frchito

Archive for Agosto, 2009|Monthly archive page

KARUNUNGAN, KATARUNGAN, KATALINUHAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Agosto 26, 2009 at 12:30

bible

Ika-22 Linggo ng Taon (B)
Agosto 30, 2009

Mga Pagbasa: Dt 4:1-2, 6-8 / Santiago 1:17-18, 21b-22, 27 / Mk 7:1-8, 14-15, 21-23

Marami ang mabait na tao sa mundo. Kay daming mababait na politico sa bayan natin, mababait na mga pinuno ng bayan. Sa kanilang kabaitan, namumudmod ng pera, tulad ni Robin Hood, namimigay ng kung ano-anong pabuya, tulad ng mga mayor na namimigay ng cake sa pagsapit ng kaarawan ng mga senior citizen ng bayan.

Marami rin ang marurunong sa lipunan natin. Magagaling, mahuhusay, maraming pinag-aralan. Kay dunong nila kung kaya’t lahat yata ng problema ay meron silang solusyon, tulad ng mga nag-aasam maging presidente na pawang may taglay na solusyon kahit na hindi pa man nagaganap ang eleksyon.

Marami ang masisipag sa bayan natin. Marami ang dedikado sa trabaho, na nagbubuhos ng kanilang oras sa anumang pinagkakaabalahan. Ang dami ng mga patakbo-takbo, pahingal-hingal, paparuon at paparito, na wari’y laging naghahabol ng hininga.

Kung ang pag-uusapan ay dunong, kabaitan, kasipagan, marami ang nararapat maging pinuno ng bayan; marami ang dapat ay may tangang kapangyarihan sa lipunan.

Nguni’t tingnan natin sumandali ang mga pagbasa sa araw na ito …

Sa unang pagbasa, malinaw ang koneksyon ng dalawang bagay – karunungan at pakikinig. Hindi mahalaga ang dunong kung walang kakayahang makinig at tumalima sa batas ng Panginoon. At ang pakikinig ay nagbubunga ng paggawa ng makatarungan … karunungan na kaakibat ng katarungan.

Ang tugon matapos ng unang pagbasa ay isang pagdidiin sa parehong katotohanan: “Ang gumagawa ng katarungan ay mamumuhay sa harapan ng Panginoon.”

Hindi rin nalalayo ang sinasaad sa ikalawang pagbasa. Paggawa, hindi lamang pag-ngawa ang inaasahan sa atin. Pagtupad, hindi lamang masusing paghahangad, ang siyang dapat pag-ukulan ng pansin ng lahat. Ang katarungang hinihingi ni Santiago ay may kinalaman sa pagmamalasakit sa mga ulila, mga biyuda, at mga mahihina.

Ito ang matinding problema ng mga Pariseo at mga eskriba. Alam nila ang batas. Alam nila ang tama. Alam nila kung ano ang sinasaad ng kautusan. Alam nila ang batas at ang butas nito upang makalusot sa maraming bagay.

Mahalaga na maunawaan natin ang tinutumbok ng mga pagbasa. Karunungan, hindi katalinuhan … kabutihan, hindi kabaitan. At ang kabutihang ito ay makikita sa paggawa ng katarungan, hindi sa pag-ngawa kapag malapit na ang eleksyon, hindi sa paninira ng kalaban, kundi sa pagtupad sa tawag ng kabutihan.

Maraming mababait, matatalino, at masisipag sa lipunan. Pati mga Pariseo at eskriba ay maalam at matatalino. Maraming naghahangad na maging pinuno ng bayan ang mababait, tulad ng isang lasenggero at sugarol na namumudmod ng salapi sa mahihirap. Mabait, nguni’t hindi mabuti.

Ang kabaitan ay isang birtud. Malinaw ito. Nguni’t sa hanay ng mga birtud, ay mayroong higit na mahalaga kaysa sa iba. Ang kabaitan ay puedeng hatid ng makasariling mga layunin, na malimit ay lingid rin sa kaalaman ng isang tao. Ito ang motivacion, ang siyang nagtutulak sa isang tao upang maging mabait, masunurin, o magalang. Ang puno at dulo ng kautusan ay hindi ang gawin tayong mabait, kundi mabuti … tulad ng Diyos, na modelo at simulain ng lahat ng kabutihan. Ang kabaitan ay puedeng magmula sa isang makasariling layunin, upang makakuha ng papuri ng madla. Ang kabutihan ay nagmumula sa dalisay na kagustuhang matulad sa Diyos, hindi upang palakpakan ng balana.

