frchito

Archive for Oktubre, 2016|Monthly archive page

PANDAK, PERO MATAYOG SA MATA NG DIYOS

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Taon K, Uncategorized on Oktubre 27, 2016 at 09:37

Ika-31 Linggo ng Taon K

Oktubre 30, 2016

ASCENDE SUPERIUS!

Takot ako umakyat sa matatayog na lugar. Takot ako dumungaw sa matataas na gusali. Minsan din akong nahulog sa puno noong bata pa, habang nag-aastang Batman na siyang pinapanuod namin sa TV noong araw. Pero may pagkakataong wala kang mahihita kung di ka magsikap manguyabit sa puno. Kung hindi umakyat ay maghihintay ka na lamang sa nahuhulog na prutas na kinain na ang kalahati ng uod o ng ibon.

May pagkakataon namang kelangan mong umakyat kung gusto mong umangat; kung gusto mong makasilay sa taong hinahangaan, o kung mayroon kang pinapanagimpan at pinagsisikapan. Pandak si Saqueo, tulad ko. Pero hanga ako sa kanya, hindi sapagka’t siya’y tulad kong maliit, kundi sapagka’t siya ay maparaan, at may pinapanagimpan. Nang mabalitaan niyang daraan ang pinag-uusapan ng marami sa Jerico, nagmadali siya … nagtatakbo, at humanap ng balcony – ng puno upang maakyat – kung saan hindi mahaharangan ang kanyang mga mata ng mga taong mas matatangkad kaysa sa kanya.

Sa dinami-dami ng taong dumating sa Jerico, hindi lamang siya ang publikano. Hindi lamang siya ang swapang at ganid, at lalung hindi lamang siya ang nag-aasam ng malaking kita o tubo. Pero iba ang mag-nasa at mag-asam, at iba rin ang maghanap at magpadala sa isang matayog na panagimpan o marangal na pangarap. Tayo man ay mapagnasa at mapaghanap. Naghahanap tayo ng luho, ng yaman, at ng madali ang mariwasang pamumuhay.

Lahat ng nagpunta sa Jerico at ang hanap ay ang Guro – si Kristong daraan ay nagkakaisa sa bagay na ito … Lahat tayo ay may gustong marating. Lahat tayo ay may nais makamit … karangalan man o materyal na bagay … walang sinuman ang makapagsasabing wala siya ni isang hibla ng makamundong pagnanasa. Kagagaling ko lamang noong nakaraang dalawang linggo sa isang bundok – ang isa sa mahigit na 14 na bundok na akin nang naakyat. Takot ako sa matataas na lugar, pero hindi ako takot mangarap umangat, tumaas, at makipag tipan sa mga alapaap sa langit.

Tulad ako ni Saqueo na bagama’t pandak ay may malalim na pagnanais na malampasan ang mga kahinaan at karupukang maaaring magtali sa akin sa ibaba. Kung sa Tondo man daw ay may langit din, ang mga pandak man ay may pangarap marating na matatayog na hangarin. Galing sa akin ang motto ng dalawang kolehiyo sa ating bansa: Ad maiora natus, at Ascende Superius. Ang ibig sabihin ng una ay ito: Isinilang Tayo Para sa Mas Matatayog na Bagay, at ang ikalawa naman ay ito: Umakyat ka Pa ng Kaunti sa Itaas.

Nais kong isipin na si Saqueo ay larawan ng bawa’t isa sa atin. Mababa ang uri … makasalanan … makasarili … sakim at mapagkamkam. Ngunit ang lahat ng santo ay may nakalipas at lahat ng makasalanan ay may hinaharap. Hinarap ni Saqueo ang totoo sa kanyang sarili … bukod sa pandak ay tinanggap niyang kelangan niya ng kaligtasan, ng kagalingan, ng tulong mula sa itaas. Kubrador man ng jueteng ay may pagkakataong magbago. Pandak man at mahirap ay may angking kakayahan at karapatang magnasang umangat, magnais umakyat sa antas ng kabutihan at kagandahang asal.

Kwento ko ito noong katatapos lamang na Philippine Conference on New Evangelization … Noong ako ay bata pang brother, may nakita akong maliit na puno ng mangga sa tabing daan. Ibinuhol ko ang puno at iniwan at inasahan kong mamatay. Ngunit noong ako ay naging pari maraming taon ang lumipas, ay nakita kong malaki na ang puno, matibay, matatag. Hinanap ko ang buhol. Naruon pa rin ang buhol. Matigas. Makapal ang balat. Matipuno at matatag. Lumakas siya kung saan siya nasugatan. Tumatag siya kung saan siya nakaranas ng pagdurusa. Sapagka’t isa siyang punong may panagimpan, may pagnanasa, may takdang kagustuhang marating at makamit.

