frchito

Posts Tagged ‘Kababaang Loob’

HAMAK O PAYAK, SUBALI’T PINAGPALA

In Karaniwang Panahon, Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Isaias, Taon K on Pebrero 6, 2016 at 06:01

Konrad_Witz_–_Petri_fiskafänge

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-5 Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K

Pebrero 7, 2016

HAMAK NGA O PAYAK, SUBALI’T PINAGPALA

Isa sa mga katangian ni Isaias ay ang pagiging tapat. Walang ere, ika nga. Walang matayog na ambisyon para sa sarili. Tinanggap niya ang katotohanan tungkol sa sarili. At ang katotohanang ito ay tinanggap niya tulad nang pagtanggap niya sa katotohanan tungkol sa Diyos: matayog, banal, at walang katulad o kapantay sa lupa: “Banal, banal, banal ang Panginoong Diyos ng mga hukbo. Ang kanyang kaningningan ay laganap sa sanlibutan.”

Kung paanong ipinagbunyi niya ang Diyos, ganoon din naman na ipinahayag niya ang kanyang pagiging hamak: “Kawawa ako. Marumi ang aking labi at naninirahan sa piling ng mga taong marurumi rin ang labi.”

Hindi rin nalalayo ang makatotohanang pagkilala ni San Pablo sa kanyang sarili: “Sapagkat ako ang pinakahamak sa mga apostol, ako’y di karapat-dapat tawaging apostol, sapagkat inusig ko ang simbahan ng Diyos.”

Kung tutuusin, ito ang kwento ng bawa’t buhay natin … Tulad ng nakararaming mga Pilipino, tayo ay mga simpleng tao, payak ang pinagmulan, at isinilang nang walang kutsarang pilak sa bibig. Kakaunti sa atin ang may lahing hacendero, ika nga. At kung ihahambing sa Diyos, ay sadyang wala tayong anumang puedeng ipagyabang, liban sa ating mga kasalanan.

Subali’t ang salaysay ng buhay ni Isaias at ni Pablo, bilang propeta at apostol ay siya ring dapat maging takbo ng buhay natin. Tulad nila, hamak man o makasalanan; payak man o walang sinasabi sa buhay, tayo ay pinagkalooban ng biyaya ng Diyos … hinirang at tinawag upang gumanap sa isang tungkuling hindi karapat-dapat para kaninuman.

Ganito magmahal at humirang ang Diyos. Ganito siya magbigay-buhay at magtaguyod ng buhay. Wala siyang itinatangi. Hindi siya nadadala ng kung anumang makataong pamantayan liban sa pag-ibig na walang hangganan. Tinawag niya si Isaias. Hinirang niya si Pablo, na dating taga-usig ng simbahan.

At … higit sa lahat, ay hinirang niya ako at ikaw… walang sinasabi sa buhay … walang anumang hibla ng pagiging dapat at kaaya-aya .. walang kaya, walang pangalan, walang anumang posisyong pinanghahawakan.

Iisa lamang ang utos niya ngayon sa atin: “Pumalaot kayo at ihulog ang lambat upang manghuli.”

Wala siyang sinabing tumaas. Wala siyang binanggit tungkol sa pagkakamal ng salapi o pag-angat sa antas ng lipunan. Ang kanya lamang tagubilin ay ang pumalaot at ihulog ang mga lambat.

Hindi nagbago ang kanyang pangaral. Inaasahan niya pa rin ang mga taong tapat … mga taong tumatanggap sa katotohanan … mga taong tanggap rin ang kung sino o ano sila … mga hamak at payak, subali’t pinagpala!

Advertisement

MATUWID, MARAPAT, TAPAT

In Uncategorized on Setyembre 19, 2015 at 10:50

5bd426449bf1642cd95938da8bcb9117

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-25 Linggo ng Taon_B

Setyembre 20, 2015

MATUWID, MARAPAT, TAPAT

Angkop na angkop ang sinasaad ngayon ng mga pagbasa. May mga taong matuwid. May taong hindi marapat. At may mga taong tapat.

