frchito

Posts Tagged ‘Homiliya sa Simbang Gabi’

MAGANDANG BALITA SA PAMILYA

In Uncategorized on Disyembre 22, 2014 at 22:35

Malachi Saint-John-the-Baptist-web

Ika-8 Araw ng Simbang Gabi

Disyembre 23, 2014

MAGANDANG BALITA SA PAMILYA

Hindi natin maitatanggi na ang pamilya ay nagdaranas ng sari-saring pagsubok sa ating panahon. Una sa lahat, hirap ang pamilya na manatiling magkaisa ngayon. Si Tatay ay nagtatrabaho sa Saudi, o si Nanay ay nanunungkulan o naninilbihan sa HongKong o Italya o saanman sa buong Europa. Si Kuya o si Ate ay nasa Singapore o nasa Korea.

Pangalawa, ang uso na siyang kalakarang namamayaning saloobin at isipin, na batay sa tinatawag na “tolerance” ay nagtuturong maski ano puede, basta’t
happy ka. Basta’t masaya ka, wala sinumang makapagkokondena … sabay batbat pa ng isang quote na mula kay Pope Francis: “Who am I to judge?” (kahit ang puno at dulo o konteksto ay malayo sa konteksto na nasa isip ng marami ngayon!)

Pangatlo, iba na ang pamilya dahilan sa iniba na rin ang definisyon ng kasal. Hindi na ito isang kontratang pang habambuhay, kundi isa lamang partnership, na puedeng mawala o magbago ng mga alituntunin, anumang oras.

Ang kasal, bagama’t isang institusyong natural, ang kanyang hugis at anyo ay nababalot na ng isang anyong hindi na ayon sa kalikasan. Iba-iba nang gawang makataong element ang bumabalot sa kasal.

Nguni’t sapagkat ang Diyos ang may akda nito, kaisahan at pagniniig ang natural dito, hindi hidwaan o pagtutungayaw.

Nais kong isipin na isa ito sa mga padaplis na paksa ng pagbasa, lalu na sa unang pagbasa. Ayon sa pangako ni Propeta Malakias, “darating ang pinakahihintay na sugo at ipahahayag ang aking tipan.” Pero ang kanyang pagdating ay may tahasang pakay: “para humatol at dadalisayin niya ang mga saserdote, tulad ng pagdadalisay sa pilak at ginto, upang maging karapat-dapat sa Panginoon.”

Isang institusyong makatao na dapat dalisayin ang kasal, ang pagsasama ng babae at lalake ayon sa balak ng Diyos, bilang isang pagniniig sa pag-ibig sa harapan ng Diyos at tao. At isa sa mga bunga nito ay ang pagdadalisay rin sa pamilya, na nabahiran na rin ng hidwaan bunga ng kasalanan. Hatid ng kasalanang ito ang kawalang kapanatagan sa isa’t isa, o kawalan ng wasto at malalim na pagniniig, tulad ng pakikipagniig ng Diyos sa kanyang bayan.

Ito ang magandang balita para sa mga pamilyang naririto ngayong umaga: “Muling magkakalapit ang loob ng mga ama’t mga anak.”

Harinawa, O Panginoon! Halina, Panginoon, halina!

MAGNIFICAT: DI LANG AGOS NG DAMDAMIN!

In Uncategorized on Disyembre 21, 2014 at 21:40

magnificat-88f4e

Ika-7 Araw ng Simbang Gabi

Disyembre 22, 2014

DI LANG AGOS NG DAMDAMIN

Bulalas ng puso ang panalangin ni Maria … nag-uumapaw na papuri, naghuhumiyaw na kagalakan, at nagsusumikat na pag-asa!

Kailan ka huling bumulalas ng pasasalamat at papuri? Lahat tayo ay nagdadaan sa pagkakataong hindi natin matiis kundi maghumiyaw sa galak, lalu na’t malaking biyaya ang ating tinanggap. Nakikita ko ito sa facebook nang malimit … mga taong nagpapasalamat sa Diyos sapagka’t pumasa sa eksamen para makapasok sa magandang escuela sa college … mga taong nag-aasam makapag-abroad na tumanggap ng isang alok ng trabahong pinakamimithi … mga biyayang inaasam, pero di inaasahan.

