frchito

Posts Tagged ‘Pag-ibig’

MAGMAHAL, MANATILI, MAMUNGA!

In Uncategorized on Mayo 9, 2015 at 10:11

Ika-anim na Linggo Pagkabuhay (B)

TheLastSupper

Mayo 10, 2015

MAGMAHAL, MANATILI AT MAMUNGA!

Sabi nila hindi na raw uso ang ligawan ngayon … wala nang pumoporma sa simbahan tuwing Linggo. Pare-pareho na ang mga kabataan at matanda na parang lahat galing o papunta sa beach o sa mall. Pero ayon sa programa sa radio kagabi na pinangunahan ng mga kabataan, meron pa rin daw … kaya lang ay iba na ang pamamaraan … sa social media, sa texting, sa chat, at sa sandamakmak na selfie sa social media.

Hindi kailanman mawawala ang pag-ibig ng tao. Nabuhay tayo dahil sa pag-ibig at lumaki tayo at naging adulto dahil rin sa pag-ibig.

Totoo ito, lalu na’t ngayon ay Mothers’ day. Kung wala kang Nanay na nagkalinga, malamang ay wala ka sa mundong ito.

Pero, kahit na hindi ngayon Mothers’ Day, hindi natin maipagkakaila na ang mga pagbasa ay may kinalaman sa pag-ibig na higit pa sa pag-ibig ng isang Ina.

Ito ang pag-ibig ng Diyos, na naging dahilan na tayo ay nasa mundong ibabaw pa rin … dahilan rin kung bakit nananatili pa rin tayo at sa ating kakayahang itaguyod ang buhay natin at buhay ng iba.

Salamat sa mga Nanay o Ina ng tahanan. Kasama ako sa pagdiriwang ng kadakilaan ng lahat ng Ina, kasama at sarili kong Ina, kahit matagal nang pumanaw!

Pero dakila mang tunay ang Nanay nating lahat, mas dakila ang Diyos na nagmahal sa atin sa mula’t mula pa. Larawan lamang ang pag-ibig ng isang Ina ng pag-ibig ng Diyos, “sapagka’t mula sa Diyos ang pag-ibig.”

Sa maraming ospital sa buong mundo, may mga taong ang trabaho ay kargahin at pasusuhin ang mga bagong silang na sanggol. Sabi ng mga eksperto, sa loob daw ng 48 oras matapos isilang, dapat daw makaramdam ang sanggol na mainit na katawan, upang maunawaan ang pagiging konektado sa isang buhay at tunay na ina. Maging ang mga sanggol ay nangangailangan ng koneksyon, na panananatili, ng pagiging karugtong ng buhay ng isang ina.

Malinaw ang pahatid ng mga pagbasa sa atin ngayon … Magmahal, sapagkat, minahal muna tayo ng Diyos, at “sapagka’t ang Diyos ay pag-ibig.” Pero hindi sapat na malamang tayo ay minahal Niya. Dapat tayong MANATILI … manatiling konektado sa Diyos.

A ver! Nakakita na ba kayo ng sanga ng puno na nakahiwalay sa puno at patuloy na namumunga? Wala! Walang sanga na hindi konektado sa pinagmumulan ng buhay ang patuloy na mamumunga.

LInggo ngayon ng pag-ibig! Tatlong bagay ang kailangan upang maging totoo ito sa buhay natin: magmahal, manatili, at saka mamunga!

Advertisements

PAG-IBIG, PAGTUPAD, PATNUBAY

In Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Tagalog Homily, Taon K on Mayo 4, 2013 at 16:43

6_pasc_bIka-anim na Linggo ng Pagkabuhay Taon K

Mayo 5, 2013

Mga Pagbasa: Gw 15:1-2.22-29 / Pah 21:10-14.22-23 / Jn 14:23-29

PAG-IBIG, PAGTUPAD, PATNUBAY!

Maraming bagong usong salita ngayon sa Tagalog … pati ang salitang “kaya” ay iba na ang kahulugan ngayon. Marami ngayon ang napapa-praning dahil sa maraming dahilan. Noong kami ay bata pa, walang salitang “praning.”

Sa araw na ito,  ang habilin sa atin ni Kristong muling nabuhay ay ito … hindi dapat tayo ma-praning … walang lugar ang pagkabalisa o pag-aagam-agam sa puso ng isang nagmamahal, at tumutupad sa mga salita niya.

Praning na praning kamakailan ang mga taga South Korea dahil sa pagbabanta ng mga taga Nokor. Praning rin ang mga kandidatong hindi nangunguna sa mga survey. Balisa rin ang taong hindi tiyak na may nagmamahal sa kanya, kung hindi siya siguradong pinahahalagahan ninuman.

Ito ang paraan ayon sa Panginoon para mapawi ang pagkabalisa … ang magmahal at tumupad sa kanyang mga salita. Di ba’t malinaw na kapag tayo ay nagkasala ay wala tayong kapayapaan sa kalooban? Di ba’t kapag tayo ay sumuway sa magulang o sa nakatatanda ay hindi rin tayo panatag? Walang kapanatagan ang taong walang pananagutan, walang responsabilidad, at walang anumang pinagmamalasakitan.

Tatlong mahahalagang paalala ang hatid ng Panginoon sa atin: pag-ibig, pagtupad at patnubay.

Hangga’t wala tayong minamahal at pinagmamalasakitan, wala rin tayong kapanatagan. Hindi nagdudulot ng kasiyahan ang taong pasaway at pakawala. Masaya ang mag-inom, pero pag nalasing ay sakit ng ulo at katawan ang dulot kinabukasan. Hindi ito nagbubunga ng tunay na kapanatagan at kaligayahan. Hagga’t wala tayong minamahal at inaalagaan, wala tayong tunay na kagalakan ng puso.

Pero, hindi lamang isang damdamin ang pag-ibig. Kasama nito ang pagtupad. Ang pag-ibig sa Diyos ay hindi lamang kapag Pasko o fiesta, o kung kailan maganda ang panahon. Ang tumutupad ng kanyang salita ang siyang tunay na may pag-ibig. Hindi ito nakukuha sa pangako o sa mga magandang pananalita at talumpati bago mag-eleksyon, kundi sa tunay na pagtupad sa pangako.

Salamat na lamang at may patunay rin ang pangako ng Diyos. Nagsugo siya ng Patnubay, ang Espiritu Santo, na magtuturo sa atin ng lahat at maggagabay sa atin.

Sa ngayon, napa-praning pa rin ako sa maraming bagay … sa trapiko, sa daming problema sa lipunan, sa iba-ibang pagsubok sa buhay. Maraming problema ay walang solusyon. Maraming dapat tanggapin na lamang at tiisin, sapagka’t wala tayong angking kapangyarihang pagbaguhin nang iglap ang maraming bagay.

Nguni’t sa araw na ito, sapat nang mabatid natin na may pangakong hindi napapako sa kawalan ang Panginoon – kapayapaan! Ito ang kapayapaang hindi kayang ipagkaloob ng mundo, ng mga tao. Ito ang kapayapaang galing sa kabatirang tayo ay nagmamahal at may pananagutan sa ating minamahal – tumutupad sa turo ng Panginoon.

“Huwag kayong mabalisa. Huwag kayong matakot.” Kasama natin ang Diyos. Kaakbay natin ang Espiritu Santo. Hindi tayo dapat ma-praning kailanman. May kinabukasan ang mga sumasampalataya sa kanya!