frchito

Archive for Marso, 2011|Monthly archive page

UHAW SA KATANGHALIANG TAPAT!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kwaresma, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon A on Marso 26, 2011 at 12:18

Ikatlong Linggo ng Kwaresma (A)
Marso 27, 2011

UHAW SA KATANGHALIAN!

Hindi natin alam kung ano ang nagbunsod sa babaeng Samaritana upang mag-igib ng tubig sa katanghaliang-tapat. Maari lamang natin hulaan kung bakit. Pero ang tila maliwanag pa sa tanghaling tapat ay ito … Masipag na maybahay ang samaritana. Ewan ko kung nauhaw ang kanyang kasama sa bahay na hindi niya asawa. Ewan ko rin kung nagdatingan ang lima pang kinasama niya sa tanang buhay niya, na nangailangan ng tubig para pang hugas ng mga paa. Pero ang malinaw ay tila ito … walang nag-iigib ng tubig sa tanghaling tapat, hangga’t maaari, pero ang samaritana ay nagpapagal pa kung kailan ang karamihan marahil ay nagpapahinga na, o kumakain, o gumagawa ng iba pang hindi nangangailangang lumabas pa ng bahay sa ilalim ng masakit na sinag ng araw.

Uhaw sa katanghalian … ito siguro ang puede nating gawin bilang pamagat sa maikling kwentong ito.

Pero hindi ito isang maikling kwento, kundi isang salaysay ng kaligtasan … salaysay hinggil sa buhay na naghahatid sa buhay na walang hanggan … tungkol sa tubig na buhay na kapag ininom natin ay hindi na kailanman tayo muling mauuhaw.

Isang malaking sorpresa ang hatid sa atin ng kwentong ito. Una sa lahat, hindi komun na makita ang isang babae na nakikipag-usap sa isang lalaki sa publiko. Ikalawa, hindi rin karaniwan na ang isang samaritana ay nakikipag talamitam sa isang Judeo, na galing sa Galilea, o sa Judea. Subali’t hindi ito ang nais kong bigyang-pansin, yamang ito ay paksang mas naaangkop sa mga iskolar ng bibliya.

Ang nais ko sanang bigyang pansin ay ito … Kung ako ay guro ng samaritana, marahil ako ay nainis sa kanya. Una … ang mga tanong niya ay parang patalon-talon. Walang sinundang iisang linya. Ikalawa, ang mga tanong niya ay parang umiiwas sa init ng mga paksa, lalu na’t may kinalaman sa kanyang pansariling buhay. Pero, isa pang sorpresa ang ginawa niya. Bagama’t tila umiiwas siya sa maiinit na paksa, hindi ibig sabihing hindi siya nakinig.

Ang kanyang uhaw sa katanghalian ay naghatid sa kanya sa pagtanggap ng isang pagkauhaw na higit na masahol at malalim kaysa sa materyal na pagkauhaw.

Katanghaliang-tapat sa maraming lugar ngayon sa ating daigdig. Nag-iinit ang maraming tao sa iba-ibang bansa kung saan ang mga namumuno ay mga makasariling taong mahigit 40 na taon na sa poder. Nagkakainitan rin ang mga Pinoy, nagtutunggali sa kung ano ang dapat gawin sa harap ng mainit na suliranin tungkol sa kahirapan at sa para sa kanila ay walang ampat na pagdami ng tao sa bayan natin. Sa maraming lugar sa daigdig, init ng ulo, at hindi kapayapaan ang naghahari.

Sa gitna ng nagpupuyos na damdaming ito ng karamihan, uhaw ang gumuguhit sa ating lalamunan at kalooban – uhaw sa kapayapaan, katarungan, at pagkakaunawaan sa isa’t isa.

Sa katanghaliang tapat na ito ng ating buhay bilang Pinoy at bilang Kristiano, may ilang mahahalagang turo ang kwento ng samaritanang lumabas upang umigib ng tubig sa kainitan ng araw.