Ang unang klase ay laging inuusig, tulad ng sinasabi ng unang pagbasa. Tinatambangan sila ng mga tampalasan; sinusubukan at inilalagay sa bingit ng lahat ng uri ng kamalasan.

Nguni’t sila, ayon sa aklat ng Karunungan, ay laging tinutulungan ng Diyos at inililigtas sa kaaway.

Ang ikalawang uri, ayon sa sulat ni Santiago, ay ang mga hindi marapat. Sila ang mga laging pinaghaharian ng inggit, may mga makasariling hangarin tuwina, at pinamumugaran ang isipan ng lahat ng uri ng kaguluhan at masamang gawa.

Pero mayroong ikatlong uri – ang mga ambisyoso at ambisyosa, na kahit walang kaya at hindi marapat, ay ang tingin sa sarili ay likas na karapat-dapat.

Ito ang malaking pinagtalunan ng mga disipulo … Sino raw sa kanila ang pinakadakila?

Kamakailan ay umatend ako ng isang mahalagang pagtitipon. Maraming malalaking tao, mararangal na tao diumano, at mga taong laman ng mga balita ng dyaryo at pinag-uusapan sa mga social media. Sa kintab pa lamang ng sapatos at kinang ng buhok guhit ng piston ng kanilang kasuutan (amerikana), ay talagang masasabi mong tila sila matuwid, tila marapat, at mistulang tapat.

Ang pinaka malaking bisita ay nagtalumpati pa … Bago siya nagsalita ang pakilala sa kanya ay siya raw ang larawan ng integridad … larawan ng katapatan, kabutihang-asal at kakayanan sa larangan ng paglilingkod.

Alumpihit ako sa aking kinauupuan. Bagama’t walang patunay at anumang malinaw na kaso, alam ng marami na ang taong ito ay hindi likas na larawan ng integridad, yamang laman siya ng maraming blog, maraming social media pages at posts, at alam naman ng buong mundo na walang politikong umaamen kailanman sa anumang katiwalian.

Mabuti pa ang mga nagtatalong mga disipulo. Hindi sila kumibo nang tanungin ng Panginoon kung ano ang pinagtatalunan. Mayroon pa silang delikadesa, ika nga. Pero kahit na may delikadesa, palpak at mali pa rin na ang pinagtalunan ay may kinalaman sa kung sino ang mas dakila at higit sa lahat.

Ang tao nga naman … tulad ko, tulad mo, tulad nating lahat … di na nga matuwid ay nag-aakala pang marapat, at nagpipilit makilalang karapat-dapat at tapat.

Kaya nakabibigla ang ginawa ni Kristong Panginoon. Sino ba ang dakila a ver? Digame … quien es el mejor?

Tinawag ang isang bata at pinaupo. Ito ang kadakilaan … ang tumulad sa isang bata, ang kumilos na parang batang walang pagkukunwari, walang pag-aasam nang hindi naman kaya o nararapat, at ang tumulad sa kanyang ang pakay lamang ay sumunod sa kagustuhan ng mga nakatataas sa kanya.

Dagok ito sa akin … Dagok ito sa ating lahat na mga feelingerong ang akala ay sila ay dakila.

Sino ang dakila? Alam na this … walang iba kundi ang handang magpakumbaba at maglingkod, hindi ang mga magagara ang suot at makikinang na sapatos, na tuwing SONA ay parang mga burikak sa palengkeng umaaskad at umaastang parang sila ang pinakamagandang nangyari sa bayan o sa buong mundo.

Tumigil nga tayo! Magbulay-bulay rin pag may time.

Di tayo isinilang na matuwid. Di tayo marapat sa mula’t mula pa liban sa kinasihan tayo ng biyaya mula sa itaas. Hindi tayo nararapat. At ang tanging karapat-dapat ay ang taong nabubuhay nang tapat sa Diyos, sa kanyang kalooban, sa kanyang kauutusan.

Tayo na at tumalima. Tayo na at tumulad sa isang simpleng bata.