frchito

Archive for Hunyo, 2014|Monthly archive page

KAYA NATIN ITO, KAPATID!

In Taon A, LIngguhang Pagninilay, San Pedro on Hunyo 26, 2014 at 21:39

stpeterstpaul-builtchurch-640

Kapistahan nina San Pedro at San Pablo (A)
Hunyo 29, 2014

KAYA NATIN ITO, KAPATID!

Lahat tayo ay may karanasan sa pagiging pikon. May nakalaro marahil tayo noong bata pa tayo na pikon. Siguro, kasama tayo sa mga pikon, na kapag medyo natatalo ay sumusuko, bumibigay, o umaayaw sa laro. Pero meron din tayong nakilalang mga taong hindi agad sumusuko, bagkus nagpupunyagi, nagsisikap, kahit gaano kahirap.

Pista ngayon ng dalawang dakilang santo na parehong mapusok. Si Pablo ay isang datihang tagapag-usig ng mga kristiyano. Si Pedro ay naging isang tagapagtatwa sa Panginoon. Itinanggi niya na kilala niya ang Panginoon nang tanungin siya ng isang babaeng utusan.

Kung tutuusin, lahat tayo ay naging pikon, naging mapusok, naging duwag, at higit sa lahat, tumakas rin tayo sa pananagutan. Tingnan lang natin ang nagaganap sa ating lipunan … wala pang umamin sa mga nagnakaw ng 10 bilyong piso. Wala ni isa man sa mga kagalang-galang na senador at kongresman ang nagsabing siya ay kasama sa mga nangupit ng pera ng bayan. Lahat ay umurong. Lahat ay nagtatwa. Lahat ay tumanggi. Ni isa ay walang umaamin.

Hindi masama ang maging duwag. Ako man ay umurong nang maraming beses sa malaking problema. Pati sina Pedro at Pablo ay natigilan. Pati sila ay pinanghinaan ng tuhod. Si Pedro mismo ay nagsinungaling pa.

Nguni’t may pag-asa para sa ating mga duwag at mga salawahan. May pag-asa sa ating lahat na makasalanan. At ito ang malinaw pa sa tanghaling tapat na katotohanang lumilitaw sa kapistahan natin ngayon.

Ito ang magandang balita na nagsusumigaw sa ating puso ngayon. At ito rin ang katotohanang nagpapalakas sa ating puso. Ito ang lakas ng biyayang hatid ng mga banal na si San Pedro at San Pablo.

May pag-asa pa tayong lahat kapatid. Kung nakaya ito nina San Pedro at San Pablo, kaya rin natin ito. Kayang-kaya, kapatid!

Advertisements

DITO NA TAYO SA TUNAY, KAIBIGAN!

In Catholic Homily, LIngguhang Pagninilay, Taon A on Hunyo 20, 2014 at 20:05

Bread-loaves-grain

KABANAL-BANALANG KATAWAN AT DUGO NG PANGINOON (A)
Hunyo 22, 2014

Maraming peke at palso sa ating buhay at kapaligiran. May pekeng tanso, pekeng diamante, pekeng ginto, at pekeng mga kongresista at senador. Sa ibang lugar, mayroon ring mga pekeng gatas, hindi tunay na karne, at palsong mga de lata, na kung minsan ang laman ay bulok nang isda na ginawang “sariwang sardinas.”

Sa mundong ito na nababalot ng iba-ibang uri ng kaplastikan, mahirap ang kumilala at kumilatis ng tunay. Mahirap mamili king sino ang iboboto na hindi tunay at tapat lamang sa araw ng eleksyon, at kapag nahalal na, ay wala nang kilala kundi ang mga katulad ni Napoles.

Mahirap magtiwala sa peke. Mahirap maniwala sa hindi tapat at sinungaling. Sa ibang lugar, mayroon ring mga pekeng pari na walang ginawa kundi magwisik ng banal na tubig at humingi ng bayad. May mga pekeng mga tauhan ng gobyerno na walang kundi ang mag-abot ng sobre sa araw ng pasko, at matapos ang pasko ay hindi mo na makikita.

Pero ang tunay na trahedya ay hindi ang katotohanang maraming peke, kundi ang katotohanang maraming naloloko ng peke at palso.

Tunay, at hindi peke ang turo sa atin ng Panginoon sa araw na ito: tunay na pagkain, at tunay na inumin. Walang peke sa turong ito. Walang panlilinlang. Walang panloloko. Panay kapakanan natin ang pakay, hindi pansariling kapakanan.

Pero bago tayo managana sa tunay na pangaral na ito at tunay ring kaloob, kailangan natin gumawa ng masusing pag-aala-ala. Kailangan natin gunitain ang mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos para sa ating kaligtasan. Kailangan nating ikonekta at idugtong ito sa lubha pang kahanga-hangang pagkakaloob ng sarili niyang katawan at dugo ng Panginoon, sa kalbaryo at sa huling hapunan, at sa bawa’t pagkakataong tayo ay dumadalo sa Banal na Misa.

Walang peke sa Eukaristiya. Walang palso sa kaloob ng Diyos sa atin, at sa kaloob ng kanyang bugtong na Anak. Walang palso sa kanyang pangako: “Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya.”

Wala ring peke sa kanyang paghihirap, pagkamatay, at muling pagkabuhay!

Siya ay Diyos na totoo at tao ring totoo. Siya ay Anak ng Diyos, at Siya ay Panginoon at tagapagligtas.

Araw ngayon ng totoo. Totoong pagkain, totoong dugo at inumin. Sa mundong ito na nababalot ng lahat ng uri ng kaplastikan, mayroong isang hindi man lamang nadungisan ng kasinungalingan at kaplastikan. Hindi biro ang buhay na walang hanggan. Hindi rin ito pangakong nakasulat sa tubig. Ito ay pinatunayan niya sa kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay.

Ang Eukaristiya ay nunok ng katotohanan. Walang iba ang nangako nang ganito. Walang iba ang nangaral nang tulad nito. At ang pangaral na ito ay siyang hanap nating lahat – buhay na walang hanggan … kapiling ng Diyos at Ama, sa langit na tunay nating bayan!

Saan ka pa kaibigan? Sa peke o sa tunay? Tayo na at tumanggap ng kanyang Katawan at Dugo sa komunyon.