Malapit na naman ang halalan. Kay daming maaalam at matatalino ang nangagsisipaglabasan. Biglang dumami ang napakagaling sa pagtutuos kung ilang classroom ang magagawa sa halaga ng dinner na mamahalin ng mga nagsipuntahan sa New York! Biglang nagdamihan ang mga ekonomista, na biglang nakakita ng solusyon sa mga problema ng bansa. Biglang dumami ang nagmamalasakit sa mahihirap, na kahit hindi marunong pumadyak ay walang ginawa kundi pumadyak sa TV at sa harapan ng camera. Mababait silang lahat. Tulad ng mabait na syang tawag ng mga Tagalog sa mapanirang daga.

Malaki ang pananagutan natin lahat. Tayong lahat ay nag-asal Pariseo sa buhay natin … tulad ng eskribang kay husay magsulat at magsalita. Sa buong Asia, Pinoy ang silang kilala sa mga talumpati, sa mga debate, at sa pag-ngawa. Kasama ako rito, at kayong lahat na nagbabasa nito.

Sa araw na ito, malinaw ang panawagan. Malinaw ang magandang balita. Hindi katalinuhan o kaalaman, bagkus karunungan. Hindi kabaitan, kundi kabutihan. Tulad ng Diyos, na Siyang bukal ng dilang kabutihan at kabanalan!

Mangilao, Guam
Agosto 26, 2009
2:25 PM

SA GANANG AKIN, TANANG PUSO AT KALOOBAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon B on Agosto 19, 2009 at 18:41

Ika-21 Linggo ng Taon (B)
Agosto 23, 2009

Mga Pagbasa: Josue 24:1-2a, 15-17, 18b / Efeso 5:21-32 / Juan 6:60-69

Pagpili at pagpapasya ang tinutumbok ng unang pagbasa natin ngayon. “Mamili kayo,” ani Josue, sa kanyang mga kababayan! “Magpasya kayo,” sabi pa niya, sa mga taong tila mga salawahan, mga taong walang isang salita; mga taong namamangka sa dalawang ilog, ika nga; mga nilalang na sala sa init, sala sa lamig; mga balimbing, na isang katagang naging palasak noong panahon matapos ang diktadorya ni Marcos.

Mahirap gawin ang magpakatotoo, ang magpakatatag sa isang adhikain, iisang layunin, at iisang mithiin. Madali ang magpadala sa agos, ang magpa-anod sa baha, ang magpaihip sa direksyon kung saan humahampas ang hangin. Mahirap ang manindigan, ang maituring na kakaiba, ang mabansagang salungat sa takbo ng lipunan, ang magpamalas ng katatagan sa ngalan ng wasto at tama.

Madali ang magpadala sa takbo ng kultura, sa isang kalalagayang ang puno at dulo ay ang katotohanang ginawang popular ni Lozada sa katagang “kalakaran.” Mahirap ang maging kakaiba, ang maging salungat, ang maging “KJ” o “kill joy” – na isang salitang hindi na natin naririnig sa panahon natin. Mahirap ang maging contrapelo, maging kontrabida, at hindi sumasayaw sa tugtugin ng nakararami.

Mahirap magpaka tapat, lalu na’t ang kalakaran ay ang kabuktutan sa lahat ng antas ng lipunan. Ang kabuktutan, bagama’t halos lahat ay ibinibintang sa mga nakatira sa tabing ilog Pasig sa Maynila, ay takbo ng lipunan mula sa kataas-taasan hanggang kababa-babaan ng sambayanang Pinoy. Ang lahat ay sumisigaw laban sa katakawan; ang lahat ay nagsisipag-takinan at tahulan laban sa katiwalian ng mga nasa taas, subali’t sa malalim na pagkilatis natin, maging ang mga palahaw ang sigaw sa kadayaan ay sila ring nananagana sa ilalim ng rehimeng nawala na ni bahid ng kahihiyan sa kanilang ginagawa – sa ngalan ng paglilingkod (daw) sa bayan.

Nandiyan ang mga naglilingkod na hindi na halos napalitan magmula noong 1986! Ginawang OIC, noon, “oh, I see,” mayor pa rin ngayon. Kung hindi sila, ang kanilang asawa, anak, pamangkin, at mga inangking mga alipores. Kalakaran ito ng diwa ng kalayaan!

Nandiyan ang mga sundalong maaga nga mag-retiro, nguni’t walang pagreretiro. At bakit? Eh, kung titingnan natin, ilan sa mga nagretiro daw, ang patuloy na namamayagpag sa paglilingkod publiko? Kalakaran ito ng diwa ng demokrasya! Bunga ito ng kanilang matibay at masugid na pagmamalasakit sa bayan!