Ito ang Magnificat! Ito ang dakilang papuri ni Maria! Sino nga ba naman siya upang kasihan ng Diyos at pagkalooban ng isang natatanging biyaya na maging Ina ng sanggol na galing mula sa kaitaasan?

Pareho ang pinagdaanan ni Ana at ni Maria … pareho silang nagsilang ng sanggol na hindi inaasahan. Pareho silang nagpadala sa tuwa at nagpasalamat.

Isang aklat ni Louis Evely ang isa sa mga una kong binasang libro noong ako ay 16 na taong gulang. Isang linya sa kanyang panulat ang hindi makatkat sa aking kalooban: “Kung wala kang dapat ipagpasalamat sa Diyos, wala ni isang hiblang ka-kristiyanuhan sa iyong katawan.”

Itong diwa ng dakilang pasasalamat ang ating tugon sa unang pagbasa: “Diyos kong tagapagligtas, pinupuri kitang wagas!”

Sa ating panahon, maraming tao ang wala nang nakikitang dahilan upang magpasalamat. Ang lahat ay parang inangkin na nilang para sa kanila. Mataas ang tinatawag na “sense of entitlement.” Ang lahat ay parang karapatang dapat ipagkaloob sa kanila. Dapat ako ipasa ng mga guro sapagka’t nagbabayad ako ng tuition, kahit na hindi ako nag-aaral. Dapat akong bigyan ng bahay ng gobyerno, kahit na wala akong anumang puhunang personal. Ang mga bata ay hindi dapat parusahan o paluin o pagsabihan man lamang ng mga matatanda, sapagka’t hindi dapat masaktan ang kanilang damdamin.

Marami pang ibang halimbawa sa buhay natin na puede natin idagdag dito. Ito ang dahilan kung bakit ang tawag ng mga paham sa ating panahon ay “age of narcissism,” at kay rami nang mga bata ang lumalaking narcisista o makasarili.

Ang pasasalamat ay nagmumula at nag-uugat sa pagpapahalaga. Wala tayong pasasalamatan kung hindi natin pinahahalagahan ang anuman.

Ito ang buod ng panalangin ni Maria ang Magnificat. Kinilala niya ang dakilang habag ng Diyos. Kinilala niya ang pabor na ipinagkaloob sa kanya: “Sapagka’t nilingap niya ang kanyang abang alipin … At mula ngayon, ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi, dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan!”

Subali’t isang malaking pagkakamali na isiping walang ibang ibig sabihin ito kundi pagpapahayag lamang ng matimyas na damdamin. Hindi ito isang pagbubuhos lamang ng laman ng puso. Ito ay ay isang pagpapahayag ng marubdob na adhikaing dapat rin nating bigyang-pansin.

Ano ba ang adhikaing ito? Tingnan lang natin ang ginawa ni Maria. Nagtatakbo patungo sa pinsan niyang si Elisabet. Hindi lang siya nagpadala sa damdamin, gaano man kalakas ang nilalaman ng puso … nagsikap, nagpagal, naglingkod, tumabang kay Elisabet.

Ito ang ganap na diwa ng Magnificat. Hindi lamang ito buhos ng damdamin. Ito rin ay pagpapahayag ng kagustuhang maging daan ng pagbabago, maging tulay ng pagkakawang-gawa, at lagusan ng biyayang minimithi ng kapwa, ng bayan, ng lipunan.

Dalawang araw na lamang at tapos na naman ang Simbang Gabi. Busog na naman ang puso natin at tiyan sa araw ng Pasko. Maghihintay pa ba tayo ng sunod na Simbang Gabi upang gumanap sa tungkulin nating “busugin ang nagugutom at ipangalat ang mga palalo ang isipan?”

Sinimulan na ni Maria. Ang tanging dapat natin gawin ay tumulad, sumunod, at gumawa!