At ang aral na ito ay isang malaking sorpresa para sa atin. Sa kanyang tila patalon-talong pagtatanong, tumimo pala sa puso niya ang mga sinabi ng Panginoon. At habang tila umiinit ang kanyang upuan sa mga tanong ng Panginoon, uminit rin ang kanyang pagpapasya. Ang ginawa niya ang kanyang pinagpasyahan …

Ipinamalita niya ang tungkol sa nakausap niya sa balon. Isang mahalagang tanong ang namutawi sa kanyang mga labi – ang pinakamahalagang tanong na dapat rin nating bigyang-pansin … “Siya kaya ang ipinangakong Mesiyas?”

Tayo man ay nakakaranas ng init sa ating pagka-upo. Binabagabag rin ang ating konsiyensiya hinggil sa maraming bagay, tungkol sa mga taong kinakasama natin, tungkol sa pagtrato natin sa kapwa tao, tungkol sa paglulustay natin ng yaman ng kalikasan, na nagdudulot ng patuloy na pag-iinit ng klima sa mundong ibabaw. Tayo man ay inaanyayahang mag-isip.

Sa dami ng sekretong nabunyag sa pakikipag-usap ng samaritana kay Kristo, nabuo sa kanyang isipan ang magsiwalat sa kapwa ng kanyang niloloob. Nabagabag siya … at nagkwento sa kapwa niya … “Sinabi niya sa akin ang lahat ng aking ginawa … Hindi kaya siya ang Mesiyas?”

Patuloy ang pagdatal ng katanghaliang tapat sa buhay natin. Patuloy nating nararanasan ang iba-ibang uri ng pagkauhaw sa buhay natin. Ngunit hindi lamang pag-iigib ng tubig ang siyang dapat natin gawin. Kailangan natin ng bagay na higit pa sa tubig …. Kailangan natin ng karunungang mula sa itaas … karunungang tulad ng tubig na buhay na kapag ininom ay hindi na magdudulot ng pagka-uhaw. Kailangan natin ng gabay na maghahatid ng kasagutan hindi lamang sa kung saan puedeng makapag-igib, o kung paano lutasin ang kahirapan, o kung tama ang panukalang batas na isinusulong ng mga mambabatas, na nagbibigay ng pamatid-uhaw nguni’t hindi naghahatid sa tubig na buhay na hindi na kailanman magdudulot ng pagka-uhaw.

Sa gulo ng usapan, sa init ng talakayan, sa dami ng balitaktakan, tunay na tayo ay nasa katanghaliang-tapat ng isang malalim na pagka-uhaw. Kailangan natin ng sagot. Hindi na dapat tayo magbato ng kung ano-anong tanong sa Panginoon na walang kinalaman sa kanyang sinasabi. Hindi na tayo dapat magmaang-maangan pa. Uhaw tayong lahat sa karunungan. Gulong-gulo ang isipan natin dahil sa maraming bagay, tulad ng salapi at kung ano ang kikitain ng marami sa usaping ito.

Tulad ng samaritana, na parang hindi nakikinig, dapat maantig ang damdamin natin, at matutong magtanong nang tama … Kahit na napahiya siya, ipinagmakaingay niya ang ginawa ng Panginoon …. “Sinabi niyang lahat ang aking ginawa … Hindi kaya Siya ang Mesiyas?”

Ang sagot sa tanong na ito ang tunay na sagot sa malaki nating problemang ito … uhaw sa katanghaliang tapat.

TUMINDIG, HUWAG MATAKOT!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kwaresma, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Marso 17, 2011 at 12:26

Ika-2 Linggo Kwaresma(A)
Marso 20, 2011

Mga Pagbasa: Genesis 12:1-4a / 2 Tim 1:8b-10 / Mateo 17:1-9

Takot ang bumabagabag sa puso ng marami sa mga araw na ito. Sunod-sunod na sakuna at trahedya sa maraming lugar sa mundo ang tumatambad sa ating paningin, at sumasagi sa ating isipan. Para sa maraming may kamag-anak sa Libya, sa Saudi, sa Bahrain, sa Japan, sa New Zealand at marami pang lugar, pangamba, kundi pighati ang namumuo sa puso nila.

Nakapagtatakang isipin na kahit ang tatlong disipulong nakatunghay, nakakita, at nakaranas ng pahimakas ng luwalhati ng Diyos sa bundok ng Tabor, sila man ay sinagian ng takot at pangamba. Hindi nila nakayanan ang pangitaing tumambad sa kanilang paningin – ang pagbabagong-anyo ng Panginoon.

