SIMBANG GABI 2015 Ika-8 Araw
Disyembre 23, 2015
[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]
TUWID NA DAAN O PATAG NA DAAN
Medyo nagsawa na ako sa katagang tuwid na daan. Halos araw-araw ay narinig ko sa mga nagdaang taon. Hindi ko sinasabing hindi ito tama. Wala tayong dapat pag-awayan sa konsepto ng tuwid na daan.
Sa katunayan, daan ang paksa ng mga pagbasa ngayon. At daan ang naging imahe ng paghahanda sa pagdatal ng Manliligtas. Ito ang paksa ng pagbasa mula sa hula ni Propeta Malaquias.
Ang puno at dulo ng mensahe ni Malaquias ay ito: Isusugo ng Diyos ang isang tagapaghatid na maghahanda ng kanyang daraanan. Di magluluwat at siya ay darating.
Naghihintay na naman ang ating bayan para sa pagbabago. Ilang dekada na tayong naghihintay ng pagbabago. Tuwing magkakaroon ng bagong pinuno, ang puso ng bawat Pilipino ay puno ng pag-asa na darating ang tunay na pagbabago.
Subali’t ilan na ang nagdaan. Ilan ang nangako. Ilan na ang nagpasimula ng kung ano-anong slogan. Pero magpahanggang ngayon ay luma pa ring kalakaran ang namamayani.
Meron kayang kulang sa tuwid na daan, daan ng pagbabago, daan ng katuparan o patag na daan? Isa itong malaking palaisipan para sa lahat.
Kung ating titingnan ang nilalaman ng mga pangakong binitiwan ng mga propeta, hindi daan ang binibigyang-pokus, kundi ang mensaherong maghahanda sa daraanan ng Panginoon. Hindi nangako ang Diyos sa pamamagitan ng propeta ng isang bagong highway, o bagong MRT or LRT, kundi ng isang taong magliligtas sa mga tao, hindi sa mga kalye.
Ang ibig sabihin nito ay napakasimple. Hindi ang daan ang dapat baguhin kundi ang mga gumagawa ng daan, tuwid man o baluktot o patag o baku-bako. Sa ibang salita, ang pagbabago ay napapaloob sa konsiyensya at kamalayan muna ng tao, bago ito mailatag sa kalye, sa buhay, sa gobyerno o sa lipunang pangkalahatan.
Dito ngayon tayo papasok lahat. Ang daan ay hindi mahalaga. Pero ang maghahanda sa daraanan ang mahalaga. Ang tao, hindi ang kanyang kasuotan o kabahayan ang dapat bigyang-diin. At matuwid man o lapat man ang daan, kung ang kalooban o moralidad ng tao ay baluktot, ay wala pa rin tayo mararating.
Posible ba kaya itong aking sinasabi?
Iyan ang mahalagang turo ng Banal na Kasulatan. Hindi perpekto si Samuel. Hindi perpekto si Hannah, si Zacarias, na kaya napipi ay hindi lubos na nagtiwala. Walang sinuman sa Biblia ang isinilang na santo. Wala sinuman sa namuno sa Israel ang nagising na banal. Pero ang lahat ay nagbago, nagsikap, nagpunyagi, at nagtagumpay sa tulong ng biyaya ng Diyos.
Kasama rito si Zacarias at si Elizabet. Kasama sila sa mga nagsikap, nakinig, sumunod at naging daan ng pagbabago.
Tayong lahat ay mahina, marupok, madaling lumimot. Tayong lahat ay isinilang na may bahid ng kasalanan. Pero ito ang tandaan natin.
Tulad ni Juan Bautista ay inaasahan tayo maging daan, maging daluyan ng pagbabago. Hindi na kailangang umasa pa sa isa pang muling mangangako na padadakilain niya ang bayan natin.
Hala! Mag-a la Juan Bautista rin tayong lahat. Ihanda ang daraanan ng Panginoon. Huwag na tayong magtalo kung tuwid ba o lapat, basta’t ang mahalaga ay wasto, tapat, patag ay hindi baluktot.