Nandiyan din ang mga nagpapakilala bilang masugid na tagapagtanggol ng karapatang pantao, mga bihasa sa pagtatalumpati sa lansangan, mga sanay at hasang-hasa sa paghahanap ng mali sa sinumang anumang gawin ay laging may kamalian. Sila ang mga kampeon ng mga maralita at hikahos ng lipunan. Bilangin ninyo ang SONA na binitawan ng lahat ng mga nagdaang mga pangulo … wala sila ni isa man ang sinang-ayunan. Lahat ay palpak. Lahat ay mali. Lahat ay walang tama, at ni isang hibla ng pagpapahalaga ay nakita sa kanilang mga mapanglait at walang pakundangang pagpula. Kalakaran ito ng takbo ng sistema political na nababatay sa paninira, panggugulo, at walang sawang panunuligsa! Bilangin ninyo kung may nagustuhan silang presidente sa kasaysayan natin … wala … pati ang hinahangaan ng lahat na si Tita Cory, na noong siya ay namumuno ay walang awang tinuligsa, at pitong beses pinagtangkaang agawin ang kanyang mababang-loob na paglilingkod sa bayan.

Laksa-laksang salapi ng bayan ang nalustay at patuloy na nalulustay sa ngalan ng paglilingkod sa bayan … noon, ngayon, at marahil ay pati bukas. Sa gitna ng patuloy at walang ampat na paghirap ng bayan, patuloy na pagyaman ang mga tampalasang walang inisip liban sa pagpapalawig ng kanilang panunungkulan.

Kalakaran din ito … nakasanayan na … nakagawian na … nalintikan na!

Sa unang pagbasa, alam natin kung ano ang nakasanayan ng mga Israelita … walang patid na pag-angal kay Moises … sapagka’t sila ay inilabas sa Egipto … ang kinagawiang pagsamba sa mga diyus-diyosan … ang patuloy na pagsuway sa utos ng Diyos sa kanila.

Kalakaran noon ang sumamba sa mga diyus-diyosan ng kanilang mga kapitbayang walang pagkilala sa Diyos na nagpakilala sa pamamagitan ni Moises.

Nguni’t ito ang magandang balita na tumatagos sa ating guni-guni … ang paninindigan ni Josue … ang pagpapasya niya na manatili sa takbo, hindi ng kalakarang naturan, bagkus ng patakaran ng konsiyensya – ang mangako na walang pag-aatubiling pagsunod o pagtalima sa kalooban ng Diyos. “Sa ganang akin, tanang puso, tanang kalooban ay para sa Diyos!”

Ito marahil ang isa sa maraming dahilan kung bakit nagliyab muli ang diwa ng EDSA sa pagpanaw ni Tita Cory. Isa siyang bantayog ng katatagan, ng katuwiran, sa gitna ng lahat ng uri ng kabulukan at kabuktutan. Sa gitna ng yamang angkin niya magmula sa pagkabata, kapayakan ng pamumuhay ang kanyang pinanindigan. Sa kabila ng kapangyarihang kanyang tangan noong siya ay presidente, ang malinaw na halimbawa na ipinakita niya ay ang banal na pagkatakot sa Diyos. Sa gitna ng pitong tinamaan ng magaling na mga kudeta, nakita natin siyang nagdarasal ng rosaryo kasama ang kanyang miembro ng kabinete! Kapangyarihan ng pananampalataya laban sa kapangyarihan ng Tora-Tora at helicopter gunships noong 1989.

Matindi ang laban natin magpahangga ngayon. Matindi ang kalaban … at alam natin lahat na ang kalaban ay ang kalakaran ng kasalanan na malalim ang pagkaka-ugat sa istruktura ng lipunan, mula sa taas, hanggang sa pinakamababa at pinakamalayong barangay o sitio sa buong bansa. Kailangan natin ng tunay ay wagas na moral revolution … nakalulungkot nga lamang na ang nagsimulang gumamit nito ay nanagana at nagpakasasa ng maraming taon sa kalakarang nabanggit, sa kalakarang hindi pinayagan ni Tita Cory na maging bahid sa kanyang paglilingkod.

Si Josue ay isang propetang dinarakila ng liturhiya sa araw na ito. Si Josue ay modelo para sa atin. Siya ay isang bantayog na atin dapat tingalain. At ang kanyang paninindigan ay walang iba kundi ang kanyang ipinagmakaingay: “Sa ganang akin, tanang puso, tanang buhay ay laan sa Diyos … nakalaan sa Diyos lamang, at hindi sa kalakaran ng lipunang nasadlak sa kasalanan!

Chalan Pago, Guam 96910
Agosto 19, 2009

Joshua