Kung minsan, mayroon tayong hindi makayanan. Kung minsan may mga larawan na ipinapaskil sa Facebook na hindi ko matingnan – mga kahindik-hindik na mga pangyayaring hindi na dapat ipakita sa balana. Minsan rin, may mga pangyayari sa buhay na matapos natin maranasan ay pinapanawan tayo ng lakas, kundi ng ulirat. Hindi natin makayanan isipin kung anong posibleng sakuna ang muntik nang maganap. At sa mga pagkakataong ito, hindi tayo makatayo, hirap tayong manatiling nakatindig, at kung minsan ay nawawalan tayo ng malay.

Ito ang mga pagkakataong kailangan natin ng tapang. Ito ang pagkakataong kailangan nating tumindig o manindigan. Ito ang mga pagkakataong ang panlulumo o panghihina ang pinakahuli nating dapat maranasan.

Hanga ako sa mga kapatid nating Hapon … Sa kabila ng matinding paghihirap, kawalan ng lahat, at kakapusan na hindi nila kinasanayan, matapos ang lindol at tsunami, matapos maglaho ang lahat, pumipila pa rin sila … walang nag-uunahan … walang nagnanakawan … at walang nagwawala dahil sa isang bagay na wala silang kayang baguhin o gawan ng paraan.

Tapang at katatagan ng loob ang kanilang ipinapakita … Tiim ang bagang at tikom ang bibig, hinaharap nila nang buong tapang ang anumang dagok na hatid sa kanila ng kalikasan.

Nguni’t nais kong isipin na ang tapang na ito na bahagi ng kultura o kalinangan o yaman ng pagkatao ng Hapon ay isang makataong katangian lamang, kamangha-mangha man. Bunga ito ng edukasyon. Bunga ito ng wastong pagpapalaki at paghubog ng lipunan. Ito ay isang katangiang maaaring matutunan na nananalaytay sa dugo ng buong bansang Hapon.

Sa araw na ito, isang higit na mataas na antas ng katapangan ang binibigyang-pansin ng mga pagbasa, lalu na ng ebanghelyo. Ito ay tapang na hindi bunga ng edukasyon lamang. Ito ay tapang na hindi galing lamang sa kalinangan o kultura ng isang lahi. Ito ay isang saloobing naka-ugat sa higit na malalim na pundasyon o batayan. Ito ay tapang na nakasalalay, hindi sa nakasanayang gawi ng isang bayan, kundi nakasalalay sa pakikipag-ugnayan sa tunay na simulain at may-akda, at dahilan ng tunay at wagas na katapangan at katatagan ng loob.

Masinsin at marami ang dahilan upang manghinawa at panawan ng pag-asa. Parang isang sine ang nagaganap sa Fukushima sa Japan, kung saan ang radiasyon sa instalasyong nuclear ay patuloy na pasama nang pasama. Kung ako ang inyong tatanungin, ang muhi at galit ng ilang mga panatiko laban sa Kristianismo ay nakababahala, tulad ng nakababahala ang gulo sa maraming bansa sa Africa at Gitnang Silangan.

Nguni’t ito ang dahilan kung bakit tayo nagtitipon tuwing Linggo. Ito ang dahilan kung bakit ang paningin natin ay nakatuon ngayon sa isang pahimakas ng luwalhati ng Diyos. At ito ang dahilan kung bakit pinatikim ni Jesus ang tatlong disipulo ng luwalhating nasa Kanya sa mula’t mula pa, luwalhating naghihintay sa Kanya matapos ang kanyang misyon sa mundo.

Bagama’t natigilan sila at hindi nila lubos na nakayanan ang pangitain, tapang ang kapalit ng kanilang panandaliang pangamba.

Lahat ng pinagdadaanan natin ngayon ay ganito – panandalian … hindi mananatili nang matagal. Hindi maglalaon ay mapapawi ang lahat ng ito. Hindi magtatagal at makakamit natin ang inaasam natin nang higit sa lahat.

Tumindig tayo at huwag matakot! Ito ang aral mula sa transfiguracion ng Panginoon. Ito ang matinding pangaral ng kanyang pagbabagong-anyo. Ito ang pagpapahalagang dulot sa atin ng Panginoon na nakasalalay hindi lamang sa kultura kundi sa pananampalataya.