Si Saqueo ay taong marupok. Tulad nating lahat madali rin siyang matepok. Pero may matayog na pangarap … may malalim na paghahanap. Hinanap niya si Jesus ang Daan, katotohanan, at buhay. Lingid sa kanyang kaalaman, ang Diyos mismo ang naghahanap sa kanya … sa atin, sa bawa’t isa sa ating makasalanan.

Natagpuan siya ng Diyos ng awa at habag: “Zaqueo, bumaba ka agad, sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa bahay mo.” Hinahanap tayo ng Diyos … tayong lahat. Mahal niya tayo at pinagmamalasakitan. Pero mayroon tayong dapat gawin, tulad ni Zaqueo.

Kailangan nating manguyabit sa puno at umakyat. Kailangan nating maghanap ng kaunti, at magpakita ng isang matayog na hangaring gumawa ng tama at karapat-dapat. Nasa ating mga kamay at paa ang kasagutan … Hala … ano pa ang hinihintay natin? Akyat na! Ascende Superius! Sapagkat AD MAIORA NATUS!

Advertisements

PAGYAYABANG, HINDI PANANABANG!

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Karaniwang Panahon on Oktubre 21, 2016 at 14:51

Ika-30 Linggo ng Taon (K) Oktubre 23, 2016

PAGYAYABANG, HINDI PANANABANG!

Madulas ang dila ng mga taong nakatikim ng kaunting kapangyarihan … Mabilis ang kanilang salita … matulin pa sa kanilang kamay at paa kapag ang mga taong ito ay lubhang bilib sa sarili. Ito ang tila pahiwatig ng talinghaga ng Panginoon sa araw na ito, tungkol sa isang pariseong mapag-imbot, mapagyabang, at mapagmataas. “Salamat, O Diyos, at hindi ako katulad ng ibang tao” – ito ang panalangin niyang punong-puno ng katiyakan at kapalaluan.

Kayabangang wala sa lugar… ito ang matinding pagkakamali ng Pariseo. Ito ang kayabangan ng marami sa ating lipunan na nakatikim ng kaunting yaman o posisyon sa lipunan, na sapagka’t sila ay naturingang senador o barangay captain, ay tila nahaluan na ng toyo ang utak at kung magsalita ay parang siguradong-sigurado sila sa kanilang sinasabi.

Habag at pagka-awa ang dulot sa atin ng pariseong nakatikim ng kadakilaang hungkag. Sa kanyang palsong pasasalamat, kinutya pa niya nang pasaring ang isang kobrador ng buwis, na sa kanyang kahihiyan ay hindi nakuhang lumapit sa dambana, at iangat man lamang ang kaniyang mata sa Diyos. Subali’t kung gaano kayabang ang Pariseo ay ganoon naman kababa ang loob ng isang taong may kabatiran sa kanyang pagkakamali.

Noong isang Linggo, binanggit ko kung paano tunay na paghamon sa lipunang Pinoy ngayon ang manatiling mapagtiwala sa isa’t isa. Nanghihinawa ang bayang Pilipino sa patuloy na pagtitiwala sa pamahalaan. Tulad ni Moises, na napagod sa katataas ng kaniyang kamay, lubhang kinakailangan natin ang magtulungan upang ang buong sambayanang Pilipino ay patuloy na magtiwala at umasa sa kakayahan ng Diyos na pagpanibaguhin pa ang ating tiwaling lipunan. Tulad ni Moises, umaasa tayo sa bayang sumasampalataya na magkaroon pa ng pagpupunyagi upang ibangon muli ang lipunang nasadlak sa lahat ng uri ng kasalanan at katiwalian. Pananabang ang laman ng damdamin ng marami sa ating panahon sa gitna ng napakaraming pagsubok.

Muling sinindak ang ating bayan ng isang malaking pagsabog sa Glorietta 2 ilang taon na ang nakalilipas. Matapos mangyari ito, bawa’t grupo at indibidwal na may kani-kaniyang agenda ay nangagsipagdakdakan agad. Madudulas ang dila ng mga taong nakatuntong sa kapirasong alpombra ng katanyagan, tulad ng isang senador na nakakulong. Madulas din ang dila ng mga pulutong na may nagkukubling pagnanasa na lalung magkagulo ang lipunan, upang maisulong ang kani-kanilang mga maiitim na balak. Hindi pa man natutuyo ang dugo ng mga taong sinawing-palad na mamatay sa pagsabog, ay ginamit na ng mga tampalasang sanga-sanga ang dila ang pangyayari upang siraan ang gusto nilang siraan. Hindi pa nga naililibing ang mga nasawi ay pinagpiyestahan na ng mga maruruming politiko ang pangyayari upang magtapunan ng bintang at paratang na wala pang sapat na batayan.

