bayan. Ito ang lawak ng pang-unawa na nagbubunga ng karunungang
mapagpalaya, kaalamang ginagamit para sa ikapagkakamit ng kaliwanagang walang
hanggan.