May pag-asa pa kayang manatiling nakadipa ang mga kamay nating mga payak at ng mga tunay na “Moises” sa ating bayan? May pag-asa pa kaya ang mga maliliit at mahihirap na patuloy na nakatungo at hiyang-hiyang nakikibahagi sa takbo ng lipunang Pilipinong pinamumugaran ng mga palalong madudulas ang dila at mapaglaro ang mga maduduming isipan? Sa isang sitwasyong lahat na lamang ata ng nangyayari ay nauuwi sa bakbakang political ng mga maalam at mapagsamantala, tila nanghihinawa ang balana … nananabang.

Ito ang masamang balita ng ating pagka-Pilipino sa ating panahon. Nguni’t naparito tayo sa simbahan (o sa prayer meeting) upang pag-usapan ang magandang balita. Hindi tayo pinagkakaitan ng Diyos ng magandang balitang ito. Malinaw pa sa bukang liwayway ang turo ng ating mga pagbasa: “Ang panalangin ng mga dukha ay nanunuot sa alapaap; hindi ito tumitigil hanggang sa marating ang kanyang pakay” (Unang pagbasa).

Sumagot tayo sa magandang balitang ito nang buong taginting: “Dinidinig ng Panginoon ang pagtangis ng mga dukha” (Salmong Tugunan). Nguni’t may isang uri ng kadulasan ng dila na wasto at hindi dapat natin makaligtaan – ang matimyas na pagtanggap ni Pablo sa katotohanang hindi maipagkakaila. Ito ay may kinalaman sa kanyang pagpupuri sa Diyos na siyang tunay na nag-aangat sa taong mabababa, at nagbibigay luwalhati sa mga taong walang angking kakayahan. Ito ang kadakilaang hindi inangkin bagkus ipinagkaloob … Ito ang katanyagang hindi ipinangangalandakan at ipinagmamakaingay.

Ito ang katotohanang kaloob ng Diyos, at hindi ginawa ng tao lamang – ang pagtanggap ni Pablo sa luwalhating bunga ng kanyang pagiging masunurin at katapatan sa paglilingkod: “Pinakaingatan ko ang aking pananampalataya. Mula ngayon ay naghihintay na lamang ako ng korona ng kabanalan na ipuputong sa akin ng Panginoon, bilang makatarungang hukom” (Ika-2 pagbasa). Ito rin ang isang uri ng pagyayabang na sagot natin sa ating pananabang.

Ito ang magandang balita tungkol sa kadakilaan ng pagiging mababa ang loob, at hindi mapaghanap sa kung ano ang makapag-aangat at makapagsusulong sa kani-kaniyang makasariling balakin. Ito ang kadakilaan ng isang kobrador ng buwis na walang atubiling tinanggap ang totoo tungkol sa kaniyang sarili: “O Diyos, maawa ka sa akin, isang makasalanan” (Ebanghelyo).

Lubhang nahirati at namihasa ang lipunan natin sa kapalaluan. Lahat ng nagaganap ay nagiging isang bunong braso ng mga matataas at makapangyarihan. Sa kanilang kayabangan at kasiguraduhan, napapasa isang-tabi ang tanging may-akda ng lahat ng uri ng kadakilaan at kaluwalhatian – ang Diyos na Siyang karapat-dapat sa lahat ng luwalhati at kadakilaan. Dito dapat magsipagdulasan ang ating mga dila. Dito dapat sa larangang ito lumutang ang hindi lamang madudulas, bagkus matitingkad, na mga katagang karapat-dapat ipatungkol sa Diyos. Dito dapat lumutang ang wasto at karapat-dapat na pagyayabang na patungkol sa Panginoon. “Ang Panginoon ay magliligtas sa akin sa lahat ng masasamang banta at maghahatid sa akin nang matiwasay sa kanyang makalangit na kaharian. Sa kanya nawa ay mapunta ang luwalhati magpasawalang hanggan. Amen.”

Palso na ang Pariseo, palalo pa. Ang kobrador ng buwis ay payak na, mapitagan pa, makatotohanan, at mababa ang loob. Madulas ang dila ng pariseo sa kaniyang pagpuri sa sarili. Madulas din ang dila ng payak, tapat, at puno ng pitagang taga-kolekta ng buwis sa pagbibigay-luwalhati sa Diyos. Ang una ay palso at palalo. Ang ikalawa ay payak at nag-uumapaw sa kaluwalhatiang hindi para sa kaniya, kundi patungkol tanging sa Diyos. Siya lamang ang karapat-dapat sa inaangkin ng palalo. Siya lamang ang tanging nakikinig sa panaghoy ng mga dukha. Dahil sa Kaniya, hindi tayo nananabang bagkus nagyayabang. Purihin Siya at pasalamatan.